***
The Dream
Sana bigyan mo ako ng chance...
Mahal na mahal kita...
Ngunit ano nga ba ang kanyang magagawa? Hindi naman si Benjo ang nilalaman ng puso niya at alam niyang isang pangalan lang ang sinisigaw nito, walang iba kundi ang pangalang Ivan.
Malalim na ang gabi. Natutulog na ang lahat pero gising pa rin si Ivan. Hindi siya mapakali at para bang gusto niyang puntahan si Ellie. Tama, si Ellie! At iyon nga ang kanyang ginawa.
Nagbihis siya, dahan-dahang naglakad upang ‘di magambala ang mga natutulog niyang kapatid, binuksan nang marahan ang pinto saka lumabas ng bahay.
Malamig ang gabi. Masarap sana kung may kayakap at iyon ang bagay na ninanais niya palagi —ang yakapin si Ellie.
Nandito na siya sa labas ng bahay nina Ellie, samantalang ito ay mahimbing nang natutulog at marahil ay nananaginip pa nga. Sa pagpindot lamang ng kanyang cell phone ay nabuhayan na siya ng loob nang marinig ang boses ng babaeng iniibig.
“Hello?” sabi nito. Ang boses nito ay napakasarap sa pandinig.
“Ellie, si Ivan ito. Nandito ako sa labas ng bahay ninyo,” agad niyang isinagot.
Dali-daling nagbihis si Ellie. Nakalimutan na nga niyang magsuklay at suotin ang kanyang salamin dahil sa pagmamadali. Nang siya'y lumabas at nakita si Ivan ay agad niya itong sinermonan.
“Mr. Alvarez, alam mo po ba kung anong oras na? Alas dose na po.”
“Ma'am Ellie, wala akong pakialam kung anong oras na. Ang gusto ko lang naman ay ang makasama ka,” sabi ni Ivan. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang kasabikan kay Ellie.
Ngumiti si Ellie at nahihiyang nagwika, “Ikaw talaga...”
Napakaganda ng kanyang mukhang nasisinagan ng liwanag ng buwan. Ang kanyang mga mata ay sing ganda ng mga kumikislap na bituin. Niyakap siya ni Ivan. Naramdaman na naman niya ang init ng yakap nito, tamang-tama para sa isang malamig na gabi.
“Halika,” yakag ni Ivan at bumitiw siya sa pagkakayakap kay Ellie. “Dadalhin kita sa lugar na hinding-hindi mo malilimutan.”
Naglakad silang magkahawak ang mga kamay; nananalangin na ang sandaling ito'y ‘di na matapos pa. Nagtungo sila sa isang napakadilim na lugar.
“Ivan, ano bang gagawin natin dito? Alis na tayo, wala akong makita,” ang tinig ni Ellie ay nanginginig, marahil ay natatakot.
“Dapat kasi sinuot mo yung salamin mo,” mungkahi ni Ivan.
“A e... Dekorasyon lang naman yun.”
Umupo sila. Inalalayan ni Ivan si Ellie at naramdaman niyang inakbayan siya ng binata.
“Pagmasdan mo,” wika ni Ivan.
At unti-unti, may liwanag na lumitaw. Maliliit na liwanag na para bang ito ang nakita ni Ellie mula sa sigarilyo ni Lex pero hindi, kaiba ang liwanag na ito.
“Mga alitaptap...” kanyang naibulong.
Kay ganda! Sumasayaw ang mga alitaptap at ang liwanag na kanilang nakita ay kaaya-aya sa paningin. ‘Di nagtagal, naglaho ang mga alitaptap at muling dumilim ang paligid. Tumayo sila at naglakad papunta sa gitna. “Click,” ang tunog na kanilang narinig at lumiwanag ang paligid. Sa harapan nila ay isang banner na may sulat-kamay ni Ivan.
Mahal na mahal kita Ellie. Gusto kitang makasama habang buhay.
Hindi maipaliwanag ni Ellie ang sayang nararamdaman. Sa sandaling ito ay para bang tumigil ang oras. Nakatayo silang dalawa, magkaharap at nagtititigan.
“Ellie, puwede ba kitang halikan uli?” tanong ni Ivan. Tumango si Ellie.
Lumapit si Ivan sa kanya. Unti-unti, dahan-dahang naglalapit ang kanilang mga labi. Para ngang nananaginip lang si Ellie. Maya-maya'y nag-ring ang kanyang cell phone at ‘di siya nagkakamali, nananaginip nga lang talaga siya.
“Asar naman! Naputol pa!” inis na inis niyang pagkakasabi. Sinagot niya ang tawag, “Hello?”
“Ellie, si Ivan ito. Nandito ako sa labas ng bahay ninyo.”
Nagulat si Ellie. Ganitong-ganito ang nasa panaginip niya! Dali-dali siyang nagbihis, ‘di na siya nagsuklay at ‘di na rin nagsalamin. Nang siya'y lumabas at nakita si Ivan ay agad niya itong sinermonan.
“Mr. Alvarez, wrong timing ka e! Ang ganda pa naman ng panaginip ko.”
Tumawa si Ivan, “Haha! At tungkol naman saan ang panaginip mo? Tungkol sa akin?”
Tumanggi si Ellie, “Ano? Hindi a!”
Niyakap ni Ivan si Ellie. “Malamig ang gabi, masarap ang may kayakap,” wika niya. “Halika,” yakag niya at bumitiw siya sa pagkakayakap kay Ellie. “Dadalhin kita sa lugar na hinding-hindi mo malilimutan.”
Kanyang hinila si Ellie ngunit pinigilan siya nito. “Huwag na,” sabi nito. “Dito na lang tayo.” Si Ellie naman ang yumakap kay Ivan. “Mahal na mahal kita, Ivan. Gusto kitang makasama habang buhay.”
Napangiti si Ivan, wari ba’y ang iniisip nila ni Ellie ay pareho, “Iyan din ang sasabihin ko, naunahan mo lang ako!”
Tinitigan ni Ivan ang mga mata ni Ellie at hinimas ang kanyang buhok, “Ellie, puwede ba kitang halikan uli?” Tumango si Ellie pero bago ang lahat ay kinuha niya ang kanyang cell phone na nasa kanyang bulsa at pinatay ito.
Ito na talaga. Lumapit na si Ivan sa kanya. Unti-unti, dahan-dahang naglalapit ang kanilang mga labi. Wala nang gagambala pa sa kanila at sa ikalawang pagkakataon ay nagdampi ang kanilang mga labi sa ilalim ng sinag ng buwan.
***
No comments:
Post a Comment