Nagkayayaan ang grupo ng kalalakihan na nasa isang sulok ng Unibersidad.
“Tara na! Mahuhuli na tayo sa klase e!” yakag ni Chad, ang isa sa grupo. May kabuntot siyang dalawang lalaki. Nagpaalam na siya sa dalawa pa nilang kasamahan; kung bibilangin ay lima lahat sila. “Reed, Ivan, una na kami ha!”
“Sige!” tugon ni Reed.
Umalis na ang tatlong lalaki pero ‘di nagtagal, humiwalay rin ang isa sa kanila kaya’t magkasamang naglakad ang dalawa sa grupo.
Si Reed ang pinakasikat na miyembro ng grupo. Siya ang bokalista ng kanilang banda. Matangkad siya. Sa lahat siya ang pinaka may hitsura. May kaputian ang kulay ng kanyang balat at may tattoo siya sa kanang braso na pigura ng isang babae.
“Ano iyang binabasa mo?” tanong ni Reed kay Ivan.
Si Ivan. Siya naman ang gitarista ng grupo. Kayumanggi ang kulay ng kanyang balat, tahimik at may malalim na personalidad. May mga pagkakataon ring gusto niyang mapag-isa. Nagmula siya sa isang dukhang pamilya at siya ang panganay sa anim na magkakapatid. Magkasingtaas sila ni Reed at sa grupo, sila ang pinakamalapit sa isa’t isa.
“Yung huling sulat sa akin ni—”
Hindi na pinatapos pa ni Reed ang sinasabi ni Ivan. “A ok,” wika nito.
“May pupuntahan ka ba mamaya, Reed? Hmm. Pagkatapos ng klase?” tanong ni Ivan.
“Diretso uwi ng bahay,” sagot ni Reed. “Bakit?”
“Wala. O sige, mauuna na ako.”
“Aalis ka na rin?”
“Oo. Ingat na lang, pre.” Umalis na si Ivan.
Sa isang tabi, nagkakaroon naman ng diskusyunan sina Neri at Ellie.
“Sigurado kang kaya mong mag-isa? Alam mo kasi, Ellie, binilin ka sa akin ni papa.”
“Big sister, kaya ko na. Ano ka ba? Hindi na ako bata.”
“O sige na nga. Basta pag may kailangan ka, tawagan mo na lang ako. You know my digits, right?”
“Yeah, no problem,” sagot ni Ellie.
Bago maghiwalay, hinalikan ni Neri ang kapatid sa pisngi. “Take care, ok?”
“I will,” tugon ni Ellie na may ngiti sa mga labi.
Nakatayo lang si Ellie. Tinitingnan niya ang bawat sulok at palapag ng Unibersidad, kinakausap niya ang sarili at nagmumuni-muni.
“Ang ganda rito! Ilang students kaya ang nag-aaral dito? Ilang teachers ang nagtuturo? Ilan ang pasok sa Dean’s List? Ilan ang courses?”
Samantala, kanina pa pala siya tinitingnan ng isang lalaking mukhang kilala rin sa Unibersidad at tatawagin na lang nating “Benjo”.
Umubo ito, “Ehemm! Excuse me, miss,” at nakuha ang atensyon ni Ellie.
“Bakit? May kailangan ka?” tanong ni Ellie.
“Hindi ba’t ako ang dapat na magtanong niyan? Freshman ka rin siguro.” Lumapit ito kay Ellie. “Need help? Ako nga pala si Benjamin Rico Salas. Tawagin mo na lang akong Benjo,” pagpapakilala nito.
Inabot ni Benjo ang kanyang kanang kamay upang makipagkamay kay Ellie pero tinitigan at binaliwala lang siya nito. Ngumiti na lamang si Benjo.
“A miss, ano ang pangalan mo?” tanong niya.
“Ellie,” sagot ni Ellie.
“Nice meeting you, Ellie,” nakangiting sabi ni Benjo.
“Ok. Pasensya na, wala kasi akong panahon sa mga ganito. Hahanapin ko pa ang classroom ko.”
“Baka gusto mong samahan kita sa paghahanap?” alok ni Benjo.
“Bakit?” tanong ni Ellie.
“A, wala lang! Gusto ko lang sanang makatulong.”
“Ang pag-alis mo sa aking harapan ay isa nang malaking tulong. Salamat,” wika ni Ellie. “Kung ayaw mo naman at kung wala ka nang sasabihin, ako na lang ang aalis,” dagdag niya.
“A hindi! May sasabihin pa ako!” Nakatingin si Ellie sa kanya, naghihintay ng sunod niyang sasabihin. “Alam mo ba Ellie na… ang ganda mo?”
“A talaga? Hindi ka nakakatuwa!” At tuluyan na ngang iniwan ni Ellie si Benjo.
Ngumisi si Benjo, “Bakit ba ang sungit niya? E talaga namang maganda siya. Hay mga babae talaga!”
Mga yabag ng paa ang maririnig. Nasa harap ng isang bulletin board si Neri nang tabihan siya ng isang lalaki. Hindi niya na tiningnan kung sino ito, mukhang kilala niya na.
“Neri, puwede ba kitang makausap?” pagbabaka-sakali ng lalaki.
Kinuha ni Neri ang kanyang earphones, inilagay niya sa kanyang tainga at umalis. Sinundan siya ng lalaki at paulit-ulit na tinawag ang kanyang pangalan.
“Neri, please naman o!” pagmamakaawa ng lalaki at sumusunod ito sa kanya na parang isang aso.
Nairita na si Neri. Tinanggal niya ang earphones sa kanyang tainga at pagalit na nagwika, “Tigilan mo nga ako, Ivan, puwede?”
Hindi natinag si Ivan. “Please! Gusto ko lang naman kasing malaman kung nasaan si Trish,” pakiusap niya.
“Hindi ko alam, wala akong alam at kung may alam man ako, hindi ko sasabihin sa iyo!”
“Bakit ba ganyan kayo? Bakit inilalayo ninyo siya sa akin? Ano bang nagawa ko?” tila naghahanap siya ng kasagutan.
“Ivan, maganda si Trish, mayaman. Ang pamilya nila ay may magandang katayuan sa lipunan. Hindi kayo bagay!”
“Hindi bagay? Dahil ba mahirap lang kami? Dahil artista siya? Yun ba ang basehan ng pagmamahal, Neri? Pag hindi ka mayaman, hindi ka bagay sa mayaman? Pag hindi ka artista, hindi ka bagay sa artista? Yun ba? Ha Neri? Madadala ba ang kayamanan sa langit? Mabibili ba ng pera ang kaligayahan? Ang pag-ibig?”
“Ivan, tanggapin mo na lang na wala na si Trish! Isipin mo na lang na hindi mo siya nakilala! Ganun kasimple!”
“Madali lang siguro para sa iyo ang magsalita ng ganyan pero kung ikaw siguro ang nasa kalagayan ko, baka grabeng sakit ang maramdaman mo. Pasensya na, ‘wag kang mag-alala, hindi na kita guguluhin pa. Salamat na rin sa mga sinabi mo.”
Umalis si Ivan, bigo ang puso at mukhang wala nang pag-asa. Wala rin naman pala siyang napala sa pakikipag-usap kay Neri.
Para bang tumigil ang oras at si Neri ay napaisip, “Trish, nasaan ka na nga ba talaga?”
***
hala nakakatuwa ang kwento i really like it
ReplyDelete