No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Tuesday, December 29, 2009

TAHOooooo!

Tuwing alas diyes ng umaga dumadaan ang taho dito sa lugar namin. Lagi kong inaabangan yun kasi gustong-gusto kong kumain ng taho. Hindi naman hirap si manong sa pagtitinda kasi naka-pedal siya kung magbenta. Moderno na yata ang magtataho ngayon.

Minsan ay bumili kami ni mama ng taho. Nakatingin ako sa lalagyan ng taho habang ito ay sinasalok nang biglang magtanong ang nanay ko sa magtataho,

"Manong, anong sustansya ho ba ang makukuha sa taho?"

Kakamot-kamot naman si manong na sumagot, "Hindi ko alam e."

"Ay ganun?" sabi ng nanay ko, parang nalungkot kasi hindi nasagot ng magtataho ang tanong niya.

Hindi ba parang nakakalungkot naman, kasi nagbebenta si manong ng taho pero hindi naman niya alam ang sustansyang nakukuha dito, for the sake lang na makapag-hanap buhay siya. Siguro kailangan din siyang i-orient.

Saturday, December 26, 2009

'Te, Pahinge :p

Nagpunta kami sa Minute Burger ng nakababata kong kapatid na babae. Bumili kami ng Double Minute Burger saka dalawang Iced Choco. Habang hinihintay ang order, may suggestion si pated.

pated: ate, kainin na lang natin habang naglalakad.

anyD: wag na, dito na lang natin kainin. nakakasura naman kumain sa daan.

pated: wag na.

anyD:: bahala ka diyan pag may nangalabit sayo tapos sasabihin, "ate, pahingi."

pated: (tawa) bahala ka, una na lang ako uuwi.

anyD: (naawa kay pated) sige na nga, habang naglalakad na lang natin kainin.

Naglakad na kami matapos maibigay sa amin ang inorder. Sa aming paglalakad, may dalawang gusgusing bata ang lumapit sa amin. Buti na lang ubos na yung kinakain ko.

bata 1: te, pahingi.

buong puso ko namang ibinigay ang plastic ng kinain ko.

anyD: o ito, ubos na.

aba, ang bata ma-choosy! tinuro ba naman ang iniinom kong Iced Choco.

bata 1: iyan na lang.

anyD: 'lol! bumili ka dun!

Dahil bigo na makuha ang kinakain namin, yung isang bata naman ang nag-try manghingi with matching hawak pa talaga sa akin.

bata 2: te, pahingi.

Dineadma ko lang sabay hawi sa kamay ng bata. Naglakad kami ni pated palayo.


***

Nang makalayo na...

anyD: kadiri. hinawakan pa ako nung isa.

pated: ate, ang tapang mo naman.

anyD: e baka kasi lapitan ka rin.

pated: di ba, yun din yung nanghingi sa atin nung nakaraan?

anyD: oo, kaya bilisan na nating maglakad. baka mamaya magtawag. saksakin pa ako nun.

pated: (tumawa)


Gusto ko lang naman ipagtanggol si pated sa bad guys. Baka kasi kulitin din siya kaya sinungitan ko na ang mga bata.

Monday, December 21, 2009

Female Urinal?!

Last night naglalakad ako sa may Coastal Road, malapit sa Coastal Mall, pauwi na ng bahay galing Christmas Party. Nagulat ako nang may madaanan akong Pink Urinal at may lumabas na babae.

Naisip kong naihi lang siya at dahil walang place, doon na lang siya umihi. Nang makita ko yung mukha, binabae pala. Inaayos niya pa yung zipper niya habang naglalakad.

Wala lang, nagulat lang kasi ako. Unusual kasi na makakita ng ganun at akala ko kasi babae talaga siya kasi ang haba ng buhok. Saka ngayon lang ako nakakita ng binabae na lumabas sa urinal. Minsan kasi pag nadadaan yung sinasakyan kong bus sa may Baclaran, puro lalaki ang nakikita kong lumalabas galing sa Urinal. :p

Thursday, December 10, 2009

Maagang Pamasko

Minsan pala may benefit din ang pagiging antukin ko.

~anyD



Maaga palagi ang gising ko dahil alas siyete ang start ng klase ng mga batang tinuturuan ko. Dapat alas singko or before 5:30 am pa lang nakaalis na ako ng bahay kung ayaw kong uminit na naman ang ulo ko dahil sa traffic na gawa ni Vergel Aguilar, mayor ng Las Piñas. Wala kasi siyang ibang ginagawa ngayong kapaskuhan kundi ang magbakbak ng kalsada, ang tagal-tagal namang ayusin. Dalawang araw nang sumasakit ang paa ko kalalakad dahil sa mga sasakyang ayaw umusad. Naka-heels pa naman ang lola mo.

Kaninang madaling araw e sumakay ako ng FX papuntang Manila. Doon ako pinasakay ng barker sa gitna. Buti nga di siksikan kasi ang liliit ng katawan namin. Hirap talaga maging sexy. Apat kami. Sa kaliwang dulo e babae, Nursing yata ang course, ako, tapos yung katabi kong lalaki at sa kanang dulo e lalaking matanda na.

Pagkabayad ko ng pamasahe e napapikit ako, tulog agad. Malayo-layo na pala ang byahe nang magising ako kasi naalimpungatan ako, nag-para kasi yung katabi kong lalaki. Bumaba muna yung matandang lalaki para magbigay daan sa lalaking bababa. Pag usog nung katabi ko, nakakita ako ng 100 pesos sa upuan. Gusto ko sanang ihabol yung 100 pesos pero nakababa na siya at yung matandang lalaki naman ay sumakay, sabay sakay ng isang bagong pasahero, tapos ay isinara na ang pinto. *BLAG!* Walang nakapansin sa pera maliban na lang dun sa babaeng nasa likuran, mukhang nakita rin niya at may pagnanasa din yata kay Roxas.

Nagdalawang-isip pa ako na kunin yung pera, pero naisip kong sayang naman kung mapupunta lang sa maling kamay. Iniisip ko rin kung pera ko nga ba ito baka nahulog sa kanang bulsa ko pagdukot ko ng cell phone, o pera ba talaga ng katabi ko. Nag-analyze akong mabuti. Wala naman akong nilagay na perang papel sa kanang bulsa ko kasi puro barya at cell phone lang ang nilagay ko doon at 200 pesos lang ang inilabas kong pera. Yung 100 na isa, nasa bulsa ko, yung isa pa, ipinambayad ko sa driver. Inilagay ko pa yung mga perang papel sa kaliwang bulsa kasama ng panyo. Mukhang pera nga talaga ito ng katabi ko. Iba rin kasi yung pagkakatupi.

Pagbaba nung babae sa likuran, kinapa-kapa ko yung upuan. Ang sama ko ba? Pababa na rin kasi yung katabi kong babaeng Nursing student kaya no choice kundi kunin, saka pababa na rin yung katabi kong matanda. At yun nga, nasa akin na yung pera, nandun sa bag ko, hindi ko pa ginagalaw. Wala din naman kasi akong paggagamitan nun.

Thursday, October 22, 2009

White Horse

Maayos pa silang nag-usap noong gabing iyon, si Shane, nakahiga pa sa sofa, habang hinihimas ni Lloyd ang kanyang buhok. Malalim na ang gabi, kailangan nang umuwi ni Lloyd. Ilang oras din ang inilagi niya sa bahay nina Shane, pero para kay Shane ay kulang na kulang pa rin talaga iyon.

"Baby, uwi na ako," paalam ni Lloyd kay Shane.

Sandaling tinitigan ni Shane si Lloyd at tinanong, "Baby mo pa ba ako? I thought I'm just a friend."

Bakas kay Lloyd ang pagkagulat sa sinabi ni Shane. "Ayaw mo na bang maging baby ko?" tanong niya kay Shane, malungkot ang mukha.

Umiling si Shane habang sinasabi ang salitang, "Ayaw." Tinawanan lang ni Lloyd ang kanyang sinabi pero pagkatapos ay sinabi nito ang,

"Ang sakit naman ng narinig ko."
"Sige na hatid na kita sa labas," pagyaya ng dalaga sa kausap.

Nag-alinlangan pa si Lloyd na lumabas sa tarangkahan ng bahay. Bago tuluyang umalis, tinanong niya si Shane, "Nagbibiro ka lang ba sa sinabi mo?"

"Mukha ba akong nagbibiro?" balik na tanong ni Shane.
"Hindi," sagot ni Lloyd sa sarili niyang tanong.
"Sige na, ingat ka," sabi ni Shane kay Lloyd. Di mapakali si Lloyd na labis na napansin ni Shane. "May problema ka ba?" tanong ni Shane.
"Wala," sagot ni Lloyd, kahit halata namang nababagabag siya. Hinalikan niya ang mga labi ni Shane bago tuluyang umalis.
"Ingat," sabi ni Shane.
"Bye," tugon naman ni Lloyd.

Pinagmasdan ni Shane si Lloyd, nakatalikod, naglalakad palayo sa kanya.

"Masakit palang makita ang taong minahal mo na naglalakad palayo sa iyo," pagtatanto ni Shane, pero wala siyang magawa.

Maraming nagbago makalipas ang ilang buwan. Sadya sigurong ganoon, na sa paglipas ng mga araw, kasabay noon ay ang pagbabago ng tao. Isang taong akala mo kilalang-kilala mo na pero mapapansin mong ngayon ay malayo na siya, malayo sa iyo, ibang-iba kaysa dati. Ngayon ay napag-iwanan na si Shane ng taong minahal niya, ilang beses nabaliwala, wala ring nangyari kahit nagtiis pa siya.

Bumalik na si Shane sa hinihigaang sofa at ipinikit ang mga mata, kasabay noon ay ang pagtugtog ng isang pamilyar na musika.

...Say you're sorry
That face of an angel
Comes out just when you need it to...

...I had so many dreams
About you and me
Happy endings
Now I know...

...I'm not a princess, this ain't a fairy tale...

...I was a dreamer before you went and let me down
Now it's too late for you
And your white horse, to come around...

...And there you are on your knees,
Begging for forgiveness, begging for me
Just like I always wanted but I'm so sorry...

...Cause I'm not your princess, this ain't a fairy tale
I'm gonna find someone someday who might actually treat me well...

...And it's too late for you and your white horse
Now it's too late for you and your white horse, to catch me now...

...It's too late to catch me now...

Sunday, September 27, 2009

Bagsik ni Ondoy: Traumatic Experience

Babala: Para sa mga tinatamad magbasa ng mahabang lathalain, huwag mo nang tangkain pang basahin ito kundi mo rin lang naman tatapusin.

anyD's Traumatic Experience


September 26, 2009. Hindi ko makakalimutan itong araw na ito.

Hindi ko na naisip na monthsary pala namin ng bf ko noong nakaraang Sabado. Seryoso. Ang tanging nasa isip ko na lang ay ang makauwi ng bahay, nang ligtas. May isang nag-text sa akin na sinuspende na ang klase noong Sabado sa mga paaralan sa Maynila. Oras na rin naman ng uwian namin kaya hindi ko na inintindi pa kung suspendido ba o hindi.

Bahang-baha na paglabas namin ng school. Buti na lang talaga at may baon akong sandals kundi kawawang-kawawa yung sapatos kong may takong. Yung basketball court sa tapat namin ay nagmistulang swimming pool. Enjoy pa ang mga bata sa paglangoy kasama ang mga lumulutang na basura. Hindi mo na matanaw kung nasaan ba ang benches na dati rati ay inuupuan ng mga naglalaro ng basketball.

Sa pilahan naman ng jeep papuntang SM Manila, blockbuster. Lahat ng estudyante gusto nang makauwi kahit na malakas ang buhos ng ulan. Ang problema, hindi na dumidiretso ng SM Manila ang mga jeep dahil ang balita ay sobra na ang pagbaha. Pinatos ko na kahit ang sabi ng driver e ibababa niya kami sa may tulay. Kung hindi ako nagkakamali, yun yung Ayala Bridge. Pagkababa sa amin doon, tumambad sa amin ang kalunos-lunos na kalagayan ng Maynila. Baha hanggang tuhod. Kanya-kanyang lusong ang mga tao, wala nang pakialamanan basta makapunta ng SM. Mula Ayala Bridge e tinawid namin hanggang makarating ng SM Manila.

Awang-awa ako sa sarili ko. Wala naman kasi ako kasama pauwi, ang laki pa ng dala kong bag. Wala namang gaanong laman. Gusto ko lang talagang magdala ng malaking bag. Naka-palda pa man din ako dahil iyon ang pamasok naming uniporme. Nagpapasalamat na lang ako at may umalalay sa aking lalaki. Sa di kalayuan naman ay nadulas din ako. Inanod yung suot kong sandals, buti at nahabol ko pa. "Hindi ka pwedeng mawala!" dialogue ko, at nakuha ko nga. Dahil sa takot na baka mawala uli, hinubad ko na lang yung tsinelas ko at nilusong ang baha nang nakapaa. Katakut-takot na bagay ang tumakbo sa isip ko na baka may maapakan akong live wire or something at mamatay ako sa gitna ng baha. Ang pangit naman ng magiging pagkamatay ko.

SM Manila. Umaagos ang dugo sa sugat ko nang marating ko ang unang finish line. Ang laki pala ng sugat sa binti ko. Agad akong pumasok sa loob at pumunta sa Watson's. Napabili ako ng tissue at alcohol nang di oras. Inggit na inggit pa ako sa mga taong tuyo ang damit.

Lumabas ako ng mall at nagtungo sa sakayan ng FX pauwi sa amin, sa Lawton naman. May nakasabay akong school mate sa daan. Hindi ko siya kilala pero dahil sa baha ay naging feeling close kami. Lumusob kami sa hanggang tuhod na baha papuntang Lawton. Kaawa-awa ang sinapit ng mga kuliglig na nakasalubong namin sa daan dahil lumubog na rin ang mga iyon. Iniisip ko ring baka pasukin ng kung anong dumi itong sugat na nakuha ko bilang prize, pero bahala na.

Kuliglig: Pedicab na de motor


Image and video hosting by TinyPic
School mate ko.


Lawton. Pag dating namin sa Lawton ay naghiwalay na kami ng school mate ko. Pareho pala kaming taga Cavite, kaso ang daan ko ay pa-Las Piñas. Imaginin mo na lang ang layo ng nilakad namin, mula Ayala Bridge hanggang Lawton. Awang-awa ako sa sarili ko. Sumakay na ako ng FX. Ginutom na rin ako kaya kinain ko yung baon kong Cream-O at uminom ng tubig sponsored by Hidden Spring. Nag-text din ako sa nanay ko. Naging textmate kami sa isang iglap.

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic
Lawton, papuntang LRT Station.
Yan yung posteng sumusuporta sa LRT Railway.


Image and video hosting by TinyPic
Tubig baha


Image and video hosting by TinyPic
Daan papuntang LRT Central Station.
Sa tapat ng stall ng Siomai House.


Image and video hosting by TinyPic
Kapantay na ng baha yung pavement na dinadaan ko malapit sa Metropolitan Theater.


Image and video hosting by TinyPic
Kawawang mga paa. Size 5 yan.


Coastal Road. Pagdating dito, sa kalsada kung saan naghihiwalay ang daan papuntang Las Piñas at Cavite, biglang huminto ang mga sasakyan. Matapos ang ilang oras na paghihintay, napagdesisyunan ko nang bumaba ng FX. Ang dami na kasing naglalabasang mga pasahero mula sa iba't ibang sasakyan. Dahil nagtapang-tapangan akong maglakad mula Coastal Road hanggang Zapote, Las Piñas, ginantihan naman ako ng kalaban na lamig. Akala ko mamamatay na ako pero exaggerated lang pala iyon.

Zapote, Las Piñas. Biglang-bigla naman ako sa nakita kong baha. Napanganga na lang ako dahil pagkamangha sa hanggang bewang na baha. Kaya naman pala tumigil na ang mga sasakyan, hindi na pala kayang tawirin ang baha kung ayaw nilang lumubog. Tinungo ko ang overpass. Mukhang magiging safe ako roon. Nang makarating ako, ang daming stranded na mga tao. Nakuha pa nilang litratuhan ang baha. Nainggit naman ako at ginaya ko sila. Textmate pa rin kami ng nanay ko.

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic
Ang kamangha-manghang baha sa Las Piñas.
Kuha mula sa overpass.


Dumidilim na, pinutol na rin kasi ang linya ng kuryente sa Las Piñas. Gusto ko mang makauwi, wala akong lakas ng loob para suungin ang baha. Buti na lang at may dalawang babaeng lumapit, mga kaedaran na rin ng nanay ko, at nagtanong,

"Miss, taga saan ka?"
"Sa Moonwalk po," sagot ko.
"Doon ka rin pala, doon din kami e, gusto mong maglakad?"
"A... Ayos lang po."

Gusto ko na rin namang tumawid sa baha kaso wala akong kasama, kaya nang alukin nila ako, di na ako nagdalawang isip. Matapos ang ilang pag-uusap e lumusob na rin kami. Tigil muna sa pag-text sa nanay ko. Inipit ko rin sa bra (seryoso) ang cell phone para di mabasa. Tinawid namin ang baha nang nakapaa dahil baka tangayin din ang mga tsinelas namin. Sa paglalakad ay may sumabay ring dalawang lalaki sa amin. Nasa overpass din sila nang mga panahong nag-uusap-usap kami. Sama-sama kaming lumusob sa nakakatakot na baha. Inalalayan pa ako nung kasama naming binata dahil nga takot na takot ako sa baha. Niloko pa kami noong kasama naming babae,

"Uy, baka magkuhaan pa kayo ng number niyan ha!" :p

Nakakatakot dahil hanggang bewang na nga ang baha, ang lakas pa ng agos dahil pababa ang tubig. Umaalon din. Ang bigat sa pakiramdam sa tuwing may sasabit na kung anong bagay sa paa mo habang naglalakad ka. Nakakadiri ang tubig baha. Kung anu-anong lumulutang. Swerte pa kapag naramdaman mong may mainit na umagos sa paa mo. May umiihi na pala. Hindi ko na inintindi kung nabasa man ang underwear ko, o kung tinataas na pala ng tubig baha ang palda ko. Lusong kung lusong!

Pag lagpas ng Zapote, wala nang baha. Patuloy pa rin kami sa paglalakad hanggang sa makahanap kami ng jeep na masasakyan pauwi. Nag-text ako sa nanay ko. Tinawagan pa ako ng tatay kong nasa abroad. Umiyak ako pag-uwi. Basang-basa ako, basa pati mga gamit ko. Ala una ako bumiyahe galing Maynila. Nakarating ako sa Cavite ng alas otso. May remembrance na naman ako sa baha. (See First Remembrance: Charisma ng Baha)


How to clean your wounds:

Image and video hosting by TinyPic Image and video hosting by TinyPic

Finished product
Image and video hosting by TinyPic
Ginamot ko ng Betadine yan,
nagkalat pati yung mga gamit kong basa.
Salamat sa bagyong Ondoy sa pabaong sugat.
Hindi na nga maganda yung legs ko, nagasgasan pa.


--> E ikaw, anong kuwentong Ondoy mo?

Tuesday, September 22, 2009

Kapirasong Sulat ni Trina kay Prince

Naglalakad ako palabas ng SM Southmall, pauwi na, nang makakita ako ng papel na nakatiklop. Mukhang pilas ng notebook. Hindi ko naman sana papansinin kung di ko nakita ang nakasulat na,

To: Prince
From: Trina


Marumi na yung papel, mukhang kanina pa tinatapak-tapakan ng mga taong hindi nakapansin dito. Hindi pa rin iyon nadaanan ng janitor. Dahil mukhang busy ang lahat ng tao, at wala naman silang paki kung ano man ang pulutin ko, kinuha ko na lang yung papel at ibinulsa.

Pagkauwi ko, dumiretso ako sa kuwarto ko. Dinukot ko sa bulsa ang aking panyo, pera at yung papel na napulot ko. Noong una'y nag-alinlangan pa akong buklatin iyon, pero dahil sa katotohanang kinuha ko na rin naman iyon, ay nilubos-lubos ko na.

Dear Prince,

ang una kong nabasa sa sulat. Pilas iyon ng Giordano na notebook. Sinundan iyon ng,

Salamat nga pala sa pagtanggap mo sa akin kagabi sa bahay ninyo. Wala din naman kasi akong ibang mapupuntahan, saka hindi rin naman planado ang pag-alis ko at pagtuloy sa inyo. Aaminin ko, madalas matigas ang ulo ko. May mga pagkakataon ding naiisip kong gusto kong magpakamatay. Sabagay, hindi ko rin naman kasi kayang gawin ang magpakamatay. Sumasagi lang talaga sa isip ko kapag sobrang sama ng loob ko. Pero dahil nandiyan ka, lahat ng naiisip kong negative e nawawala. Lagi ko na lang nakikita ang sarili ko na ngumingiti kapag kasama kita. Na kahit papaano, sa sandaling oras, e hindi ko naiisip na may problema ako.

Nung nandyan ako sa inyo, feel ko ayoko nang umalis. Gusto kitang kasama palagi. Gusto kong maging masaya palagi. Sana talaga lagi na lang kitang kasama. Naisip ko na naman yung tinanong ko sa iyo, "Kapag galit ba ako, kapag umalis ako, hahayaan mo akong umalis, o hahabulin mo ako?" Sabi mo hindi mo ako hahabulin. Inisip kong wala kang pakiramdam. Pero nung dinugtungan mo ng, "Hindi ka naman makakaalis, kasi yakap-yakap kita..." Napangiti talaga ako. Pasensya ka na rin pala kung naging iyakin ako. Ganito talaga ako e, at patuloy kong naiisip yung sinabi mong, "Huwag ka nang umiyak. Huwag ka nang umiyak." Na kahit paulit-ulit mo nang sinasabi e umiiyak pa rin ako. Mukhang tanga. Kung alam mo lang kung gaano kita kamahal. Kung alam mo lang ang pagnanais ko na maging tayo, kahit na mukhang imposible. Kung alam mo lang na bawat paglapit ng mukha mo e gusto kitang halikan. Mahal na mahal kita, Prince. Ayaw kitang mawala sa akin. Sana kahit man lang sa sulat na ito e maipahatid ko sa iyo ang pasasalamat ko sa mga nagawa mo para sa akin. Salamat sa di mabilang na ngiti na nalagay mo sa mga labi ko.

P.S.
Salamat nga pala sa rasyon ng pagkain.
Sa susunod na paglayas ko uli. Hehe!
Joke joke laang!

Trina


Sa nabasa ko, hindi ko alam kung tama ba ang ginawa kong pagpulot sa sulat o dapat hinayaan ko lang na nakakalat iyon doon. Napansin kaya ni Trina na nawala niya ang sulat niya para kay Prince? Kung sino man ang nakakakilala sa kanila, kahit first name lang ang tanging clue, mangyaring paki parating na lang kay Prince ang mensahe ni Trina.

Tuesday, September 15, 2009

Ang Dating Ako

Katatapos lang ng mahaba-habang klase. Mukhang maraming school supplies din ang kailangan ko kaya naisipan kong dumaan sa National Bookstore para mamili ng ilang gamit pang-eskwela. Nang mabili ko na ang mga kailangan kong bilhin, lumabas na ako at tinahak ang daan patungo sa sakayan ng FX, pauwi sa amin.

Sa paglalakad ko, may nakasalubong akong mga magkasintahan. Lahat ng madaanan ko, magkahawak ang mga kamay. Wala namang magawa ang mga mata ko kundi tingnan sila. Ang dami palang ganyan sa Maynila. Nakakainggit naman silang tingnan. Buti pa sila may panahon sa love life samantalang ako e wala nang panahon sa social life. Kailan kaya mangyayaring may kahawakang-kamay ako na makakasama ko rin sa aking paglalakad?

Di bale, masaya rin naman ako kahit itong supot ng National Bookstore ang hawak ng mga kamay ko at yung Heartstrings kong shoulder bag ang kasama ko sa aking paglalakad ngayon...

Wednesday, September 9, 2009

Charisma ng Baha

Malakas ang buhos ng ulan kagabi. Magdamag ding walang patid, mukhang walang balak tumila ang ulan. Dahil dito, bumaha na sa lugar na nadaanan ko. Nakakatawa, hindi ko maintindihan kung bakit sa tuwing babaha na lang, hindi ko maialis ang tingin ko sa baha. Gaya na lang kagabi, nakatitig ako sa umaalong baha habang umaandar ang jeep na sinasakyan ko. Hindi lang ako ang nakatitig sa baha, idadamay ko na rin ang ibang pasahero.

Ang lakas din pala ng charisma ng baha. Kahit sino na lang ay napapatitig at napapamangha! Maski nga yung katabi kong lalaking nananahimik at panay lang ang kalikot sa cell phone niya ay nag-react nang makita ang baha. "Hu! Grabeng baha!" sabi niya. Nasilip ko tuloy yung tinetext niya sa kausap niya, Pauwi pa lang me. Apat na beses yata akong tumingin sa labas ng jeep para silipin ang baha.

Pag baba ko sa lugar namin, ikinagulat ko ang sobrang pagbaha. Dapat talaga hindi na lang ako nanghinayang na sumakay sa tricycle. Napagtanto kong minsan talaga e kailangan mong isakripisyo ang sampung piso mo. Ayaw ko nang ikuwento ang kalunos-lunos (exaggerated?!) na sinapit ko. Ibabahagi ko na lang yung GM ko sa mga ka-text ko.

huhu.. grabe namang
ulan yan.. ang lakas
lakas.. baha na d2
samin.. nbasa ung
sapatos q,
napalusong aq, buti
nlng my baon aqng
tsinelas.. may uwi p
qng dahon.. T_T



Image and video hosting by TinyPic

Remembrance ni anyD sa baha.

Kulay green pa yan kagabi.

Monday, September 7, 2009

Hide and Seek (5)

Hindi nalimutan ni Joel ang ibinilin sa kanya ng ina na daanan niya ang kapatid niya pagkatapos ng klase. Parehong alas sais ang uwi ng magkapatid.

“Kumusta ang first day?” tanong ni Joel kay Anjo.
“Masaya naman, kuya, marami na naman akong kaibigan,” tugon ni Anjo. Maganda na rin iyon. Kahit paano’y nakalimot siya sa multong kinatatakutan.
“A talaga? Mabuti kung ganoon,” sabi ni Joel. Masaya siya para sa kapatid. Naglakad na sila pauwi.

Dahil nabibigatan sa dala, si Joel na ang nagbitbit ng mga gamit ni Anjo. Narinig nilang may nagsalita mula sa likuran,

“Ang bait mo naman,” si Marie.

Nginitian ni Joel ang dalaga nang makita niya ito. “Ikaw pala,” sabi niya rito. “Sabay ka na sa amin,” alok niya.

Sandaling nag-isip si Marie, “Hmm.” Matapos ay pumayag na rin siya, “Sige.” Sinabayan niya ang magkapatid sa paglalakad.

Dahil masyadong tahimik si Marie, naisipan ni Joel na magbukas ng usapan. “Nakita kita kanina ha,” sabi niya.

“Saan?” tanong ni Marie.
“Sa school grounds,” sagot ni Joel. Sinabi rin niya kay Marie ang napansin niya, “Parang malungkot ka yata.”
“May iniisip lang siguro,” sabi ni Marie.

Nagpatuloy si Joel, “School mate pala kita. Anong section ka? Sino’ng adviser ninyo?”

Dahil hindi alam kung ano ang isasagot at dahil hindi na nagugustuhan ni Marie ang pagtatanong ni Joel, sinabihan niya ito ng, “Ang dami mo yatang tanong.”

Napahiya si Joel sa sinabi ni Marie. “Ay, hindi mo ba gustong tinatanong ka?”

“Hindi lang kasi ako sanay na nakikipag-usap sa mga tao,” sagot ni Marie.

Natawa si Joel sa sagot ng kausap, “Haha! Para namang hindi ka tao.”

“Hindi nga,” diretsong sagot ni Marie.
“Hindi ka tao?” pagtataka ni Joel.
“Dyosa kasi ako,” sagot ni Marie na may ngiti sa mga labi.
“Dyosa huh? Palabiro ka rin pala,” sabi ni Joel sa kanya. “Ano nga pala’ng pangalan mo?”
“Pangalan ko?” tanong ni Marie. Tumango si Joel. “Dyosa!” sagot niya.
“Haha! Pinanindigan mo na talaga iyan ha? O sige na nga, Dyosa na lang ang itatawag ko sa iyo.” Nagpakilala si Joel, “Ako nga pala si Joel,” sabay abot ng kanang kamay sa kausap para makipagkamay at pormal na magpakilala.

Huminto si Marie. Dahil doon ay napatigil din ang magkapatid na Joel at Anjo sa paglalakad. Tinitigan ni Marie ang kamay ni Joel, nag-aalinlangan na hawakan ito, tapos ay tumingin siya sa mukha ng binata.

“May problema ba?” tanong ni Joel.

Biglang-bigla na lang nagbago ang reaksyon ng mukha ni Marie, naalerto, at bakas sa mukha nito ang pag-aalala.

“Bakit?” tanong muli ni Joel. Walang anu-ano’y bigla na lang tumakbo si Marie. “Uy teka, Dyosa! Saan ka pupunta?” tanong ni Joel kay Marie. Naguluhan naman ang batang si Anjo sa ikinilos ng kanilang kasama.
“Bilis!” sabi ni Marie sa magkapatid. Sinundan naman siya ng mga ito.
“Saan tayo pupunta, kuya?” hinihingal na tanong ni Anjo kay Joel.
“Mukhang daan pauwi,” sagot ni Joel.

Pagdating nila sa Vizcarra, sa Kalye Remedios mismo, nakakita sila ng kumpol ng tao.

“Anong meron, kuya?” tanong ni Anjo sa kapatid.
“Hindi ko alam,” sagot ni Joel, naguguluhan sa mga nangyayari, nagtatanong sa sarili kung bakit may taong nagtitipon-tipon.

Nakiusyoso sina Joel at Anjo, pilit na tiningnan kung ano ba ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Narinig nilang naghihinagpis ang isang ina,

“Joselito! Diyos ko! Ang anak ko!”

Nagulat si Anjo sa nasilip. Kilala niya si Joselito. Kasama niya itong naglalaro ng tagu-taguan. Wala nang buhay ang batang si Joselito. May mantsa ng dugo ang damit nito. Lumayo na ang magkapatid sa pinangyarihan. Patuloy rin sa pagdami ang mga taong nakikiusyoso. May dumating nang ambulansya para dalhin ang katawan ng batang musmos.

“Isa na namang biktima,” si Marie. Nagulat ang magkapatid sa bigla na lang pagsulpot nito sa likuran nila. “Hindi mo alam kung kailan siya aatake, hindi mo alam kung sino ang sunod niyang ihuhulog sa bangin.”
“Hindi malayong isa sa amin ang isunod niya, di ba?” tanong ni Joel kay Marie.
“Uubusin niya ang lahat ng bata rito, hanggang sa wala nang matira,” sabi ni Marie.
“Bakit ba niya ginagawa yun?” nakakunot-noong tanong ni Joel.
“Sinabi ko na sa iyo, gusto niya ng kalaro. Kaya bantayan mong maiigi si Anjo,” bilin ni Marie kay Joel. Tiningnan ni Joel ang takot na mukha ng kanyang kapatid.

Sumapit ang gabi. Hindi makatulog nang maayos sina Joel at Anjo. Pareho silang naglilikot sa higaan. Natatakot silang isa sa kanila ang susunod na magiging biktima.

“Ano ba naman itong nalipatang nating lugar,” sabi ni Joel sa kapatid. Mukhang may pagsisisi. Tahimik lang naman si Anjo. “Anjo,” pagtawag ni Joel sa kapatid.
“Bakit, kuya?” tanong ni Anjo.
“Walang iwanan ha,” sabi ni Joel.
“Wala,” tugon ni Anjo.

Yumakap si Anjo sa kuya niya at di niya namalayang nakatulog na pala siya. Sa kanyang panaginip, nakaririnig siya ng mga batang nagtatawanan.

“Taya! Taya! Si Alvin ang taya!” malinaw niyang naririnig ang halakhak ng mga ito sa panaginip niya.
“Ang daya ninyo, ako na naman ang taya!” angal ng batang si Alvin, nasa gulang na sampu.
“A basta, ikaw uli!” sabi ng isa nilang kalaro.

Walang nakikita si Anjo sa panaginip niya kundi puro kadiliman, pero malinaw niyang naririnig ang bawat sinasabi ng mga tauhan sa panaginip niya. Nagbago ang takbo ng istorya. Ibang eksena naman ang sumunod.

“O ano? Nandoon ka na naman sa lalaki mo?” sigaw ng isang lalaki. Nagagalit ito sa kanyang kausap.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na wala akong lalaki, Berto?” sagot naman ng isang babae. Pigil ang salita niya dahil sa nakalapat na kamay ni Berto sa leeg niya.
“Sinungaling!” paratang ni Berto. “Nandoon ka na naman sa lalaki mo kaya gabing-gabi ka na umuuwi!”
“Utang na loob, Berto. Naghahanap-buhay ako nang matino!” paliwanag ng babae. Pilit na kumakawala sa mga kamay ni Berto.

Tunog ng bumukas na pinto ang sunod na narinig ni Anjo. Wala siyang nakikita. Naririnig lang niya nang malinaw ang bawat detalye. Pumasok ang batang si Alvin sa kanilang bahay at naalerto sa nasaksihan.

“Itay! Tama na po! Bitiwan ninyo po si Inay!” pakiusap ng bata.
“Inuutusan mo ako?” galit na tanong ni Berto.
“Nasasaktan na po siya, tama na po,” pag-awat ni Alvin.
“O sige, ikaw naman ang masasaktan ngayon!” pananakot ni Berto sa anak. “Alam mo, isa ka pa e! Wala ka nang ibang ginawa kundi maglaro nang maglaro sa labas! Wala kang silbi!” dumadagundong ang boses ni Berto. Dinig ito hanggang sa labas ng bahay.

Sunod na narinig ang isang kalabog. Itinapon ni Berto ang asawa at humampas ito sa pader. Sunod niyang napagbalingan ang anak.

“Peste kang bata ka!” sigaw ni Berto. Pinagbuhatan nito ng kamay ang anak.
“Aray ko po! Itay, tama na po!” hiyaw ni Alvin. Umalingawngaw sa kaloob-looban ni Anjo ang taghoy ng bata.

“Tama na po, Itay! Nasasaktan ako!” sigaw ni Anjo. “Itay, maawa na po kayo!” sigaw niyang muli. Nagpupumiglas si Anjo, naglilikot sa pagtulog. Ang pagsuntok niya sa mukha ni Joel ang nakapagpagising dito.
“Aray!” sambit ni Joel. Bumangon siya nang makitang nagwawala ang kanyang kapatid. “Anjo! Uy, Anjo!” pilit niyang inaawat ang nagwawalang kapatid. “Tama na!!!” sa pag-awat niyang iyon ay nagising ang kapatid niya. Nakahinga na nang maluwag si Joel. Tila wala namang kamalayan si Anjo sa mga nangyari.

Sa labas ng bahay nag-usap ang magkapatid.

“Ano na naman bang napanaginipan mo?” tanong ni Joel.
“Hindi ko matandaan,” sagot ni Anjo.
“Hindi mo matandaan? Alalahanin mo,” pakiusap ni Joel sa kapatid.
“Hindi ko matandaan, kuya,” sagot muli ni Anjo, umiiling.
“Sumisigaw ka kanina,” sabi ni Joel.
“Hindi ko alam yun,” sagot pa ni Anjo.
“Wala ka talagang maalala?” tanong ni Joel.
“Wala. Wala akong matandaan, kuya,” huling sabi ni Anjo. Kahit anong pilit niyang alalahanin ang panaginip niya ay hindi niya matandaan.
“Isa bang panaginip?” isang boses.

Nagulat ang magkapatid nang makita si Marie.

“Ano ka ba? Bakit bigla ka na lang sumusulpot?” tanong ni Joel kay Marie. Nakahawak siya sa kanyang dibdib, tila ninerbyos.
“Kanina pa ako nandito. Busy kasi kayong nag-uusap,” sabi ni Marie sa dalawa. Nilapitan niya si Anjo. “Hindi mo na ba maalala ang panaginip mo?” tanong niya rito.
“Hindi ko maalala ate e,” sagot ni Anjo habang nakatitig sa mga mata ni Marie.
“Sige,” sabi ni Marie. Pinagsabihan niya si Joel, “Joel, huwag mo nang pilitin na alalahanin pa ng kapatid mo ang panaginip niya kung hindi niya na matandaan. Baka sa mga susunod na araw, masabi niya rin sa iyo kung ano ba ang napanaginipan niya.”
“A, o sige,” pagpayag ni Joel.

Nang umalis si Marie, siniko ni Anjo ang kapatid niya. “Hindi ka ba nagtataka sa mga ikinikilos niya, kuya?” tanong niya rito.

“Minsan, oo. Napaka misteryosa niya kasi,” sagot ni Joel.
“Hindi mo ba nakita yung mga mata niya? Parang walang emosyon,” sabi ni Anjo.
“Alam mo, imbis na i-tsismis mo si Dyosa, alalahanin mo na lang yung napanaginipan mo,” sabi naman ni Joel. Natapos na ang kanilang usapan.

Sa paaralan. Habang naglalakad sa school grounds, nakita ni Joel na pasunod-sunod si Marie sa kaklase niyang si Mon. Siya naman ay hindi nagpahalata at sinundan ang dalawa. Tinitingnan ni Joel sina Marie at Mon habang naglalakad. Hindi maintindihan ni Joel kung bakit kanina pa salita nang salita si Marie at mukhang kinakausap si Mon, pero hindi naman ito pinapansin ng binata. Tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon, sumuko gawa nang hindi naman siya pinapansin ng kausap. Si Joel naman ay napahinto nang tumigil si Marie sa pagsunod kay Mon. At si Mon, dahil naramdamang may sumusunod sa kanya, ay napalingon at nakita si Joel.

“Uy Joel,” tawag ni Mon kay Joel.
“O?” ang lumabas sa bibig ni Joel.
“Kanina mo pa ba ako sinusundan?” tanong ni Mon.
“Huh? Hindi,” tanggi naman ni Joel. “Bakit?”

Umiling si Mon at nilapitan si Joel, “Para kasing kanina pa may sunod nang sunod sa akin.”

“Meron nga,” sagot ni Joel.
“Meron?!” gulat na tanong ni Mon.
“Kanina pa may sumusunod na babae sa iyo pero hindi mo naman siya pinapansin,” sagot muli ni Joel.
“Babae? Sino?” tanong ni Mon.

Gusto sanang sabihin ni Joel na si Dyosa ang sumusunod kay Mon. Gusto niyang ituro ito pero hindi niya na ito nakita sa paligid.

“Nawala na e,” sabi ni Joel kay Mon.
“Sino kaya yun?” tanong ni Mon. Napataas-balikat na lang si Joel, nagkunwaring hindi niya alam kung sino ang babaeng sumusunod dito.

Dahil sa tawag ng kalikasan, nagpaalam muna si Joel kay Mon, “Mon, CR lang ako.”

“O sige,” tugon naman ni Mon. “Kita na lang tayo sa classroom.”

Naghiwalay na ang dalawa. Tinungo ni Joel ang CR at nang matapos ay lumabas na rin naman siya. Saktong paglabas niya ng pintuan, nakatawag ng kanyang pansin ang narinig niyang paghikbi. Sinundan niya ang paghikbing narinig at dinala siya ng boses sa isang makipot na hagdanan. Mukhang isang fire exit. Nakita niya ang babaeng umiiyak. Nakatakip ang mga kamay nito sa mukha.

“Dyosa, ikaw ba iyan?” tanong ni Joel. Napatingin sa kanya si Marie at nang makita niya si Joel ay pinahid niya ang kanyang mga luha. Nilapitan ni Joel si Marie. “Anong problema?” tanong niya muli rito.
“Si Mon. . .” sagot ni Marie. “Nagbago na siya.” Nagulat naman si Joel sa naging sagot ni Marie. “Maayos naman kami noong una pero. . . nagbago na siya.”

Tahimik lang si Joel. Hindi siya makapaniwala na may pagtingin pala si Dyosa kay Mon.

Nagbuntong-hininga si Marie. “Di bale na nga. Marami namang lalaki riyan, di ba?” tanong nito sa kanya.

“Oo naman,” tanging nasabi ni Joel. Di niya namalayang nakatingin lang pala siya kay Marie mula nang tumayo ito hanggang sa iwan siyang mag-isa sa makipot na hagdanang iyon.

...Itutuloy...

Friday, September 4, 2009

Mukhang Uulan

Kita ko mula sa bintana ng bahay namin ang pagngitngit ng langit. Maitim ang ulap, nagbabadya ng paparating na ulan. Gaya ng nakagawian, nagmamadali na naman ako ngayong umaga. Huli na naman kasi akong papasok sa paaralan.

“Ma, paki handa naman yung baon ko,” pakiusap ko sa aking ina. Walang patumpik-tumpik naman niyang sinunod ang sinabi ko.

Humarap ako sa salamin, sinuklay ang aking buhok, dinukot ang panyo sa aking bulsa, kinuha ang kikay kit sa loob ng aking bag, inilabas ang aking pulbo, itinaktak ang pulbo sa aking panyo, idinampi ang panyong may pulbo sa aking kaliwang pisngi, at sa kanan, tapos ay ipinantay ko na rin sa buo kong mukha.

“Kakain ka pa ba?” tanong sa akin ni mama. Pinagmamasdan niya pala ako habang nasa harap ako ng salamin.
“Hindi na, late na ako e!” sagot ko. Itinago ko na ang mga gamit ko. Nagmamadali ko ring kinuha ang baon ko para sa lunch na nasa mesa, ang pagkaing inihanda ni mama. Nasurpresa rin ako nang lagyan niya ng tubig ang bote kong inuman. “Ma, alis na ako,” paalam ko. Nagmamadali akong lumabas ng bahay.
“Magdala ka ng payong, mukhang uulan,” pahabol niya pang sinabi.
“Meron na!” sagot ko. Hindi ko na narinig ang boses niya nang isara ko ang gate ng bahay namin.

Naglakad akong nagmamadali sa sakayan ng tricycle. “Sa labasan po,” sabi ko sa tricycle driver. Umandar na ang tricycle. Nang makarating sa labasan, sumakay na ako ng jeep at nagtuloy-tuloy na ang byahe ko papuntang paaralan.

Habang tinatahak ang daan, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ibinaba ng pasahero ang trapal ng jeep. Nakisali na rin ako. Pagkababa ng trapal, may bigla akong naalala. Hindi pa pala ako nakapagpapasalamat kay mama sa paghahanda niya ng baon ko nitong umaga. Hindi ko na mahihintay na makauwi ako ng bahay para sabihin iyon dahil alam kong tulog na siya pagdating ko. Hindi ko rin iyon masasabi bukas ng umaga kasi alam kong magmamadali na naman ako. Nakaisip na rin naman ako ng paraan.

“Salamat, mama,” bulong ko sa hangin. Nasabi ko na, gumaan bigla ang loob ko. Hindi ko lang alam kung makakaabot pa sa kanya ang mensahe ko o baka kasabay na ring aanurin ng patak ng ulan ang mga salitang binitiwan ko.

Sunday, August 30, 2009

Hide and Seek (4)

Natatabunan ng hamog ang buong paligid. Malabo ang lahat. Wala kang makikita sa makapal na hamog ngunit may maririnig ka. Makaririnig ka ng mga yabag ng paa.

May batang patakbo-takbo.

Psst.

Psst.


At tinatawag si Anjo.

Anjo!

Psst.

Anjo!


Hinahanap ni Anjo kung saan nagmumula ang boses ng tumatawag sa kanya. Sa makapal na hamog ay nabuo ang pigura ng isang bata pero hindi malinaw kay Anjo ang mukha nito.

“Laro tayo,” pagyakag nito.

Dahan-dahang umiling si Anjo, “Ayoko.” Pero wala na siyang nagawa nang kumanta na ang bata.

“Tagu-taguan maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap.”

Tila naghahamon pa ito nang sabihin nito ang, “Nakatago ka na ba?” Pinagmamasdan lang ni Anjo ang malabong mukha ng bata. Kasabay nun ay ang nakakalokong pagngiti nito, “Nakikita pa rin kita.”

“Anjo, gising!” isang boses.
“Huhu huhu. Huhuhuhu,” hagulgol ni Anjo habang natutulog.
“Uy! Anjo!!!” paggising ni Joel sa kapatid.

Nagising si Anjo sa hampas ng unan na naramdaman niya. “Kuuuyaaa!” umiiyak niyang sinabi nang siya’y magising.

“Binabangungot ka,” sabi ni Joel habang inaalo ang kapatid.
“Nakakatakot,” pagpapatuloy ni Anjo.
“Ano bang napanaginipan mo?” nag-aalalang tanong ni Joel.
“Yung bata. . .” sagot ni Anjo.
“Joeeeel, gisingin mo na iyang kapatid mo. Kakain na!” ang pagtawag na narinig ni Joel galing kay Lydia. Mag-aagahan na sila.

Sinabihan ni Joel ang kapatid, “O, huwag ka nang umiyak. Baka tanungin pa tayo ni mama kung anong nangyari.”

Matapos pahirin ni Anjo ang mga luha ay lumabas na ang magkapatid sa silid nila. Naghilamos muna si Anjo. Nang lumabas na siya ng banyo e sumunod naman si Joel. Matapos maghilamos ni Anjo ay pumuwesto na siya sa mesa. Matamlay ang gising ng bata.

Si Joel naman ay nagsipilyo na muna ng ngipin. Ganito ang gawi niya pag umaga. Kinuskos niya ang mga ngipin niya pababa, pataas at paloob. Kinuskos niya rin ang mga bagang at ang kanyang dila. Nagmumog na siya at pagbuga niya sa iminumog na tubig na nanggaling sa babasaging baso, laking pagtataka niya nang puro dugo ang lumabas.

Tiningnan niya ang kanyang baso at laking pagkagulat niya nang makitang purong dugo, pulang-pula ang kulay, ang laman ng baso niya. Dahil sa pagkagulat ay nabitawan niya ang baso na naging sanhi ng pagkabasag nito, na siya namang nagpa-alerto sa mga tao sa hapag-kainan. Pagbagsak naman ng baso ay tubig lang ang laman.

Nanghinayang si Lydia nang makita ang basong nabasag ng anak. “Joel, kakaunti na nga lang ang baso natin, babasagin mo pa.”

“S-s-sorry po, mama. Dumulas po kasi sa kamay ko,” pagsisinungaling ni Joel. Akmang pupulutin na niya ang pirasong bubog nang pigilan siya ni Lydia,
“O! Wag mo nang pulutin! Mabububog ka pa niyan sa ginagawa mo e!”
“Sorry po uli,” sablay na naman si Joel.
“Sige na, lumabas ka na riyan at kumain ng almusal. Ako na ang maglilinis niyang nabasag mo,” sabi ni Lydia sa anak.

Matapos linisin ang bubog ay dumulog na rin si Lydia sa mesa. Habang kumakain ay napag-usapan ng pamilya ang tungkol sa lilipatang pampublikong paaralan ng magkapatid.

“Napa-enroll na namin kayo,” pagbibida ni Ernie sa mga anak. “Kung di sasama ang loob ninyo, lakarin ninyo na lang tutal e malapit na lang naman.”

Nagkakatinginan ang magkapatid at sa mga titig nila e parang nagtatanungan sila ng, “Ano, maglalakad na lang ba tayo?” Nasanay kasi silang hatid-sundo ng school service, pero dahil sa iba na ngayon ang sitwasyon, wala silang ibang magagawa kundi ang sumunod sa bawat sabihin ng kanilang mga magulang.

“Sige po, papa, lalakarin na lang namin,” tugon ni Joel. Si Anjo naman ay naging masunurin din.

Sumapit na ang gabi. May dalawang baranggay tanod na nag-uusap sa kanilang poste.

“Sira na naman yung bakod?” tanong ng una.
“Sira na naman,” sagot ng ikalawa.
“Gabi-gabi na lang ganyan, nakakapagod na. Ni hindi mo malaman kung magnanakaw o mabangis na hayop ba ang may pakana,” sabi ng una.
“Hindi ba matagal nang usap-usapan na yung bata nga raw ang may kagagawan niyan,” sabi ng ikalawa.

Umasim ang mukha ng unang tanod, “Naniwala ka naman dun?”

“Pare, sino bang hindi maniniwala dun? Alalahanin mo, mula noon hanggang ngayon binabakuran na yang bangin na yan,” sabi ng ikalawang tanod.
“Oo, alam ko,” tugon ng una.

Nagsalita ang ikalawang tanod, “Ang hindi ko lang maintindihan, matibay na materyales na nga ang ginamit dun nung nagbakod noong nakaraan, anong nangyari? Nasira pa rin! Ang hirap palang kalabanin ng masamang espiritu.”

Sandaling nagkaroon ng katahimikan. Umiling ang unang tanod at nagbigay ng negatibong pananaw, “Palibhasa kasi na-brain wash na kayo ng mga kuwento na yung batang multo nga ang sumisira sa bakod at pumapatay sa mga bata rito sa Vizcarra.”

“Pare, hindi ka pa rin ba naniniwala? Hindi yun basta-basta kuwento. Hindi pa ba sapat sa iyong nawala na yung anak ni Pia na pamangkin mo? Na nahulog siya sa bangin at namatay? Wala man lang nakakita kung anong nangyari. Punung-puno ng kababalaghan ang Kalye Remedios kaya walang gustong magbantay riyan e! Isa pa, pare, matagal nang sinasabi ng pamangkin mo sa iyong may multo ngang pumapatay sa mga bata rito, hindi ka lang kasi naniniwala.”
“Tama na,” sabi ng unang tanod. “Oo, hindi ko siya pinaniwalaan. Inaamin ko, kasalanan ko kung bakit siya nawala kasi hindi ko siya nabantayan.” Natapos na ang kanilang usapan.

Sa tahanan naman nina Joel ay naghahanda na ng gamit pang-eskwela ang magkapatid.

“Excited ka na bang pumasok, Anjo?” tanong ni Joel. Tipid na ngiti lang ang itinugon ni Anjo.
“Joel, ibili mo nga ako ng sigarilyo,” utos ni Ernie sa anak. Nag-alinlangan pa si Joel na sumunod sa inutos ng ama. Paano kasi, matagal na ring nagtatalo sina Ernie at Lydia sa bisyong iyon. “Sige na, minsan lang naman,” pakiusap ni Ernie. Sumunod na lang si Joel sa utos.
“Kuya, sama ako,” sabi ni Anjo. Isinama naman siya ni Joel palabas.

Nang nasa labas na sila at naglalakad, hindi maiwasang mapag-usapan na naman nila yung batang nakita nila.

“Natatakot ka ba sa kanya?” tanong ni Joel kay Anjo. Tumango si Anjo. Nagpatuloy si Joel, “Hindi ko alam kung ano ang gusto niya, hindi ko maintindihan kung bakit siya nagpapakita sa atin.”

Nakarinig ang magkapatid ng taong nagsalita, “Dahil gusto niya kayong kalaro.” Nang hanapin nila kung saan nanggagaling ang boses, nakita nila si Marie na nakatayo malapit sa isang kotse. “Gusto niya kayong kalaro,” ulit ni Marie. “Dahil malungkot siya,” pagpapatuloy niya. Pagkatapos sabihin iyon ay naglakad na palayo si Marie.

“Napaka weird talaga ng babaeng iyon. . .” isip ni Joel.

Nang sumapit na ang araw ng Lunes ay handa nang pumasok ang magkapatid sa paaralan. Plantsadong-plantsado ang kanilang uniporme. Kumpleto pa rin naman ang kanilang mga gamit pamasok. Nariyan pa rin ang bag na madalas nilang gamitin. Sa magkaiba ngunit magkatabing paaralan mag-aaral ang magkapatid. Magkaibang gusali kasi ang pampublikong paaralan ng elementary at high school, di gaya ng dati nilang paaralan na magkakasama ang grade school, high school at college. Si Lydia ang naghatid sa mga bata sa paaralan. Di rin niya nalimutang bilinan si Joel na daanan ang nakababatang kapatid pagkatapos ng klase.

Nang nasa silid-aralan na si Joel, ramdam niyang pinagtitinginan siya ng mga kaklase niya. Palibhasa kasi bagong mukha saka may hitsura rin naman kasi siya. Nang magsimula ang klase, tinawag ng guro si Joel para magsalita at ipakilala ang sarili. May ilang nagbulungan nang magpunta na siya sa harapan.

“I am Joel Salazar. I am a new student from St. Francis College. I am a residing at Numero 11 (Onse) Kalye Remedios, Vizcarra.”

Isang babae ang biglang tumayo nang sabihin niya ang lugar na tinitirhan niya. “Teka, taga Kalye Remedios ka?” tanong nito kay Joel.

Ilang segundo rin ang itinagal bago makapagsalita si Joel, “A, oo.” Pagkasagot niya ay bigla na lang humagulgol ang babae sa di malamang kadahilanan.

“Ayan na naman siya. Umiiyak na naman,” sabi ng kaklase nilang lalaki.
“Ok, Joel, you may take your seat,” alok ng guro nila. Umupo na si Joel at pinagmasdan ang babaeng umiiyak.

Nang mag-recess, kasalo ni Joel na kumain yung kaklase nilang lalaki na nagsabing, ‘Ayan na naman siya. Umiiyak na naman.’

“Pagpasensyahan mo na nga pala si Nina, ganun lang talaga siya. Madalas na siyang nagiging iyakin ngayon,” paumanhin ng kaklaseng lalaki na ang pangalan ay Raymond, o mas kilala sa tawag na Mon.
“May problema ba siya kaya siya ganun?” tanong ni Joel.
“Nagsimula yun nung mamatay yung bestfriend niya, na gf ko, last year lang,” sagot ni Mon.
“Gf mo? Sorry,” sabi ni Joel.
“Nahulog kasi siya sa bangin e! Patay na siya nang makita. Tumama yung ulo niya sa malaking bato. Sa Kalye Remedios nangyari yun, doon rin nakatira yung gf ko kaya ganun na lang ang iyak ni Nina nung sinabi mong sa Kalye Remedios ka rin nakatira,” kuwento ni Mon, tila naiiyak pa habang nagsasalaysay. “Dulong lugar ng Vizcarra ang Kalye Remedios, di ba?” tanong niya.
“Oo,” sagot ni Joel.
“Sa dulo ng Kalye Remedios, may bangin, tama?” tanong muli ni Mon.
“Hindi ko pa nakikita yung sinasabi mong bangin. Bagong lipat lang kasi kami―”
“A kaya pala,” sabad ni Mon.
“―pero may nakapagsabi na nga sa aking may bangin doon,” sagot ni Joel.

Nagpatuloy si Mon sa kanyang kuwento, “Doon siya nahulog. Restricted place na yun, nilagyan na rin nga ng bakod yun, hindi ko alam kung bakit doon siya natagpuan. Ang kataka-taka pa, ang sabi nila, laging may sumisira sa bakod at noong namatay yung gf ko, wasak na wasak yung bakod. Hindi naman sa tinatakot kita pero marami nang nawalang bata sa Vizcarra. Yung iba, hindi na nakita, yung iba naman, kung sakaling makita pa, patay na at doon lagi natatagpuan sa bangin.”

Natakot si Joel sa mga narinig niya mula kay Mon.

“Kaya ikaw, Joel, mag-iingat ka. Delikado sa Kalye Remedios,” si Nina. Sumulpot na lang bigla. “Baka matulad ka rin sa sinapit ni Marie.”
“Uy, Nina, huwag ka ngang ganyan!” saway ni Mon sa kaibigan.
“Marie?” tanong ni Joel.

Nang mabanggit ang pangalan ni Marie ay biglang humangin ng malakas. Sinubukang iiwas ni Joel ang mukha niya para makaligtas sa mga lumilipad na alikabok. Nang matapat ang kanyang paningin sa gawing kanan, nakita niya sa malayo ang kapit-bahay nilang tinawag niyang “weird”. Nakita niyang nakatayo si Marie at nakatingin sa kanila na may malungkot na mukha. Sa kabila noon ay nabighani siya sa mahabang buhok nitong inililipad ng hangin.

...Itutuloy...

Sunday, August 23, 2009

Malapit na Akong Tumanda

forwarded by Papel Aug 16, 2009 8:17 pm

12 reasons why you need to smile

1. it's a happy year for you
2. you will grow up again
3. you had another year to enjoy
4. you meet people and many friends
5. you had good study habits
6. you're near to be a teacher
7. people believe you can do for your dreams
8. you make people happy (esp me)
9. you're not inday anymore :D
10. it's your month
11. God blessed you a lot of gifts
12. you have 12 nights to know why you need to be happy and celebrate

Kakaibang Experience

Umaga pa lang ay napamura na ako dahil late ako nagising. Agaran kong tinype yung hand-out na ibibigay ko sa batang tuturuan ko (out-of-school youth). Late na rin ako nakaalis ng bahay kasi ang bagal ko kumilos. Napasarap kasi ng pagligo at ang kakaiba sa umaga ko ngayon ay kumain ako ng almusal.

Nakaranas ako ng trapik sa daan dahil sa lintik na inaayos na tulay diyan sa Las Pinas, na siyang dinadaanan ko. Matapos ang dalawang buwan e natapos yung kaliwang bahagi ng tulay, ang tinira naman ngayon ay yung sa kanan. Ang kadalasang paghiling ko sa utak ko na sana ay may masakyan akong FX ay hindi natupad, bagkus ay nag-bus na lang ako pagpunta sa eskwelahan.

Araw ng Sabado, alas otso na. Alas nuebe ang klase ko. May review kami ngayon (para sa LET) at may quiz din pagkatapos. Late na ako! Bahala na. May pumapasok din kaya ng alas diyes. Nasita nga yung estudyante na yun nung nakaraan.

Maya-maya ay nagtext sa akin ang kaklase kong lalaki minsan (hehe!), wala na raw pasok. WALA NA DAW PASOK.

"Bakit?" tanong ko.
"Baha kasi sa Manila," sagot niya.

Baha? Umulan? E hindi ko nga naramdaman yung pag-ulan rito sa Cavite, kahit na sa Las Pinas.

"Malalaman mo pagdating mo rito," sabi ng kaklase ko. Sabi niya rin ay magkita pa rin kami sa Manila, para nga sa turo namin ngayon sa mga out-of-school youth.

Bumaba ako sa Gil Puyat at nag LRT papuntang Central Station. Pagdating ko ng Manila, nagulat ako sa nakita ko. Baha. BAHANG-BAHA. Hindi ko alam kung ano ang nangyari kung ba't bumaha ng ganun. Nakita ko rin ang ilang schoolmates nang makababa ako ng LRT.

"Pinaparusahan na tayo ng Diyos," sabi ng kaibigan/schoolmate ko na kasapi sa ikatlong kasarian.

Para makarating sa eskwelahan kahit wala nang pasok, nag cutting trip kami, nataga tuloy sa pamasahe. Dadaanan pa kasi namin yung kaklase kong nagtext sakin na walang pasok, na nabanggit ko kanina. Sabi niya kasi magkita kami sa simbahan ng San Sebastian.

Binabaha naman talaga ang Manila pero mas grabe ang pagbaha ngayon. Kung makikita mo lang sana ang paligid. Kung nandun ka lang nung mga panahong yun. Tinext ko na yung kaklase ko na nasa San Sebastian na ako.

Makalipas ang ilang minuto ay dumating na siya at nagbahagi ng sentimiyento.

"Lumusong ako sa baha," sabi niya. Maya-maya'y naiyak, "Huhu! Ang kati ng paa ko. May alcohol ka ba?"
"Wala akong alcohol," tugon ko sabay tawa.



Sa Kuliglig. 2 in 1 (pedicab na may motor) BAHANG-BAHA.

Hide and Seek (3)

Nagpalipas lang si Joel sa labas hanggang hapon. Di man ito ang naging gawi niya, ay napilitan siya dahil sa naguguluhang isip. Sa pinakamalaking tindahan siya nagpalipas ng oras, sa parehong tindahang binilhan niya ng sibuyas at kalamansi, at nakipag kuwentuhan sa tindero na siya na ring may-ari. Nalaman niyang Dennis ang pangalan ng may-ari ng tindahan.

Sa kasarapan ng kuwentuhan ay napatingin bigla si Joel sa dumaang babaeng nakasuot ng pamasok na uniporme at napansing pamilyar ang babaeng iyon. Napatayo si Joel sa kinauupuang puwesto at tinawag ang babae.

“Ate!” pagtawag niya rito bagama’t di niya naman ito kapatid. Napatingin sa kanya ang babae. Di nagdalawang-isip si Joel na lapitan at tanungin ang babae. “Di ba ikaw yung kausap ko kanina?”
“Kanina?” pagtataka ng babae.
“Oo, kanina! Kaninang umaga! May sinabi ka pa nga sa akin e! Sabi mo ‘Palagi siyang ganyan.’”

Sandaling nag-isip ang babae. “A oo, naalala ko na.”

Sa gitna ng pag-uusap ng dalawa, tinawag ni Mang Dennis si Joel, “Uy, tutoy!”

Napatingin si Joel kay Mang Dennis. “Po?” responde niya.

“Sino ba iyang kausap mo riyan?”
“Si ano po ―” Tatanungin sana ni Joel kung ano ang pangalan ng babae pero pag tingin niya’y wala na ito. “Nasaan na yun?” isip niya.

Kumagat na ang dilim. Naglalabasan na naman ang mga bata para maglaro. Gaya ng napagkasunduan kagabi, si Anjo ang taya sa larong tagu-taguan. Kani-kaniyang tago ang mga bata nang kumanta na si Anjo,

“Tagu-taguan maliwanag ang buwan... Nakatago na kayo.” At pagbilang ng tatlo, nagsimula na ang paghahanap ni Anjo. Matapos ang labinlimang minutong paghahanap ay nahanap niya na ang lahat ng mga kalaro maliban na lang sa isang batang babae, si Mimi. Masusing naghanap si Anjo at ilang sandali pa’y nahanap niya na ang kinaroroonan ni Mimi. “Boom Mimi!”
“Eeeeehhh!” pagtili ni Mimi nang mahanap siya ni Anjo. Nagpaunahan sina Mimi at Anjo sa pagpunta sa base, sa nangangalawang na poste.
“Save!” sigaw ni Anjo nang mailapat ang kanang palad sa nangangalawang na poste. Nanghinayang talaga si Mimi nang maunahan siya ni Anjo na mag-save. Ligtas na si Anjo sa pagiging taya at si Mimi na ang bagong taya.
“Tagu-taguan maliwanag ang buwan,” pagkanta ng siyam na taong gulang na si Mimi. “Wala sa likod, wala sa harap.”

Kani-kaniyang tago ang mga bata, maging si Anjo. Doon siya nagtago sa tabi ng basurahang di naman kalayuan sa lugar na kanilang pinaglalaruan.

“Pagbilang ko ng tatlo nakatago na kayo. Isa, dalawa, tatlo!”

Tumahimik ang paligid nang magsitago ang mga bata. Tahimik ding nagtatago si Anjo sa tabi ng basurahan.

“Game na?” tanong ni Mimi.
“Hindi pa!” tugon naman ng nakatatanda niyang kapatid na si Miko, labing isang taong gulang. Nataranta ito sa paghahanap ng mapagtataguan. “Game!” sigaw ni Miko nang makapagtago na.

Nagsimula nang maghanap si Mimi, “Boom, Kuya Miko!” matinis na boses niyang pagkakasabi nang mahanap ang kapatid, hanggang sa isa-isa niya nang nahanap ang mga kalaro. Si Anjo na lamang natitirang matibay na hindi pa nahahanap ni Mimi. Ilang minuto pa ang lumipas. Nasa tabi pa rin ng basurahan si Anjo. Naamoy niya ang masangsang na amoy ng basura. Kinakabahan na rin siya. Mukhang isa-isa na kasing nahanap ni Mimi ang kanilang mga kalaro. Kung siya man ang mahahanap, at kung di siya makakapunta kaagad sa base, siguradong siya na naman ang magiging taya pero dahil sa pagkainip, naisipan nang lumabas ni Anjo sa pinagtataguan. Ano naman kung maging taya siya? Nakakapanabik din namang maghanap sa mga nagtatagong kalaro.

Saktong pagtayo niya, biglang nagpatay-sindi ang ilaw ng poste na katapat niya. Ikinagulat niya iyon. Nanatiling nakatayo si Anjo at pinagmasdan ang patay-sinding ilaw na poste. Namatay ang ilaw, sumindi, namatay, sumindi, namatay, at pagsindi nitong muli, nanlaki ang mga mata niya nang makakita ng batang nakatayo roon na kani-kanina lang ay wala naman. Kilala niya kung sino ang bata. Yun yung tinutukoy niyang sumisilip sa screen na pinto ng bahay nila. Napako si Anjo sa kinatatayuan nang naglakad papunta sa kanya ang bata. Hindi siya gumalaw at nang napadaan na sa gilid niya ang bata ay ramdam niyang tumingin ito sa kanya. . . kahit na wala itong mga mata. Nalampasan na siya ng bata, kasunod noon ay narinig niyang nagtawanan ang kanyang mga kalaro sabay sabi ng,

“Si Anjo, si Anjo uli ang taya!”

Nagulat siya at napabalik sa realidad. “Ako? Di pa nga ako nahahanap!” isip ni Anjo. Sumilip si Anjo sa pinagtataguan at nakita niyang kumpol-kumpol ang mga kalaro niya at sinabing, “Ui Anjo, bukas ikaw uli!” Nagulat si Anjo nang makitang kasa-kasama ng kanyang mga kalaro ang bata. Ang ipinagtataka pa niya ay tinatawag nila ito sa pangalan niya. Nanghina ang katawan ni Anjo at napaupo. Napadaan naman si Joel at tinawag siya.

“Huy! Anong ginagawa mo riyan?” tanong nito.
“Kuya!” bulalas ni Anjo. Pilit niyang ibinalik ang lakas niya at niyakap ang kuya niya.
“Uy bakit?” tanong ni Joel. Hindi umimik si Anjo at basta lang nakayakap. Napakunot-noo si Joel, “Bakit, anong nangyari?”
“May. . . may multo. May nakita ako,” usal ni Anjo.

Mukhang may ideya na si Joel tungkol sa “multong” sinasabi ng kapatid. “Umuwi na lang nga tayo,” yakag niya. Hinawakan niya ang kamay nito at tinahak nila ang daan pauwi. Nang malapit na sila sa bahay, may tumawag kay Anjo,

“Anjo!” si Mimi. Hinarap siya ni Anjo na nakasimangot ang mukha. “O bakit?” tanong niya.
“Wala,” sagot ni Anjo. Dumiretso na siya ng lakad kasama si Joel.

Nilingon ni Joel si Mimi at nabigla nang makitang kasama nito ang misteryosang babaeng nakasuot uniporme na nakita niya kaninang umaga. Napatitig tuloy si Joel sa kanila. Narinig pa ni Joel na nagsabi ang babae ng,

“Mimi, pasok na.”

Kasunod nun ay nagpaalam na si Mimi. Marahil ay di niya nagustuhan ang pagtitig ni Joel sa kanya. Pagsara ng pinto ng bahay nina Mimi ay nagpatuloy na ang magkapatid na Joel at Anjo sa paglalakad papunta sa kanilang bahay.

Takot ang nangibabaw kay Joel nang may makita siya sa loob ng bahay nila. Nakatayo silang magkapatid sa pintuan at wala man lang nakapansin sa kanila. Kitang-kita ng dalawang mata ni Joel kung paano pagalitan ni Lydia ang bata ―ang batang pasilip-silip sa bahay nila.

“Anjo,” bulong niya. Tumingin ang kapatid sa kanya. “Yung bata.” Naririnig niyang nag-iingay si Lydia at pinagagalitan ang bata,
“Ang dungis mo na naman, Anjo!” bagama’t di si Anjo ang kausap nito, ang nakikita ng ina nila ay ang hitsura ni Anjo sa batang iyon.

Napayakap si Anjo kay Joel, “Sabi ko sa iyo may multo!” Umatras ang magkapatid at naglakad palayo.

“Ano ba yun?” tanong ni Joel sa kapatid. Naglagi muna sila sa tindahan ni Mang Dennis.
“Multo, kuya,” mahinang sagot ni Anjo.
“Galing iyon sa bangin sa dulo ng Kalye Remedios,” boses ng isang babae ―ang misteryosang babaeng pangangalanan nating Marie. “Doon siya nananahan.” Napatingin ang magkapatid sa kanya. Lumapit si Marie sa tindahan. “Pabili nga po,” sabi niya kay Mang Dennis pero hindi siya pinansin nito. Nakatingin lang si Mang Dennis sa magkapatid. Pagkatapos na hindi mapansin, hindi na lang bumili si Marie.
“Sino ang batang yun? Bakit siya tinatawag na “Anjo” ni mama e hindi naman si Anjo yun?” tanong ni Joel.
“Ligaw na kaluluwa,” sagot ni Marie. “Nakikita ninyo ang tunay niyang anyo dahil nabiyayaan kayo ng ikatlong mata.”
“Ikatlong mata? Third eye?” tanong ni Joel.

Pumagitna si Marie ng upo sa magkapatid. “Ang totoo niyan, pabago-bago siya ng anyo. Minsan niya na ring ginaya ang kapatid kong si Miko.”

“Ibig sabihin ay ginaya niya si Anjo? Ano bang kailangan niya?” tanong ni Joel. Tahimik na nakayuko si Anjo dahil sa pagkabalisa at takot.
“Mga kalaro,” sagot ni Marie.
“Kalaro?” pagtataka ni Joel.
“Marami na akong nasabi. Tama na yun,” pagwawakas ni Marie ng usapan.

Naiinis na napakamot ng ulo si Joel, “Hindi ko pa rin maintindihan!”

“Uy, tutoy,” pagsingit ni Mang Dennis sa usapan. Napatingin si Joel kay Mang Dennis. “Ok ka lang ba riyan? Pinagagalitan mo yata iyang kapatid mo?”
“Hindi naman po, Kuya Dennis,” sagot ni Joel. “May pinag-uusapan lang kasi kami ni ―” nawala na naman si Marie. Ni hindi man lang niya naramdamang umalis ito sa kanyang tabi. Si Anjo naman ay tahimik pa ring nakayuko at hindi sinabing umalis na ang kausap nila.

May napadaang tanod sa tindahan at sinabihan ang magkapatid, “Uwi na. Alas nuebe na.” Sumunod naman ang dalawa.

Nang nasa pinto na ng bahay, huminto muna ang magkapatid. “Ok ka lang ba, Anjo?” tanong ni Joel. Umiling si Anjo, napasimangot tuloy si Joel. “Pasok na nga tayo.” Bubuksan na sana ni Joel ang screen na pinto nang biglang lumabas si Lydia.

“Buti naman at umuwi ka na,” sabi nito kay Joel. “Ano bang ginawa mo sa labas?”
“Nagpahangin lang po, mama,” sagot ni Joel.

Higit na nasurpresa si Lydia nang makita si Anjo. “O, bakit nasa labas ka? Akala ko pumasok ka na sa kuwarto?”

Nagkatinginan ang magkapatid. “A, pasok na po kami, ma, curfew na e,” sabi ni Joel sa ina para man lang makaiwas sa maraming tanong. Nagmadali silang dumiretso sa kuwarto.

Laking gulat ni Joel nang may batang tumakbo palabas ng kuwarto nila. Nakita rin ni Anjo ang tumakbong bata. Sinubukan ni Joel na sundan ang bata. Kitang-kita niya kung paano ito lumabas sa bahay nila sa pamamagitan ng pagtagos sa screen na pinto.

...Itutuloy...

Hide and Seek (2)

Patay na ang ilaw sa silid ng magkapatid. Tabi silang natulog sa kutson. Pumasok na sa silid ang kanilang mga magulang. Nakapatay na rin ang ilaw sa buong kabahayan. Kani-kanina lang ay kausap pa ni Joel si Anjo, pero nang hindi na ito sumagot nang may itinanong siya e alam niyang nakatulog na ang kapatid niya. Tiyak na napagod dahil sa pakikipaglaro sa mga bata.

Ibang klase! Apat na araw pa lang silang nakatira sa lugar ay marami nang naging kaibigan ang kapatid niya. Siya naman ay hindi naging palalabas ng bahay mula pa noon. Kuntento na siyang nasa bahay lang at taga-sunod sa utos ng mga magulang. Hindi rin nahilig sa pakikipagbarkada si Joel. Basta pagkagaling sa eskwela ay uwi kaagad tapos ay magpapahinga. Ganoon lang ang buhay niya.

Kinaumagahan, hindi niya na naramdamang katabi niya ang kapatid. Bahagya niyang iminulat ang mga mata at naaninag niyang nakabukas ang pinto ng silid nila. Naaninag niya ring may mukhang pasilip-silip sa gilid. Ikinagulat niya iyon. Nang bumangon siya, nawala na ang mukha. Kinusot niya ang mga mata at tumayo sa kinahihigaan. Lumabas siya ng silid at tumingin sa kaliwa at kanan. Wala siyang ibang nakita. Napakatahimik din ng paligid.

Nagpunta si Joel sa kusina at naabutang nagluluto ng almusal ang ina. “Ma, si Anjo?” tanong niya sa ina.

“Lumabas ng bahay,” sagot ni Lydia.
“Kanina pa?” tanong niyang muli.
“Mga alas sais. Kasama niya si papa mo. Magja-jogging daw sila.”

Tiningnan ni Joel ang orasan. Alas siyete y medya na. “Hindi pa ba bumabalik?” tanong niya sa ina.

“Hindi pa,” sagot ng ina.
“Tayong dalawa lang ba ang tao rito?”

Natawa ang ina sa itinanong niya. “Aba, e sino pa ba? E tayo lang naman ang nakatira rito saka umalis sina papa at si Anjo kaya tayong dalawa lang ang tao.”

Bahagyang napangiti si Joel. Oo nga naman. Sila lang ang nakatira sa bahay. Silang APAT lang.

“Bakit ba?” tanong ng ina.

Umiling si Joel. “Wala po. Para kasing may nakita akong batang sumilip sa kuwarto kanina.”

“Bata?” pagtataka ni Lydia.
“Akala ko nga si Anjo yun,” sabi ni Joel.

Napailing si Lydia, “Ay naku, Joel. Huwag mo nang takutin ang sarili mo. Halika, kumain ka na lang. Luto na ang pagkain.” Pinagsaluhan ng mag-ina ang nilutong sinangag at omelette. Hindi na nila nahintay pa sina Ernie at Anjo.

Tatlumpung minuto ang nakalipas nang dumating ang mag-amang Ernie at Anjo. Basang-basa ng pawis ang suot nilang damit. Hinubad ni Ernie ang suot na damit at isinampay. Si Anjo naman ay kaagad na nagtungo sa hapag-kainan at kumain.

“Kuya, kain tayo,” alok ni Anjo.
“Sige, tapos na,” sagot naman ni Joel.

Napalabas ng bahay si Joel nang may iutos sa kanya si Lydia, “Joel, anak, ibili mo nga ako ng limang sibuyas at sampung pirasong kalamansi. Ubos na pala yung stock natin.”

Matapos maibigay ang pera ay nagpunta na si Joel sa tindahan. Ang napuntahan niya ay yung pinakamalaking tindahan sa lugar.

“Pabili. May kalamansi ho kayo?” tanong niya sa tindero.
“Meron,” sagot nito.
“E sibuyas po?”
“Meron din,” sagot muli ng tindero.
“Pabili nga po ng limang sibuyas at sampung kalamansi.”

Inilagay ng tindero ang mga pinamili sa supot at nang iabot niya ito kay Joel ay may sinabi siya rito.

“Bagong mukha ka tutoy ha,” pansin ng tindero.
“Bagong lipat po kasi kami,” sagot ni Joel.
“Saan kayo nakatira? Sa Kalye Waling?”
“Sa Kalye Remedios ho.”
“Saan dun? Sa pulang bahay?”
“Opo, dun nga.”

Natigilan ang tindero at napatitig lang kay Joel.

“May problema po ba?” tanong ni Joel.

Umiling ang tindero. “Wala. Naitanong ko lang naman. O ano, tutoy, welcome to Vizcarra!”

Ngumiti si Joel. “Salamat po,” sabi niya sabay abot ng bayad.

“A e tutoy, huwag mo nang bayaran,” sabi sa kanya ng tindero.
“Bakit po? Baka naman malugi kayo niyan.”
“Ganyan talaga ang patakaran ng tindahang ito. Libre ang unang binili ng mga bagong mukha sa lugar na ito,” paliwanag ng tindero.
“Ay ganun ba? Dapat pala dinamihan ko na yung binili ko.”

Tumawa ang tindero, “Haha! O sige, ano bang gusto mong idagdag?”

“Piattos ho, paborito kasi iyan ng kapatid ko.”

Matapos pumitas ng Piattos ang tindero ay bumalik na si Joel sa kanilang bahay. Malayo pa lang ay natanaw niya nang may batang pasilip-silip sa kanilang bahay. Tumigil siya sandali at pinagmasdan ang bata. Nagpa-palit-palit ito ng puwesto; umaaligid sa may pintuan, sa may bintana.

Nagsimula nang maglakad si Joel. Binilisan niya ang lakad at balak na sitahin ang bata pero naudlot ang balak niyang gawin nang may marinig siyang boses na nanggagaling sa likuran niya na naging dahilan upang lingunin niya ito.

“Palagi siyang ganyan,” sabi nito.

Isang babae ang nakita ni Joel. Maputi ang balat nito, ang buhok na may bangs ay lagpas balikat, nakasuot ng pamasok na uniporme at may hawak-hawak na libro.

“Anong palagi siyang ganyan?” naguguluhang tanong ni Joel.
“Palagi siyang sumisilip sa bahay na iyan,” sagot ng babae.

Tumingin si Joel sa direksyon ng bahay nila ngunit pag tingin niya ay nawala na ang bata. Nang tingnan niya naman ang kausap niyang babae ay hindi niya na ito nakita. Kinabahan si Joel. Ipinagpatuloy niya na ang paglalakad papunta sa bahay nila. Nang nasa pintuan na siya, may narinig siya,

“Ngiiiyaaaw!” pusang itim.

Napahawak siya sa dibdib niya dahil sa pagkagulat nang makita ang pusang itim. “Ano ka ba, Joel? Pusa lang iyan!” sabi niya sa sarili. Binugaw ni Joel ang pusa, “Shoo!” at umalis naman ito. Pumasok na si Joel sa loob. Iniabot niya kay Lydia ang pinamiling kalamansi at sibuyas. Iniabot niya rin ang perang ibinigay sa kanya ni Lydia.

“Hindi nabawasan?” tanong ni Lydia.
“Hindi po ako siningil nung tindero. Libre raw po ang unang bili ng mga bagong mukha,” sagot niya.
“A talaga?” may pagkamangha sa tono ni Lydia.
“Punta muna ako sa kwarto, ma,” paalam niya sa ina. Pumunta na nga siya sa silid nila.

Wala si Anjo sa loob. Gusto niya sanang ibigay ang Piattos na nakuha niya ng libre. Tahimik ang paligid. Natigilan si Joel. Naninibago siya sa bagong tirahan nila. Nanatiling nakatayo si Joel sa loob ng kuwarto, nag-iisip. Iniisip niya yung nakita niyang batang sumisilip, yung babaeng bigla na lang nawala at yung pusang itim. Hindi man normal ay kinikilabutan siya sa mga nakita niya. Naistorbo siya nang may humablot bigla ng hawak niyang Piattos. Pag tingin niya, may kasama na siya sa loob ng kwarto: isang bata.

Nangilabot si Joel sa nakita niya. Duguan ang bata. Duguan na rin ang inagaw nitong balot ng tsitsirya. Kitang-kita niya nang malapitan ang bata. Wala itong mga mata. Dinukot kumbaga. Di na napigilan ni Joel ang nararamdaman na takot, napaatras siya at napasigaw.

“Aaaaaahhhhh! Ma! Pa! Aaaahhhhhh!”

Napasugod agad sina Lydia at Ernie sa kuwarto.

“Bakit? Anong nangyari?” nag-aalalang tanong ni Lydia.

Nahimasmasan si Joel nang makita ang ama’t ina.

“Anjo, ano ba iyan? Bakit sumisigaw ang kuya mo?” tanong ni Ernie sa anak.
“Hindi ko nga alam, kinuha ko lang naman itong Piattos. Sumigaw na siya ng ganyan.”

Tiningnan ni Joel ang batang nagsalita. Kapatid pala niya, pero bakit ganoon? Guni-guni lang ba ang nakita niya kanina? Hindi niya rin alam.

“Sa susunod, huwag ka kasing basta-basta nang-aagaw,” pangaral ni Ernie kay Anjo. “Humingi ka ng sorry sa kuya mo.”

Pero imbis na si Anjo ang mag-sorry, si Joel ang humingi ng paumanhin. “Sorry, Anjo,” sabi niya rito. Hinawakan niya ang ulunan ng kapatid at ginulo ang buhok nito.

“Pahingi ako nito ha,” masiglang sabi ni Anjo sa kanya.

Nginitian niya ang kapatid. “Para sa iyo naman talaga iyan.” Pinasalamatan siya ng kapatid. “Sige, labas muna ako,” paalam niya kina Lydia, Ernie at Anjo. Naiwan ang lahat na takang-taka dahil sa kakaibang ikinilos ni Joel.

...Itutuloy...

Sunday, August 16, 2009

Advanced Pabati

Salamat sa pagmamahal, sa bawat segundong inilaan.

Salamat sa yakap at halik, pati na rin sa mga nakaw na saglit.

Salamat sa pagpuno ng puwang sa buhay ko, sa pagsalo sa akin kapag nadadapa ako.

Salamat sa pag-unat ng kunot na noo ko, sa paglalagay-ngiti sa mga labi ko.

Salamat sa pagtawa kasama ako, sa pagpapagaang-loob sa tuwing pagod ako.

Salamat kasi nandiyan ka.

Salamat sa pagtitiyaga.

Salamat sa pinagsamahan.

Salamat sa dalawang buwang nagdaan.

Saturday, August 15, 2009

Hide and Seek (1)

Malalim na ang gabi. Mag a-alas nuebe na. Maririnig ang nangingibabaw na ingay ng mga batang nasa gulang anim hanggang labing dalawa na dis oras na ng gabi ay mataas pa rin ang enerhiya.

“Maibaaaaaaaaaaaa taya!” sabay sabay nilang pagwika. Mukhang naging ritwal na nila ito gabi-gabi. Isang batang lalaking nagngangalang Anjo, nasa gulang na sampu, ang naging biktima ng laro. Napakamot siya ng ulo.
“Ako na naman? Kagabi ako na ang taya ha?” pag-angal niya.

Tawanan lang ang itinugon ng kanyang mga kalaro. Kakamot-kamot-ulong lumapit si Anjo sa isang nangangalawang na poste. Doon ay ikinurus niya ang kanyang mga braso at idinampi ang mukha, partikular na ang mga mata, sa naka-krus na braso at pakantang nag-usal ng mga salitang tila ritwal na.

“Taguuu-taguan maliwanag ang buwan.”

Kumaripas ng takbo ang kanyang mga kalaro. Karamihan ay mga batang babae at may ilang batang lalaki, may mga uhugin at ang iba’y walang tsinelas. Mayroon din namang isang batang lalaking nakisali sa laro na hindi napansin ng iba. Kanina pa siya pasilip-silip at nakatago sa likod ng isang puno.

“Walaaaaa sa likod, walaaaaa sa harap.”

May ilang nagtago sa puno, ang iba nga’y umakyat pa. May ilang sa ilalim ng kotseng nakaparada isiniksik ang maliit na katawan. Nagpatuloy si Anjo sa pagkanta. Natutukso pa ngang manilip.

“Pagbilang ko’ng tatlo nakatago na kayo.”

Nagbubungisngisan ang mga batang nakatago sa kani-kanilang puwesto. Nagbilang na si Anjo.

“Isa.”
“Dalawa.”
“Tatlo!” sigaw ng isang pamilyar na boses.

Napahiwalay si Anjo sa poste nang marinig ang boses ng nakatatanda niyang kapatid, si Joel, nasa gulang na labinlima.

“Ano? Hindi ka pa uuwi?” itinanong nito.
“Naglalaro pa kami e!” dahilan ni Anjo, maasim ang mukha.
“Alas nuebe na, uy,” matigas na sabi ni Joel. “Gusto mong hulihin ka ng mga tanod?” tanong niya sa kapatid. “Gabi na,” dagdag pa niya.

Kani-kaniyang labas sa pinagtataguang lungga ang mga batang kalaro ni Anjo. Nagkumpol-kumpol ang mga iyon at lumapit sa magkapatid. Tiningnan sila isa-isa ni Joel.

“Uuwi na kami. Umuwi na rin kayo,” sabi niya sa mga ito. Naglakad naman papalayo ang mga bata at nagsiuwian na sa kanilang mga bahay-bahay matapos sabihing si Anjo pa rin ang taya bukas ng gabi.

Magkasunurang naglakad ang magkapatid. Tila may pagtatampo pa si Anjo dahil sa naudlot na laro. Pagdating sa bahay ay agad na pinapunta ni Joel si Anjo sa banyo.

“Maglinis ka nga ng katawan. Ang dumi-dumi mo!” Sinunod naman ni Anjo ang sinabi ng kapatid.

Apat na araw na ang nakalilipas mula nang dumating ang kanilang pamilya sa lugar na kung tawagin ay Vizcarra. Kapansin-pansin naman dahil wala pa sa ayos ang iba nilang gamit. Bumagsak ang kabuhayan ng pamilya nina Joel dahil sa pagkalugi sa negosyo. Napilitan tuloy silang manirahan sa mas maliit na bahay. Ang iba sa mga pag-aari nila ay nailit. May mga natira pa namang gamit. Mag-aaral na rin ang magkapatid sa pampublikong paaralan.

Sa kasalukuyan, abalang nag-aayos ng gamit ang kanilang ama. Sa katunayan nga ay katulong si Joel sa pag-aayos bago pa siya lumabas ng bahay upang tawagin si Anjo. Ang kanila namang ina ay nagluluto pa lang ng hapunan.

Umupo si Joel sa sofang nakapuwesto malapit sa pinto at nagbasa ng pahayagan. May kalumaan na ang pahayagan. Nadatnan nila iyon doong pakalat-kalat nang lumipat sila. Nakatawag ng kanyang pansin ang isang kuhang nagpapakita ng mga taong umiiyak, babae at lalaki, na sa palagay niya ay mag-asawa. Binasa niya ang nilalaman. Ang dahilan ng hinagpis ng mag-asawa ay ang pagkamatay ng kanilang anak. Ipinakita ang lugar ng pinangyarihan. Sa isang bangin nahulog ang isang batang lalaki. Pagkabagok ng ulo ang naging sanhi ng pagkamatay ng batang nasa gulang na sampu. Kakatwa dahil kahit na malayo ang kuha ng mga litrato at hindi niya maaninag kung sino ang mga iyon, pakiramdam ni Joel ay pamilyar ang mga taong nasa litrato. Hindi pa siya natatapos sa pagbabasa nang marinig niyang nagsalita ang kapatid niya,

“Kuya, may tao sa labas.”

Napatingin agad si Joel sa pintuan ngunit wala naman siyang nakita sa screen na pinto.

“May tao?” tanong niya kay Anjo na mukhang kanina pa nakalabas ng banyo at malinis nang tingnan.
“Nakita ko e! May bata. Sumisilip,” sagot ni Anjo.

Ibinaba ni Joel ang binabasang pahayagan at lumapit sa pintuan. Habang naglalakad ay tinanong niya ang kapatid,

“Babae o lalaki?”
“Lalaki,” sagot ni Anjo.

Binuksan ni Joel ang screen at tiningnan kung may tao nga ba sa labas. Wala naman siyang nakita kundi isang pusang itim. Bumalik na si Joel at sinabi kay Anjo,

“Wala namang tao. Pusa lang.”
“A, baka umalis na. Kanina pa kasi siya nakatingin sa iyo, kuya.”
“Talaga? Kanina pa?” pagtataka ni Joel.
“Nakatingin sa iyo e! Nung nagbabasa ka,” sabi ni Anjo.
“Baka kalaro mo?”
“Hindi,” agad na sagot ni Anjo. “Ok,” naman ang naging tugon ni Joel. Nagtungo na si Anjo sa silid nila para magbihis. Magkasalo sina Anjo at Joel sa iisang silid-tulugan, di tulad noon na magkahiwalay sila ng lugar na pinagpapahingahan.

Nang matapos si Anjo ay sabay-sabay silang dumulog sa mesa at pinagsaluhan ang masarap na putaheng inihanda ni Lydia, ng kanilang ina. Magkatabi ang magkapatid sa mesa. Masarap ang kanilang kuwentuhan. Naputol ang kanilang tawanan nang may mapansin si Anjo. Sinabihan niya si Joel,

“Kuya, ayun na naman yung bata,” sabay turo sa pintuan.

Nang tumingin naman si Joel ay wala siyang nakita. Napatingin ang mga magulang nila at wala ring nakita.

“Wala naman, Anjo,” sabi ni Joel.
“Ano ba yun, Anjo?” tanong ni Ernie, ang kanilang ama.
“May bata po kasi e,” sagot ni Anjo.
“Sabi mo, di ba, yun yung bata kanina?” paglilinaw ni Joel.
“Oo, kuya. Nakatingin sa atin e,” sagot ni Anjo.

Itinigil pansamantala ni Joel ang kanyang pagkain, tumayo sa kinauupuan at tumingin na naman sa labas. Wala siyang ibang nakita kundi yung itim na pusang nakita niya kanina. Mukhang hindi umalis sa puwesto.

“Shooooooo! Shoooo!” pagbugaw ni Joel sa pusa. Matapos niya itong mapaalis ay isinara niya ang screen, maging ang kahoy na pinto ng kanilang bahay.


...Itutuloy...

Mensahe ni "Papel"

forwarded by Papel Aug 13, 2009 12:39 pm

I want to thank you for bein' here with me

and sharing my darkest day.

For sharing your umbrella during the rain.

For the handkerchief you offer when I'm cryin.

For the laugh and tears we shared.

For those times that we talk together.

For the food and drinks we shared.

For chasing you, coz I made some mistakes.

For the letter I've read over and over

and bein' with me no matter what's the weather.

For patiently waiting coz I'm late.

For the precious May 2 and that's our first date.

For building me for who I am now

and how you changed this misery life.

For you I'll give this bow..

A lot of sorry and love for you, take care always coz I love you! :D

Sunday, August 9, 2009

Hide and Seek (Isang Pagsilip)

May kakaiba sa nilipatang lugar ng pamilya ni Joel. May lihim na itinatago. May misteryong ikinukubli. Di pangkaraniwan ang kasaysayan ng lugar na iyon. Takot ang mga tao. Wala nang gustong lumabas pagsapit ng alas diyes ng gabi. Hanggang alas nuebe lang naglalaro ang mga bata. May curfew raw kasi ayon sa mga tanod. Araw-araw binabakuran ang isang parte sa nasabing lugar. Gabi-gabing may nagpapatrolya. Gabi-gabi kasing may sumisira sa bakod. May mga batang nawawala na sa kasamaang palad ay hindi na natatagpuan. May isang bahay na taun-taon ay tinitirhan at taun-taon ding inaalisan. Kinatatakutan ang bahay na iyon dahil may batang umaaligid doon. Sino siya? Ayaw magsalita ng mga kapit-bahay. Tikom din ang bibig ng mga tsismosa sa lugar. Puwede kang tumakbo pero hindi mo siya matatakasan. Makakapagtago ka pero tiyak, maya-maya lang, nasa tabi mo na siya. Minsan nga ay nakakasalamuha mo pa siya nang hindi mo nalalaman. Gusto mong makiusyoso? Tara, sumama ka, maglaro tayo ng tagu-taguan sa ilalim ng liwanag ng buwan.

Ang Paglalakbay ni "Papel" (3)

forwarded by Papel Aug. 7, 2009 4:41 pm

Tara, sama ka sa amin. Sakay tayo bus. EDSA muna tayo.

Ayan, malapit na Expressway. Toll gate na, tanaw ko!

Nadaanan na natin ang Marilao, Candaba, Mt. Arayat.

Hinto muna tayo sa Dau.

O nakatulog ka? Tarlac na?

O ayan ang sikat na Hacienda Luisita.

Ayun, Welcome to Pangasinan na, lapit na. Sual na! Next na amin!

Eto na, Alaminos!

Bigla akong nagising.

Panaginip lang pala. At kasama kita. :D

Friday, July 17, 2009

Gentlemen: Extinct

(Isang Scenario sa Bus)


Sabi nila lahat tayo ay pantay-pantay. Kaya naman pala may maganda, may pangit. May matalino, mayroong mahina ang ulo. May mayaman, may mahirap. May artista, may extra. Pantay-pantay nga! Ironic, hindi ba?

May lugar akong alam kung saan ko nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Gusto mong malaman kung saan? Sasabihin ko sa iyo kung saan. Sa bus.

Nagtataka ka ba? Napagtanto ko kasing dito ko nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Babae, lalaki, bata o matanda. Walang sinasanto... Dahil sa isang katotohanang extinct na ang gentlemen sa mundo. Nagtataka ka na naman? O basahin mo na muna kasi nang buo. Kung ayaw mo namang basahin kasi nang iniscroll mo e nahabaan ka, edi wag mo nang basahin kasi di naman kita pinipilit. At kung magcocomment ka namang “ang haba” nito e wag mo nang tangkain kasi sasabihan lang kita ng “Leche ka!”

Heto ang kuwento. Madalas sa bus ako sumasakay sa tuwing papasok sa eskwelahan. Madalang lang kasi ang FX pag... siguro mga alas otso na ako umalis ng bahay. Ang hindi pa maganda, dahil sa dami ng tao sa Pilipinas, pag sumasakay ako ng bus, kahit maaga pa e puno na. May mga pagkakataong nag-uumapaw na ang mga tao, siksikan! Sa magkabilang gilid, nariyan ang tatluhan at dalawahang upuan, at ang gitnang espasyong nagsisilbing daanan ng tao, ang kadalasang nagiging papel ay lugar ng mga taong nakatayo dahil puno na nga. Sa magkabilang gilid mo makikita ang sari-saring mukha ng tao. Babae, lalaki, bata at matanda. At sa gitna, doon mo rin makikita ang pare-parehong mukha. Babae, lalaki, bata at matanda. Pantay-pantay!

Ayos lang naman sa akin na tumayo sa bus. Ayos lang kahit na mabigat ang dala ko. Ayos lang kahit nagbayad ako ng pamasahe (estudyante po!). Ayos lang kahit sa bawat paghinto ng bus e napapahawak ako nang mahigpit para hindi matumba o masubsob sa katabi ko. (Buti ba sana kung gwapo.) Grabe! Ayos na ayos talaga! Hindi ka na rin naman kasi dapat umasa na may magpapaupo sa iyo kasi nga extinct na nga ang gentlemen ngayon.

Sa tuwing sasakay ako ng bus (at sa kasamaang palad ay nakatayo na ako) masasabi kong kahit siguro tumambling ako e hindi ako papansinin ng mga lalaking iyan. Madalas ko silang nakikitang natutulog, mga nakanganga at naglalaway pa, o di kaya naman ay nanonood ng TV. Ganda yata ng palabas. Wala silang paki kahit na nakatayo ka na sa gilid nila at kahit siguro sayawan mo pa sila nang nakahubad basta makaupo lang sila. Kasi nga pantay-pantay tayo. At huwag ninyong idadahilang nagbayad kayo ng pamasahe kasi nagbayad din ako! At kung itatanong ninyo naman kung bakit kayong mga lalaking pasaherong patay-malisya ang tinitira ko dahil hindi ninyo kasalanang may mga nakatayo at kasalanan naman ng mga konduktok at driver kung bakit KAMI nakatayo dahil nagpapasakay pa sila ng mga pasahero kahit puno na e wala kayong pakialam dahil artikulo ko ito at ang tinutukoy ko rito ay ang mga “gentlemen” at hindi ang konduktor o driver ng bus. Edi sana hindi ganyan yung title.

Maiba na tayo. Naalala ko nga noong may sumakay na magandang babae, ayun tumayo lang din siya. Taray di ba? Dinedma ang lola mo kahit na pretty. Mayroon namang matandang babae na sumakay. Aba e talagang kapwa babae pa ang nag-alok ng upuan.

ALE: Bababa ka na ba?
BABAE: Hindi pa po.
ALE: Umupo ka na lang muna.
BABAE: Ay hindi na po! Dito na lang po kayo.
ALE: Naku, salamat ha.

Bilib din naman ako kay ate. Siya pa talaga ang nagpaupo sa matanda. E yung mga lalaki. Ayun! Natutulog, nakanganga, naglalaway, nagbubulag-bulagan... Nakakaasar.

Nakakatawa nga e kasi isang pagkakataon, may tumayong lalaki at dahil doon ay nakaupo ako. Malaman laman ko, kaya naman pala siya tumayo kasi bababa na siya. Akala ko naman ay pauupuin niya ako kasi naaawa siya sa akin. Edi kung di pa pala siya bababa, di rin siya tatayo.

Nang mayroon namang matandang babaeng tumayo kasi bababa na siya, tinanong niya ako, “Ikaw hija, di ka pa ba uupo? Mukhang malayo ka pa.” Nginitian ko siya. Naasar naman ako dahil sa isang iglap lang, may umupong lalaki doon sa puwesto ng matanda. Ayos a!

Minsan e napag-usapan namin ng nanay ko yan, yung “gentlemen” sa bus. Sabi niya, ibang-iba na ang panahon ngayon. Noong araw raw kasi e inaalok talaga ng mga lalaki ang mga upuan nila sa mga babae at matatanda pero ngayon, wala na. Tila nakalimot na sa magandang kaugalian ang ating mga kalalakihan.

Bilang na bilang lang sa daliri ang mga tagpong naranasan kong pinaupo ako ng lalaki sa bus, at sobrang thankful ako doon dahil feeling ko e tumama ako sa lotto kahit hindi ako tumataya.

Gusto ko lang din sanang ibahagi ang isa pang naging karanasan ko. Noon kasing February 13, 2007, may nakatabi ako sa bus. Oo, nakaupo na ako. Swerte. Dahil malamig, inayos ko ang aircon at inilayo ito sa akin nang biglang-bigla e itong katabi ko ay nagmagandang loob at tumulong na ayusin ang aircon. Ang tigas kasi, hindi magalaw. Mukhang nanigas na dahil sa nakalap na alikabok. Nagulat nga ako dahil pag tingin ko sa mukha niya e naku! Fafalicious talaga. Ang gwapo!

KATABI: O ano, ok na ba? Hindi ka na nilalamig?

Umiling ako. Ibig sabihin e ok na ako, hindi na ako nilalamig. Tumingin na ako sa bintana. Ganda kasi ng tanawin, nagrereflect yung hitsura niya sa salamin. Wahaha! (Ayt ano raw?) Nang maningil na yung konduktor, sinabi ko kung saan ako bababa.

ANYD: Moonwalk, estudyante.

Maya-maya... Nagulat na lang ako kasi kinausap ako ng katabi ko.

KATABI: Sa Moonwalk ka bababa?
ANYD: Opo, bakit? Ikaw po, saan?
KATABI: Sa Casimiro.

Malapit na lang din iyon sa bababaan ko.

KATABI: (Nagpatuloy) Pero sa Moonwalk na lang ako bababa. May ka-date ka na ba bukas?

Ka-date?

ANYD: Ako? (Natawa) Wala.
KATABI: Puwede ba kitang yayain?

Kilig ang lola mo! Dahil wala rin naman akong ka-date at friendly naman ako (sa mga lalaki lang. haha! joke!) E pumayag na rin ako.

ANYD: Ha? A, o sige.
KATABI: Yes! Ayan, may ka-date na rin ako. Ano nga palang pangalan mo?

Sinabi ko ang pangalan ko

ANYD: E ikaw?
KATABI: Aaron Paul. Paul na lang.

Tiningnan ko ang ID niya. Taga Adamson University pala, Engineering. Bigatin!

ANYD: Anong year mo na?
PAUL: Fifth year. (Tiningnan niya yung ID ko) Educ ka pala.
ANYD: Oo.

Inayos ko yung buhok ko at napansin niya yun.

PAUL: Ang haba pala ng buhok mo! Alam mo, gusto ko sa babae yung mahaba ang buhok.
ANYD: A talaga? (Napangiti lang ako)

Nag-usap kami habang umaandar ang bus. Nang makababa na, kinuha niya yung number ko at hinatid ako hanggang sa amin. Akala ko nga e magkakalove life na ako. Wahaha! Asa pa! Gwapo kaya nun! Nag-date kami noong Valentine’s Day. Masaya ang araw ko dahil naranasan kong malibre sa Greenwich at token ng videoke sa Tom’s World, pero pagkatapos noon, hindi ko na siya tinext, hindi ko na kinausap kasi naturn-off ako. Alam ninyo ba kung bakit? Aba ang loko e! Yayain daw ba ako ng sex?

ANYD: Kung akala mo makukuha mo lahat ng babaeng gugustuhin mo, pwes ibahin mo ako!

Panalo ang linya kong pang FAMAS at MMFF. At ayun, nagalit siya sa akin kasi tumanggi ako sa gusto niya. Kala niya siguro purkit gwapo siya magagalaw niya na ang lahat ng babaeng gusto niya. Ahaha! Hahay! Gentlemen nga naman o... Extinct na talaga!

Thursday, July 16, 2009

Naku, Lagot! Inlab Ako Kay Top One! [1]

para kay Icah

sa R.U.L.E.S. m2 and company

kay RAMP

sa mga barkada ni RAMP

sa mga kaklase ko noong high school

sa mga maraming crush sa buhay

sa mga may balak magtayo ng book store

sa mga may honor (naks!)

para kay Roxy (yung kapatid kong maganda, mana kay ate. lol!)

para sa tristanians

para sa mga baliw at may saltik na tulad ko



[1]


Hunyo, taong 2003.

Ang pangalan ko ay Darcie. Isa akong transferee noong 2nd year high school at sa isang pribadong paaralan ako nag-aaral. Sa pagkakatanda ko, ito ang unang pagkakataong umibig ako... O baka naman ito ay simpleng paghanga lamang? Sa klase ng 2nd year C, una kong nakilala si Gabby. Sa may bandang harap siya nakaupo kaya nga kapansin-pansin siya. Inaamin ko, na-attract ako sa kanya. Gwapo kasi siya. Alam mo naman ako, mahilig sa mga gwapo. Haha!

Naalala ko nga, noong tumingin siya sa akin, ay nag beautiful eyes siya. Kinilig naman ako nun! Akala ko nga crush niya rin ako at nagpapacute siya pero hindi pala, mannerism niya pala yung papikit-pikit ng mata. Hay naku! Pansin ko ring lagi siyang nagtataas ng kamay. Magaling siya sa recitation kaya nga ba hangang-hanga ako sa kanya.

Noong ako ay nakapalumbaba sa desk ng aking upuan, naisip ko, “Naku, mukhang ito yata ang magiging top one namin a!” Pero natapos ang first quarter, hindi pangalan niya ang natawag kundi ang pangalan ni Kat, magandang babae nga ngunit may kakubaan. Para bang naiinis ang mga kamag-aral namin kay Kat, ewan ko ba kung bakit. Ako naman ay top two noon at dahil sa sipag ko (noon) sa pag-aaral, sa sumunod na mga quarter ay ako na ang nanguna sa klase at pag dating ko ng 3rd year ay napunta ako sa highest section, ang section A kung saan ang mga estudyante ay nabansagang “nerd”.

Nakalimutan ko na ang katiting na pagmamahal ko rito kay Gabby. Paano’y may napansin ako sa kanyang pagkilos... Ang lamya! Parang... Parang... Bading??? Na-turn off ako at nanatili na lamang siya bilang kabarkada ko. Nabuo ang barkadahang A.S.U.N.G.O.T noong 2nd year high school ako, kung saan iyon ang initials ng aming mga apelyido. Nagsisimula sa letrang A ang apelyido ng aking naging matalik na kaibigan, si Beatrice, na isa ring baguhang estudyante. Si Gabby naman, ang apelyido ay nagsisimula sa letrang O at ako ay sa letrang T. Sa barkada namin, ako lang ang napunta sa pinakamataas na section, kaya nga noong 3rd year ako, napasama ako sa ibang barkada pero ang barkadahang A.S.U.N.G.O.T pa rin ang nasa puso ko.

Taong 2004.

3rd year, section A. Iyan ang nakita ko sa papel na ibinigay ni mama nang siya ay magpa-enroll. Sa section na ito ay marami akong naging kamag-aral, matatalino karamihan. Sa klase ng 2nd year C ay ako lamang ang napunta sa highest section. Ang top two ng klase namin, si Kat, ay napunta sa 3rd year B. Maging si Gabby ay nandoon. Si Beatrice naman ay nasa section D at ang swerte niya dahil kamag-aral niya ang pinaka crush ko sa lahat ng mga naging crush ko, (Ultimate Crush sa madaling sabi) si Carter na isang Mathematician, drummer at dancer.

3rd year, section A. Sa section na ito ay may nakilala na naman ako, si Ruben. Tahimik siya at hindi masyadong napapansin sa klase. Matalino siya (kaya nga nasa section A) at pasok lagi sa top ten. Hindi ko nga alam na naging katabi ko pala siya, mga second quarter siguro. Grabe no? ‘Di kasi kami close at hindi ko siya iniintindi noon. Basta ang alam ko, siya yung tinutukso sa amin na “Best in Writing”. Napakaganda kasi ng sulat niya sa kabaligtaran.

Taong 2005.

Nang tumungtong ako ng 4th year ay halo-halo na ang mga matatalino at mahihina. Sa 4th year, wala nang nakaaangat na section, maliban na nga lang siguro sa section A (uli) sapagkat nagsama-sama doon ang top 10 at contenders na galing sa 3rd year A. ‘Di tulad noong 1st year hanggang 3rd year, kapag napunta ka sa A ay matalino ka at kapag naman sa F, ikaw yung madalas mamura ng mga guro dahil kumbaga, “worst” ka.

Ang mga dating 3rd year A ay nagkawatak-watak. Napunta ako sa 4th year D. Muntik na nga akong magwala, akala ko kasi, section D si Carter (si Ultimate Crush) pero nagkamali ako ng dinig, section B pala siya. 4th year na ito ha? Gayunpaman, ang nakatutuwa ay kaklase ko ang apat sa barkada ko at kabilang na doon ang bestfriend kong si Beatrice o Bea pati na rin si Gabby. Mula naman sa 3rd year A ay lima ang naging kamag-aral ko uli at isa na doon si Ruben.

Nakapagtataka nga kasi sa lahat ng top 10 at contenders (estudyanteng ‘di bababa ang grade sa 85 sa bawat subject) e siya lang yung naligaw. Dapat ay nasa 4th year A siya pero ‘di ko na inintindi yun. Ano nga ba ang pakialam ko? ‘Di kami close at saka bihirang-bihira lang kami kung mag-usap.

Lumipas ang ilang linggo. Naging mainit ang tambalang Ruben at Julia sa klase. Ang love team namin ng seatmate kong si Jervis, isang maituturing na Math Wizard, ay nalaos dahil sa kanila.

“Darcie, laos na kayo ni Jervis,” ang sinabi sa akin ng kamag-aral kong si Risa.
“Oo nga e!” tugon ko.

Bwisit... Kaya ang ginawa ko, nakisali na lang ako sa pang-aasar sa kanila.

Si Ruben ang top one ng klase namin at proud to say na ang 4th year D ang pinakamatinong section sa buong 4th year! ‘Di na nakapagtataka ang pagiging top one niya dahil matalino siya. Ang mga kamag-aral namin, sa kanya nagpapaturo. Nais ko rin sanang magpaturo. Mahina kasi ako sa computations at ang mga subject na Math, Physics at Accounting ang pinaka kasumpa-sumpa noong 4th year ako.

Kami naman ni Bea ay sikat din sa classroom. Paano kasi ay may business kaming pagtitinda ng papel.

[1/8 sheet]
bente singko sentimos

[1/4 quiz pad]
singkwenta sentimos

[1/2 lengthwise/ crosswise]
piso

[1 whole intermediate pad]
dos


Napupuno nga lagi ang pitaka namin, salamat sa mga kaklaseng parasitiko na hindi man lang nagdadala ng papel. At ang waffle na kinakain namin ni Bea tuwing recess ang katas ng pagtitinda namin ng papel.

2nd quarter. Goodbye na kay Jervis dahil naglipatan ng upuan. Nanalangin pa nga ako na sana ay makatabi ni Bea si Peter, ang patpating kabarkada ni Jervis na gwapong-gwapo sa sarili niya. Madalas ko silang asarin sa isa’t isa. Halos doble kasi ng katawan ni Peter ang katawan ni Bea. Haha!

Pero nagulat na lamang ako nang tawagin ang aking pangalan at pinatabi ako kay Peter. Ang lakas ng tawa ni Bea, napakabilis daw ng karma. Para ngang isang bangungot ang pagkakatabi ko kay Peter. Paano ba naman, mahina na nga ako sa computations, ang nakatabi ko ay isa ring mahina sa computations! At hindi siya ganoon ka-cute, nakakawalang gana tuloy mag-aral.

Mula sa pagiging top four sa klase noong 1st quarter ay naging top five ako nang matapos ang 2nd quarter. Salamat kay Peter. Bigla ko tuloy namiss si Jervis, isa kasing Math Wizard ang lalaking iyon at ‘di maikakaila na may kagwapuhan siya. Crush ko nga yun... ‘Wag kayong maingay ha?

3rd quarter nang maglipatan uli ng upuan. Sa pagkakataong ito, nakatabi ko ang bestfriend kong si Bea at talaga namang nalimot na ng panahon ang tambalan namin ni Jervis sapagkat hindi na nga kami magkatabi. Salamat din kay Bea dahil mula sa pagiging top five ko noong 2nd quarter ay naging top seven ako nang matapos ang 3rd quarter. Wala kasi kaming ginawa kundi ang magtawanan at magdaldalan. Lalo na pag Math period, madalas ay tulog kami. Hindi ako makapapayag sa ganito! Kaya naman may naisip kami ni Bea. Nagpaturo kami kay Ruben.

Si Bea. Hmm. May gusto siya kay Ruben pero dati yun ayon sa kanya. Pag nagpapaturo kami, pinapalapit namin si Ruben. Ang bait nga, kami na nga ang may kailangan siya pa itong lumalapit! Pero pag nagpapaturo kami, nauuwi lang sa asaran. Napakaganda kasi ng sulat niya, ‘di namin maunawaan!!! Madalas namin yung nilalait.

“Ano yang dumi na iyan?” ang naitanong ko sa kanya nang siya’y magsulat. Aba! Biruin mong letter pala ng alphabet!
“Uy ano ito?” tanong ko nang mayroon na naman siyang isinulat.
“8 yan!” sabi niya.
“8 ba yan? Ba’t parang letter B?”

Tumawa kami ni Bea. Ang saya ng buhay pag naaasar namin siya. Binibigyan ko nga rin siya ng candy araw-araw. Wala lang, gusto ko lang inggitin yung kabarkada niyang mataas ang blood sugar.

Medyo naging malapit na kami ni Ruben. Lagi ko nga siyang binibiro na mahal na mahal ko siya. Tawa lang naman siya nang tawa. Tumatawa rin ako. ‘Di naman totoo! Madalas na kaming mag-usap, madalas magbiruan. Masaya pala siyang kasama at may isang bagay akong napansin sa kanya na ewan ko ba kung bakit hindi ko nakita noon.

Nasabi ko na lang kay Bea, “Ang gwapo rin pala ni Ruben, ano?”

Wala naman, narealize ko lang. Hanggang sa pagdating ng Enero, taong 2006, napansin kong gusto ko na siya. Nasabi ko na lang sa sarili ko, “Naku, lagot! Inlab ako kay top one!” Pero binaliwala ko lang ang nararamdaman ko. Naisip ko, “Hmm... Hindi naman siguro...”

Naku, Lagot! Inlab Ako Kay Top One! [2]

[2]


Buwan ng Enero, taong 2006, nang ako ay nagsimulang magkaroon ng interes kay Ruben at sa parehong buwan din naganap ang field trip ng eskwelahan namin. Nakapila kami noon (by section) nang mapagtripan namin ni Bea si Ruben at kinuha namin ang suot nitong sumbrero sabay tago sa bagong bili kong Hello Kitty na paper bag na pinaglagyan ko ng ilang pagkain. ‘Di na kasi kasya sa backpack ko yung mga binili kong baon.

Pilit niyang kinuha yung sumbrero niya. Sobra talaga ang naramdaman kong pagkainis sa kanya nang masira niya ang hawakan ng paper bag.

“Ayusin mo iyan!” pagalit kong sinabi at pagalit ko ring ibinigay sa kanya ang paper bag. Sinubukan niyang ayusin iyon. Tumayo na ang mga kaklase namin at nag-pass. Sasakay na kami sa bus na nakaparada sa labas ng eskwelahan! “Ikaw magdala niyan ha!” wika kong muli, nanlalaki pa nga ang mga mata ko.

Iniwan naman ni Bea ang mga gamit niya kay Ruben, “Pakidala na rin itong mga gamit ko.” at lumakad kaming tawa nang tawa. Aba ang bruha ay nakaligtas sa pagdadala ng mga gamit!

Ewan ba namin kung bakit tuwang-tuwa talaga kami ni Bea pag pinagtritripan namin si Ruben at siguro ay nasanay na rin siya sa amin. Sa kabila ng pagtuturo niya sa amin ay ito pa ang iginaganti namin. Hobby na siguro namin ni Bea yung ginagawa naming miserable ang buhay ni Ruben. Nandiyan kasi yung sinasabunutan namin siya, pinipingot, inaapakan ang paa niya. Lalo na pag PE time, puti pa naman ang mga sapatos namin.

Naranasan din niya yung mauhaw noong lunch time. Kinuha kasi namin ni Bea mula sa bag ni Ruben yung baon niyang tubig at itinago yun. Hinabol pa nga niya kami! ‘Di naman niya kami nahuli dahil nagtago kami sa CR ng mga babae.

Nandiyan din yung nagpa assignment ang President namin ng plastic bag e wala kaming dala ni Bea kaya kinuha namin yung plastic bag ni Ruben at isinaklob ito sa ulo niya. Pilit niyang tinanggal yung plastic bag e nasira. Wahaha! Edi pare-pareho na kaming walang assignment! Damay-damay na ito no! Bukod pa riyan ay marami pang iba.

Pati nga yung kaibigan ni Ruben na mataas ang blood sugar ay dinamay namin, nilagyan naman namin ng bunot ang bag nun. At nang sila ay gumanti, si Bea lang ang napagbalingan. Buti naman at hindi ako nadamay. Salamat kung gayon.

Noong field trip ay sa harap namin ni Bea umupo si Ruben. Ayos na ang hawakan ng paper bag. Ang pangit nga ng pagkakatali pero maigi na rin yun. Ibinigay na rin niya ang mga gamit ni Bea. Habang nasa bus ay nagkuwentuhan kami tungkol sa mga naging crush naming tatlo at naungkat yung pagkakaroon ko ng crush sa isa sa mga kabarkada ni Ruben na kaklase namin noong 3rd year.

“Bakit naman si Owen pa?” tanong ni Ruben. Medyo natatawa, naiisip niya sigurong wala akong taste.
“E matalino!” sagot ko.

Yun lang naman kasi ang mayroon si Owen, ang kanyang katalinuhan, bukod sa kanyang kayabangan at cute na balat (birthmark) sa batok.

“Ba’t sabi nila dati kaya mo raw siya nagustuhan kasi gwapo siya at saka mabait?”
“Ang kapal! Sabi ko lang matalino.”

Naalala ko rin noong 3rd year kami, madalas pa nga akong sabihan ni Owen na matataasan niya ako. Nagulat kasi siya nang makitang pasok ang pangalan ko sa top 20. Ang sabi niya pa, sa mga susunod na quarter ay mapapabilang din ang pangalan niya sa listahan ng top 20 na nakapaskil sa bulletin board namin. Pero natapos ang apat na quarter, hindi ko man lang nadama ang pangalan niya doon.

Nagpatuloy kami sa pag-uusap nina Ruben at Bea. Nasabi ko na nga rin na may isa akong lalaking gusto na nakaupo malapit sa akin. Sa totoo lang, kaharap na nga e! Pero ‘di nahulaan ni Ruben kung sino. Ewan ko ba, matalino nga siya pero ang puso niya naman, napakatanga. O baka naman sadyang manhid siya?

Kinuha ko ang cell phone number niya nang ilabas niya iyon para litratuhan si Bea. Alam niya kasing takot ang bestfriend ko sa camera.

“‘Di ko alam ang number nito, sa mom ko kasi ito,” sagot niya.

Wow sosyal... Mom...

Sabi ko, “I-miss call mo na lang ako.”

At sa pamamagitan nun ay nakuha ko ang number niya. Ibinigay ko rin kay Bea ang numero ng cell phone ni Ruben. Syempre, uso ang unlimited text. Pag naka unli ako, kasama siya sa mga taong pinadadalhan ko ng quotes at messages. Nagrereply naman siya, ang sipag nga e! Palibhasa kasi ay hindi sa kanya ang cell phone at hindi pa siya nagpapa unli nun a! Minsan nga, sa classroom, nilapitan niya kami ni Bea at para bang naiinis dahil pare-pareho lang daw ang quotes na pinadadala namin. Ang dami pa naman nun!

Buwan ng Pebrero, Valentine’s Day. Nakatahimik ako habang ang iba ay nagbabatian ng “Happy Valentine’s!”

Biniro nga siya ng isang kaklase namin. Ang sabi, “Hoy Ruben, batiin mo naman si Darcie ng Happy Valentine’s! Naiiyak na o!”

Natatawa lang naman ako. Sabi niya, “Nahihiya ako e!” at hindi niya talaga ako binati.

Totoo yun na mahiyain siya. Kung kumilos nga siya ay mahinhin, ‘di gaya ng mga lalaki sa klase namin. Kaya nga inaasar siyang ‘bading’. Aba e magiging ka-pederasyon pa yata ni Gabby! Sabi ko nga, huwag siyang umasta ng ganoon dahil napagkakamalan siya. ‘Di naman daw siya nagagalit pag inaasar siya. Natutuwa pa nga raw siya. Ha? Ewan!

Nagpagawa ng proyekto ang isa naming guro. Isang recital (parang play ba) at tumulong kami ni Ruben sa paggawa ng props. Ang tatamad kasi ng mga kaklase namin. Sa roof top ng tinitirhan naming condominium kami gumawa. Nangungupahan lang kami doon. Nang mapagod na kami ay huminto muna kami at naglakad-lakad kasama ang isa pa naming kaklase na kabarkada ko, si Marco. Siya naman ang letrang G sa barkadahang A.S.U.N.G.O.T.

Sa aming paglalakad ay nakita namin si Neil (kaklase namin) kasama ang ilang schoolmate na pawang mga 4th year B at sandali... tama ba itong nakikita ko? Si Carter! Ang ultimate crush ko!

Nag-usap muna sandali sina Neil at Ruben. Si Marco at ako ay nasa isang tabi lamang. Nagtatago ako, nahihiya kasi ako kay Carter. Pagkatapos ay umalis na sina Neil. Ang galing nga nito ni Neil, imbis na tumulong para sa recital ay inuna pa ang paglalaro ng DOTA.

Kinabukasan, isang balita ang kumalat hindi lamang sa classroom kundi maging sa ibang section. Tsinismis ba naman kami ni Neil na magkasama raw kaming dalawa ni Ruben at naghoholding hands pa! Hala! E ni dulo nga ng daliri ko, ‘di magawang hawakan nun. Saka tatlo nga kami nun, ‘di ba? Nagsimula na tuloy kaming tuksuhin ng mga kaklase namin.

Nagulat na lamang ako nang lapitan ako ni Julia at tanungin kung totoo raw ba. Si Julia kasi, noong mga panahong iyon, ay naging malapit na kaibigan ko na rin at isa rin sa pinamahagian ko ng numero ng cell phone ni Ruben.

Sabi ko, “Gaga! Hindi totoo yun no!”

Inasar nga si Julia ng mga kabarkada niya. Ang sabi, “Weh! Paano ka na? Si Darcie na ang mahal niya.”

At kung dati, mainit ang tambalang Ruben at Julia sa klase, ang nauso naman ngayon ay ang love triangle na Darcie, Ruben at Julia. Well, good luck na lang kay Julia. May the best girl wins!
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly