So Long, Goodbye
“Hindi!!!” sigaw ni Benjo. Mabilis siyang tumakbo patungo sa kinaroroonan nina Ellie at Ivan at maaaring ganito rin ang napapanood ninyo sa pelikula. Bang! Putok ng baril. Humarang siya at nakaramdam ng pagsakit sa kanyang dibdib.
Samantala, sa Unibersidad ay natawag ang bandang Rascals. Sila na naman ang nagkamit ng unang parangal sa Battle of the Bands. Pumangalawa uli ang Backstabbers.
Nang pumanhik sa stage sina Chad at Duncan ay nakaramdam sila ng kakaibang pakiramdam, tumindig ang kanilang balahibo at kinilabutan silang dalawa. Naalala nila bigla ang sinabi ni Reed,
“Maniwala kayo sa instinct.”
Sa lumang bodega. Hinawakan ni Benjo ang kanyang dibdib at may kumapit na dugo sa kanyang kamay.
“Kaya nga ba ayaw ko ng Nursing, takot ako sa dugo,” sabi niya sa sarili. Bumagsak siya at nakaramdam muli ng pagkirot sa kanyang dibdib.
Ang pagkirot na ito... Wala lang ito kumpara sa naramdaman niyang sakit noong sinabi ni Ellie na kaibigan lang ang turing nito sa kanya. Wala lang ito kumpara sa naramdaman niyang sakit nang malaman niyang karibal niya si Ivan sa pag-ibig ni Ellie. Wala lang ito sa naramdaman niyang sakit nang makita niya ang pagdampi ng labi ng dalawa noong concert ng The Scavengers. Wala lang ito, pero bakit ganoon? Pakiramdam niya’y hindi niya kaya ang sakit na ito.
“Benjo!” sigaw ni Reed nang makitang bumagsak ang pinsan. Napatakip ng bibig si Trish dahil sa sobrang pagkagulat. Natulala si Lex. Lumuha ang mga mata ni Ellie at para bang nanghina si Ivan.
Sumugod si Reed kay Harold. “Walang hiya ka!!!” nagngingitngit siya sa galit. Sinundan siya ni Lex at kanila itong pinagtulungan. Gigil na gigil si Reed, gusto niya itong patayin.
Isang sigaw.
“Benjo!”
Lumapit si Ellie patungo kay Benjo. Isa pa uling sigaw.
“Benjo!”
Binuhat ni Ivan nang kaunti si Benjo. Si Trish naman ay tumakbo palabas sa lumang bodega, gulong-gulo ang isip.
Duguan na si Harold at nawalan na naman ng ulirat ngunit patuloy pa rin ang pagsuntok at pagsipa ni Reed sa kanya.
“Tama na, Reed!” awat ni Lex. Iniwanan na nila si Harold na nakahandusay. Lumapit sila kay Benjo, tarantang-taranta.
Si Ivan ang nasa kanan ni Benjo, si Ellie sa kaliwa, sina Reed at Lex ay nasa bandang paanan.
“Benjo, dadalhin ka namin sa ospital!” Iyak nang iyak si Ellie habang sinasabi ang mga salitang iyon ngunit para bang hindi narinig ni Benjo ang kanyang mga sinabi.
Kumapit si Benjo sa t-shirt ni Ivan, “Ivan, alagaan mo si Ellie. Huwag na huwag mo siyang pababayaan ha? Mahalin mo siya higit pa ng pagmamahal ko sa kanya.”
Umiiling-iling si Ivan, “Benjo, huwag kang magsalita ng ganyan! Hindi ka pa mamamatay!”
“Gago ka ba? E nabaril na nga ako tapos sasabihin mong hindi ako mamamatay?” Nahihirapan nang magsalita si Benjo ngunit nagpatuloy pa rin siya, “Ikaw na ang bahala kay Kuya Reed, kina Chad at Duncan, ikaw na ang bahala sa banda natin.” Umubo si Benjo, may halo nang dugo ang ubo niya. “Bakit ganoon? Wala pa sa kalingkingan ng nararamdaman kong sakit ngayon ang naramdaman kong sakit nang sabihin ni Ellie na ayaw niya sa akin.” Hinahabol niya na ang kanyang hininga, “Mas masakit malamang hindi niya ako mahal. Bakit ganoon? Nakayanan ko ang sakit na yun pero ito...”
“Benjo, huwag kang ganyan!” sabi ni Reed. “Hindi ba’t may nakalimutan ka sa bahay na ibibigay mo kay Ellie? Hindi ba’t bukas ay ibibigay mo pa sa kanya yun?”
Tumingin si Benjo kay Ellie at ngumiti. Hindi niya na makita ang mukha nito, para bang nanlalabo na ang kanyang paningin at may naaninag siyang dalawang taong nakatayo malapit sa babaeng kanyang minamahal. Isang lalaki at isang babae ang kanyang naaninag, parehong nakaputi.
Kanyang sinabihan si Reed, “Kuya Reed, sina mama at papa nandito na, sinusundo na nila ako. Magiging masayang pamilya na uli kami.” Nakangiti pa siya.
“Hindi, Benjo huwag! Benjo, huwag mo akong iwan! Huwag kang sumama sa kanila!” pigil ni Reed.
“Ingatan mo si tita ha? Ingatan mo si Neri. Balitaan mo ako pag nagkabalikan na kayo. Patinuin ninyo na si Trish!” At nagbiro pa, “Pakisabi sa fans ko, mamimiss ko sila. I-forge mo na lang ang pirma ko pag nanghingi sila ng autograph.” Bumabagal na ang tibok ng kanyang puso, ito na talaga ang oras para magpaalam siya sa lahat. Lalo na sa babaeng pinakamamahal niya... Sa kanyang huling hininga ay nagwika siya, “Mahal ko kayong lahat...”
Ipinikit na niya ang kanyang mga mata at ang kamay niya ay kumalas sa pagkakahawak sa t-shirt ni Ivan.
Inuga ni Ivan ang katawan ni Benjo, “Benjo! Benjo! Benjo, huwag! Hindi magandang biro iyan!”
Napasuntok si Reed sa lapag; hindi nakapagsalita si Lex at naiyak na lamang. Si Ellie naman ay walang patid sa pag-iyak. Niyakap niya ang walang buhay na katawan ni Benjo.
“Bestfriend...” tawag niya ngunit hindi na ito sumagot.
May mga yabag na narinig. Dumating sina Chad, Duncan at Neri kasama ang Backstabbers at ilang alagad ng batas. Nagulat sina Chad at Duncan nang makitang nag-iiyakan ang lahat at nakita nilang nakahiga si Benjo, walang buhay.
“Benjo!” sigaw nila at lumapit sila upang yakapin ang bangkay ng kaibigan. Wala nang namutawi sa kanilang labi. Tanging pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa.
Niyakap ni Ellie ang kanyang ate, “Ate Neri, wala na si Benjo. Wala na ang bestfriend ko...” Hindi rin napigilan ni Neri sa pagtulo ang kanyang mga luha.
Dinala na ng mga pulis ang walang malay na si Harold. Si Trish ay nasa labas, umiiyak sa isang sulok habang inilalabas si Benjo sa lumang bodega nang dumating ang isang ambulansya.
“Kasalanan ko ito... Kasalanan ko...” bulong niya.
Nagsisuguran naman sa ospital ang kanilang mga magulang. Iyak nang iyak ang ina ni Reed. Hindi ito makapaniwala na ang pamangkin niyang masayahin at makulit ay wala na, iniwan na sila.
Napuno ng iyakan ang ospital at hindi mapigil si Ellie sa kanyang pag-iyak. Hanggang sa makauwi sa mga bahay-bahay nila, patuloy pa rin siya sa pag-iyak. Sinamahan siya ni Neri sa kuwarto. Nakayakap siya kay Neri habang sinasabi ang,
“Siya ang nagligtas sa amin. Siya ang sumalo sa balang sa amin sana ni Ivan tatama. Bakit kailangang mamatay ni Benjo? Bakit? Bakit, ate? Bakit?”
Hinimas-himas ni Neri ang buhok ng kanyang kapatid, “Tama na, Ellie. Tama na. Ayaw ni Benjo na nalulungkot ka.” Ngunit pati siya ay hindi napigilang hindi mapaluha.
Wala pang natutulog sa kanila. Para bang isa lamang masamang panaginip ito. Sana nga, at paggising nila ay makikita uli nila si Benjo. Makikita ni Reed ang kanyang pinsan na tirik na ang araw ngunit tulog pa rin, pakikinggan na naman nito ang pagtugtog ng gitara ni Ivan, makikisali sa pag i-skateboard nina Chad at Duncan, aasarin na naman nito si Neri at babatiin ng “Hello bestfriend!” si Ellie.
Bumalik na lamang si Reed sa kanilang bahay nang sumikat na ang araw at nakita niya sa lamesitang pinagpapatungan ng lampshade ang isang supot. Marahil ito ang sinasabi ni Benjo na bagay na kanyang nakalimutan at ibibigay kay Ellie. Sana pala ay pinayagan niya na si Benjo upang kunin iyon. Pinagsisisihan niya ang sinabi niyang, “Bukas mo na lang ibigay, magkikita pa naman kayo e!” Yun pala’y hindi na makikita ng kanyang pinsan si Ellie.
Sinadya niya si Ellie sa bahay nito. Wala pang tulog si Reed gayundin ang lahat ng tao sa bahay ng Pamilya San Luis.
“Ellie, ito nga pala yung ibibigay sana ni Benjo sa iyo,” inabot niya kay Ellie ang supot.
Binuksan ni Ellie ang supot at kanyang nakita ang dalawang kwintas. Kinuha niya ang isa, ang nakaukit ay “Benjo”, sa ibaba ng pangalang “Benjo” ay salitang “best” at sa ibaba ng salitang “best” ay salitang “for”.
Nang kunin niya naman ang isa pa, may nakaukit na “Ellie”, sa ibaba ng pangalang “Ellie” ay salitang “friends” at sa ibaba ng salitang “friends” ay salitang “ever”.
May napansin pa si Ellie. Ang dalawang kwintas ay hugis ng isang biyak na puso at nang ito’y kanyang pagdikitin, lumabas ng buo ang mga salitang:
Benjo Ellie
bestfriends
forever
Ito ang kwintas na nasa panaginip ni Benjo noon. Lalo tuloy nalungkot si Ellie. Napayakap siya kay Reed at nagsimula na namang umiyak. Ang kanyang bestfriend... Wala na... Wala na... Ang labing siyam na taong pananatili nito sa mundo ay natapos na.
***
No comments:
Post a Comment