***
Burst of Emotions
Patulog na sila. Nakahiga sa kama si Benjo, malalim ang iniisip, nang mapansin siya ni Reed.
“Benjo,” tawag nito. Tumingin si Benjo sa kanya. “Busted ka, ano?” hindi nito napigilang tumawa.
“Ewan,” tinakpan ni Benjo ng unan ang kanyang mukha.
“Yung Eliza San Luis pala, kapatid ni Neri, ano?”
“Ano naman?”
“Wala lang.” Tumawa si Reed, “Haha! Bakit kasi sa dinami-rami ng magaganda at seksing chicks sa University, siya pa ang natipuhan mo? Sana naman pumili ka ng nakikita yung legs, ‘insan.”
Tinanggal ni Benjo ang unan sa kanyang mukha, “At sino? Si Neri?”
“Hindi ko naman sinabing si Neri ha…”
“Kuya Reed, bakit nga pala kayo nagbreak?” usisa ni Benjo.
“Wala ka na dun!” Hinampas ni Reed ang unan sa kanya. “Matulog ka na nga, tsismoso ka,” pinatay niya na ang lampshade.
Bago ipikit ang mga mata, kinuha ni Benjo ang kanyang cell phone at tinext si Ellie.
Gud nyt bstfr3nd… Sori s nsb
q knna. =c
Kinaumagahan, may nakitang note si Benjo sa kanyang locker.
Mag usap tayo mamaya.
--Ellie
Nang magpunta si Benjo sa classroom, naroon na si Ellie.
“Ang tagal mo yata,” sabi nito. Nag-usap sila sa corridor habang wala pa ang prof.
Huminga nang malalim si Benjo. “Ellie, sor—” naputol ang kanyang sinasabi nang magsalita si Ellie.
“Sorry nga pala, Benjo,” sabi nito. “Sorry kung iniwan kita kahapon. Alam mo, hindi kasi ako sanay ng ganoon. Noong grade school at high school ako, wala akong close friends lalo na mga kaibigang lalaki. Ngayon nga lang ako nagkaroon ng bestfriend e! Alam kong mali talaga ang ginawa ko. Pasensya na.”
“Ako nga ang dapat na humingi ng sorry. Baka kasi isipin mong sinasamantala ko ang pagiging magkaibigan natin.”
“Hindi naman ako ganun mag-isip. Benjo, ayaw kitang paasahin o saktan. Ang gusto ko lang kasi ay maging magkaibigan tayo. Yun lang at wala nang hihigit pa doon.”
Umalingawngaw sa tainga ni Benjo ang mga sinabi ni Ellie.
Ang gusto ko lang kasi ay maging magkaibigan tayo. Yun lang at wala nang hihigit pa doon…
Yun lang…
wala nang hihigit pa doon…
wala nang hihigit pa doon…
“Ibig sabihin, hindi kita puwedeng ligawan?”
“Hindi. Maraming bagay ang mas mahalaga kaysa pag-ibig. Ang unang priority ko ay ang pag-aaral ko. Sana maintindihan mo.”
Sobrang sakit ang naramdaman ni Benjo. Ang babaeng mahal niya… Hanggang magkaibigan na lang pala sila.
“May practice mamaya sa choir. Huwag mo na akong hintayin,” bilin ni Ellie.
At natapos ang kanilang pag-uusap.
“Hay buhay… Parang life…”
Iyan ang nasambit ni Benjo. Mag-isa siya sa tambayan at lungkot na lungkot. Dumaan si Ivan.
“Anong nangyari sa iyo? Bakit parang Biyernes Santo yang mukha mo?” pansin nito.
“Wala na!” ang may hinanakit na pagkakasabi niya.
“Anong wala na?” naguluhan si Ivan.
“Si Ellie kasi… Hindi niya ako gusto,” napabuntong-hininga siya. Tinanong niya si Ivan, “Paano mo ba napasagot si Trish?”
Nag-isip ang binata, “Si Trish? Hmm. Naging mabuti ako at maalaga sa kanya, ganun.”
Para sa kanya, wala ring kwenta ang sagot ni Ivan kaya naisip ni Benjo na ibahin na lang ang usapan.
“May practice ba kayo sa choir?” tanong niya.
“Meron. Kaso yung gitara ko wala e, nasira. Baka manghiram na lang ako dun.”
“Ba’t nasira?”
“E pinukpok ko sa ulo ni Lex.”
“Anong nangyari? Nag-away kayo ni Lex?”
“Kasi ganito yun, pre, noong may audition sa choir, gabi na rin ako nakauwi. Itong sina Lex pinagtangkaan si Ellie,” paliwanag ni Ivan.
Nagulat si Benjo, “Pinagtangkaan? Teka tsong, ipaliwanag mo nga!”
“Ayun nga, hinarang nila si Ellie tapos tinutukan ni Lex ng patalim. Natakot ako para sa kanya kaya gumawa ako ng paraan.”
Nang marinig ni Benjo iyon, pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib. Naisip niyang kaya naman pala ganun si Ellie kay Lex noong nagkasalubong sila papunta sa clinic ay may ginawa pala itong masama kay Ellie.
“Bakit ‘di man lang sinabi ni Ellie sa akin yun? Kala ko ba kaibigan niya ako?” pagtatampo niya.
Pumunta siya sa Music Hall at pumasok sa isang silid. Ginamit niya ang drum set. Sa pamamagitan nito ay inilabas niya ang sama ng kanyang loob. Gusto niyang sumigaw, gusto niyang magwala. Pakiramdam niya ay napakamalas niya ngayong araw.
Nang matapos ang kanyang pagtugtog, may pumalakpak: si Ellie. Nang makita ang nakangiting mukha ng babaeng minamahal, para bang naglaho ang lahat ng galit na kanyang nararamdaman. Nagkaroon sila ng masinsinang usapan sa labas ng Music Hall.
“Bakit hindi mo man lang sinabi sa akin?” tanong ni Benjo.
“Alam ko kasing pag sinabi ko sa iyo, mag-aalala ka lang. Ayokong pag-alalahanin ang mga tao sa paligid ko.”
“Alam ni Neri?”
“Naku, hindi! Wala akong pinagsabihang kahit na sino. Mabuti na nga lang talaga at dumating si Ivan, niligtas niya ako…” namula ang mukha ni Ellie. “Tumakbo nga kami! Nakakakot sila.”
“Oo,” sang-ayon ni Benjo. “At ang papangit pa.”
Tumawa si Ellie. Ito ang unang beses na narinig ni Benjo ang kanyang pagtawa. Gumaan tuloy lalo ang kanyang pakiramdam. Hindi niya na maalis ang kanyang paningin sa babaeng ito… Sa babaeng unang nagpatibok ng kanyang puso.
“Benjo,” tawag ni Ellie. “Salamat dahil naging kaibigan kita.”
Kaibigan… Ouch…
“Sana hindi ka magbago sa akin ngayon pa’t nalaman mo ang nararamdaman ko para sa iyo, Ellie,” hiling ni Benjo.
“Hinding-hindi, Benjo.”
Palubog na ang araw. Pinagmasdan nila ito. Ilang oras pa ay mawawala na ang kulay gintong liwanag na nagmumula rito. Katahimikan ang tangi nilang naging usapan hanggang sa may naalala si Benjo.
“‘Di ba may practice pa kayo, Ellie?”
“Oo, hinihintay ko si Ivan. Sabay raw kami pumunta roon sabi niya.”
“A, ganun ba?”
Maya-maya pa’y dumating na si Ivan kasama si Reed.
“Hi, Ellie!” bati ni Reed. Binulungan niya si Ivan, “Feeling close e, no?”
Pinakilala ni Benjo ang dalawa kay Ellie pero kilala na naman ni Ellie si Ivan.
“Ay Ellie, si Kuya Reed nga pala, pinsan ko. Siya yung vocalist ng banda namin. Tapos si Ivan ang guitarist.”
“At si Benjo naman ang tagapunas ng pawis namin,” pagbibiro ni Reed.
“Sira ulo ka talaga, kuya!”
Pumasok na sina Ivan at Ellie sa Music Hall.
“Bakit ba kasi sabay pa sila?” tanong ni Benjo.
“Selos ka naman!” Tinitigan siya ni Benjo. “O ‘insan, bakit ganyan ang tingin mo?” tanong ni Reed. Matapos ay binulungan siya nito. “O?” reaksyon niya. Bumulong uli si Benjo. “Mmm. Mukhang masaya yan…”
Isang nakakalokong ngiti ang nakita sa mukha ni Reed.
***
No comments:
Post a Comment