Sentiments
Isang pangkaraniwang araw. Nasa library sila nang mapansin ni Ellie ang kamay ni Benjo.
“Kahapon pa yata wala ang singsing mo, Benjo.”
“A, oo nga e! Nawala kasi ni Kuya Reed, nakakainis nga,” halata ang pagkainis sa tono ni Benjo, gayundin ang kalungkutan.
“E ano pa ang silbi ng singsing ko kung wala nang kapareha?” may kalungkutan din sa tinig ni Ellie. Oo nga naman, ano ang silbi ng isang bagay na walang kapareha?
“Bili na lang kaya tayo ng bago?” mungkahi ni Benjo.
“Huwag na!” tanggi ni Ellie.
Lumabas sila sa library at pumunta sa Lover's Lane. Ito yung lugar sa likod ng Unibersidad na madalas puntahan ng mga magkasintahan. May inilabas na maliit na supot si Ellie nang makaupo na sila sa bench.
“Ano iyan?” tanong ni Benjo.
At sa supot na iyon ay inilabas ni Ellie ang dalawang kwintas. “Pinagawa ko ito,” sabi niya. “Ang kwintas na ito ay espesyal, Benjo, sapagkat ang pagbibigyan ko nito ay espesyal din.”
“Biyak na hugis ang puso nito a!” pansin ni Benjo nang kunin niya ang isa.
“Oo. Isa sa iyo at isa sa akin. Dalawang biyak na puso ngunit kung pagdidikitin natin,” pinagdikit nila ang dalawang kwintas, “Ang dalawang biyak na puso ay magiging isa.”
Naging buong hugis-puso ang kwintas at may nakaukit dito: “Benjo & Ellie”. Matutuwa na sana si Benjo kaso sa nabasa niyang “bestfriends forever” para bang nagunaw ang mundo niya.
“Ayoko yatang tanggapin iyan ha,” sabi niya.
“Bakit naman?” pagtataka ni Ellie. Mukhang ‘di nagustuhan ni Benjo ang kwintas, nakakatampo naman.
Huminga nang malalim si Benjo, tumingin kay Ellie na maluha-luha ang mata at nagwika,
“Palagi na lang ba akong masasaktan ha? Palagi na lang ba akong aasa? Sabihin mo nga sa akin, ano bang meron si Ivan na wala ako? Ano bang nakita mo sa kanya na hindi mo nakita sa akin? Ano ba ang espesyal sa gagong iyon?”
“Benjo, ano ka ba? Tumigil ka nga riyan!” awat ni Ellie pero patuloy pa rin sa pagsasalita si Benjo, parang walang narinig.
“Bakit ba ako baliw na baliw sa iyo? Bakit sa dinami-rami ng babae ikaw pa ang tinitibok ng tangang puso ko?” Tumulo na ang mga luha niya, “Bakit hindi mo ako kayang mahalin? Bakit kaibigan lang ang tingin mo sa akin?”
Hinalikan siya ni Ellie nang sa gayon ay matigil na siya. YES! Sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ni Benjo na mahalikan si Ellie. Totoo nga ba talaga ito? Hindi siya makapaniwala at maya-maya'y may narinig siyang bumubulong. Mahina sa una ngunit kalauna'y lumakas, bulong na naging sigaw.
“Benjo, gising na!!! Male-late ka na!”
Dumilat siya at nakita ang mukha ni Reed. Kinuha niya ang kanyang unan at itinakip ito sa mukha niya. “Kahit kailan talaga, panira ito ng kaligayahan,” bulong niya.
“Hoy, Benjo! Bangon na!”
Kinamot ni Benjo ang ulo niya, halata ang pagkainis, “Oo na! Ang ganda-ganda ng panaginip ko e! ‘Kakaasar naman o!”
Bumangon na siya, nagmadaling naligo, nagbihis, kumain ng almusal at nagsipilyo. Pag labas nila ng bahay ay nakita niya ang skateboard ni Chad.
“Bakit nandito ito?” tanong niya.
“Iniwan niya iyan kagabi.”
Abot tainga ang ngiti ni Benjo, “Puwede kong gamitin? Hindi ko naman sisirain e!”
“A, o sige, bahala ka,” sagot ni Reed. Kinuha ng kanyang pinsan ang skateboard at nauna nang umalis. “Hoy, Benjo! Kumag! Hoy hintayin mo ako!” sigaw niya ngunit nawala na sa paningin niya ang pinsan.
Ibang daan ang tinahak ni Benjo. Hindi niya nga alam kung ano ang nagtulak sa kanya upang dumaan sa lugar na ito. Sa ‘di kalayuan ay may tatlong lalaki at mukhang pinagkakatuwaan ng mga iyon ang isang babae.
“Miss naman, gusto lang naman naming makipagkilala sa iyo e!” ang sabi ng una.
“Pasensya na,” paumanhin ng babae. “Wala akong panahon sa ganito. Male-late na ako kapag hindi pa kayo umalis sa dinadaanan ko.”
“Ang sungit mo naman!” sabi ng ikalawa. “Sabihin mo na kasi kung ano ang pangalan mo.”
“Hoy kayo!” sigaw ni Benjo. Napatingin ang mga lalaki sa kanya. “Anong ginagawa ninyo?” tanong niya.
“Benjo!” sigaw ng babae, halata ang kagalakan. Patakbo siyang lumapit kay Benjo at nagtago sa likuran nito.
“Alis na nga tayo,” yakag ng ikatlong lalaki at umalis na nga sila.
Naging panatag na ang loob ng babae. Buti na lang at dumating si Benjo kundi baka napaano na siya.
“Ayos ka lang, Iris?” tanong ni Benjo nang makaalis na ang mga lalaki. Si Iris ang ikalawa sa anim na magkakapatid na Alvarez. Kapatid siya ni Ivan.
“Oo. Buti na lang at dumating ka. Maraming salamat,” pagpapasalamat ni Iris.
“Bakit kasi mag-isa ka lang na naglalakad dito?”
“May shortcut kasi dito papunta sa school. E ikaw? Anong ginagawa mo rito?”
“Ako? Ewan, namamasyal. Sige, una na ako. Ingat ka.” Pinaandar na ni Benjo ang skateboard. Nakatitig lang si Iris sa kanya hanggang sa mawala na siya.
Nagsimula na ang klase sa Unibersidad. Nang pumasok ang prof nila (ang prof na nakahuli kay Benjo nang siya ay gumagawa ng sulat para kay Ellie ay guro pa rin nila hanggang ngayon), ay naghatid ito ng isang balita. Ang Unibersidad daw ang magsasagawa ng isang maiksing Christmas Play para sa Christmas Program. Dalawang linggo na lang ay isasagawa na ang palatuntunang iyon.
“Ang palabas na ito ay alay sa mga batang kapus-palad. So, magkakaroon tayo ng mga batang visitors dito mula sa mahihirap na pamilya. After that, mamimigay ng goods. Sa ngayon ay nagpapa-audition ang Drama Club for the said play so for those interested students, there will be an audition this afternoon at the Auditorium. I hope na pupunta kayo sa audition.”
Mukhang interesante ang Christmas Play na iyon kaya naman tinanong ni Benjo si Ellie kung interesado ba siya rito.
“Mag au-audition ka ba, Ellie?” tanong niya nang naglalakad sila papunta sa sunod na klase.
“Sino naman ang nagsabing marunong akong umarte? Hindi ko forte iyan, Benjo.”
“Ayan ka na naman e! E kung mag-audition kaya tayong dalawa, ano sa tingin mo? Wala namang masama kung susubukan natin, ‘di ba? Wala namang mawawala sa atin.”
Nag-isip si Ellie, “Hmm. O sige na nga. Pero bago tayo mag-audition, kumain muna tayo ng lunch at tanungin na rin natin si Ate Neri. Mahilig kasi siyang sumali sa mga ganyan.”
“O sige!” tugon ni Benjo.
Oras na ng tanghalian at magkakasama sina Reed, Ivan, Neri at Trish sa cafeteria. Sinusubuan pa nga ni Trish si Ivan.
“Baby, kain ka na,” paglalambing niya. Halatang naiirita si Ivan; hindi nito ibinubuka ang bibig niya.
Natatawa naman si Reed. “Parang tanga!” isip niya.
“Hi, Ate Neri!” bati ni Ellie nang pumasok sila ni Benjo sa cafeteria.
Patuloy na sinubuan ni Trish si Ivan. Ang motibo niya'y inggitin si Ellie. Hindi naman maiwasang mapansin siya ni Ellie.
“Aba, nakakuha na pala ng yaya si Ivan,” pang-aasar nito.
Nagtawanan ang lahat. Nainsulto si Trish at ibinaba ang kutsara. “Anong gusto mong iparating diyan sa sinabi mo ha, Ellie?” tanong niya.
Nagsalita si Reed, “Ang nais niyang iparating e OA ka! May kamay naman iyang boyfriend mo, sinusubuan mo pa. Hindi mo ba nakikitang naiirita na siya sa iyo?”
Tumayo si Trish. “I'm leaving!” galit niyang sinabi. “Baby, let's go!” yakag niya kay Ivan ngunit hindi ito kumilos. “What? Are you deaf, Ivan? I said let's go!”
“Sige, mauna ka na. Susunod na lang ako,” sagot ni Ivan.
Inis na inis si Trish. Kinuha niya ang kanyang Louis Vuitton na bag at padabog na naglakad palabas.
“Hay buti, nawala na ang impakta,” isip ni Ellie. “Puwede kaming umupo rito?” tanong niya.
“Sige lang,” sagot ni Reed at umupo na sina Ellie at Benjo.
“May problema, Ellie?” tanong ni Neri.
“A, wala naman,” sagot ni Ellie. “Itatanong ko lang sana kung mag au-audition ka para sa Christmas Play? Balak kasi naming sumali ni Benjo.”
“Hindi. Hindi ako mag au-audition. Little sister, ako ang sumulat ng script at saka marami na akong experience sa ganyan. Kayo na lang.” Tinanong ni Neri si Ivan, “Ikaw ba, Ivan? Hindi ka mag au-audition?”
Nagulat si Ivan, “Ha? Ako? Bakit ako?”
“Oo nga, ‘van, alam kong may hidden talent ka sa acting. Mag-audition ka na rin,” pambubuyo ni Reed. “Ikaw, si Ellie, si ‘insan —kayong tatlo! Malay ninyo mapili kayo,” pang uuto niya.
At noong tanghaling iyon, nag-audition ang tatlo. Swerte namang napili sila. Si Benjo sa minor role at sina Ellie at Ivan para sa leading role. ‘Di nila alam na kinuntsaba ni Neri ang Direktor.
“A siyanga pala, may kissing scene, little sister,” sabi ni Neri nang pauwi na sila.
Nabigla si Ellie, “Kissing scene?! Christmas Play may kissing scene?”
“O bakit? Hindi naman nawawala yun.”
“Si Ivan ang leading man ko! Ate Neri, ayoko na. Mag ba-back out na ako!”
Nagalit si Neri sa pag-iinarte niya, “At kailan ka pa natutong sumuko? Ikaw ba talaga iyan? Nabago lang ang outfit mo, pati yata pagkatao mo nabago na. Parang hindi na ikaw ang kapatid ko a!” Natameme si Ellie.
Hindi dinalaw si Ellie ng antok kinagabihan. Hindi siya mapakali sa kanyang higaan. Naibigay na sa kanila ang script at bukas ay may practice sila agad. Walang oras na dapat sayangin sapagkat dalawang linggo lang ang bibilangin ngunit kapag naiisip niya ang sinabi ni Neri na may kissing scene ay pinanghihinaan talaga siya ng loob. E ano naman kaya ang problema? Hindi naman ito ang unang pagkakataong makatatanggap siya ng halik mula kay Ivan, ‘di ba?
Kinabukasan, noong umaga, ay nakita ni Ellie na mag-isa si Ivan sa tambayan. Tumutugtog ito ng gitara. Nilapitan niya ito at binati. Hindi inaasahan ni Ivan ang kanyang pagdating. Napabalikwas tuloy siya sa kinauupuan.
“Ikaw pala, Ellie. Kumusta na?”
Ang tanong ni Ivan na “Kumusta na?” ang labis na ipinagtaka ni Ellie.
“Ha? Ok lang naman ako. Bakit naman ganyan ang tanong mo? Para namang hindi tayo nagkikita rito sa University.”
“Upo ka,” alok ni Ivan at umupo silang dalawa. “Nabasa mo na ba yung script?” tanong niya.
“Hindi pa e, babasahin ko na lang mamaya.”
“Nakapagtataka ka naman! E yung mga komplikadong libro sa library nababasa mo samantalang yung gawa ni Neri na script, ‘di mo magawang basahin.”
Bahagyang ngumiti si Ellie, “Oo nga e!”
Nakatingin si Ivan sa mukha ng dalaga. Ang ngiting iyon, kay tagal din niyang hindi nakita...
“Na-miss kita,” sambit niya.
Tumingin si Ellie sa kanya, wari ba'y nagtataka. Napansin ni Ivan ang mga mata niyang kay ganda at walang halong pambobola, siya'y nagwika,
“Ang ganda pala ng mga mata mo. Ngayon ko lang napansin.”
Tumawa si Ellie, “Haha! Ang lakas mo namang mambola!”
“Hindi ako nambobola,” diretsong sagot ni Ivan.
Sandaling katahimikan. “Dugdug dugdug,” ang tunog ng tibok ng puso ni Ivan. Nag-ipon siya ng tapang at nagsalita,
“Alam mo, pag may practice tayo sa choir, pag tumutugtog ka ng piano, madalas kitang makitang nakangiti. Pero ngayon, bihirang-bihira na lang.”
Tumingin si Ellie sa ibaba, halata sa kanyang kilos na ikinalulungkot niya ang mga sinasabi ni Ivan.
“Tapos, madalas tayong mag-usap noon. Araw-araw nagtatawanan, araw-araw nagbibiruan, araw-araw masaya ako. Pero ngayon, alam mo, nababawasan na rin ang ngiti ko.”
Tila naluluha si Ivan habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. Ang magandang kuwento ng pag-ibig nila ni Ellie ay bigla na lang nagwakas nang dumating si Trish. Siya'y nagpatuloy sa kanyang mga sinasabi, pinipigilang maluha nang sa gayon ay hindi siya magmukhang kahiya-hiya sa harap ni Ellie na hanggang ngayo'y nakitingin pa rin sa ibaba.
“Buti na nga lang at kasama ko palagi itong gitarang ito.” Hinawakan niya ang gitara. “Pag tumutugtog ako, pakiramdam ko'y hindi ako nag-iisa. Pag hawak ko ang gitara ko, parang hawak na rin kita. Pag kasama ko ang gitara ko, parang kasama na rin kita. Alam mo, mahal ko ang gitarang ito dahil ikaw ang nagbigay nito, ‘di ba? At sampung beses ng pagmamahal na iyon ang pagmamahal ko para sa iyo, Ellie.”
Nakalalambot ng puso ang bawat salitang namumutawi sa bibig ni Ivan at para bang lalong nasasaktan si Ellie sa mga salitang kanyang binibitawan.
“Ivan, aalis na ako,” paalam ni Ellie. Tumayo siya at iiwas na naman kay Ivan ngunit hinawakan nito ang kanyang kamay na para bang ang nais iparating ay “Huwag, dito ka lang. Huwag mo akong iwan.”
“Sa bawat pag alis mo, dinadala mo ang puso ko. Masakit sa kalooban ko ang bawat paalam na sinasabi mo,” sentimiyento ni Ivan.
Tinanggal ni Ellie ang kamay ni Ivan mula sa pagkakahawak sa kanya at tumakbo papalayo. Naiwan na naman si Ivan mag-isa ngunit gaya nga ng sabi niya, kapag kasama niya ang kanyang gitara ay parang kasama niya na rin si Ellie na kanyang sinisinta.
***
No comments:
Post a Comment