***
A Lesson of Love
Bumuhos ang malakas na ulan noong hapong iyon. Ang iba sa mga estudyante ay may klase pa. Ang mga walang payong at pauwi na ay nakatayo sa waiting shed, nagpapatila ng ulan. Ang iba naman, nakisukob sa kakilala. Ngunit may isang pinili ang maglakad sa gitna at sabayan ang pagbuhos ng ulan. Marahil ay upang itago ang lungkot na nararamdaman.
“Ganitong-ganito yun. Unang araw ng klase, malakas ang ulan nang una kong makilala si Trish. Sa kanya umikot ang mundo ko. Siya ang babaeng una kong minahal at siya ang babaeng huli kong mamahalin…” Tumingin si Ivan sa langit, “Bakit ba may mga taong pilit na naglalayo sa atin?”
Samantala, iritang-irita naman si Ellie sa kanyang katabing lalaking kanina pa nangungulit.
“A Ellie, ano ba ang cell phone number mo? Ibigay mo na kasi para naman pag-uwi ko sa bahay matext kita o ‘di kaya naman e pagkagising ko, bago ako pumasok sa school, lunch time, bago ako matulog. Sige na naman o!”
Kumuha si Ellie ng papel at isinulat ang cell phone number na hinihingi ng lalaki, “O ayan, Benjo! ‘Wag ka nang maingay, makinig ka na lang sa prof ha!”
Tuwang-tuwa naman si Benjo, “Thank you, Ellie!” at hinalikan niya ang papel na ibinigay ni Ellie.
Nang matapos ang klase ay nagsilabasan na ang lahat. Nagmadaling lumabas si Ellie. Halatang iniiwasan niya si Benjo na panay ang sunod sa kanya.
“A, Ellie,” hirit ni Benjo.
“Ano na naman?”
“Uhmm. Puwede ba kitang ihatid sa inyo?”
“Ha? Ok ka lang?”
“Gusto ko sanang ihatid ka. Gusto kong makilala yung pamilya mo.”
“Anong pinagsasasabi mo? Hindi puwede, magagalit si big sister!”
“Big sister? Sino yun? Kapatid ni Big Brother?”
“Si big sister ang ate ko!”
“A sige, Ellie. Ganito na lang, sabay na lang tayong mag lunch bukas.”
“Ayoko, pupunta pa ako sa library.”
“Kumain ka kaya muna bago ka pumunta sa library?”
“‘Wag ka na lang kasing makialam!”
“A alam ko na! Sasamahan na lang kita sa library.”
Iniwan na naman ni Ellie si Benjo. Sumigaw nga ng malakas si Benjo, “Sa ngayon binabaliwala mo ako pero hahanap-hanapin mo rin ako, Ellie!”
Sa labas naman ay naghihintay si Neri at may dalang payong. Nagmadali si Ellie na lumapit sa kanya.
“Big sister, kanina ka pa ba? Pasensya ka na ha? May lalaki kasing nangungulit sa akin.”
“Lalaki? Sino?” tanong ni Neri.
“Classmate ko. Hinihingi nga yung number ko. Ibinigay ko yung sa iyo.”
Natawa si Neri, “Haha! Ngayon, mayayari siya! Halika na, little sister, uwi na tayo.” Naglakad na ang dalawa.
“Susunduin ba tayo nina mama at papa?” tanong ni Ellie.
“Hindi, makikisabay tayo kay Marcus.”
Samantala ay nakarating na si Ivan sa kanilang bahay. Basang-basa siya ng ulan. “Nandito na ako,” bungad niya.
Nagkagulo ang kanyang mga kapatid. “Uy! Si kuya nandiyan na!” sigaw ng pangatlo sa magkakapatid, si Alex. At nang makita nilang basang-basa ng ulan ang kanilang kuya, inutusan ni Iris, ang pangalawa sa magkakapatid, ang iba pa, “Dali! Ikuha ninyo ng tuwalya si kuya!”
Nagtungo sila sa sala. Inabot ni Iris ang tuwalya, “Kuya, bakit naman nagpakabasa ka sa ulan? Hindi ka man lang nagdala ng payong.”
Ayaw nang makarinig ni Ivan ng sermon kaya’t pumasok na siya sa kuwarto at nagbihis ng damit. Mukhang may malalim na namang iniisip. Sinundan siya nina Iris at Alex.
“Matutulog ka na, kuya?” tanong ni Iris.
“Oo, pagod na pagod ako,” sagot ni Ivan. “Kayo muna ang magluto,” pakiusap niya.
“Sige kuya, kami na lang ni Ate Iris ang bahala rito,” pagpiprisinta ni Alex. “Matulog ka na.” Ipinikit na ni Ivan ang kanyang mga mata.
Dumating na naman ang isang panibagong araw. Maririnig ang huni ng ibon na nagtatalunan sa sanga ng puno malapit sa bintana ni Ellie. Bumangon siya. Nasa hapag-kainan na pala ang kanyang mga magulang.
Inalok siya ni Arthur, “Hmm. ‘Nak, kain na!”
“Si big sister?” agad niyang itinanong.
“Nasa banyo, naliligo,” sagot ni Leda sabay higop ng kape.
Umupo na si Ellie. Nang itataas niya na ang kubyertos, lumabas si Neri sa banyo, namumugto ang mga mata.
“May problema ba, big sister?” tanong ni Ellie. Umiling si Neri.
Nasa ayos na ang lahat. Nag-usap muna sina Neri at Ellie sa labas habang hinihintay ang kanilang mga magulang.
“A may nag-text nga pala sa iyo, Ellie. Yung kaklase mo yata ito.” Ibinigay ni Neri ang cell phone nang sa gayon ay mabasa ni Ellie ang message.
Gud mrning Ellie!
Ingat s pgpsok ha?
I love you!
Napakunot ng noo si Ellie, “I love you?”
“Kagabi pa iyan text nang text tapos miss call nang miss call. Hindi ko na nireplyan, wala ako sa mood.”
“Ate Neri, may problema ka ba?”
Nangingilid ang luha sa mga mata ni Neri. “Namimiss ko lang si Trish,” sagot niya. Ngumiti siya, “Ano ka ba, Ellie? Huwag mo nga akong tingnan ng ganyan!”
“Nagtataka lang ako. Ngayon lang kasi kita nakitang malungkot.”
“Nalulungkot din naman ako paminsan-minsan. Syempre, tao rin naman ako.”
Dumating na sina Arthur at Leda. “Come on, kids,” yakag ni Arthur at sumakay na sila sa kotse.
Nang marating na nila ang Unibersidad, bago maghiwalay ang magkapatid ay pinangaralan ni Neri si Ellie, “Alam mo, Ellie, ok lang naman na magkaroon ka ng boyfriend.”
“Ayoko,” sagot kaagad ni Ellie.
“Siguro nasasabi mo iyan ngayon pero darating yung panahong makararamdam ka ng kalungkutan. Kung sino man ang lalaking mapupusuan mo, siguraduhin mong hindi ka niya sasaktan o paiiyakin man lang.
“Siguraduhin mong mamahalin ka niya at ganun ka rin dapat sa kanya. Pero kung yung lalaking mapipili mo ay hindi magagampanan yun, puwede ka pa namang makahanap ng iba.
“Kahit makasampu ka, ayos lang yun. Pero ang mga lalaki, pare-pareho lang iyan, ngayon mahal ka nila, bukas hindi na. Sabagay, ganyan din naman ang mga babae.”
“Bakit mo sinasabi iyan?” naguguluhang tanong ni Ellie.
“Wala naman. May masabi lang,” at tumawa si Neri. “Sige, una na ako, mamaya aabangan uli kita pero pag hindi mo ako nakita, sumabay ka na lang kay Marcus.”
***
No comments:
Post a Comment