***
An Unforgettable Melody
Naglalakad si Reed sa mall nang may makita siyang kumpol ng tao. Nakiusyoso siya at kitang-kita niya…
“Si Trish!”
Nagulat siya. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang kasintahan ni Ivan. Hinahawi ng bodyguards ni Trish ang mga tao. Prinoprotektahan nila ang kanilang amo.
“Hihingi lang kami ng autograph!” sigaw ng mga nagsisiksikang tao.
Nakasuot ng shades si Trish at ang palagi niyang outfit, mini skirt at sleeveless. Sa hitsura niya, mukhang nagtatago siya at umiiwas sa mga tao. Marahil ay natatakot na baka may makakita sa kanyang kakilala niya. Sa kanyang tabi ay isang lalaki, matangkad, matangos ang ilong, gwapo at naka-gel ang buhok. Nakakapit si Trish sa lalaking ito. Lumayo na sina Trish, ang lalaki at ang bodyguards. Nakabuntot sa kanila ang maraming tao, fans ba. Hindi na nakigulo si Reed. Ang mga saleslady na nakiusyoso ay bumalik na rin sa trabaho.
Napailing si Reed, “Tsk. Tsk.”
“Hoy, Salas!” tawag ng isang lalaking ‘di kalayuan sa kanya.
Tumingin si Reed sa paligid at nakita niya ang mukha ng gitarista ng kaaway nilang banda, ang Backstabbers, na nakasandal sa isang stall ng mall.
“Hindi ba yun yung GIRLFRIEND ni Ivan?” tanong ng lalaking iyon.
“Ano naman sa iyo?”
“Nakita mo ba yung kasama niyang lalaki? Yung matangkad at gwapo?”
“Kumag na ‘to, nababakla na naman,” isip ni Reed.
“Kilala mo ba kung sino yun? Anak yun ng may-ari nitong puwestong ito,” tinuro ng lalaki ang stall kung saan siya nakasandal. “Mukhang yun na ang ipinalit ng GIRLFRIEND ni Ivan sa kanya a, break na ba sila?”
Ngumisi si Reed, “At ano naman? Siguro natutuwa ka kasi puwede mo nang… Sorry for the term ha? LANDIIN si Ivan kasi bakla ka.”
“Anong sinabi mo?” galit na tanong ng lalaki.
“Bawal ulitin sa mga tanga,” sabi ni Reed habang kinakalikot ang kanyang tainga.
“Gago ka a!” Hindi nakapagpigil ang lalaki. Nilapitan nito si Reed at hinatak ang kanyang damit.
“Ano? Hahalikan mo ako?” pang-asar na tanong ni Reed.
Dumating ang ibang miyembro ng kaaway na grupo.
“Lex, tama na yan,” saway ng pinuno at bokalista, si Cliff.
“Si Fafa Cliff mo o, tinatawag ka,” pang-aasar pa ni Reed.
Binitiwan ni Lex si Reed. “May araw ka rin sa akin, Salas!” pagbabanta niya. Sama-sama silang umalis ng kanyang mga kasama.
Nang makaalis na sila, bumulong si Reed, “Ang aangas ninyo, ang papangit ninyo naman! Hay naku, makapag-shopping na nga!”
“Ang dami mo yatang pinamili, kuya,” pansin ni Benjo nang makarating si Reed sa bahay.
“Kaunti pa nga iyan.”
“Yung pinabibili ni tita na sibuyas nabili mo?”
Napatakip ng bibig si Reed, “Hala! Nakalimutan ko!”
Lumabas siya ng bahay at nagpunta sa pinakamalapit na tindahan. May napansin siyang mga lalaking umaaligid, tiyak na mga miyembro ng kaaway na grupo. Nang makapasok na siya sa bahay, binalaan niya si Benjo.
“Benjo, mag-ingat ka pag labas mo ng bahay o kahit saan ka magpunta!”
“Bakit?” tanong ni Benjo.
“Nakaaway ko kanina si Lex,” sagot ni Reed. “Alam mo naman yung kumag na yun, pikon at nangreresbak talaga yun. Baka kasi ikaw ang mapagbalingan.”
“Si Lex? Ay sus sisiw lang sa akin yun!” pagmamayabang ni Benjo. “Saan naman kayo nagkita?”
“Sa mall kanina. At alam mo ba? Nakita ko si Trish!”
Nagulat si Benjo, “Si Trish? Nasa mall din?”
“Oo! May kasama pa ngang lalaki at bodyguards.”
“Sino yung lalaki? Bagong boyfriend?”
“Hindi ko alam…” ang tanging nasabi ni Reed.
May pasok na naman at napakataas ng enerhiya ni Benjo. “Hi, Ellie!” bati niya. “Namiss kita!”
“Tigilan mo ako,” pagsusungit ni Ellie. Naglakad na ang dalawa.
Sa ‘di kalayuan ay nagmamasid nang maigi si Lex. Binabantayan niya ang bawat kilos ni Benjo. Mukhang ‘di nagkamali si Reed na siya ang pagbabalingan ng kaaway na grupo.
“Sino yung kasama ni Benjo?” tanong ni Lex.
“Ewan, baka girlfriend,” sagot ng isa sa grupo. Ngumisi si Lex, itinapon ang hinihithit na sigarilyo at inapakan.
Sa paglalakad nina Benjo at Ellie ay napadaan sila sa isang bulletin board. May nakapaskil ditong nakatawag ng pansin ni Ellie.
“Audition para sa choir?” tanong niya.
“Gusto mong mag-audition? Kumakanta ka ba, Ellie?”
“Hindi, pero marunong akong tumugtog ng piano.”
Nang mapadaan din sina Ivan at Reed sa parehong bulletin board, nabasa nila ang nakapaskil.
“Huwag mong sabihing mag au-audition ka, ‘van?” natatawang tanong ni Reed.
“Bakit hindi? Susubukan ko lang.”
Uwian na. Nagpaalam si Ellie kay Neri, “Hindi ako sasabay, may audition sa choir. Magco-commute na lang ako.” Pumayag si Neri at sinabihan ang kapatid na mag-ingat.
Sa Music Hall ang nakatakdang lugar para sa audition. Marami ngang tao rito at sa entrance ay nag-aabang si Benjo.
“Ellie! Galingan mo ha!”
Ngumiti si Ellie, “Oo. Umuwi ka na, Benjo.”
“Ha? E panonoorin pa kita!”
“Huwag na. Babalitaan na lang kita bukas.”
Napilitan tuloy na umuwi si Benjo, “Hay! Sige na nga.”
Nagsimula na ang audition. Marami rin palang interesado sa choir. Nauna nang matapos ang iba. Tapos na ring tumugtog si Ivan. Gamit niya ang sariling gitara.
“Magaling ka. Akala ko rock music lang ang kaya mong tugtugin,” puri ng lalaking instructor. “Next!”
Pumasok si Ellie, si Ivan naman ay lumabas. Nagkasalubong ang dalawa pero ‘di man lang nila napansin ang isa’t isa. Nakahinga na nang maluwag si Ivan. Hindi niya alam kung bakit siya kinabahan e matagal na naman siyang tumutugtog. Siguro kasi ngayon lang siya nag-audition sa choir. Tumingin siya sa kanyang relo, 6:30 na ng gabi. Madilim na rin sa labas. Kailangan niya nang umuwi, walang bantay sa kanyang mga kapatid. Parehong may trabaho ang kanyang mga magulang ngunit hindi man lang sinasabi sa kanilang magkakapatid kung sino ang bagong amo. Papaalis na siya noong mga oras na iyon pero may pumigil sa kanya.
“Ang tunog na yun…” sabi niya sa sarili.
Nanggagaling ito sa silid na pinasukan niya kanina, ang Piano Room. Sumilip siya at nakita si Ellie na tumutugtog ng piano. Iyon din ang madalas na tugtugin ng kanyang kasintahang si Trish. Naalala na naman niya ang nakaraan.
“Trish…”
Ang masaya nilang samahan.
“Nasaan ka na ba?”
At malakas na tawanan.
“Sabi ko sa sarili ko kalilimutan na kita, pero hindi. Miss na miss na kita…”
Sa huling tunog ng piano, pumatak ang mga luha ni Ivan. Naglakad na siya at lumabas ng Music Hall dala ang kanyang gitara.
***
No comments:
Post a Comment