No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Saturday, March 27, 2010

Music of Love (15)


Chapter 1: Big and Little Sister
Chapter 2: To Love and To Lose Hope
Chapter 3: A Lesson of Love
Chapter 4: Lost and Found
Chapter 5: Acceptance
Chapter 6: Coincidence
Chapter 7: An Unforgettable Melody
Chapter 8: Sense of Danger
Chapter 9: Confusion and Questions
Chapter 10: Confession
Chapter 11: Burst of Emotions
Chapter 12: Unsung
Chapter 13: The Truth Behind
Chapter 14: The Concert

***
Chapter 15
First Kiss, First Heartbreak


      Kumpleto ang barkada. Nariyan sina Chad, Duncan, Reed, Benjo at Ivan. Ayaw nga sanang sumama nina Chad at Duncan, ang sabi’y mauuna na lang sila pero napakiusapan ni Reed na sumabay na lang sa kanila. May dala pa ngang bulaklak si Reed —white rose. Iyon kasi ang paboritong bulaklak ni Neri at iyon din ang madalas niyang ibigay noong magkasintahan pa sila.

     Kabang-kaba siya. Hanggang ngayon ay ‘di pa rin siya makapaniwalang sa hinaba-haba ng panahong wala silang pansinan, dalawang taon kung susumahin, ay kinausap na siya ni Neri.

     Panay naman ang tingin ni Benjo kay Ivan. Nag-iisip siya kung paano kaya nito napapayag na sumama sa concert si Ellie.

     Maya-maya'y ayan na, nakikita ni Reed na papalapit na si Neri. Bumilis tuloy ang tibok ng puso niya. Kung kanina ay ‘dugdug dugdug’ ngayon ay ‘dugdugdugdugdug’. Haha!
   
     “Hi, guys,” bati ni Neri nang makita ang grupo. “Aba, mukhang kumpleto na naman kayo ha!” sabi niya. Napansin niya si Ivan, “Hi, Ivan!” Nakangiti pa siya nang batiin niya ito. Nagulat naman si Ivan. Sina Chad, Duncan at Benjo ay nagkatinginan.
     “Neri,” tawag ni Reed at ibinigay niya ang bulaklak. Tinanggap iyon ni Neri nang buong puso.

     Nandito na si Neri pero si Ellie, nasaan?

     “Little sister, puwede bang ‘wag kang magtago sa likuran ko? Magpakita ka sa kanila,” ang sabi ni Neri sa kapatid. Nagtatago pala sa likuran niya si Ellie.
     “Ate, ayoko,” pagmamatigas ni Ellie.
     “Lumabas ka na!” hinila niya ang kapatid at ang grupo ay nagulat sa ayos nito.

     Madalas kasi nilang makitang naka palda si Ellie, naka long sleeves o ‘di kaya'y three-fourths, ngunit ngayon ay iba. Sina Chad at Duncan, ang unang tiningnan ay ang hita niya. Ang kinis! Pareho namang natulala sina Ivan at Benjo.

     “Bestfriend, ang ganda mo,” puri ni Benjo, nakanganga pa nga.
     “Maganda talaga siya dahil mana siya sa akin, no!” pagmamalaki ni Neri. “O ano? Tititigan ninyo na lang ba si Ellie? Baka may gustong mag-drive ng kotse, tara na!”

     Si Duncan ang nagmaneho. Sina Ivan at Benjo, sa harap pinasakay ni Reed. Para nga naman walang away. Sina Ellie, Chad, Reed at Neri ang nasa likuran. Panay nga ang pakikipag tsikahan ni Chad kay Ellie at pasimpleng ginigitgit si Reed para mapalapit ito kay Neri.

     Naiinggit nga si Benjo kay Chad at pansin niyang panay ang tingin ni Ivan sa rear view mirror ng kotse. Para na rin siguro makita si Ellie.

     “Ang daya…” iyan ang pumasok sa isip ni Benjo.

     Nakarating na sila sa lugar at nag-unahan pa sina Ivan at Benjo para pagbuksan ng pinto si Ellie. Si Benjo ang nauna pero kay Ivan naman ito sumama. Napakamot tuloy siya ng ulo.

     Nag-uumpisa na ang concert nang sila’y dumating. Napakaraming tao. Halos lahat talaga ay nakaitim, mga certified rakista. Lahat may kani-kaniyang ginagawa. May nagsasayawan, nagtatawanan, nagkakantahan, nag i-slam-an. ‘Di naman nagpahuli ang grupo, nakisabay rin sila. Wiling-wili si Benjo. Si Neri nga, akalain mong fan din pala ng The Scavengers.

     Hindi ito ang kapaligiran na kinasanayan ni Ellie pero sinubukan niyang makibagay. Matapos ang ilang kanta, kinalabit niya si Ivan at sinenyasang lumabas. Medyo nakalalayo na sila nang mapansin sila ni Benjo. Sumunod ito sa kanila.

     Sariwang hangin ang nalanghap ni Ellie pag labas nila.

     “Ok ka lang, Ellie?” tanong ni Ivan.
     “Ok lang,” sagot niya at tumawa siya. “Haha! Sobrang ingay sa loob. Pero masaya kasi maraming tao ang kumakanta, enjoy na enjoy sila!”
     “Upo tayo,” yakag ni Ivan.

     Umupo sila sa batong upuan, magkalayo nang kaunti. Si Ivan sa kaliwa at si Ellie naman sa kanan. Malamig ang simoy ng hangin. Pansin ni Ivan na giniginaw si Ellie kaya ipinatong niya ang kanyang jacket. Namula ang dalaga at nagpasalamat.

     “Mukhang nagkabati na sina Reed at Neri ha,” ang paksang binuksan ni Ivan para naman may mapag-usapan.
     “Ha? Magkagalit ba sila?” pagtataka ni Ellie.
     “Hmm. Parang ganun na nga. Teka, ‘wag mong sabihing hindi mo alam?”
     “Ang ano?” pag-uusisa ni Ellie. Wala talaga siyang ideya.
     “‘Di ba? Sila dati tapos nag-break sila?” ang walang patumpik na sabi ni Ivan.
     “Hindi nga?” nasurpresa si Ellie. “Wala naman siyang sinasabi sa amin. Ang sabi niya pa, huwag daw akong maglilihim pero siya pala ‘tong naglilihim,” may kaunting tampo siyang naramdaman.

     Maaliwalas ang langit. Napakarikit ng mga bituin at ang ilaw sa paligid ay para bang kumikislap sa malayo. Tumingin sila pareho sa kalangitan.

     “Ang ganda…” ang narinig na salita ni Ellie mula kay Ivan.
     “Oo, ang ganda ng mga bituin,” tugon niya.
     “Hindi. Ikaw ang maganda, Ellie…”

     Napatingin siya kay Ivan at nakita niya ang nakangiting mukha ng binata.

      “Mukhang sa buong buhay ni Neri, ngayon lang siya hindi nagalit sa akin. Dahil ba sa iyo kung bakit ganoon?” tanong nito.

     Hindi nakapagsalita si Ellie. Nakatingin lang siya kay Ivan. Dahan-dahang lumalapit ang kamay ni Ivan sa kanyang kamay na nakapatong sa kanilang inuupuan at nahawakan na nga nito ang kamay ng dalaga.

     “Ivan…” sambit ni Ellie.
     “Sshh.” Lumapit si Ivan sa kanya, “Alam mo, ngayon lang ako nakaramdam ng kakaibang kasiyahan… nang makilala kita…”

     Hinawakan niya ang baba ni Ellie at inilapit ang kanyang mukha. Pinikit ng dalaga ang kanyang mga mata at kasabay ng paglitaw ng napakagandang fireworks ay ang pagdampi ng kanilang mga labi. Napakagandang tanawin. Dalawang pusong nagmamahalan… At kung nakapagsasalita nga lang ang kanilang mga puso, malamang ay nasabi na nito ang nararamdaman ng bawat isa.

     “Mahal kita, Ellie…”
     “Mahal din kita, Ivan…”

     Saksi ang langit, mga bituin, mga ilaw sa paligid, ang kanilang inuupuan at higit sa lahat, si Benjo. Halos madurog ang kanyang puso at ang galit na nararamdaman niya ay higit pa sa sumabog na paputok. Ang babaeng mahal niya… Wala na… Wala na…

     Tumakbo siya. Malayung-malayo at nang siya’y madapa, tumulo ang kanyang mga luha.

     “Bakit? Bakit si Ivan pa?” ang tanong na sumagi sa kanyang isip.

     Sinuntok niya ang patag na sementong kanyang kinauupuan. Tumigil din siya, pansin niyang mukha lang siyang tanga sa ginagawa niya at isa pa, dumugo na kasi ang kamay niya.

     “Shit, ang sakit,” sabi niya sa sarili.

     Tumayo siya at bumalik na parang walang nangyari.

***

Music of Love (14)


Chapter 1: Big and Little Sister
Chapter 2: To Love and To Lose Hope
Chapter 3: A Lesson of Love
Chapter 4: Lost and Found
Chapter 5: Acceptance
Chapter 6: Coincidence
Chapter 7: An Unforgettable Melody
Chapter 8: Sense of Danger
Chapter 9: Confusion and Questions
Chapter 10: Confession
Chapter 11: Burst of Emotions
Chapter 12: Unsung
Chapter 13: The Truth Behind

***
Chapter 14
The Concert


     Nagising si Benjo isang umaga na may katabi nang concert ticket ng ‘The Scavengers’, ang sikat na rock band ng taon. Dali-dali siyang bumangon at bumaba. Nag-aalmusal na sina Reed at ang tita niya.

     “Kuya Reed, sa iyo galing ito?” tanong niya, masayang-masaya.
     “Halleer? Alangan namang kay Santa.”
     “Wow! Buti nakakuha ka. Magkano?”
     “Bayad na iyan.”
     “Parang nagtatanong lang naman e!”
     “Kumain ka na muna Benjo, mamaya na iyang ticket-ticket na iyan,” saway ng tita niya.

     Naglalaro ng skateboard sina Chad at Duncan nang magpunta sina Reed at Benjo sa lugar nila. Ganoon din ang reaksyon nila, gaya ng kay Benjo, nang iabot ni Reed ang ticket.

     “Benjo, maiiwan ka ba rito?” tanong ni Reed. “Pupunta ako kay Ivan, ibibigay ko ‘tong isa.”
     “O sige, magpapakitang gilas muna ako. Yabang nitong dalawang ito, kala mo sila lang marunong mag-skateboard,” ang tinutukoy niya ay sina Duncan at Chad.

     Pinuntahan na nga ni Reed si Ivan. Napakamot ito nang ibigay ni Reed ang ticket.

     “Pre, wala na akong pera.”
     “Sus, bayad na iyan. O ito pa,” inabot niya ang isa pang ticket.
     “Bakit dalawa?” tanong ni Ivan.
     “Lumapit ka sa’kin, pre,” utos ni Reed. At ibinulong niya, “Ibigay mo yung isa kay Ellie.”

     Namula ang mukha ni Ivan, “Kay Ellie? Bakit?”

     “Asus si ‘van kunwari pa. Kala mo ha! Nabasa ko kaya yung nilagay mong CRUSH dun sa autograph na pinasagutan ni Chad. Ang initials e S.L.E. stands for San Luis Eliza,” tamang hinala ni Reed.
     “Ha? Hindi a!” tanggi ni Ivan.
     “Palusot! Yung nilagay ko kaya S.L.N., San Luis Nerissa.”

     Tumawa silang dalawa.

     “Haha! Uy pre, ‘wag kang maingay ha?” pakiusap ni Ivan.
     “‘Di nga, ‘van? Si Ellie talaga?”

     Nahihiya pa si Ivan, “Ahehe! Oo!”

     “Haha! Oo-oo ka pa riyan, yari ka kay Benjo!”
     “Bakit, anong masama? Crush lang naman ha?”

     May pasok na naman at natapos ang practice sa choir. Hinabol ni Ivan si Ellie nang makita niyang nakalalayo na ito.

     “Ellie!” tawag niya.

     Nilingon siya ni Ellie at nagtanong, “Bakit?”

     Kinuha niya ang ticket na nasa loob ng kanyang bag at ibinigay kay Ellie. Binasa ni Ellie ang nakasulat, “The Scavengers, Live. Ano ito?”

     “Imbitahin sana kitang manood ng concert.”
     “Ay naku, ayaw ko ng ganito,” tanggi ni Ellie. Binabalik nga niya ang ticket kay Ivan.
     “Dali na, minsan lang naman ito. Tingnan mo, sila yung Rock Band of the Year. Safe naman ang concert saka for sure mag e-enjoy tayo rito.”

     Nagdadalawang-isip pa si Ellie pero pumayag na rin naman siya, “Hmm. Sige na nga.”

     “Talaga? Aasahan ko iyan ha! Dadaanan na lang kita sa inyo. Thanks, Ellie.”

     Samantala ay hawak pa rin ni Benjo ang ticket. “May extrang ticket pa kaya si Kuya Reed? Ano kaya kung imbitahin ko si Ellie?” tanong niya sa sarili ngunit naalala niya ang napag-usapan nila dati.

     “Pero puwede ba kitang yayaing manood ng concert?”
     “Ayoko. Delikado pag nagkaroon ng stampede.”

     “Ay, ‘di nga pala papayag yun.”

     Pumasok si Ellie sa classroom dala ang ticket ng The Scavengers.

     “Meron ka rin niyan, Ellie?” gulat na tanong ni Benjo.
     “A, oo.” Umupo ito. “Binigay ni Ivan.”

     Sumimangot si Benjo, “Pupunta ka?”

     “Syempre magpapaalam muna. Pag pinayagan, pupunta ako. Pag hindi, edi hindi.”
     “E akala ko ba ayaw mo manood ng concert? ‘Di ba sabi mo sa akin dati?”
     “Safe naman daw sabi ni Ivan.”
     “Ivan! Puro na lang Ivan!” bulong ni Benjo.
     “May sinasabi ka, Benjo?”
     “Wala!”

     Nasa cafeteria si Neri gayundin si Reed. Naghahanap ng tiyempo ang binata. Gusto niya kasing ibigay ang isa pang ticket kay Neri. Nang dumaan ang waiter ay kinalabit niya ito.

     “A excuse me, brad. Pakibigay naman ‘to dun sa babaeng yun.” Tinuro niya si Neri, “Ayun o, yung may earphones. Pakisabi pinabibigay ni Reed pogi.”

     Kinausap na ng waiter si Neri. Tumayo ito sa kinauupuan at papalapit na kay Reed. Tagaktak ang pawis ni Reed.

     “Naku po! Ayan na siya!” ang nasa isip ng binata.
     “Hoy, Reed pogi!” tawag ni Neri. Tumingin si Reed sa kanya. “O ito,” binigay niya ang P200, ang mismong halaga ng ticket.

     Napatayo si Reed sa kinauupuan, “Pupunta ka?”

     “Natural.”
     “A. E. ‘Wag mo nang bayaran!”
     “Ayoko ng nililibre ako.”
     “Susunduin kita. Puwede?”
     “Bahala ka,” sagot nito at bumalik na sa kinauupuan.
     “Yes!” sigaw ni Reed. Pasimpleng ngumiti si Neri.

     Sa tahanan ng Pamilya San Luis. Naghahapunan sila nang magkasabay sina Ellie at Neri sa pagsabi ng tungkol sa concert.

     “Ma, pa, puwede po ba akong manood ng concert?” tanong ni Ellie. “Pa, ma, manonood ako ng concert,” sabi naman ni Neri. Nagkatinginan silang dalawa.
     “Concert? What concert?” tanong ni Arthur.
     “The Scavengers,” sabay na naman sila.
     “Same concert huh? Yeah sure, the both of you can go,” pagpayag ni Leda.
     “Sinong nagbigay ng ticket sa iyo?” pag-uusisa ni Neri.
     “Si Ivan,” sagot ni Ellie.
     “Hindi ka pupunta.”
     “Ha? Bakit?”
     “Because I said so!”
     “Neri, ano ka ba?” pakikialam ni Arthur. “‘Di ba napag-usapan na natin ito?”
     “Pero papa, lalabas siya kasama si Ivan!”

     Pumasok si Aling Isabel sa kusina nang marinig niya ang pangalan ng anak.

     “Look what you just did! You’re making the people here so upset. Gustong manood ni Ellie ng concert and you cannot stop her!” galit na sabi ni Arthur.
     “Fine!” tumayo si Neri at umakyat papunta sa kuwarto.
     “Pagpasensyahan mo na ang ate mo. Kung bakit siya galit kay Ivan… Better ask her about that,” mahinahong sabi ni Arthur kay Ellie.

     “Dahil ba kay Trish?” tanong ni Ellie nang pumasok siya sa silid ni Neri.

     Tumango si Neri at umiyak na parang bata, “Alam mo na pala, little sister.”

     “Napag-usapan kasi namin ni Ivan. Alam mo ate, ‘di naman niya kasalanan e! Nawala si Trish kasi inilayo siya ng mga magulang niya.”
     “Dahil nga sa kanya yun!” pilit ni Neri.
     “Nagkakaganyan ka kasi ‘di mo na nakakasama ang bestfriend mo and you’re missing her. Pero ang tanong: Bakit hindi ka man lang niya kinocontact? Wala siyang pagpaparamdam for how many months. Hindi ka dapat magkaganyan, ate, because you still have Marcus and you still have ME!
     “Try to be friends with other people at kalimutan mo na iyang galit mo kay Ivan. Wala naman siyang ginawang masama. Minahal lang niya si Trish at ayaw ng mga magulang ni Trish sa kanya, so inilayo nila si Trish. Nakanino ang problema? Nasa kanila at hindi kay Ivan, ‘di ba? Kasi you know what ate, the more na magagalit ka kay Ivan, the more na malulungkot ka. Sana naaabsorb mo lahat ng mga sinasabi ko.”

     Iyak nang iyak si Neri. Yumakap siya kay Ellie, “Sorry, Ellie… Sorry…”

     Hinaplos ni Ellie ang buhok ng kanyang kapatid, “O sige, tama na ang iyak, ate. Hindi ka naman ganyan dati. ‘Wag ka nang magalit, ok?” Tumango si Neri at pinahid ang mga luha.

     Araw na ng concert. Maaga pa pero bihis na ang magkapatid.

     “What’s that?” tanong ni Neri na para bang nandidiri nang makita ang suot ng kapatid. “Little sister, concert po ang pupuntahan natin, hindi simba.”

     Mahabang palda at long sleeves na naman kasi ang suot nito. Tumingin si Ellie kay Arthur na kasalukuyang umiinom ng tsaa.

     “Better listen to the fashion guru, Ellie,” payo ni Arthur.

     Hinila ni Neri ang kapatid, “Halika, little sister.” Umakyat sila sa kuwarto. Nilabas niya ang ilang damit. Kulay itim, yun daw kasi ang motif sabi niya. “O ayan, mamili ka riyan.”

     “Ate, hindi naman ako nagsusuot ng ganito.”
     “Pwes ngayon, magsuot ka na! Ngayong gabi lang naman. Moderno na ang panahon ngayon at ang istilo ng pananamit mo ay kapanahunan pa ng mga ninuno natin. Mamili ka riyan,” sabi niya habang sinasalansan ang mga damit.

     Matapos ang isang oras at kalahating pag-aayos, ito na ang bagong Ellie. Natulala si Arthur. Napangiti naman sina Leda at ang nagwawalis na si Aling Isabel.

     “Ang ganda niya, ano? Manang-mana sa ate,” sabi ni Neri na abot tainga ang ngiti.

     Hiyang-hiya si Ellie sa suot niyang maong na shorts, black t-shirt at rubber shoes. ‘Di naman kasi siya nagsusuot ng ganito. Naka ponytail siya, may kaunting make-up at lip gloss. Pinatanggal ni Neri ang kanyang salamin. ‘Di naman kasi talaga malabo ang mga mata niya. Pinagsuot din siya ni Neri ng hikaw at singsing.

     “Ok lang ba ang suot ko?” tanong ni Ellie.
     “Ay naku, ‘nak! Ok na ok!” pagsang-ayon ni Arthur. “Thanks, fashion guru,” pagpapasalamat niya kay Neri.
     “Welcome. Ok bye, aalis na kami,” paalam ni Neri.

     Magkahawak kamay sina Neri at Ellie na lumabas ng bahay.

***

Music of Love (24)


Chapter 1: Big and Little Sister
Chapter 2: To Love and To Lose Hope
Chapter 3: A Lesson of Love
Chapter 4: Lost and Found
Chapter 5: Acceptance
Chapter 6: Coincidence
Chapter 7: An Unforgettable Melody
Chapter 8: Sense of Danger
Chapter 9: Confusion and Questions
Chapter 10: Confession
Chapter 11: Burst of Emotions
Chapter 12: Unsung
Chapter 13: The Truth Behind
Chapter 14: The Concert
Chapter 15: First Kiss, First Heartbreak
Chapter 16: Heaven is Being With You
Chapter 17: The Dream
Chapter 18: Farewell and Hello
Chapter 19: Just a Substitute
Chapter 20: Taking Back What’s Mine
Chapter 21: The Friendship Ring
Chapter 22: Discovery
Chapter 23: Sentiments

***
Chapter 24
A Proposal


     Ang bawat araw na lumipas ay hindi maganda para kay Trish sapagkat magkasama na nga sa choir sina Ellie at Ivan ay magkasama pa rin sila sa, ayon sa kanya, ay “lintik na Christmas Play”.

     Kung pagmamasdan mo, mukha siyang isang mapag-alagang girlfriend sapagkat lagi siyang nakabuntot na parang aso kay Ivan at pinupunasan ang bawat pawis na tumutulo sa kasintahan.

     May pagkakataon ding tinuturuan niya si Ivan kung paano umarte, astang direktor ba, pinagmamalaki niyang artista siya e wala na naman siyang career ngayon. Naiinis si Ellie kay Trish ngunit hindi na lang siya nagsasalita at pinababayaan na lang ang kalokohang pinaggagagawa nito. Sa totoo lang ay nakagugulo ang “artistang walang career” na ito sa ensayo para sa Christmas Play dahil mahilig itong pumapel ngunit hindi na lang siya pinansin ng staff.

     May isang pagkakataon ding hiniram niya ang script na hawak ni Ivan at pina-photocopy iyon. Sa isang sulok ay umupo siya at kinabisado ang bawat linyang nakasulat sa script.

     Isang hapon, uwian na noon, ay magkakasama sina Trish, Neri, Ivan, Reed, Benjo at Ellie. Nagmamadaling nagpaalam si Trish sa kanila nang may tumawag sa cell phone niya.

      “It’s an emergency. I’m sorry guys,” paumanhin niya. Hahalikan pa nga sana niya si Ivan sa pisngi ngunit umiwas ito. Nagmadali siyang lumabas ng Unibersidad.
     “Ano kaya ang emergency na yun?” may pagtatakang tanong ni Benjo.

     Napataas ng balikat si Ellie, “Ewan, malay, hindi ko alam at wala akong pakialam.”

     Umuwi muna si Trish sa bahay nila at nagbihis, pagkatapos ay umalis at pumunta sa Yin Yang Chinese Restaurant na pag-aari ni Harold Lim. Hinalikan niya si Harold sa pisngi nang salubungin siya nito. Naghanap sila ng magandang lugar. Hmm. Mukhang may date ang dalawa.

     Umorder si Harold at kumain na nga sila. Napapasarap na sa pagkain si Trish nang may sabihin si Harold sa kanya.

     “I want to marry you, Trish.”

     Natigil sa pagnguya si Trish at uminom ng tubig. Nabigla kasi siya sa sinabi ni Harold.

     “Did I hear you right, Harold? You want to marry me?” tanong niya.
     “That’s right,” sagot ni Harold. Hinawakan niya ang kamay ni Trish, “We’ve been together for two years now and I want to spend my whole life with you.”

     Two years... Matagal niya na talagang niloloko si Ivan.

     “We’ve been to different places for six months. We went to Singapore, Thailand and Malaysia —everywhere in Asia! We went to Paris, London and America! I’m so happy when I’m with you and I’m really thankful that I met you.”

     Talaga namang nagsisinungaling siya. Kung may totoo man sa sinabi niya, iyan ay ang pagiging tutol ng mga magulang niya kay Ivan sapagkat ‘di nila matanggap na ang boyfriend niya ay anak lamang ng isang driver at driver pa man din nila.

     Ang sabi niya pa’y kinulong siya ng mga magulang niya sa bahay at nasisi pa tuloy ni Neri si Ivan dahil sa pagkawala na lang niya bigla. Yun pala, sa loob ng anim na buwang pagkawala ay kasama niya si Harold. Sa iba’t ibang bansa ay nagpapakasaya sila at ang kawawang si Ivan gayundin ang mga kaibigan niya ay iniwan niya na lang bigla nang wala man lang pasabi.

     Kinuha ni Harold mula sa kanyang bulsa ang isang singsing. Mag pro-propose na siya kay Trish!

     “Will you marry me, Trish?” tanong ni Harold.

     Si Harold Lim. Dalawampu’t apat na taong gulang. Sa murang edad ay nagkaroon na ng sariling restaurant. May dugong intsik, matangkad, matangos ang ilong, gwapo, palaging naka-gel ang buhok at higit sa lahat, ubod ng yaman. Iyon ang bagay na nagustuhan ni Trish sa kanya.

     Sino ba naman ang tatanggi sa alok na pagpapakasal? Kung tutuusin ay napakalaking isda na ang nabingwit ni Trish ngunit wala siyang balak na magpakasal dito. Ang tanging mahal niya ay ang pera nito.

     “Pakakasalan mo ba ako?” tanong uli ni Harold.

     Umiling si Trish, “I’m sorry, but I’m not yet ready.”

     Hindi naman inaasahan ni Harold ang pagtanggi niya at ito’y nagtanong, nanghingi ng dahilan kung bakit ayaw tanggapin ng “kasintahan” ang kanyang alok, “Why? You’re 19 and I’m 24. Nasa right age na naman tayo.”

     “Because I’m not yet finished with my studies, that’s why,” sagot ni Trish, parang galit pa nga.

     Naiintindihan naman ni Harold ang kanyang dahilan at tinanggap ang pagtanggi ni Trish sa kanyang alok. “Ok, hihintayin kita hanggang sa maging handa ka na,” malungkot niyang sinabi.

     Ilang araw pa ang lumipas. Tuwing uwian ay sinusundo ni Harold si Trish kaya madalas ay hindi na siya sumasabay kay Ivan. Napakarami niyang dahilan. Ayos lang naman para kay Ivan iyon, mas natutuwa pa nga siya ngunit nahihiwagaan din siya.

     Christmas Program. Ito ang araw na talaga namang pinaghandaan ng lahat. Maaga pa lamang ay pumasok na si Ellie, excited siya at kinakabahan.

     “Sana ay mapasaya ko ang mga bata at lahat ng manonood,” sabi niya sa sarili.

     Dumaan muna siya sa Music Hall at naglabas ng tensyon sa pamamagitan ng pagtugtog ng piano. Nang matapos na ang kanyang tinutugtog ay may pumalakpak.

     “Bravo, bravo,” may pagkamaarteng sabi ni Trish. Tumayo si Ellie at nilapitan niya ito. “Talagang kinakarir mo na yung piano, ano? Feel na feel mo na iyan,” dagdag pa niya.
     “Wala ka na naman bang magawa, Trish? Kung wala, subuan mo na lang si Ivan o punasan mo na lang ang pawis niya.”

     Tinaas ni Trish ang kaliwang kilay, “Aha! I knew it! You’re just jealous.”

     “Ako magseselos sa iyo?” Mahinhing tumawa si Ellie, “Haha! Bakit, e ako ang mahal ni Ivan?”

     Napasimangot si Trish at nanggalaiti, “What did you say? I hate you! I really hate you!” Sinabunutan niya si Ellie, “Walang hiya ka! Mang-aagaw ka ng boyfriend!”

     Hindi naman nagpatalo si Ellie. Nagsabunutan silang dalawa at umalingawngaw sa buong Piano Room ang sigawan nila. Galit na galit si Trish kay Ellie, ‘di sinasadyang naitulak niya ito at nauntog sa pader. Nagkaroon si Ellie ng putok sa kaliwang kilay at nawalan ng malay. Litong-lito si Trish, dali-dali siyang umalis sa Piano Room. Lumabas siya sa Music Hall na nagmamadali, para bang nakagawa ng krimen at may nakikita sa kanya: si Ivan.

     Nagtaka si Ivan kung bakit ganoon na lamang ang ikinilos ni Trish paglabas nito ng Music Hall kaya’t pumasok siya sa loob at kanya ngang nakitang walang malay si Ellie.

     “Ellie! Ellie! Ellie, gumising ka!” sabi ni Ivan, alalang-alala. Inuuga niya ang katawan ni Ellie ngunit hindi ito nagigising. Binuhat niya si Ellie at agad siyang nagtungo sa klinika.

     Alas diyes ng umaga ang umpisa ng play. 9:30 na, kumpleto na ang mga tauhan ng play, maging si Ivan ay nandoon na ngunit wala pa rin si Ellie.

     9:45. Wala pa rin si Ellie. Ang dami nang nagte-text sa kanya. Lahat ay nag-aalala lalo na si Benjo.

     9:47. Nagprisinta si Trish na siya na ang papalit kay Ellie. Ang sabi pa niya’y kabisado niya ang mga linya ng tauhang ginagampanan nito. Pumayag ang direktor kahit na alam nitong P.A. lang siya ni Ivan.

     9:50. Nagbihis si Trish at kinausap ang sarili,

     “Buti nga sa kanya. Sorry ka lang, Ellie. Ako na ang leading lady ni Ivan. Panalo ako!”

     9:53. Dumating si Ellie na hingal na hingal. Nakita ang kasiyahan sa mukha ng lahat.

     “Pasensya na po kung na-late ako,” paumanhin niya.

     9:55. Lumabas si Trish sa dressing room. Nagulat siya nang makita si Ellie.

     “Trish, hubarin mo na iyan,” utos ng direktor. “Nandito na si Ellie.”

     Nagbigay ng nakakalokong ngiti si Ellie at sinabihan si Trish, “Akala mo siguro, hindi na ako dadating, ano? Sorry ka na lang, Trish. Ako pa rin ang leading lady ni Ivan.”

     At saktong alas diyes, nagsimula na ang play. Maganda at mahusay ang pagganap ng bawat isa at talaga namang natuwa ang lahat ng nanood lalo na ang mga bata. Nagselos si Trish at nag-walk out nang ang parteng may kissing scene na ang ipinalabas. Kinuhanan naman sila ni Reed ng litrato.

     Hinanap ni Ivan si Trish upang tanungin nang matapos ang play.

     “What do you want?” tanong ni Trish.

     Nang magsasalita na si Ivan ay biglang dumating si Ellie at niyakap siya sa harap pa mismo ni Trish!

     “Ang galing natin, Ivan! Nakita mo ba? Ang daming pumuri sa atin! Ang daming batang natuwa!”

     Umuusok si Trish sa sobrang galit. Sasaktan niya na naman sana si Ellie ngunit may biglang humawak sa kanyang balikat. Pag lingon niya, si Harold Lim!

     “Hi Trish!” bati nito. Gulat na gulat si Trish.

     Nandito si Harold, bakit kaya? At nandito rin si Ivan! Naku, ano ang gagawin niya? Malalaman na kaya ang panloloko niya?

***

Music of Love (23)


Chapter 1: Big and Little Sister
Chapter 2: To Love and To Lose Hope
Chapter 3: A Lesson of Love
Chapter 4: Lost and Found
Chapter 5: Acceptance
Chapter 6: Coincidence
Chapter 7: An Unforgettable Melody
Chapter 8: Sense of Danger
Chapter 9: Confusion and Questions
Chapter 10: Confession
Chapter 11: Burst of Emotions
Chapter 12: Unsung
Chapter 13: The Truth Behind
Chapter 14: The Concert
Chapter 15: First Kiss, First Heartbreak
Chapter 16: Heaven is Being With You
Chapter 17: The Dream
Chapter 18: Farewell and Hello
Chapter 19: Just a Substitute
Chapter 20: Taking Back What’s Mine
Chapter 21: The Friendship Ring
Chapter 22: Discovery

***
Chapter 23
Sentiments


     Isang pangkaraniwang araw. Nasa library sila nang mapansin ni Ellie ang kamay ni Benjo.

     “Kahapon pa yata wala ang singsing mo, Benjo.”
     “A, oo nga e! Nawala kasi ni Kuya Reed, nakakainis nga,” halata ang pagkainis sa tono ni Benjo, gayundin ang kalungkutan.
     “E ano pa ang silbi ng singsing ko kung wala nang kapareha?” may kalungkutan din sa tinig ni Ellie. Oo nga naman, ano ang silbi ng isang bagay na walang kapareha?
     “Bili na lang kaya tayo ng bago?” mungkahi ni Benjo.
     “Huwag na!” tanggi ni Ellie.

     Lumabas sila sa library at pumunta sa Lover's Lane. Ito yung lugar sa likod ng Unibersidad na madalas puntahan ng mga magkasintahan. May inilabas na maliit na supot si Ellie nang makaupo na sila sa bench.

     “Ano iyan?” tanong ni Benjo.

     At sa supot na iyon ay inilabas ni Ellie ang dalawang kwintas. “Pinagawa ko ito,” sabi niya. “Ang kwintas na ito ay espesyal, Benjo, sapagkat ang pagbibigyan ko nito ay espesyal din.”

     “Biyak na hugis ang puso nito a!” pansin ni Benjo nang kunin niya ang isa.
     “Oo. Isa sa iyo at isa sa akin. Dalawang biyak na puso ngunit kung pagdidikitin natin,” pinagdikit nila ang dalawang kwintas, “Ang dalawang biyak na puso ay magiging isa.”

     Naging buong hugis-puso ang kwintas at may nakaukit dito: “Benjo & Ellie”. Matutuwa na sana si Benjo kaso sa nabasa niyang “bestfriends forever” para bang nagunaw ang mundo niya.

     “Ayoko yatang tanggapin iyan ha,” sabi niya.
     “Bakit naman?” pagtataka ni Ellie. Mukhang ‘di nagustuhan ni Benjo ang kwintas, nakakatampo naman.

     Huminga nang malalim si Benjo, tumingin kay Ellie na maluha-luha ang mata at nagwika,

     “Palagi na lang ba akong masasaktan ha? Palagi na lang ba akong aasa? Sabihin mo nga sa akin, ano bang meron si Ivan na wala ako? Ano bang nakita mo sa kanya na hindi mo nakita sa akin? Ano ba ang espesyal sa gagong iyon?”
     “Benjo, ano ka ba? Tumigil ka nga riyan!” awat ni Ellie pero patuloy pa rin sa pagsasalita si Benjo, parang walang narinig.
     “Bakit ba ako baliw na baliw sa iyo? Bakit sa dinami-rami ng babae ikaw pa ang tinitibok ng tangang puso ko?” Tumulo na ang mga luha niya, “Bakit hindi mo ako kayang mahalin? Bakit kaibigan lang ang tingin mo sa akin?”

     Hinalikan siya ni Ellie nang sa gayon ay matigil na siya. YES! Sa wakas ay natupad na rin ang pangarap ni Benjo na mahalikan si Ellie. Totoo nga ba talaga ito? Hindi siya makapaniwala at maya-maya'y may narinig siyang bumubulong. Mahina sa una ngunit kalauna'y lumakas, bulong na naging sigaw.

     “Benjo, gising na!!! Male-late ka na!”

     Dumilat siya at nakita ang mukha ni Reed. Kinuha niya ang kanyang unan at itinakip ito sa mukha niya. “Kahit kailan talaga, panira ito ng kaligayahan,” bulong niya.

     “Hoy, Benjo! Bangon na!”

     Kinamot ni Benjo ang ulo niya, halata ang pagkainis, “Oo na! Ang ganda-ganda ng panaginip ko e! ‘Kakaasar naman o!”

     Bumangon na siya, nagmadaling naligo, nagbihis, kumain ng almusal at nagsipilyo. Pag labas nila ng bahay ay nakita niya ang skateboard ni Chad.

     “Bakit nandito ito?” tanong niya.
     “Iniwan niya iyan kagabi.”

     Abot tainga ang ngiti ni Benjo, “Puwede kong gamitin? Hindi ko naman sisirain e!”

     “A, o sige, bahala ka,” sagot ni Reed. Kinuha ng kanyang pinsan ang skateboard at nauna nang umalis. “Hoy, Benjo! Kumag! Hoy hintayin mo ako!” sigaw niya ngunit nawala na sa paningin niya ang pinsan.

     Ibang daan ang tinahak ni Benjo. Hindi niya nga alam kung ano ang nagtulak sa kanya upang dumaan sa lugar na ito. Sa ‘di kalayuan ay may tatlong lalaki at mukhang pinagkakatuwaan ng mga iyon ang isang babae.

     “Miss naman, gusto lang naman naming makipagkilala sa iyo e!” ang sabi ng una.
     “Pasensya na,” paumanhin ng babae. “Wala akong panahon sa ganito. Male-late na ako kapag hindi pa kayo umalis sa dinadaanan ko.”
     “Ang sungit mo naman!” sabi ng ikalawa. “Sabihin mo na kasi kung ano ang pangalan mo.”
     “Hoy kayo!” sigaw ni Benjo. Napatingin ang mga lalaki sa kanya. “Anong ginagawa ninyo?” tanong niya.
     “Benjo!” sigaw ng babae, halata ang kagalakan. Patakbo siyang lumapit kay Benjo at nagtago sa likuran nito.
     “Alis na nga tayo,” yakag ng ikatlong lalaki at umalis na nga sila.

     Naging panatag na ang loob ng babae. Buti na lang at dumating si Benjo kundi baka napaano na siya.

     “Ayos ka lang, Iris?” tanong ni Benjo nang makaalis na ang mga lalaki. Si Iris ang ikalawa sa anim na magkakapatid na Alvarez. Kapatid siya ni Ivan.
     “Oo. Buti na lang at dumating ka. Maraming salamat,” pagpapasalamat ni Iris.
     “Bakit kasi mag-isa ka lang na naglalakad dito?”
     “May shortcut kasi dito papunta sa school. E ikaw? Anong ginagawa mo rito?”
     “Ako? Ewan, namamasyal. Sige, una na ako. Ingat ka.” Pinaandar na ni Benjo ang skateboard. Nakatitig lang si Iris sa kanya hanggang sa mawala na siya.

     Nagsimula na ang klase sa Unibersidad. Nang pumasok ang prof nila (ang prof na nakahuli kay Benjo nang siya ay gumagawa ng sulat para kay Ellie ay guro pa rin nila hanggang ngayon), ay naghatid ito ng isang balita. Ang Unibersidad daw ang magsasagawa ng isang maiksing Christmas Play para sa Christmas Program. Dalawang linggo na lang ay isasagawa na ang palatuntunang iyon.

     “Ang palabas na ito ay alay sa mga batang kapus-palad. So, magkakaroon tayo ng mga batang visitors dito mula sa mahihirap na pamilya. After that, mamimigay ng goods. Sa ngayon ay nagpapa-audition ang Drama Club for the said play so for those interested students, there will be an audition this afternoon at the Auditorium. I hope na pupunta kayo sa audition.”

     Mukhang interesante ang Christmas Play na iyon kaya naman tinanong ni Benjo si Ellie kung interesado ba siya rito.

     “Mag au-audition ka ba, Ellie?” tanong niya nang naglalakad sila papunta sa sunod na klase.
     “Sino naman ang nagsabing marunong akong umarte? Hindi ko forte iyan, Benjo.”
     “Ayan ka na naman e! E kung mag-audition kaya tayong dalawa, ano sa tingin mo? Wala namang masama kung susubukan natin, ‘di ba? Wala namang mawawala sa atin.”

     Nag-isip si Ellie, “Hmm. O sige na nga. Pero bago tayo mag-audition, kumain muna tayo ng lunch at tanungin na rin natin si Ate Neri. Mahilig kasi siyang sumali sa mga ganyan.”

     “O sige!” tugon ni Benjo.

     Oras na ng tanghalian at magkakasama sina Reed, Ivan, Neri at Trish sa cafeteria. Sinusubuan pa nga ni Trish si Ivan.

     “Baby, kain ka na,” paglalambing niya. Halatang naiirita si Ivan; hindi nito ibinubuka ang bibig niya.

     Natatawa naman si Reed. “Parang tanga!” isip niya.

     “Hi, Ate Neri!” bati ni Ellie nang pumasok sila ni Benjo sa cafeteria.

     Patuloy na sinubuan ni Trish si Ivan. Ang motibo niya'y inggitin si Ellie. Hindi naman maiwasang mapansin siya ni Ellie.

     “Aba, nakakuha na pala ng yaya si Ivan,” pang-aasar nito.

     Nagtawanan ang lahat. Nainsulto si Trish at ibinaba ang kutsara. “Anong gusto mong iparating diyan sa sinabi mo ha, Ellie?” tanong niya.

     Nagsalita si Reed, “Ang nais niyang iparating e OA ka! May kamay naman iyang boyfriend mo, sinusubuan mo pa. Hindi mo ba nakikitang naiirita na siya sa iyo?”

     Tumayo si Trish. “I'm leaving!” galit niyang sinabi. “Baby, let's go!” yakag niya kay Ivan ngunit hindi ito kumilos. “What? Are you deaf, Ivan? I said let's go!”

     “Sige, mauna ka na. Susunod na lang ako,” sagot ni Ivan.

     Inis na inis si Trish. Kinuha niya ang kanyang Louis Vuitton na bag at padabog na naglakad palabas.

     “Hay buti, nawala na ang impakta,” isip ni Ellie. “Puwede kaming umupo rito?” tanong niya.
     “Sige lang,” sagot ni Reed at umupo na sina Ellie at Benjo.
     “May problema, Ellie?” tanong ni Neri.
     “A, wala naman,” sagot ni Ellie. “Itatanong ko lang sana kung mag au-audition ka para sa Christmas Play? Balak kasi naming sumali ni Benjo.”
     “Hindi. Hindi ako mag au-audition. Little sister, ako ang sumulat ng script at saka marami na akong experience sa ganyan. Kayo na lang.” Tinanong ni Neri si Ivan, “Ikaw ba, Ivan? Hindi ka mag au-audition?”

     Nagulat si Ivan, “Ha? Ako? Bakit ako?”

     “Oo nga, ‘van, alam kong may hidden talent ka sa acting. Mag-audition ka na rin,” pambubuyo ni Reed. “Ikaw, si Ellie, si ‘insan —kayong tatlo! Malay ninyo mapili kayo,” pang uuto niya.

     At noong tanghaling iyon, nag-audition ang tatlo. Swerte namang napili sila. Si Benjo sa minor role at sina Ellie at Ivan para sa leading role. ‘Di nila alam na kinuntsaba ni Neri ang Direktor.

     “A siyanga pala, may kissing scene, little sister,” sabi ni Neri nang pauwi na sila.

     Nabigla si Ellie, “Kissing scene?! Christmas Play may kissing scene?”

     “O bakit? Hindi naman nawawala yun.”
     “Si Ivan ang leading man ko! Ate Neri, ayoko na. Mag ba-back out na ako!”

     Nagalit si Neri sa pag-iinarte niya, “At kailan ka pa natutong sumuko? Ikaw ba talaga iyan? Nabago lang ang outfit mo, pati yata pagkatao mo nabago na. Parang hindi na ikaw ang kapatid ko a!” Natameme si Ellie.

     Hindi dinalaw si Ellie ng antok kinagabihan. Hindi siya mapakali sa kanyang higaan. Naibigay na sa kanila ang script at bukas ay may practice sila agad. Walang oras na dapat sayangin sapagkat dalawang linggo lang ang bibilangin ngunit kapag naiisip niya ang sinabi ni Neri na may kissing scene ay pinanghihinaan talaga siya ng loob. E ano naman kaya ang problema? Hindi naman ito ang unang pagkakataong makatatanggap siya ng halik mula kay Ivan, ‘di ba?

     Kinabukasan, noong umaga, ay nakita ni Ellie na mag-isa si Ivan sa tambayan. Tumutugtog ito ng gitara. Nilapitan niya ito at binati. Hindi inaasahan ni Ivan ang kanyang pagdating. Napabalikwas tuloy siya sa kinauupuan.

     “Ikaw pala, Ellie. Kumusta na?”

     Ang tanong ni Ivan na “Kumusta na?” ang labis na ipinagtaka ni Ellie.

     “Ha? Ok lang naman ako. Bakit naman ganyan ang tanong mo? Para namang hindi tayo nagkikita rito sa University.”
     “Upo ka,” alok ni Ivan at umupo silang dalawa. “Nabasa mo na ba yung script?” tanong niya.
     “Hindi pa e, babasahin ko na lang mamaya.”
     “Nakapagtataka ka naman! E yung mga komplikadong libro sa library nababasa mo samantalang yung gawa ni Neri na script, ‘di mo magawang basahin.”

     Bahagyang ngumiti si Ellie, “Oo nga e!”

      Nakatingin si Ivan sa mukha ng dalaga. Ang ngiting iyon, kay tagal din niyang hindi nakita...

     “Na-miss kita,” sambit niya.

     Tumingin si Ellie sa kanya, wari ba'y nagtataka. Napansin ni Ivan ang mga mata niyang kay ganda at walang halong pambobola, siya'y nagwika,

     “Ang ganda pala ng mga mata mo. Ngayon ko lang napansin.”

     Tumawa si Ellie, “Haha! Ang lakas mo namang mambola!”

     “Hindi ako nambobola,” diretsong sagot ni Ivan.

     Sandaling katahimikan. “Dugdug dugdug,” ang tunog ng tibok ng puso ni Ivan. Nag-ipon siya ng tapang at nagsalita,

     “Alam mo, pag may practice tayo sa choir, pag tumutugtog ka ng piano, madalas kitang makitang nakangiti. Pero ngayon, bihirang-bihira na lang.”

     Tumingin si Ellie sa ibaba, halata sa kanyang kilos na ikinalulungkot niya ang mga sinasabi ni Ivan.

     “Tapos, madalas tayong mag-usap noon. Araw-araw nagtatawanan, araw-araw nagbibiruan, araw-araw masaya ako. Pero ngayon, alam mo, nababawasan na rin ang ngiti ko.”

     Tila naluluha si Ivan habang sinasabi niya ang mga bagay na ito. Ang magandang kuwento ng pag-ibig nila ni Ellie ay bigla na lang nagwakas nang dumating si Trish. Siya'y nagpatuloy sa kanyang mga sinasabi, pinipigilang maluha nang sa gayon ay hindi siya magmukhang kahiya-hiya sa harap ni Ellie na hanggang ngayo'y nakitingin pa rin sa ibaba.

     “Buti na nga lang at kasama ko palagi itong gitarang ito.” Hinawakan niya ang gitara. “Pag tumutugtog ako, pakiramdam ko'y hindi ako nag-iisa. Pag hawak ko ang gitara ko, parang hawak na rin kita. Pag kasama ko ang gitara ko, parang kasama na rin kita. Alam mo, mahal ko ang gitarang ito dahil ikaw ang nagbigay nito, ‘di ba? At sampung beses ng pagmamahal na iyon ang pagmamahal ko para sa iyo, Ellie.”

     Nakalalambot ng puso ang bawat salitang namumutawi sa bibig ni Ivan at para bang lalong nasasaktan si Ellie sa mga salitang kanyang binibitawan.

     “Ivan, aalis na ako,” paalam ni Ellie. Tumayo siya at iiwas na naman kay Ivan ngunit hinawakan nito ang kanyang kamay na para bang ang nais iparating ay “Huwag, dito ka lang. Huwag mo akong iwan.”
     “Sa bawat pag alis mo, dinadala mo ang puso ko. Masakit sa kalooban ko ang bawat paalam na sinasabi mo,” sentimiyento ni Ivan.

     Tinanggal ni Ellie ang kamay ni Ivan mula sa pagkakahawak sa kanya at tumakbo papalayo. Naiwan na naman si Ivan mag-isa ngunit gaya nga ng sabi niya, kapag kasama niya ang kanyang gitara ay parang kasama niya na rin si Ellie na kanyang sinisinta.

***

Music of Love (22)


Chapter 1: Big and Little Sister
Chapter 2: To Love and To Lose Hope
Chapter 3: A Lesson of Love
Chapter 4: Lost and Found
Chapter 5: Acceptance
Chapter 6: Coincidence
Chapter 7: An Unforgettable Melody
Chapter 8: Sense of Danger
Chapter 9: Confusion and Questions
Chapter 10: Confession
Chapter 11: Burst of Emotions
Chapter 12: Unsung
Chapter 13: The Truth Behind
Chapter 14: The Concert
Chapter 15: First Kiss, First Heartbreak
Chapter 16: Heaven is Being With You
Chapter 17: The Dream
Chapter 18: Farewell and Hello
Chapter 19: Just a Substitute
Chapter 20: Taking Back What’s Mine
Chapter 21: The Friendship Ring

***
Chapter 22
Discovery

     Hindi pa rin makapaniwala si Reed sa natuklasan niya tungkol sa pagkatao ni Trish. Maraming lihim ang babaeng iyon at ilan pa kaya ang karelasyon nito bukod kay Ivan? Nababahala tuloy siya sa ginagawang panloloko nito sa kaibigan.

     Patulog na sila. Isasara na lamang niya ang ilaw nang tanungin siya ni Benjo,

     “Kuya Reed, may nakita ka bang singsing kanina? Ipinatong ko kasi yun sa lamesa noong naghugas ako ng mga plato, pag tingin ko wala na.”
     “Bakit? Gaano ba kaimportante yung singsing na yun?” tanong ni Reed.

     Hindi alam ni Benjo kung ano ang isasagot. Hindi naman niya maaaring sabihing ang singsing na iyon ay tanda lamang ng pagkakaibigan nila ni Ellie.

     “A kasi, yung singsing na yun... Yun ang sagisag ng pagsusumpaan namin ni Ellie na—na— na— na magmamahalan kami habang buhay!” pagsisinungaling niya. Hindi niya nga maderetso ang pagsasalita niya.

     Napataas ng kilay si Reed, “Habang buhay raw!” at sinabi niya kung ano ang nalalaman niya. Binuko niya si Benjo, “Hoy, Benjo! Bistado ka na! Akala mo ba hindi ko alam na friendship ring lang yun?”

     Gayunpaman, hindi nagpakita ng pagkagulat si Benjo at siya'y tumanggi sa paratang ni Reed. “Ha? Hindi a!” ang kanyang sinabi.

     “Ang sabihin mo, nagkukunwari lang kayo ni Ellie. Sabihin mo nga, Benjo, bakit kailangan ninyo pang magsinungaling at bilugin ang mga ulo namin? Sabi ninyo magkasintahan kayo, ‘di naman pala totoo!” bakas kay Reed ang pagkainis.

     Natawa si Benjo, “Anong sinasabi mo?”

     Masakit man ang sasabihin ni Reed ay kailangang malaman ni Benjo at isaksak sa isip nito na hindi siya ang nararapat kay Ellie.

     “Sinabi na ni ‘van kay Trish na si Ellie na ang mahal niya pero syempre, hindi naman pumayag na makipaghiwalay si Trish. ‘Insan, huwag mo na kasing ipagsiksikan ang sarili mo kay Ellie. Wala ka nang magagawa kung nagmamahalan silang dalawa ni ‘van. ‘Wag ka nang umepal!”

     Nasaktan si Benjo sa mga sinabi ni Reed. Si Reed pa man din ang naturingang pinsan niya pero ito pa ang numero unong humahadlang sa kaligayahan niya.

     “Nasasabi mo iyan kasi hindi mo nararamdaman ang nararamdaman ko! Pasalamat ka at wala kang kahati sa pagmamahal ni Neri. E ako? Paki sabi kasi riyan sa kaibigan mo na makuntento na lang kay Trish! At saka si Ellie naman ang may gusto nito. Sinusunod ko lang kung anong sinasabi niya,” kanyang hinanakit.

     Mukhang walang magandang patutunguhan ang usapang ito kaya't nagpasya si Reed na tumigil na sila sa pagtatalo at matulog na lamang.

     “Benjo, ayaw kong pag-awayan pa natin ang bagay na ito. Matulog na lang tayo, ok? Sorry,” paumanhin niya. Pinatay niya na ang ilaw. Nang tabihan niya si Benjo, narinig niya ang paghikbi nito. Huminga siya nang malalim at nagwika, “Napakahirap ng may kahati sa pagmamahal ng isang tao, alam ko naman iyon, Benjo, e!”

     Ngunit binaliwala lang siya ni Benjo, “Ewan ko sa iyo! Wala kang alam, Kuya Reed! Kumanta ka na lang. Doon ka naman magaling e!” Tumayo siya dala ang kanyang dalawang unan, kumot at cell phone.

     “Saan ka pupunta?” tanong ni Reed sa kanya.
     “Ayokong makatabi ka!” sagot ni Benjo at padabog niyang isinara ang pinto.

     Kinabukasan, nakipagkita si Reed kay Lex para linawin ang ilang bagay pero bago sagutin ang mga katanungan ni Reed ay humirit si Lex ng isang kaha ng sigarilyo.

     “O, ano ang tanong mo, pogi?” tanong ni Lex. Nagsindi siya ng isang sigarilyo. Inalok niya si Reed ngunit tinanggihan siya nito.

     Tinanong na nga ni Reed ang bagay na bumabagabag sa kanya, “Natatandaan mo ba yung lalaking nakita nating kasama ni Trish sa mall?”

     Ibinuga ni Lex ang usok ng sigarilyong hinihithit, “Paano ko ba naman makakalimutan yun e siya yung gagong bumugbog sa akin?” 

     Nagulat si Reed. Isa kasing misteryo kung sino ang bumugbog kay Lex. “Siya ang bumugbog sa iyo? Bakit? Sino ba siya?” tanong niya.

     “Si Harold Lim!” sagot ni Lex. “Akala mo kung sinong mabangis na aso e matapang lang siya dahil kasama niya yung mga tuta niya.”
     “Bakit ka naman niya binugbog?” tanong muli ni Reed. Nagpaliwanag naman si Lex.
     “Alam mo kasi, inabangan ko siya sa mall para sabihin ang mga kalokohan ng bebot niya.”
     “Kalokohan nino? Sinong bebot?” pag-uusisa ni Reed, animo'y walang alam.
     “Sino pa edi yung malanding syota ni Ivan na kala mo e Santa Santita!” may halong galit at pagkainis na pagkakasabi ni Lex.
     “Sandali, ibig mong sabihin e girlfriend nitong sinasabi mong Harold Lim si Trish?”

     Tumango si Lex, “Ganoon na nga, pogi, at alam mo ba kung ano ang sabi niyang Harold Lim na iyan sa akin? Sino raw ako, bakit ko raw sinisiraan ang syota niya. Tapos ayun, binunyag ko lahat ng kalokohan niyan ni Trish! At ang ginawa sa akin? Binugbog ako! Binugbog nila ako ng mga tuta niya.” Binalaan niya si Reed, “Kaya kung ako sa iyo, lalayo na ako sa babaeng iyan. Matindi pa sa kamandag ng ahas ni Valentina ang kamandag ng babaeng iyan. Mag-iingat kayo, pogi.”

     “Isa ngang manloloko si Trish,” pagtatanto ni Reed. Gusto niya sanang sabihin kay Ivan ang kanyang nalalaman ngunit palagay niya ay hindi pa ito ang tamang pagkakataon.

     Kinagabihan, sa kanilang bahay, ay nakita niyang malungkot si Benjo. Lumapit siya rito.

     “Nasaan na yung singsing ko?” tanong ni Benjo.

     Nagulat si Reed, “Ha?” Saan niya nga ba nailagay ang singsing? Hindi niya na matandaan.

     Sumama lalo ang loob ni Benjo, “Kinuha mo na nga, winala mo pa. Ang galing mo rin, ano?”

     Ngayon lang niya narinig na ganito ang tono ni Benjo. Kadalasan kasi kapag kinakausap siya nito ay nagpapakita ito ng paggalang ngunit ngayon ay iba. Hiyang-hiya tuloy siya at tanging nasabi ang,

     “Babayaran ko na lang.”

     Umiling si Benjo, “Terible ka. Sinisira mo talaga ang kaligayahan ko.”

     “Benjo naman, ‘di ko naman sinasadyang mawala yun.”
     “Huwag mo akong kausapin, galit ako sa iyo!” Iniwan niya si Reed.

     Nang matutulog na sila, hindi nakita ni Reed ang pinsan sa kuwarto. Naroon ito sa sofa at natutulog na pala. Kinumutan niya ang pinsan at kahit alam niyang tulog na ito ay kinausap niya ito.

     “Benjo, sorry nga pala kung nawala ko yung singsing mo. Alam kong mahalaga yun kaso ang tanga-tanga ko, nawala ko! Hindi ko talaga alam kung saan ko nalagay. Sorry!”

     At habang ito'y tulog ay kinuwentuhan niya ito,

     “Alam mo ba kahapon, nagpunta ako sa mall. Doon ko nalamang friendship ring lang yun. May nakita kasi akong tindahan na sa tingin ko ay pinagbilhan mo ng singsing. Kamukhang-kamukha kasi ng singsing mo yung mga singsing dun.
     “Pero ‘di lang yun, nakita ko uli yung sinasabi kong kasama ni Trish. Naaalala mo pa ba? Tinanong mo nga sa akin kung boyfriend niya yun. Sabi ko ‘di ko alam. Nandoon na naman nga si Trish e!
     “Alam mo ba Benjo, iyang si Trish niloloko lang pala niya si ‘van. Boyfriend niya pala talaga yung lalaking iyon!”

     Bumangon bigla si Benjo na ikinagulat ni Reed, “Talaga, Kuya Reed?” tanong nito.

     “Walang hiya ka! Gising ka pa pala!”
     “Ipagpatuloy mo yung kinukuwento mo, kuya!”
     “Yun nga. Sa madaling salita, two timer si Trish. Niloloko niya si ‘van.”

      At kinuwento niya kay Benjo ang lahat ng detalye, ang lahat ng nalalaman niya mula noong araw na makita niya si Trish sa mall hanggang doon sa nalaman niyang impormasyon kay Lex.

      “Ayokong niloloko niya si ‘van. Parang kapatid ko na kasi yun,” ang narinig ni Benjo mula kay Reed.

      Lumungkot ang mukha niya. Mukhang mas mahalaga pa para kay Reed si Ivan kaysa sa kanya at alam niyang gayun din para kay Ellie. Nakaramdam tuloy siya ng pagkamuhi sa gitarista ng kanilang grupo na kasing gulang niya. Third year na si Ivan samantalang si Benjo ay first year pa lang dahil nag-shift siya ng course. Ayaw niya na kasi ng Nursing. Pero pinipigilan niya rin ang nararamdaman niyang pagkamuhi. Hindi iyon dapat dahil si Ivan ay kanilang kaibigan at iyon ay isang bagay na kanyang pinahahalagahan.

     Sa kabila noon ay naisip din niyang tuluyan na ngang mawawala si Ellie sa kanya ngayon pa't nalaman na ni Reed na nagtataksil si Trish kay Ivan. Maaaring anumang oras ay umamin ang kanyang pinsan. Kapag nangyari iyon ay magkakaroon si Ivan ng mas mabigat na dahilan upang maganap na ang hiwalayan nila ni Trish.

     “Anong plano mong gawin? Magsusumbong ka kay Ivan? Kung oo, huwag mo nang balakin, Kuya Reed,” ang tanging pakiusap ni Benjo.
     “Bakit? E niloloko na nga siya ni Trish.”
     “Paano naman ako? Alam mong mahal ko si Ellie. Kapag nagkahiwalay na sina Ivan at Trish, paano na? Kukunin sa akin ni Ivan si Ellie. Ayaw mo ba talaga akong maging masaya, Kuya Reed?” Nangingilid ang luha sa mga mata niya. “Nawala na sa akin sina mama at papa, pati ba naman si Ellie mawawala na rin? O baka gusto mong ako na ang sunod na mawala?”

     Natakot si Reed sa mga sinabi ng pinsan, “Huwag kang magsalita ng ganyan, Benjo!”

     “Kung gayon, manahimik ka na lang. Huwag mong sabihin kay Ivan ang lahat ng alam mo. Puwede ba yun?”

     Masama man iyon sa kalooban ni Reed ay tinanggap niya kung ano ang gustong mangyari ng pinsan.


***
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly