No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, March 1, 2010

Kumot

Naalala ko noong anim na taong gulang pa lang ako, gabi-gabi bago matulog kinukuwentuhan ako ni Ate ng mga bagay na nangyari sa kanya sa maghapon. Bigla-bigla na lang siyang papasok sa kuwarto ko para bulabugin ako.

Grade six si ate noon. Kahit hindi ko man gaano naiintindihan, aliw na aliw ako habang pinakikinggan ang kinukuwento niya tungkol sa mga kaklase niya o kaya naman ay mga ginawa nila sa school. Ang saya kasi ng mukha niya kapag nagkukuwento.

Lagi niya akong hinahalikan sa pisngi bago matulog, tapos ay kinukumutan. Minsan tinatanggal ko iyon, pero binabalik niya rin. Ang sabi niya para di ako lamigin. Pagkatapos, kakantahan niya ako hanggang sa makatulog ako.

Isang gabi bago matulog, inaasahan kong pupuntahan ako ni Ate para kuwentuhan pero hindi yun nangyari. Tinanong ko si mama kung nasaan si Ate. Ang sabi niya'y hindi pa umuuwi. Nawili siguro sa paglalaro. Pinasundo niya na nga kay papa sa school kanina pa, pero gabi na at wala pa rin sila. Nahihirapan sigurong maghanap si papa. Sabi kasi ni Ate magaling siyang maglaro ng tagu-taguan.

Kinabukasan, ganoon na naman ang nangyari, wala pa rin si Ate. Kung di ako nagkakamali, tatlong araw din ang lumipas bago ko siya nakitang muli. Galing si papa sa labas at pinagmamadali niya kaming maghanda. Pumunta kami nina mama at papa sa isang lugar na hindi ko alam. Sabi ni mama mamamasyal daw kami, pero mukhang hindi naman pasyalan ang lugar na pinuntahan namin.

Sa silid na pinasukan namin, doon ko nakita si Ate. "Ate!" sigaw ko nang makita siya. Nakahiga si Ate. Dali-dali akong lumapit sa kanya kasi sabik na akong makita siya. "Ay tulog," sabi ko nang makita ko siyang nakapikit.

Linggo naman ngayon pero naka-school uniform pa rin si Ate. Medyo marumi na nga ang damit niya. Siguro kung saan-saan na naman siya nagsuot. Sabi niya kasi ang hilig niyang maglaro pagkatapos ng klase. Punit nga rin ang uniform niya. Sumabit siguro sa paglalaro niya.

Bigla na lang umiyak si mama. Napalingon tuloy ako at napatingin sa kanya. Yakap-yakap siya ni papa. "Shhhh!" sabi ko sa kanila, baka kasi magising si Ate sa ingay nila. Ayaw pa naman niyang naiistorbo pag natutulog siya. Balik ang paningin ko kay Ate. Ginaya ko ang ginagawa niya sa akin pag oras na ng tulugan. Hinalikan ko siya sa pisngi. Nang ginawa ko iyon, naramdaman kong ang lamig niya. Hinawakan ko ang kamay niya, malamig nga, malamig din.

"Mama, nilalamig si Ate," sabi ko kay mama. Nakakita ako ng kumot sa isang tabi. Kinuha ko iyon at ikinumot ko kay Ate. Lumakas lalo ang pag-iyak ni mama na sinabayan din ni papa.

No comments:

Post a Comment

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly