***
Acceptance
Nag-ayos si Ellie ng gamit kinagabihan nang mapansin niyang parang may kulang. Lumabas siya sa kuwarto at nadatnan sa sala si Neri na may kausap sa telepono.
“Ate Neri, nakita mo yung Red Cross I.D. ko?” tanong niya rito.
“Red Cross? Hmm. Hindi.”
Paalis na si Ellie nang tawagin siya ni Neri, “A Ellie, nag-text pala yung classmate mo.”
Kinuha ni Ellie ang cell phone ni Neri na nakapatong sa lamesita. “Nag-reply ka?” tanong niya.
“Alam mo, gusto ko sana siyang replyan kaso ‘wag na lang. Sino ba talaga iyan?” usisa ni Neri.
“Gaya nga ng sabi mo, ‘di ba? Classmate ko. Wala ka nang malalamang ibang impormasyon,” sagot ni Ellie habang binabasa at binubura ang text messages ni Benjo.
“Asus! Manliligaw mo iyan, ano?”
“Hindi ko siya manliligaw at wala sa bokabularyo ko ang salitang LIGAW.”
Ibinalik na ni Ellie ang cell phone. Tumalikod na siya pero tinawag na naman siya ni Neri. “Little sister!” Lumingon siya. “Huwag kang maglilihim sa akin ha?” Tumango si Ellie.
“Promise?” tanong ni Neri.
“Totoo ako sa mga salita ko.”
Tuluyan nang umalis si Ellie. Natuwa na naman si Neri sa kanyang narinig. Noong gabing iyon, hindi naman makatulog si Benjo. Lagi na lang pumapasok sa isip niya si Ellie. Kanina nga, ang tingin niya sa mukha ng yumao niyang ina nang tingnan niya ito sa litratong nakalagay sa kanyang pitaka ay ang mukha ni Ellie.
“Aaargh! Hindi ako makatulog!” pagmamaktol niya. Napagbalingan niya ang cell phone niya at sa ganitong oras ng gabi at nagpadala siya ng text message kay Ellie.
Ellie gcng p u?
Nagulat naman si Neri nang tumunog ang kanyang cell phone at may nag-text ng ganitong oras. Binasa niya ito,
Ellie gcng p u?
Ha2! Gcng kpa nga!
2log n nga. 2log n xa. Ate ni Ellie 2.
Ay! Sori po. Cge gud nyt po.
Kinaumagahan, pansin ni Ellie na parang hindi nakatulog nang maayos si Benjo. Tinanong niya kung anong oras ito natulog.
“Alas tres ng madaling araw,” sagot ni Benjo.
“Alas tres!” gulat na gulat si Ellie.
“Hindi kasi ako makatulog kaiisip sa iyo,” sabi ni Benjo habang naghihikab.
Binuklat ni Ellie ang hiniram niyang libro sa library at sinabing, “Puro ka kalokohan.”
“Ellie, may tanong ako.”
“Ano yun?” tanong ni Ellie habang nililipat ang pahina ng libro.
“Nagka bf ka na ba?”
Napakunot-noo si Ellie, “Bf? Anong bf?”
“Naman! Bf hindi mo alam?”
“E sa hindi ko alam, pasensya ka.”
“Bf… Bf as in boyfriend.”
Patuloy si Ellie sa pagbabasa, “Puro kalokohan iyang mga pinagtatatanong mo. Wala akong interes sa mga ganyang bagay. May tanong rin ako, Benjo.”
“Ano yun?”
“Ikaw ba noong high school ka, nakakuha ka ng 96 sa card?”
“A, ako? Ang pinakamataas siguro na nakuha ko ay 90, sa Music.”
“So, hindi ka pa nakakuha ng 96?”
“Hmm. Hindi pa. Bakit mo natanong?”
“Kung ano ang sagot mo sa tanong ko, yun din ang sagot ko sa tanong mo.”
Nagsisisigaw si Benjo nang magtungo siya sa tambayan. Hatid niya ang isang balita sa kanyang mga kabarkada. Inilapag niya muna ang kanyang mga gamit sa isang tabi.
“Mga parekoy! Ito talaga! Grabe na ito! As in! Talaga! Hay grabe! Ang saya-saya ko! Woohoo!”
“Ano ba iyang sasabihin mo?” tanong ni Chad. “Ituloy mo na kasi.”
“Ahaha! Alam ninyo kasi, mga tsong. Ano kasi e,” hindi maituloy ni Benjo ang kanyang sinasabi dahil sa sobrang tuwa. “Mga pre…”
“Ano???” sabay-sabay na tanong nina Chad, Duncan at Reed. Nakikinig lamang si Ivan.
Sandaling katahimikan.
“Mga pre… I think I’m in love!”
“Gunggong ka!” iritang sabi ni Reed sabay batok kay Benjo.
“Aray, kuya! Bakit mo naman ako binatukan?”
“Ang dami mong paliguy-ligoy tapos ang sasabihin mo lang pala e ‘I think I’m in love’?”
“Bakit? Anong masama sa sinabi ko?”
“Kanino ka naman in love?” tanong ni Duncan.
“Sa classmate ko!” pagmamalaki ni Benjo.
“Wooshoo! High school na high school ang dating a! Ano naman ang hitsura?” tanong ni Reed. Binulungan niya si Chad, “Syempre ang sasabihin niya maganda.”
“Ahehe, oo nga,” tugon ni Chad.
“Syempre maganda…” sagot ni Benjo.
Siniko ni Reed si Chad, “O kitam?” Pasimple namang tumawa si Chad.
Nagpatuloy si Benjo. “…mahaba ang buhok at may suot siyang salamin e,” paglalarawan niya.
“Nerd?” ang salitang biglang lumabas sa bibig ni Reed.
“Uy, Kuya Reed, anong nerd ang sinasabi mo riyan?”
“E nakasalamin.”
“Hindi siya nerd, mahilig lang siyang magbasa ng libro,” depensa ni Benjo.
“Hindi raw nerd pero mahilig magbasa ng libro edi nerd nga!”
Nagtawanan sina Chad, Duncan at Reed. Napipikon na si Benjo, “Sige! Mang-asar pa kayo!”
“Hula ko ‘insan, wala siyang alam sa rock music or kahit na anong music.”
Galit na si Benjo, “Wala kayong paki! Tigilan ninyo na nga ako!” Kinuha niya ang mga gamit niya at umalis.
“Hu! E ikaw nga kinukuwestyon mo yung pamomroblema ni ‘van kay Trish, ngayong ikaw ang inaasar, nagagalit ka!” kantyaw ni Reed. Tawa nang tawa ang tatlo. Tumayo si Ivan. “Aalis ka, ‘van?” tanong ni Reed. Umalis si Ivan na hindi man lang sinasagot ang tanong ni Reed.
Sa kabilang dako, hindi mapakali si Ellie dahil may nawawala sa kanyang mga gamit. Kaya naman naisipan niyang magtungo sa Lost and Found Section ng Unibersidad.
“Excuse me, miss,” paumanhin niya. “My Red Cross I.D. is missing. I was just wondering if you could help me. If it was here…”
“Natatandaan ko ngang may nagdala ng I.D. dito kahapon. Just a minute and I’ll get it.”
Ilang sandali pa ay naibigay na kay Ellie ang nawawala niyang I.D. Tuwang-tuwa siya at nagpasalamat.
“Puwede pong malaman kung sino ang nakapulot?”
Tumingin ang babae sa log book, “Hmm. Si Ivan Alvarez.”
Pag labas ni Ellie sa Lost and Found, napaisip siya, “Sino kaya yung Ivan Alvarez na yun?”
Dumaan si Ivan sa Music Hall at pumasok sa Piano Room. Naalala na naman niya si Trish. Umupo siya, hinawakan ang mga tiklado (keys) ng piano at sinariwa ang nakaraan.
“Dati, dinadalaw ko pa siya rito. Habang tumutugtog siya ng piano, pinagmamasdan ko siya. Masayang-masaya siya habang tumutugtog…”
“Sinasabi ko na nga ba’t nandito ka,” si Reed ang nagsalita. “Si Trish na naman ba?” Tahimik lang si Ivan. “Wala rin namang mangyayari kung patuloy mo siyang iisipin. Hindi naman sa pinapahina ko ang loob mo.”
Umupo si Reed sa tabi ni Ivan at inakbayan ang kaibigan, “Alam mo kasi, si Trish, sosyalera yan e! Kung paano siya kumilos, magsalita, manamit. Oo, naging kayo nga pero naisip mo bang hindi lang ikaw ang lalaki sa buhay niya?”
Ipinagtanggol ni Ivan si Trish, “Huwag mo namang pag-isipan ng masama si Trish.”
“Hindi ko siya pinag-iisipan ng masama, pre. Ang akin lang naman kasi, artista siya. Marami siyang kilala riyang mga lalaking mataas ang katayuan sa buhay, maraming pera, maraming kotse. Alam mong hindi tayo ganun, ‘van.
“Ipinakilala ka niya sa mga magulang niya at hindi ka nila nagustuhan. Anong ginawa? Nilayo si Trish, papalipatin daw ng eskwelahan. Nasaan na siya ngayon? Wala na! Nawala na lang bigla!
“Ang tatay mo na driver nila rati, pinatalsik sa trabaho. Gugustuhin mo bang ang pamilya ng babaeng mahal mo ay hindi gusto ang pamilya mo? Na hindi tanggap ang katayuan ninyo sa buhay? Mag-isip ka nga, pre.”
Mukhang natatauhan na si Ivan sa mga sinasabi ni Reed sa kanya. Oo nga, mahirap lang sila at si Trish ay isang bituing napakahirap abutin. Wala siyang maibibigay na materyal na bagay rito, maliban lang sa kanyang pagmamahal. Subalit sapat kaya ito?
“Sinasabi ko ito para sa kapakanan mo, ‘van. Pero ikaw, kung magmamatigas ka at kung ipagsisiksikan mo pa rin ang sarili mo, bahala ka.”
“Hindi na,” napag isip-isip ni Ivan.
“Anong hindi na?” tanong ni Reed, naguguluhan sa kung ano man ang ibig sabihin ni Ivan.
“Susundin ko ang mga sinasabi mo… Na kalimutan si Trish…”
Nakitaan ng isang ngiti si Reed, “Tama! Ganyan nga! Alam mo kasi, ‘van, maraming babae riyan na mas bagay sa iyo! Ngayon natauhan ka na?”
“Oo,” sagot ni Ivan. Isang ngiti rin ang nakita sa mukha niya.
Hinalikan ni Reed sa pisngi ang kaibigan, “I love you, pre!”
“Kadiri ka!” pinunasan ni Ivan ang kanyang pisngi at nagtawanan ang magkaibigan.
***
No comments:
Post a Comment