CHAPTER 2
CHAPTER 3
CHAPTER 4
CHAPTER 5
CHAPTER 6
HULING EKSENA:
Makulimlim ang langit. Mukhang uulan kaya nagmadali na rin akong umuwi. Pagdating ko sa bahay e agad akong dumiretso sa kwarto. Buti at di ako naabutan ng ulan. Gaya ng palagi kong ginagawa e lamp shade lang ang binuksan ko. Sa pagkakataong yun ay umulan na.
Humiga ako sa kama, tulala. Nagulat na lang ako sa tunog ng hangin na humampas sa kurtina ng bintana ng kwarto ko. Bumangon ako at isinira ang bintana. Pagsara ko nun ay namatay bigla ang ilaw ng lamp shade.
"Psss! Brownout!" bugnot na pagkakasabi ko. Kasunod nun ay may narinig akong bulong. Naalarma ako.
"Lapit... lapit..." sabi ng bulong.
"Hindi ka makakaalis sa panahong ito hangga't hindi mo matututunang mahalin si Celina."
--Hannah
CHAPTER 7
David, my Son
"Lapit... lapit..." sabi ng bulong.
Nanggagaling yun sa study table ko.
"Halika... Halika..." pag-anyaya nito na habang nagpapatuloy ay naririnig ko lalo nang mas malinaw at mas malakas.
Nakabibighani ang boses. Lumapit ako sa lugar kung saan iyon nanggagaling.
"Kunin mo... Hawakan mo... Hawakan mo..."
"Ang alin?" tanong ko.
"Ako," lumiwanag ito.
"Ang relo..." bulong ko.
Lumiwanag ang relong ibinigay sa akin ni Lolo Art. Kulay ginto ang liwanag. Sobrang liwanag. Nakasisilaw. Nakabibighani ang liwanag.
"Lumapit ka... Hawakan mo..." sabi nito.
Para akong isang aliping sumusunod sa kung anumang sinasabi ng nakabibighaning boses. Hinawakan ko ang relo.
"Isuot mo..."
Isinuot ko pa iyon sa kamay ko. Nang isinuot ko na ay nawala ang ilaw nito na lubusang ipinagtaka ko. Pero di pala roon natatapos ang lahat.
"Ikutin mo... ang pihitan... Ikutin mo... Pabalik."
Inikot ko ang pihitan gaya ng sinasabi ng boses, at sa pag-ikot ko nun, biglang humangin nang malakas. Ang bintanang isinara ko ay biglang bumukas. Narinig ko ang tunog ng mga nag-gagalawang gamit sa silid ko dahil sa lakas ng hangin. Naririnig ko rin ang pagbabaklasan ng mga gamit sa kwarto ko na parang dinadala ng malakas na malakas na hangin. Hindi ko kaya ang lakas ng hangin! Tinabunan ko ang mukha ko. Parang pati ako ay matatangay!
Pagkatapos nun ay kadiliman. Wala na akong maalala sa mga sumunod na pangyayari. Namalayan ko na lang na nakahiga ako sa isang matigas na higaan.
Nasaan ako?
Bumangon ako at nakaramdam ng kirot sa tagiliran ko, masakit pero kaya namang tiisin. Tumayo ako at inangat nang bahagya ang pang-itaas kong damit kung saan nararamdaman ko ang kirot. Teka, bakit ganito ang suot kong damit? Nakasuot ako ng long sleeves na damit, gaya ng damit na isinusuot ng mga mangingisda at magsasaka na napapanood ko sa TV. Sa pagtaas ko sa aking damit ay nakakita ako ng nakatapal na tela sa tagiliran ko. May dugo! Paano ko nakuha ito?
Pinagmasdan ko rin ang paligid ko. Nasa isang silid ako. Malinis ang kwarto bagama't di ito kalakihan. Maaliwalas din iyong tingnan. Kawayan ang sahig. Kahoy ang pader at kisame. Nilibot ko ang silid.
"O bakit bumangon ka na?" tanong ng isang babae sa akin. May edad na ang babae at puti na ang karamihan sa kanyang buhok. Inalalayan ako ng babae papunta sa higaan. "Hindi ka pa magaling. Dapat nagpapahinga ka lang."
Ayoko nang humiga sa matigas na higaan kaya sinabihan ko ang babae, "Pero, Inang, ayos na po ang lagay ko. Malakas na po ako."
Nagtaka ako sa sinabi ko. Sinabihan ko ang babae ng "Inang"?
"Hay, ikaw talaga, David! Napakatigas ng ulo mo."
Kasunod nun ay may pumasok na batang babae at sabik na sabik nang makita ako, "Kuya David! Ayos ka na?" Yumakap siya sa akin.
"Ayos na, Mayumi," sagot ko sa bata. Teka, papaanong nangyaring kilala ko ang batang babaeng ito?
Pinagsabihan ng babaeng kasama ko ang bata, "Mayumi, dahan-dahan sa pagyakap sa kuya mo. Ang sugat niya baka matamaan mo. Lumabas ka na muna at magpapahinga pa ang Kuya David mo." Lumabas na ang bata. Bumaling sa akin ang babae, "Sige na, David, anak, magpahinga ka na muna. Hindi ka pa lubusang magaling." Kinumutan pa ako ng babae bago umalis.
Naguguluhan ako sa mga nangyayari. Bakit tinawag ko ang babae na "Inang"? Bakit alam ko ang pangalan ng batang babae? Bakit tinatawag nila akong "David"? No, no, no! Don't tell me na part ito ng past? Hindi! Panaginip lang ito. Panaginip... Bukas wala na ito. Tama. Matutulog na lang muna ako. Pumikit na ako...
Kadiliman... Tapos ay tunog ng kampana. Nagising na ako.
Naloko na! Nandito pa rin ako sa kwarto. Madilim ang paligid. Walang kuryente? Bumangon ako at hinanap ang daan palabas ng kwarto. Nang makalabas na ako ay nakaaninag ako ng liwanag. Sinundan ko iyon. Napunta ako sa kusina nang dahil sa pagsunod ko sa liwanag. Naroon ang babaeng tinatawag kong "Inang". Naghahanda siya ng makakain. Tinanong ko siya.
"Inang, wala po bang kuryente?"
Natawa si Inang. "Itong batang ito. David, mula nang isinilang ka wala na tayong kuryente."
"A ganun po ba? Pasensya na, Inang, medyo nananaginip pa yata ako," sabi ko na lang.
"Madalas namang mangyari sa iyo iyan."
May naaninag akong nakapaskil sa dingding. Lumapit ako doon at nakakita ng isang kalendaryo.
"Abril, 1925."
What?! Hindi! Ang lahat ng ito ay joke!
Naabala ako nang may humatak sa pantalong suot ko. Pagtingin ko'y si Mayumi pala.
"Kain na tayo, kuya," sabi niya.
"Maigi pa nga," tugon ni Inang.
Pinagsaluhan namin ang inihandang lutong gulay ni Inang. Matapos maghapunan ay lumabas ako ng bahay. Malamig ang simoy ng hangin. Naririnig ko ang pagaspas ng mga dahon. Napakatahimik ng paligid.
"Kuya David," narinig kong pagtawag sa akin.
Lumingon ako, "Mayumi, anong ginagawa mo rito? Pumasok ka na at baka mahamugan ka pa."
Tinitigan ako ni Mayumi.
"O bakit ganyan ang tingin mo?" tanong ko.
"Huwag ka nang makikipag-away ha?" sabi niyang tila nakiki-usap.
"Kailan pa ba ako nakipag-away?"
"Araw-araw!"
"Araw-araw ba ako nakikipag-away?"
Tumango si Mayumi. "Magpakabait ka na ha?" sabi niya. Ngumiti ako.
Hindi ko pa nga naiintindihan sa ngayon kung nasaan na ba talaga ako, o kung sino ba talaga ako sa panahong ito. Tinanong ko kay Mayumi kung paano ko nakuha ang sugat na nasa tagiliran ko. Nagtaka pa siya sa itinanong ko, pero kalauna'y sinabi niyang nasaksak ako ni Antonio, ang lalaking karibal ko kay Celina.
Lumipas ang oras. Tahimik lang ako. Naninibago ako sa mga tao sa paligid ko. Si Inang at si Mayumi... sila siguro ang pamilya ko sa panahong ito.
Nang lumalim ang gabi e niyaya ako ni Inang. Matulog na raw kami. Kailangan ko raw ng maraming pahinga para agad na gumaling ang sugat ko.
Kinaumagahan, nag-ayos ako ng sarili. May kung ano kasi sa loob ko na nagsasabing may kailangan akong puntahan. Tinanong ako ni Inang nang makita niya ako,
"Saan ang patungo mo, David?"
"Sa trabaho po, Inang," sagot ko.
"Mahabagin! Hindi pa nga magaling ang sugat mo!" pag-aalala ni Inang sabay antanda ng krus.
"Inang, kung hihintayin ko pang gumaling ang sugat na ito ay baka isang araw magising tayong wala na pala tayong makain. Kailangang kumayod, Inang. Huwag po kayong mag-alala. Hindi naman ito nakamamatay."
"Ano bang hindi nakamamatay? E nasaksak ka nga!"
"Inang, buhay pa po ako."
Napailing si Inang. "Matagal ko na kasing sinasabing umalis ka na sa tahanan ng mga Gomez, ayaw mo pa rin."
Hindi ko na pinakinggan si Inang. Nagmano ako sa kanya, "Paalam po, Inang," at lumabas na ng bahay suot ang isang sumbrerong gawa sa buri.
"Mag-iingat ka David, anak," sabi ni Inang habang ako ay papalabas ng bahay.
Naglakad na ako. Pinagmamasdan ko ang bagong kapaligiran kung nasaan ako ngayon. Kung mayroon lamang isang taong makapagpapaliwanag sa akin ng mga nangyayari ngayon, pasasalamatan ko talaga siya. Ang ibig kong sabihin e sana man lang e lumitaw si Hannah.
Sa paglalakad ko, laking gulat ko nang makita ang isang pamilyar na mukha. Tumigil ako. Tinanggal ko ang sumbrero ko at yumuko upang batiin ang dilag na nasa harap ko ngayon, "Magandang umaga po, señorita." Sinuot kong muli ang sumbrero at nagpatuloy sa paglalakad. Nilagpasan ko lang ang dalagang nakasalubong ko. Nagtaka ako bigla sa ikinilos ko.
"Sandali lang, David!" sabi niya. Tumigil akong muli at nilingon siya. Nagpatuloy siya, "Papunta sana ako sa inyo. Gusto ko lang sanang malaman kung... kung bakit ilang araw ka nang wala sa halamanan. Ang sabi ni papá baka raw abala ka lang. Pero hindi niya pala alam kung ano ang totoong nangyari. Ang sabi... ang sabi ni Ate Sophia nag-away daw kayo ni Antonio. May ginawa raw siyang hindi maganda sa iyo."
"Wala po, señorita, abala lang nga ako," tugon ko. "Sabayan ninyo na po ako sa pagpunta sa hacienda, señorita." Nauna na akong maglakad.
"Teka lang, David!" lumapit siya sa akin. "Hindi ako mapalagay. Alam kong may itinatago ka sa akin."
"Wala po, señorita. Tara na po." Sabay kaming naglakad papunta sa hacienda... kung saan man iyon.
Hindi ko maintindihan... Ang sabi ni Hannah kasintahan ko si Celina pero bakit tinatawag ko siyang "señorita"? At bakit wala akong maramdamang kakaiba? Ang ibig kong sabihin e yung kilig o anuman?
Nang makarating na kami sa dapat puntahan e humingi ako ng paumanhin kay Celina dahil magsisimula na ako sa gawain ko. Sa isang magarang bahay ako napadpad. Kumuha ako ng walis at winalisan ang mga tuyong dahon sa paligid. Teka, tama ba itong ginagawa ko? Naglilinis ako?!
"Aba, nandito na pala si David!" sigaw ng isang babae. Nakita ko siyang nakadungaw sa isang bintana. "Papang! Nandito na si David!" Sumilip sa bintana ang isang matandang lalaki. Ngumiti iyon nang makita ako.
"Magandang umaga po, Don Hernan," pagbati ko sa matandang lalaki.
TCAF LINKS:
ll CHAPTER 1 ll CHAPTER 2 ll CHAPTER 3 ll CHAPTER 4 ll CHAPTER 5 ll CHAPTER 6 ll
No comments:
Post a Comment