The Christmas Gift
Ang bilis ng tibok ng puso ni Trish. Tumingin siya kina Ellie at Ivan tapos ay kay Harold. Hindi niya alam kung ano ang gagawin. Baka malaman ng dalawang lalaking ito ang kanyang pagtataksil.
“Excuse us,” paumanhin niya at hinila niya si Harold palayo.
Nang makalayo na sila ay tinanong siya nito, “Sino yung mga yun? Friends of yours?”
Tumanggi si Trish, “No, no! They’re just stupid fans na humihingi ng autograph. Bakit ka ba nandito?”
“Ano bang klaseng tanong iyan? I’m your boyfriend and I’m here because I want to check if you’re ok.”
“I’m fine and good as ever,” bahagya niyang tinulak si Harold, “so why don’t you just leave kasi alam kong marami kang inaasikaso, ‘di ba?”
Tumanggi ito, “No! I want to be with you. Come on!” at hinila si Trish, “Mamasyal tayo.”
Ayaw sumama ni Trish sa kanya. “W-wait Harold! Harold, I don’t want to leave! May program pa sa school!” Ngunit hindi na siya nakapalag nang isakay na siya ni Harold sa kotse.
Naiwang nakatayo sina Ellie at Ivan. Bakit kaya umalis si Trish na para bang may tinatakasan o ‘di kaya’y iniiwasan? Hindi man lang sila nagawang ipakilala sa lalaking kasama nito.
“Sino yun, Ivan? Sino yung kasama ni Trish?” tanong ni Ellie.
“Hindi ko alam, baka kaibigan niya o manager, ewan ko.” sagot ni Ivan.
Maya-maya’y dumating si Benjo, “Nandito ka pala, Ellie! Kanina pa kita hinahanap e!” at kanyang nakita na magkasama ang dalawa. “Kanina pa ba kayo magkasama?” tanong niya kay Ellie.
“A hindi, Benjo. Nandito lang naman ako kasi kinongratulate ko si Ivan, successful kasi yung play natin,” sagot ni Ellie. Nagpaalam na siya, “Sige Ivan, aalis na kami. Kita na lang tayo uli.” Umalis sila ni Benjo at pinagmasdan sila ni Ivan habang sila’y naglalakad.
Hindi nagpakita si Trish buong araw, bagay na ipinagtaka ni Ivan. Ni wala siyang natanggap na text message mula rito. Nagte-text naman ito sa kanya kahit hindi siya nagre-reply ngunit ngayon ay wala talaga. Kinabukasan ay nakita niya sa tambayan si Trish na kasama nina Reed at Neri.
“Sino yung lalaki kahapon?” tanong ni Ivan nang tabihan niya si Trish. Napatingin tuloy sina Reed at Neri sa kanila.
Naalala ni Trish si Harold, “Oh! Yun ba?” Tumawa siya, “Haha! Wala yun! Just a stupid fan na nanghihingi ng autograph.”
“E saan ka pumunta kahapon? Bakit hindi na kita nakita?” muling tanong ni Ivan, mukhang nagdududa.
“Umuwi na ako. Napakaboring kasi ng Christmas Program pati yung play hindi maganda.”
Nagpintig ang tainga ni Neri nang marinig ang sinabi ni Trish. Siya kasi ang nagsulat ng script nun.
“Anong sinabi mo, Trish? Hindi maganda yung play?”
“Yes! Oh ‘wag kang mag-alala, Neri. Maganda yung script kaso yung artista, hay! Ang papangit gumanap! Ang cheap! Lalo na yung kapatid mo, oh my God! ‘Di marunong umarte, nakakahiya. E kung ako ang nandoon?”
“Kung ikaw ang nandoon?” tanong ni Neri. “E nandoon ka naman, ‘di ba? Nagpupunas ng pawis ng BABY mo. Ang cheap!” Pinipigilan nina Reed at Ivan ang kanilang pagtawa. Niyaya niya na si Reed, “Tara na nga! Ang lakas ng hangin, ewan ko ba, wala namang bagyo!”
Nataranta naman si Trish nang makitang umaalis ang kanyang matalik na kaibigan. “Hey Neri! Galit ka ba? I’m just telling the truth lang naman, ha?” sabi niya ngunit hindi na siya pinansin ni Neri at tuluyan na itong umalis kasama si Reed.
“Oh well, the truth really hurts,” sambit ni Trish.
Nakatitig si Ivan sa kanya at masama ang tingin, “Ikaw ang may gawa nun kay Ellie, ano?”
“May gawa? Anong ginawa ko?”
“Sinaktan mo siya! Wala siyang malay kahapon nang makita ko siya.”
“And so? Who cares? I don’t know what you are talking about, Ivan.”
“Huwag ka nang magkaila. Nakita kita kahapon na lumabas sa Music Hall na nagmamadali!”
Sumuko na si Trish, “Ok, I admit it! Pero hindi ko naman sinasadya. It was an accident!”
Binantaan siya ni Ivan, “Pag may masama pang nangyari sa kanya, hindi kita mapapatawad.”
“And you love her really, huh? Bakit siya pa? E para ngang bread crumb lang siya, ganun lang siya kaliit compared sa akin.”
“Diyan ka nagkakamali, Trish. Alam mo noon, hangang-hanga ako sa iyo. Kung dati paru-paro ka, ngayon para ka na lamang gamu-gamo na walang pakpak! Nagsisisi ako dahil minahal pa kita.”
Umiling si Trish, “No Ivan, bawiin mo ang sinabi mo!”
“Bakit, nasasaktan ka? Well, ganyan talaga, the truth really hurts!” Tumayo siya at iniwan si Trish na mag-isa, iyak nang iyak.
“I hate Ellie! I really hate Ellie!” sabi ni Trish sa sarili. “‘Di bale, may araw rin siya sa akin.”
Christmas Vacation. Naglagay ang Pamilya San Luis ng dekorasyon sa kanilang tahanan. Tulong-tulong sila, pati ang mag-asawang Daniel at Isabel ay tumulong din.
“Daniel, kung dito na lang kaya kayo mag-Pasko ng pamilya mo sa bahay?” mungkahi ni Arthur. “Tutal e pamilya na rin naman ang turing namin sa inyo saka para na rin makilala namin ang mga anak mo, lalo na si Ivan. Madalas kasi siyang banggitin nina Neri at Ellie e!”
Nahihiya man ay pumayag na rin si Mang Daniel sa nais mangyari ni Arthur at noong Bisperas ng Pasko ay doon sila nagdiwang ng kanyang pamilya. Naroon din ang magpinsang Reed at Benjo pati sina Chad at Duncan kaya naman talagang napakasaya nila. Nagkaroon ng munting salu-salo at bigayan ng regalo. Matapos ay pumunta sa hardin si Ellie para mapag-isa. ‘Di niya napansing sinundan pala siya ni Ivan.
“Ellie,” tawag nito.
Lumingon si Ellie at nakita siya, “Ivan! Ikaw pala. Anong ginagawa mo rito?”
“Gusto ko lang kasi sanang ibigay itong regalo ko,” inabot ni Ivan ang regalo. “Hindi kasi ako maka tiyempo. Laging nakabuntot sa iyo si Benjo.”
Ngumiti si Ellie at tinanggap ang regalo. “Bakit nag-abala ka pa? Hindi ko naman kailangan ng materyal na regalo e! Ang lahat ng nasa paligid ko ay itinuturing ko nang regalo at masaya ako. Pero salamat pa rin dito.”
Maya-maya ay may boses silang narinig, “Kuya Ivan! Kuya Ivan!” Si Iris iyon, tinatawag si Ivan at nang makita niya ang kanyang kapatid ay sinabihan niya ito, “Tinatawag ka nina nanay at tatay.”
Nagpaalam si Ivan at naiwan sina Ellie at Iris sa hardin. Nagkakahiyaan pa nga ang dalawa, paano kasi ngayon lang nila nakasalamuha ang isa’t isa.
“Naabala ko yata kayo, pasensya na,” paumanhin ni Iris.
“Hindi! Ayos lang,” sabi ni Ellie.
“Kung hindi ako nagkakamali, ikaw si Ellie, ‘di ba?”
“Ako nga,” tugon ni Ellie.
“Alam mo, lubos kaming nagpapasalamat dahil sa pagtulong na ginagawa ninyo sa pamilya namin. Dahil sa inyo kung bakit nakaluwag kami sa buhay. Mabait ang mga magulang mo, hindi gaya ng dating amo ni tatay. Pinatalsik siya sa trabaho.”
“Sinong amo at bakit naman siya pinatalsik?”
“Kina Trish nagtratrabaho si tatay rati. Kilala mo naman siya, ‘di ba? Yung girlfriend ni kuya... Tinanggal si tatay kasi galit kay kuya ang mga magulang ni Trish.”
Nakikinig lang si Ellie sa mga sinasabi ni Iris.
“Napakaraming kuwento ni kuya tungkol sa iyo, Ellie. Totoo nga siya sa sinabi niyang maganda ka at mukha ka naman talagang mabait. Mahal ka ng kuya ko.”
Mahal ka ng kuya ko. Nang marinig ni Ellie iyon ay umiwas siya ng tingin na sadyang napansin ni Iris.
“Yun ang totoo at mas gusto ka ng pamilya namin kaysa kay Trish. Pero may boyfriend ka na pala sabi niya. Sayang! Sino ang masuwerteng lalaki?”
“Si Benjo,” sagot ni Ellie bagama’t ‘di naman talaga si Benjo ang kasintahan niya.
Nabigla si Iris sa sinabi ni Ellie. May lihim na pagtingin kasi siya kay Benjo. “Si Benjo pala ang boyfriend mo,” malungkot niyang pagkakasabi. “Hangad ko ang kaligayahan ninyo.” Umalis siya.
Ilang sandali pa ay nagsiuwian na ang lahat. Nakatayo si Ellie sa bintana ng kanyang silid at pinagmamasdan si Ivan habang palabas ito sa kanilang gate.
Nang mawala na ang anino nito ay umupo siya sa kanyang kama at binuksan ang regalong ibinigay ni Ivan. Ang regalo ay isang music box at nang buksan niya ay nakakita siya ng miniature. Kung ang madalas makita sa music box ay isang ballerina, ang bigay ni Ivan ay isang babaeng piyanista. May kasamang sulat sa loob at ang nilalaman nito ay,
Merry Christmas Ellie!
Sana ay nagustuhan mo ang munting regalong itong nagmula sa puso ko. Sa totoo lang, nasaktan ako nang sabihin mong kayo na ni Benjo pero patuloy pa rin akong umaasa na tayong dalawa ang magkakasama. Hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ko para sa iyo. Maghihintay ako kahit gaano katagal!!!
Naluha siya sa mga nabasa niya sa sulat ni Ivan. Nakaramdam tuloy siya ng pagsisisi dahil sinabi niyang magkasintahan sila ni Benjo. Gusto niyang bawiin iyon at gusto niyang makasama si Ivan ngunit mahirap.
Nilagay niya ang sulat sa kanyang dibdib, malapit sa kanyang puso at siya’y humiga, nakatingin sa kisame, nakatulala. Patuloy niyang pinakinggan ang tunog ng music box at hindi niya namalayang nakatulog na pala siya.
***
No comments:
Post a Comment