***
The Truth Behind
Maganda ang gising ni Ivan. Mahigit isang linggo nang nasa kanya ang gitarang ibinigay ni Ellie. Nakararamdam pa rin siya ng kakaibang kasiyahan. Mabuti na rin iyon. Mula noong mawala kasi si Trish, madalas nasa isang sulok lang siya at panay lang ang pagtugtog ng gitara.
Naalala niya noong bakasyon, halos hindi siya makausap ng mga kapatid niya pero ngayon, kasama niya na ang mga ito. Nagkakantahan sila; bumalik na ang dating sigla niya. Nadagdagan pa ng madalas na pag-eensayo sa choir, nakawawala ng stress at hangang-hanga talaga siya kay Ellie. Walang kapantay ang husay nito sa pagtugtog ng piano. Nakilala na rin ni Ellie sina Chad at Duncan na miyembro rin ng bandang Rascals.
Natapos ang Prelim. Natapos ang Midterm. Parang kailan lang, umpisa pa lamang ng klase tapos ngayon, Finals na ng First Semester. Third year na si Ivan sa kursong Computer Programming. Scholar siya sa Unibersidad. Nakapag-ipon naman sina Mang Daniel at Aling Isabel ng sapat na pera, bibili raw sila ng bagong computer. Yung dati kasi nilang computer, second hand lang at sa ngayon, hindi na nakatutuwang gamitin.
Nakuha ni Ivan kay Benjo ang numero ng cell phone ni Ellie at ngayon ay may balak siyang makipagkita rito.
“Saan ka pupunta, Ellie?” tanong ni Neri nang makita niyang nakabihis ang nakababatang kapatid.
“Aalis ako, makikipagkita ako kay Ivan.”
“For what reason?”
“Wala, mamamasyal lang kami.”
Humarang si Neri sa pintuan. “No! No, no, no, no, no! Hindi ka aalis na kasama si Ivan. Dito ka lang.” Kinuha niya ang librong nakapatong sa lamesita, “Ito, magbasa ka ng libro, mag-aral ka, gumawa ka ng assignment!”
“Ate Neri, kanina ko pa nagawa iyan. Nakapagbasa na ako ng tatlong libro, nakapag-aral ng limang subjects, nagawa ko na lahat ng assignments ko at nadiligan ko na rin yung alaga mong cactus.”
“Diniligan mo ang cactus ko?”
“Yeah.”
“Hindi. Basta, dito ka lang!”
“Ok… Edi si Ivan na lang ang papupuntahin ko.” Akmang itetext na ni Ellie si Ivan ngunit pinigilan siya ni Neri.
“Never… never ever do that, Ellie! Ayokong makitang pumupunta sa bahay natin ang kahit na sino sa kanila. Be it Duncan, Chad, Reed, Benjo and especially Ivan!”
“Bakit ba? Bakit parang galit na galit ka sa kanila? Ano bang nagawa nila sa iyo, ate? Alam mo hindi ko alam kung bakit ka ganyan e! Pero sana naman, ‘di ba, pahalagahan mo ang mga kaibigan ko at respetuhin mo sila gaya ng pagrespeto ko kina Marcus at Trish!”
Trish… Tama, si Trish. Siya ang dahilan kung bakit nagkakaganito si Neri. Umalis siya sa pintuan at pinalabas si Ellie.
“I’m sorry, Ellie. Go ahead. Just take care, ok?”
Hinalikan niya sa pisngi ang nakababatang kapatid at pinagmasdan niya ito hanggang sa ito’y makasakay ng kotse at makaalis ng bahay.
“She’s growing up, Neri,” sabi ni Arthur. “Let her do what she wants. Alam naman niya kung ano ang ginagawa niya e!”
“But papa, all of her friends are boys,” pag-aalala ni Neri.
“What’s wrong with that?” tanong ni Leda. “Well, at least they’re all human," pagbibiro nito. “There’s nothing to worry. Ako nga, may mga kaibigan din akong lalaki noon and even now in my work.”
“Ang ayoko lang naman ay ang maglalalapit siya dun sa anak nina Mang Daniel at Aling Isabel na si Ivan.”
“Sinong Ivan? Yung kinukuwento mong boyfriend ni Trish? Anak nila Daniel at Isabel iyon?” gulat na tanong ni Arthur.
“Exactly,” sagot ni Neri. Gusto lang naman niyang protektahan si Ellie ngayon pa’t napapalapit na ito kay Ivan at sa mga barkada nito.
Kasalukuyang nagsasaya sina Ellie at Ivan. Nagpunta sila sa isang amusement park.
“Ang ganda rito,” puri ni Ellie.
“Ngayon ka lang ba nakarating dito? Halika,” ibinigay ni Ivan ang kanyang kamay. “Mamasyal tayo.” Humawak si Ellie sa kanya.
Sumakay sila sa rides, naglaro ng video games, kumanta sa videoke, kumain ng masasarap na pagkain at syempre, mawawala ba naman ang ice cream? Gabi na at napagod sila kaiikot sa amusement park. Umupo muna sila at nagpahinga.
“Hay, napagod ako,” buntong-hininga ni Ellie.
“Masaya ka ba?” tanong ni Ivan.
“Ano bang klaseng tanong iyan? Syempre masaya ako pero mas masaya siguro kung nandito sina Benjo, Reed, Chad at Duncan.”
Umusog nang kaunti si Ivan para magkalapit lalo silang dalawa. “Hindi ka ba nilalamig?” tanong niya.
“Sa suot kong ito lalamigin pa ba ako?” Mahilig nga kasi siyang magsuot ng long sleeves o ‘di kaya'y three-fourths na damit.
“Uhmm. Ellie, nagka bf ka na ba?” nahihiyang tanong ni Ivan.
Napangiti na lang si Ellie, “Alam mo, natanong na sa akin iyan ni Benjo.”
“A talaga? Hmm. Meron na nga ba?”
“Wala pa,” sagot ni Ellie.
“Wala? ‘Di nga? E bakit?”
“E sa wala e, anong magagawa ko?”
“Ako ba puwede? Hehe!”
Natahimik si Ellie.
“O bakit Ellie? Joke lang yun, ano ka ba?”
“A, joke lang ba yun?”
Nagbuntong-hininga si Ivan.
“Ivan,” tawag ni Ellie. “Ikaw ba, nagka girlfriend na?”
“A, oo… Dati,” sagot ni Ivan. Umiwas siya ng tingin.
“Talaga? Ano namang pangalan?”
“Trish,” mahina nitong pagkakasabi.
“Trish? Montes?”
Nagulat si Ivan, “Kilala mo?”
“Oo! Yung… kaibigan ni Ate Neri! Girlfriend mo pala yun?!”
“Ay, oo nga pala… si Neri… kaibigan niya si Neri at ate mo si Neri…”
“Girlfriend mo pala si Trish, hindi mo sinasabi sa akin at ‘di rin naikuwento ni Ate Neri.”
“Alam mo kasi, ayaw ng parents niya sa akin. Ang sabi layuan ko raw ang anak nila. E hindi naman ako makapapayag ng ganoon. Kaya ang ginawa nila, sila na lang ang naglayo kay Trish. Hindi ko nga alam kung nasaan na siya.”
“Matagal na nga rin kaming walang balita sa kanya. Ang hinala ni ate, dinala na raw sa States.”
“Talaga?” malungkot ang tinig ni Ivan. “Ano ba ang alam mo kay Trish?”
“Hmm. Hindi kami ganun ka-close at saka sa totoo lang… ‘Wag kang magagalit ha? Naaartehan kasi ako sa kanya. Lumabas na siya sa iba’t ibang pelikula pero minor role lang naman, ‘di ba? Oo, marami siyang tagahanga kasi maganda siya.”
“Tumutugtog din siya ng piano! Yung tinugtog mo noong audition sa choir, yun ang madalas niyang tugtugin.”
“A! So, siya pala yung sinasabi mo. Oo, tinutugtog niya nga yun. Kapag pumupunta siya sa amin, kinukulit niya ako. Ako ang nagturo sa kanya nun.”
“Mabait ba si Trish?” tanong ni Ivan.
“Mabait? Hmm. Oo??? Siguro, ewan! Gaya nga ng sabi ko, ‘di kami close at saka ‘di ko siya gusto. Yun lang ang masasabi ko.”
“B-Bakit naman, Ellie?”
Tumayo si Ellie, “Dahil… Wala siyang ginawa kundi ang mag-telebabad pag nasa bahay namin at madalas pang matulog sa amin dahil hindi siya puwedeng umuwi sa bahay nila ng nakainom.”
Lahat na yata ng sinabi ni Ellie ay negatibo pero walang magagawa si Ivan, mas kilala siguro ni Ellie si Trish dahil kaibigan ito ng ate niya at pumupunta ito sa kanila.
“Ivan, ‘di pa ba tayo uuwi? Gabi na, may pasok pa bukas.”
Tumayo si Ivan at naglakad na sila ni Ellie palabas ng amusement park.
***
No comments:
Post a Comment