***
Unsung
“Nasa ospital? Anong nangyari?” may halong pag-aalalang tanong niya.
“Nabugbog daw. Sina Reed at Benjo ang nakakita. Nakahandusay nga raw. Sila na rin ang nagdala sa ospital,” pahayag ng isang miyembro ng kanilang grupo.
“E kumusta naman daw siya?”
“‘Di nga namin alam, pupuntahan nga namin ngayon. Ano sasama ka?” tanong ng isa.
Nagtungo ang grupo sa ospital at nakita ang kaawa-awang kalagayan ni Lex. Bali ang mga buto ng binata at napakaraming sugat sa katawan. Wala siyang malay, nasa coma at hindi alam kung kailan magigising. Maaaring bukas, sa isang linggo, sa isang buwan, sa mga susunod na buwan, taon, o maaaring ‘di na magising.
Nakipag-usap si Cliff kay Reed nang magkaroon siya ng pagkakataon. Kasama ni Reed si Benjo noong mga sandaling iyon.
“Pre, aaminin ko sa iyo, may balak kaming gawin nito ni Benjo diyan kay Lex,” pagtatapat ni Reed. “Kaso pre, ayun naunahan na pala kami.”
Isang palaisipan kung sino ang bumugbog kay Lex dahil napakarami niyang kaaway pero isa lang ang nasisiguro ni Cliff: mata sa mata, ngipin sa ngipin.
Kumalat sa buong Unibersidad ang balita at ang mala “hero” na ginawa nina Reed at Benjo ay umani lalo ng maraming fans.
“Nakakaawa naman siya, Benjo,” ang may halong lungkot na sabi ni Ellie.
“Naawa ka dun e tingnan mo nga ang ginawa niya sa iyo. Ang karma talaga, digital na. Pero oo, sabagay, nakakaawa nga. Bali-bali ang buto, duguan, basag ang mukha. Nasa coma pa siya ngayon! Hay...”
Hinampas siya ni Ellie ng libro, “Tumigil ka nga riyan, Benjo. Puro ka kalokohan.”
Araw ng Linggo. Day off ng mag-asawang Daniel at Isabel. Paalis na si Mang Daniel pero may pahabol si Ellie.
“Mang Daniel!” tawag niya. May ibinigay siyang papel, isang resibo, “Pakibigay po ito kay Ivan. Pakisabi pong pumunta siya sa JB Music at ipakita niya iyan. Nakalagay naman diyan ang address ng JB Music.”
Sinunod naman ni Mang Daniel ang bilin ni Ellie at ibinigay niya kaagad ang resibo kay Ivan.
“Ano pong gagawin ko rito ‘tay?” ang napapakamot na naitanong ni Ivan.
“Binigay ni Ma’am Ellie iyan. Pumunta ka raw sa JB Music at ipakita mo iyan. May address daw riyan.” Siniko niya ang anak, “Ivan ha, close pala kayo ni Ma’am Ellie. Baka kung ano na iyan.”
“Tay naman...”
Nagpasama si Ivan kay Reed sa pagpunta sa sinasabing address sa resibo. ‘Di naman nagpahuli si Benjo, sumama na rin siya.
“Saan tayo pupunta?” tanong niya pa.
“Huwag ka nang magtanong, ‘insan. Sumunod ka na lang,” sabi ni Reed.
Nang makarating na, agad na lumapit si Ivan sa counter. “A excuse me po, may nagpapunta kasi sa akin dito. Ang sabi ay ipakita ko raw ito.” Ibinigay niya ang papel sa tindero. Umalis ang tindero at nang bumalik, may dala nang gitara, nasa case pa.
“A-Ano ho ito?” tanong ni Ivan.
“Iyan po yung purchased item ninyo.”
Manghang-mangha si Ivan gayundin ang magpinsan. Lumabas na sila sa tindahan at naghanap ng mauupuan.
“Buksan mo na,” utos ni Reed.
Binuksan na ito ni Ivan at tumambad sa kanya ang isang bago, mamahalin at napakagandang gitarang kulay asul.
“Wow! Pre, ang ganda!” nasabi niya. ‘Di maipaliwanag ang sayang nararamdaman ni Ivan.
“Pre o, may sticker pang ‘Ivan’,” pansin ni Reed. May sticker na pangalan ni Ivan ang nakadikit.
“Tsong, ang ganda!” masayang pagkakasabi ni Benjo. “Kanino galing?” tanong niya.
“A, kay Ellie,” sagot ni Ivan. ‘Di maialis sa kanyang mukha ang isang malaking ngiti.
Para bang gumuho ang mundo ni Benjo sa narinig.
“Pre, hindi nga? Kay Ellie galing iyan?” tanong ni Reed. “How thoughtful naman niya pre, how Goldilocks! E bakit ka naman niya binigyan niyan?” tanong uli niya.
“Kasi po, Kuya Reed, si Ivan ang nagligtas kay Ellie. Mahabang kuwento,” singit ni Benjo.
“A ganun? Benjo, paano ba iyan? Inggit ka, no?”
“Hu! E bakit naman ako maiinggit?” tanong nito. May naisip si Benjo, “Ivan, kung puntahan kaya natin si Ellie sa bahay nila? Tapos magpasalamat ka?”
“Oo nga ano!” tugon ni Ivan.
Sumalungat si Reed, “Oi Benjo, anong puntahan si Ellie ang sinasabi mo?”
“Magpapasalamat nga si Ivan, Kuya Reed.”
“E magkikita naman sila sa University ha!”
“Hu! ‘Wag mong sabihing natatakot ka kay Neri, kuya?”
“Reed, puntahan na lang natin si Ellie,” pakiusap ni Ivan.
“Ay mga tsong! Alam ko ang address ng bahay nila,” excited pa si Benjo.
Piningot ni Reed ang pinsan, “A ganun, Benjo? Alam mo? Hmm. Mamaya ka sa akin.”
Makalipas ang isang oras, natunton na nila ang bahay ng Pamilya San Luis.
“Kuya Reed, ang laki pala ng bahay ng ex mo!” manghang-mangha si Benjo.
Kinainis ni Reed ang pagkakasabi ni Benjo ng salitang “ex”. Nabatukan tuloy niya ang pinsan.
Maganda ang bahay ng Pamilya San Luis. Kulay puti ang pintura ng bahay, napakalinis tingnan, mababa ang bakod at alagang-alaga ang bermuda grass.
“O pre, tama na,” awat ni Ivan.
Sumilip-silip sila. Biglang lumabas si Neri na may dalang wireless telephone. Nang makita nina Reed at Ivan si Neri, nagtago sila. Samantalang ang makulit na si Benjo ay ‘di nakuntento at tinawag pa si Neri.
“Neri! Neri!”
“Hoy! Gago ka, Benjo, ‘wag mong tawagin!” pabulong na sigaw ni Reed.
Pero matigas ang ulo ni Benjo. “Neri! Neri!” muli niyang pagtawag.
“Kumag talaga ‘tong Benjo na ‘to!” napakamot ng ulo si Reed.
Nanlaki ang mga mata ni Neri nang makita si Benjo. Lumapit siya rito at nagtanong, “Kutong lupa ka, anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman ang bahay namin?”
At si Benjo, ni hindi man lang pinansin ang mga tanong ni Neri, ay nakuha pang magpacute, “Si Ellie?”
“At bakit?”
“E gusto ko siyang makita.”
“Wala! Umalis! ‘Di na babalik!”
Pagkasabi ni Neri nun, lumabas si Ellie. Nakita niya si Benjo at lumapit siya patungo rito.
“Bestfriend, anong ginagawa mo rito?” tanong niya.
Hindi makapaniwala si Neri, “Little sister, bestfriend mo itong kutong lupa na ito?”
“Oo ate,” sagot niya. “Mag-isa ka lang?” tanong niya kay Benjo.
“A hindi, kasama ko sina Ivan at Kuya Reed.”
Lumabas na sa pinagtataguan ang dalawa. Nang makita ni Neri si Reed, nag-iba ang timpla niya. Hindi naman makatingin si Reed sa kanya.
“Pasok na ako,” malungkot na sabi ni Neri at siya’y umalis.
Pinatuloy na ni Ellie ang tatlo. “Gusto ninyong pumasok sa loob?” tanong niya.
“A hindi na, Ellie!” sabi ni Reed. “Dito na lang tayo. Kaya lang naman kami nagpunta rito kasi may sasabihin si Ivan,” siniko niya si Ivan.
“A Ellie, salamat nga pala rito,” ipinakita nito ang gitara.
“Nakuha mo na pala.”
“Oo. Alam mo, ‘di ko talaga inaasahan ito.”
“Kabayaran ko iyan sa nasirang gitara mo.”
“Sabi ko naman, ‘di ba, ‘wag mo nang intindihin yun? Pero… salamat talaga.”
Masayang nagkuwentuhan ang apat samantalang si Neri, nandoon sa loob ng kuwarto niya, nag-iisa. Maya-maya’y may narinig siyang naggigitara. Walang dudang si Ivan iyon. Matapos, ang boses na matagal-tagal na rin niyang hindi naririnig.
“From the moment I met you I just knew you'd be mine…”
“Bwisit…” bulong niya.
Ito ang madalas na kantahin ni Reed sa kanya noon, ang Best in Me ng Blue. Patuloy si Reed sa pagkanta.
“You touched my hand and I knew that this was gonna be our time…”
Naiinis si Neri sapagkat naaalala tuloy niya ang nakaraan nilang dalawa.
“I don't ever wanna lose this feeling…”
Pero hindi niya nasabi sa pamilya niya na nagkaroon siya ng kasintahan.
“I don't wanna spend a moment apart…”
Si Reed ang unang lalaki sa buhay niya, ang unang lalaking minahal niya.
“'Cos you bring out the best in me, like no-one else can do…”
Kung bakit sila naghiwalay, ayaw niya nang pag-usapan pa.
“That's why I'm by your side…”
Pero aminado siya, hanggang ngayon mahal niya pa rin si Reed. Ayaw niya lang ipakita…
“And that's why I love you…”
***
No comments:
Post a Comment