No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Tuesday, May 25, 2010

Para sa Kuya kong Ungas

Nananahimik ako pasimula ka na naman. Pasalamat ka ikaw panganay, kasi kung ako nang panganay durog mukha mo sa akin. Yabang mo kala mo dami mong alam. Ni hindi ka nga makakuha ng perfect score sa exam. Pati tatay natin kinatalo mo. Paborito ka nga nun, tapos ano? Napagalitan ka lang pinagmumura mo na nang talikuran.

Noong maliit pa tayo kinakabayuhan mo raw ako sabi ni mama. Noong elementary kahit minsan hindi kita naging tagapagtanggol nung may kaaway ako. Nung high school pati classmate ko gusto mong ligawan. Buti na lang basted ka kaagad dahil sa akin.

Pag umuuwi si papa, ang bait-bait mo. Pakitang tao ka kasi, gusto mo purihin ka, sipsip ka pa kaya ang dami mo laging pasalubong. Si mama naman kumakampi sa iyo. Pag sumasagot kami sa iyo sasabihan kaming bastos, kasi ano? Kasi panganay ka. Laking privilege nun sa iyo. Ano ba ang bonus mo?

Libre bugbog kami pag naaasar ka. Yung bunso ang daming pasa dahil sa iyo, ang puti pa naman nun! Pag naunahan ka mag-computer pinipitik-pitik mo pa mga kapatid natin. Ako nga dati may libreng black eye kasi sinuntok mo ako sa mata purkit nauna lang ako gumamit ng computer. Kasalanan ko bang pahuli-huli ka? Palagi ka kasing nakahiga.

Ano pang bonus mo? Libre batok kami sa iyo pag naiinis ka. Minumura mo kami kala mo ikaw nagpapalamon sa amin. Tinapunan mo pa nga ako ng kape. Ano pa? Nirereklamo mo palagi yung hugasan e kung yung inireklamo mo inihugas mo na lang ng hugasan edi sana natapos na. Dada ka kasi nang dada. Ano pang ginawa mo sa akin? Nung nakatalikod ako kasi hinugasan ko na yung inirereklamo mong hugasan binato mo ako nung de-gulong na computer chair natin. Natamaan ako sa ulo. Alam mo ba kung gaano kasakit yun? Paano kung ma-bobo ako, matulad ako sa iyo, edi kawawa naman ako. Pag gagantihan ka lagi kang tumatakbo papunta sa kuwarto mo. Duwag kang leche ka. Ilang beses na akong lumayas kasi masama loob ko sa iyo. Tapos ano? Ako pa yung sasabihang bastos at masama ang ugali kasi pinapatulan kita. Pag ako yumaman ipapa-sniper kita.

Pag sa ibang tao mabait ka, pag sa amin hindi. Pag may dumadalaw sa akin sa bahay kung makalait ka kala mo ang gwapo mo. Sana nga mag-asawa ka na para bumukod ka rito sa atin. Naku kung dito mo ititira yang mapapangasawa mo sasabunutan ko iyan!

Ang malas ko nagkaroon ako ng kapatid na kagaya mo, puwede namang kaming tatlo na lang. Kaso sabi ni mama kung di ka lumabas, di rin kami lalabas. Sabi nga ng kapatid nating babae sana raw nung maliit ka pa namatay ka na lang e. Kasi di ba pre-mature ka nun tapos yellow baby ka pa. Masuwerte ka talaga kasi nabuhay ka pa, tapos ano? Sa ginagawa mo parang kami yung gusto mong patayin.

Pati sa kusina naghahari-harian ka. Palibhasa kasi HRM tinapos mo kaya pakiramdam mo ikaw bida sa kusina, kaya nga tawag namin sa iyo "CHEF". Pag nandun ka sa kusina pinapaalis mo ako. Bakit, masama bang kumain sa lamesa? Magluto ka naman ng itlog maalat. Pag sinisita ka ni mama sa luto mo nagagalit ka. Minsan nga ayoko nang kumain nung niluluto mo kasi baka lasunin mo ako. Pero walang magawa, laman tiyan din iyan.

Nung pinabuhat ka ni mama ng galon ng inumin kasi may nag-deliver sabi mo ako na lang magbuhat. Wala ka namang ginagawa panood-nood ka lang ng TV. Palipat-lipat ka pa ng channel, nahihilo ako sa iyo.

Ni ayaw ka ngang halikan ng mga kapatid natin. Wala ka kasing lambing sa katawan. Ni sa simbahan nga ayaw kang makahawakang-kamay sa Ama Namin.

Pag wala ka sa bahay ang tahimik namin; pag nandiyan ka na parang may World War, sigawan nang sigawan. Napaka mapang-asar mo kasi. Pag ikaw naman inaasar numero uno kang pikon.

Naalala mo ba nung pinagbabato mo kami ng kapatid nating babae ng lahat ng mahawakan mo nung nasa higaan kami kasi nainis ka na lang bigla? May shield kaming unan para di ka matamaan. Nung binato kita ng isang hanger tapos tinamaan ka sa tainga lalo kang nagalit. Isa lang naman yung binato ko, kasalanan ko ba kung nung tinitira mo kami di kami natatamaan? Naalala mo pa ba nung hinampas mo na lang bigla yung likod ko ng monoblock na upuan kasi nagbabalot ako ng notebooks at nainis ka kasi nakaharang ako, katwiran mo dadaan ka? Hindi ako makagalaw dahil sa sakit. Nagkaroon pa nga ng sugat yung likod ko dahil sa ginawa mo. Naalala mo ba nung nilagyan mo ng password yung computer para di ako makagamit at nung malaman ko yung password e pinalitan ko yun para ikaw naman ang hindi makagamit? Pinaghahampas mo nga ng monoblock na upuan yung pinto ng kuwarto ko kasi nagalit ka nung pag type mo ERROR ang lumabas.

Ang hilig mo pang manira ng gamit. Electric fan ko tinadyakan mo. Natawa nga ako kasi pagsipa mo nadulas ka kasi nilalampaso ni mama yung sahig. Remote ng TV pinagdiskitahan mong sirain. Pati computer kinakalas mo pag naiinis ka tapos ia-assemble mo uli. Timang ka yata e!

Galit na galit ako sa iyo. Kahit kailan di na kita makakasundo, itaga mo sa bato iyan. Magkakaroon ng delubyo pag nangyaring magkabati tayo. Mabibiyak ang lupa at isa sa atin lalamunin pero siguradong hindi ako yun. Kung mababasa mo man ito... masuwerte ka kasi bihira lang akong mag-dedicate para sa ibang tao.

Hindi ko kayang lumaban ng pisikal at alam kong umuurong ka na rin at di ka makaimik pag umiiral na yung bibig ko kasi di mo kaya yung mga salita ko. Ang masasabi ko BWISIT KA. Lahat ng mura imumura ko na sa iyo pati yung mga di pa naiimbento. Masama na ugali ko kung masama pero kumpara naman sa ating dalawa mas masama ang ugali mo.

Pero kung may ipapasalamat man ako sa iyo... iyon ay ang pagluto mo ng barbecue nung debut ko. :I

Sunday, May 23, 2010

Computer Shop

"Hinding-hindi na ako pupunta sa computer shop kahit kailan!" pangako sa akin ni Ronnel matapos ko siyang sagutin pitong buwan na ang nakalilipas. Sa isang computer shop sa lugar namin nag-krus ang mga landas namin. Mahilig kasi siyang maglaro ng online games samantalang ako e madalas na bumibisita para mag-search sa internet.

Naalala ko pa noon magkatabi kami ng unit ng PC. Rinding-rindi ako sa ingay nila ng mga kaibigan niyang sigawan nang sigawan. Dahil hindi ako maka-concentrate sa paghahanap ng gusto kong hanapin sa internet e tumayo ako at pinindot ang power button ng unit niya.

Nagulantang siya nang gawin ko iyon, "Hey Miss! Bakit mo pinatay?!"

"Ang ingay mo e! Puwede namang maglaro ng tahimik, di ba? Nabili ninyo ba itong shop? Di lang kayo ang tao rito oi!" pagtataray ko. Pinagtinginan ako ng mga kasama niya. "O ano? Gusto ninyo i-off ko rin iyang mga PC ninyo?" pananakot ko. Awa ng Diyos tumahimik sila.

Nang paalis na si Ronnel, kinalabit niya ako. "Miss, anong number mo?"

"At bakit?" pagsusungit ko.
"Kasi may kasalanan ka sa akin. Pinatay mo yung PC habang naglalaro ako kaya ang bayad doon e yung number mo," sagot niya.
"E kung ayaw kong ibigay?" tanong ko.
"Edi hindi mo na makukuha itong USB mo." Pag tingin ko sa port wala na ang flash drive ko at hawak niya na yun.
"Akin na iyan!" sabi ko sa kanya.
"Number mo muna," kondisyon niya.

Nang ibigay ko ang number ko, doon na nagsimula ang lahat, at umasa rin ako sa pangako ni Ronnel na hindi na siya magbababad sa computer shop. Pero, sa loob ng pitong buwang iyon, hindi natupad ni Ronnel ang pangakong binitiwan niya.

"Lang hiya ka!" sigaw ko sabay hampas ng shoulder bag sa ulunan ni Ronnel nang makita ko siya sa computer shop. Sabi niya kasi sa akin kagabi susunduin niya ako sa school kinabukasan pero ilang oras na ang lumipas e wala pa rin siya kaya umuwi na lang ako mag-isa.

Ngingiti-ngiti pa ang mokong habang nakaupo. Napawi ang ngiti niya at nagulat nang makita ako. "Bebe!" sambit niya.

Inis na inis ako kasi nabali na naman yung pangako niyang susunduin ako, pero ang mas ikinainis ko e nung hindi man lang siya natinag at bumalik uli ang tingin sa monitor, at sinabing, "Teka, last game na."

Matapos matuwa dahil natalo niya na yung kalaban niya e nag-quit na si Ronnel, tinanggal ang headset na nakasuot sa kanya, nag-out at nag-abot ng bayad na singkwenta pesos kay Kuya Dave.

"Maaga uwi ninyo ngayon?" tanong niya pa sa akin.
"Alas sais na! Alas kuwarto uwian!" pagalit na sinabi ko.
"Ay alas sais na ba?" tila nagulat pa siya at nakuha pang tumingin sa nakasabit na orasan.
"Nagbabad ka na naman sa computeran!" yamot na sabi ko habang lumalabas at itinulak ko ang salaming pinto.

Napakamot ng ulo si Ronnel sabay sabing, "Sabi ko kasi kay Kuya Dave 30 minutes lang e!"

"Leche! E pang 3 hours promo nga yung binayaran mo!" Kulang na lang umusok ang ilong ko dahil sa sobrang galit.
"Di ko naman alam na naka-open time pala. Sabi ko kasi talaga kay Kuya Dave half hour lang," dahilan ni Ronnel.

Huminto muna kami sa labas ng computer shop. "Alam mo bang kanina pa ako hintay nang hintay dun?" mangiyak-ngiyak na tanong ko dahil nakalimutan na naman akong sunduin ni Ronnel. Hindi siya nakapagsalita. "Alam mo ba kung anong araw ngayon?" pagpapaalala ko sa kanya.

"Biyernes," sagot ni loko na ewan ko ba kung namimilosopo.
"Oo! Biyernes! 25! Wala ka bang naaalala?" tanong ko.

Natauhan si Ronnel. "Ay, oo nga pala!" sabi niya. Ang buong pag-aakala ko maaalala niya nang 7th monthsary namin ngayon pero bigla niyang sinabing, "May tournament pala kami mamayang 8 pm. Mananalo raw ng isang libo. Last na talaga ito, bebe ko, hinding-hinding-hindi na talaga ako pupunta sa computer shop."

Lalo akong nainis kaya iniwan ko na siya. Arrgh! I hate this day! Bakit ba ako nagkaroon ng boyfriend na ganito? Nagsisisi talaga ako kung bakit ko pa siya sinagot.

Wednesday, May 19, 2010

100 Messages

Over 100 messages na yung na-save kong text messages niya. Di ko pa yun binubura kasi ayoko sanang mawala yung alaala niya sa akin. Naka-store sa saved items sa phone ko at may sariling folder yung messages niya para pag nami-miss ko siya madali kong mahahanap kung ano yung gusto kong basahin.

Dati nung kaunti pa lang yung messages na nase-save ko paulit-ulit ko pang binabasa yun. Bilang ko pa kung ilang "good morning", "good night", o "labshu" yung sinabi niya. Pati yung padala ng smart na message nung load na pinaload niya naka-save rin. Maski nung nagkamali siya at tinawag niya ako dun sa tawag niya sa ex niya sinave ko. Natawag niya nga rin akong "kuya". Katwiran niya nagkamali siya ng send kasi ako lang naman yung palagi niyang nakakausap. Nung huling araw na nakatanggap ako ng text message na galing sa kanya sinave ko na lang lahat, kaya ayun over 100 na yung naka-save.

Last time na binuksan ko yung folder na nakapangalan sa kanya, sinubukan kong basahin yung mga message na pinadala niya. Binalikan ko lahat, yung mga good morning na sinabi niya, yung mga good night, yung mga labshu at I love you na sinabi niya, yung sinabi niyang hindi niya ako iiwan, yung sinabi niyang miss niya na yung boses ko, yung sinabi niyang naka 36 out of 40 siya sa quiz, yung pinangako niyang magbu-burn siya sa CD ng full version ng Plants vs. Zombies para sa akin, yung sinabi niyang pag graduate niya ililibre niya ako ng ride-all-you-can sa Star City, lalo na yung sinabi niyang mahal niya rin ako.

Hindi pa ako nangangalahati pinindot ko na yung cancel. Hindi ko na kayang basahin yung messages niya. Nasasaktan lang ako pag naaalala ko pa yung panahong masaya pa kami, bago pa niya ako sinabihan ng BYE, bago ko pa siya binitiwan ng salitang PAALAM, at bago pa kami tuluyang magpaalam sa isa't isa.

Ang hirap naman, sinusubukan ko na ngang maging masaya pero ilang pindot lang bumalik na naman yung sakit. Ayoko nang umiyak pero automatic na yata yun lalo na pag nababasa ko yung pangalan niyang naka-store pa rin sa phone book ng cell phone ko.

Monday, May 17, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (Ang Pagwawakas)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN
DAN
JOMARI

ooo
BIANCA


Madilim ang paligid. Patay na ba ako? Sana... sana hindi pa! Pero paano... paano kung patay na nga ako? Ano ba ang pakiramdam nun? Ayaw ko! Hindi pa ako handang mamatay!

"Bianca! Bianca!" Naririnig kong pagtawag sa akin. Kanino ang boses na yun? "Bianca! Bianca, gising!"

Pagkatapos ay liwanag. Nabigla ang katawan ko at mula sa pagkakayuko sa armchair ng upuan ko ay napamulat ako at napabangon ako. "Huh? Nasaan ako?" tanong ko pa. Nakarinig ako ng pigil na pagtawa. Tiningnan ko ang paligid. Si Jomari katabi ko.

"Mag qu-quiz na tayo!" sabi niya.
"Ha? Quiz?" nataranta akong kumuha ng papel, kasunod noon ay pagtawa ni Jomari.
"Joke lang! Mag-uuwian na uy!" sabi niya.

Binigyan ko siya ng masamang tingin. "Kaasar ka ha!"

"Sleeping in class again, Ms. Devaras?" nakangiting sabi sa akin ni Jomari, tila nang-aasar pa.

Nasa loob pala ako ng classroom. Ang naaalala ko bago pumasok si Mr. Almeda may binabasa ako. Hindi ko namalayang nakatulog na pala ako. Nakakaantok kasi yung boses niya. Buti na lang sa likod ako nakaupo kaya hindi ako gaanong napansin. Tinapik-tapik ko ang mukha ko. Buhay pa ako. Hinawakan ko ang leeg ko, hindi naman masakit. Tiningnan ko pa sa salaming kinuha ko mula sa bag ko, wala namang marka.

"Anong ginagawa mo?" pagtataka ni Jomari.
"A wala," sagot ko.
"Himbing ng tulog mo. Biro mo isang buong period na two hours tinulugan mo," naka-ngiting aso pa ang loko. "Tapos mo na bang basahin?" tanong niya sabay nguso sa armchair ko.

Tumingin ako sa armchair at nakakita ng isang manuscript na ang pamagat e "Mamamatay Na Ako... Bukas!" sa panulat ni Jude Perez, pinsan ni Jomari. Oo nga pala, ito yung binabasa ko kanina. Pinababasa pala ito ni Jude sa akin at hinihingi niya ang opinyon ko kung ayos ba ang isinulat niya, kung may gusto ba akong idagdag o ibawas sa gawa niya dahil may balak siyang magpasa sa isang publisher.

"Hindi ko pa tapos basahin," sabi ko kay Jomari.
"Sasabihin ko ba kay Jude na nakatulog ka habang binabasa mo iyan?" tanong niya.

Nasa reyalidad na nga ako. Alam ko yung dahil sa inaraw-araw na ginawa ng Diyos, lagi akong inaasar ni Jomari.

"Uy Jom, wag ka ngang ganyan. Puyat lang talaga ako at nakakaantok si Sir, pero hindi naman ako inantok sa pagbabasa ng gawa niya," sabi ko.
"Aruuuuuuu... Ba't masyadong defensive?" pang-aasar ni Jomari.

Naputol ang pag-uusap namin nang magpaalam na ang professor namin, "Goodbye." Kasabay nun ay ang paglabas namin para sa uwian.

"Ano Bianca, ok ba yung sinulat ko? What do you think?" tanong ni Jude nang katagpuin namin siya dahil uuwi na kami nang sabay-sabay.
"Ay naku Jude, wag mo nang tanungin si Bianca. Walang isasagot iyan. Paano kasi nakatulog kanina iyan habang binabasa yung sinulat mo. Buti nga hindi niya nalawayan," sumbong ni Jomari.

Tila nagtampo si Jude, "Awwww... Ganun kasama?"

Pinagsabihan ko si Jomari, "Alam mo ikaw Jomari, kahit kailan talaga kontrabida ka sa buhay ko!" Tapos ay si Jude, "Jude, maigi pa, alam mo, yung characters mo rito dagdagan mo. Hindi ba't sina Laila, Janine, Eve, Alden at Dan lang ang nandito? Mas maganda kung baguhin mo yung story at samahan mo ng Jomari na kontrabida. Ganito, may pinsan si Jomari, si Jude yun at nagpapanggap siyang nakaka-predict ng kamatayan ng tao at ang victims niya ay yung characters mo rito, pero ang totoo e kakuntsaba siya ni Jomari sa pagpatay. Si Jomari yung pumapatay para matupad daw yung pekeng hula. Kaya niya naman ginagawa yun kasi may atraso raw yung magbabarkada sa kanya at iniisa-isa niya sila. Then, isama mo na rin ako as a character at ako yung nakatuklas ng lahat tungkol kay Jomari, and in the end itong si Jomari may balak akong patahimikin at pagsamantalahan. Hindi na siya killer, rapist pa, para mas lalong mainis yung readers!"

Napanganga ang magpinsan dahil sa sinabi kong bagama't mabilis e malinaw.

"Ano? Bakit tameme kayo riyan?" tanong ko sa kanila. Sa totoo lang hiningal ako.
"Brilliant! That is very brilliant, Bianca!" sambit ni Jude.

Napangiti naman ako dahil dun. "Talaga?"

"Oo! Sobra! Bakit hindi mo ako tulungang magsulat?" mungkahi ni Jude.

Nabigla ako, "A, ako magsusulat?"

"Sige na Bianca, pampalubag-loob mo na lang yun kay Jude kasi nakatulog ka habang nagbabasa," pamimilit ni Jomari na sinundan ng nakakainis na pagtawa.
"O siya, siya, sige, para wala nang masabi yung isa diyan," pagpaparinig ko.
"Sige, babaguhin natin ang story. Thanks sa ideas, Bianca," pasasalamat ni Jude. "Saan mo pala nakuha yun?" tanong niya.

Blangko ang utak ko. "A napanaginipan ko? Sa tingin ko..." sabi ko na lang.

Pinagtawanan ako ni Jomari, "Ahahaha! Antukin! Tulo laway!"

"Shut up!" sabi ko sa kanya.
"So ako na talaga ang gagawin ninyong kontrabida riyan?" tanong ni Jomari, parang gustong-gusto niya talaga ang ganoong role.
"Ok lang ba, Jom? Sa story ka lang naman kontrabida e. Sa totoong buhay naman ikaw yung bidang umiikot sa buhay ni Bianca," panunukso ni Jude. Kiniliti niya pa ako sa tagiliran. Akala niya naman kikiligin ako.

Pumayag na ang loko, "O sige na nga. Tutal sabi ni Bianca rapist daw ako, dapat sa story re-rape-in ko siya. Hahahaha!"

"Ang manyak mo. Bwisit!" sabi ko naman sa kanya. Nagtawanan ang magpinsan. Naglakad na kami pauwi.

Si Jude. Kababata ko siya, oo. Pero sa totoong buhay hindi siya nakakakita ng mga multo, o nakakapredict ng kamatayan ng tao. Simpleng mag-aaral siya na mahilig magsulat ng mga kuwento. Balak niya ngang mag-submit ng kuwento sa publisher. Ito nga yung pagtutulungan naming gawin, yung Mamamatay Na Ako... Bukas!

Si Jomari. Pinsan siya ni Jude at kababata ko rin. Totoong nagsasama ang pamilya niya at ni Jude sa isang malaking bahay na pamana ng lolo at lola nila, at sa tapat namin sila nakatira. Masayahin siya at hilig talaga akong asarin mula pa noon. If I know crush na crush niya ako kaya siya ganun sa akin.

Sina Laila, Janine, Eve, Alden at Dan. Mga tauhan sila sa kuwentong ginawa ni Jude. Masyado siguro akong na-hook sa isinulat niya kaya pati sa panaginip ko nasama sila. Buti na lang talaga nagising ako... salamat kay Jomari na kahit sa paggising ko e pinag-trip-an ako.

Habang naglalakad kami, tinanong ako ni Jomari, "Bianca, kanina ba nung natutulog ka, may narinig ka bang sinabi ko?"

Nawirduhan ako sa kanya, "Huh? E paano ko naman malalaman kung anong sinabi mo e tulog nga ako nun? Ikaw talaga di ka nag-iisip."

"Hindi, malay mo, di ba, baka nasama na rin sa panaginip mo yun? Nangyari kasi sa akin yun. Nung nakaraan nga alam ko pinag-uusapan nina mama yung uulamin naming bangus. Naririnig ko kasi sila kahit tulog ako tapos nanaginip ako na ang ulam e bangus, ayun paggising ko, yun nga yung ulam."

Napaisip ako. "Nasama sa panaginip ko?"

Mahal kita, Bianca...

"Wala e! Ang alam ko lang ginigising mo ako kanina," sagot ko.
"Di bale na nga," sabi ni Jomari tapos ay naging tahimik na lang siya bigla.

Ilang minuto ang lumipas at nakarating na kami sa amin. "Love you, Bianca," sabi ni Jomari bago ako pumasok sa gate. Tinawanan siya ni Jude. "O bakit? Seryoso ako dun," sabi niya sa pinsan niya. Napailing na lang ako.

Pag-uwi ko sa bahay, dumiretso ako sa silid ko, naglapag ng gamit at pumuwesto ako sa study table. Nag-iisip ako kung paano sisimulan ang kuwentong gagawin namin ni Jude. Sinubukan kong i-recall ang panaginip ko pero kaunti na lang ang naaalala ko. Ilang sandali pa'y nakapagsulat na rin ako.

Pito kami sa barkada: si Laila, Janine, Eve, Alden, Dan, Jomari at ako —si Bianca. Sa maniwala kayo't sa hindi, apat na ang nalalagas sa amin matapos nilang magpunta sa isang bulung-bulungang manghuhula raw sa University. Hindi nito hinuhulaan ang love life mo o kung ano ang magiging career mo in the future, kundi ang petsa ng kamatayan mo at paano ka mamamatay.

"Puwede na sigurong simula yun," sabi ko sa sarili.

Sa kasarapan ng pagkausap ko sa sarili, tumunog ang cell phone ko at nakatanggap ako ng text message galing kay Jomari.

"Mahal kita, Bianca. Yan yung sinabi ko kanina," sabi sa mensahe.

Napangiti ako. Nakita ko nga ang ganoong eksena sa panaginip ko. Magre-reply ba ako? O sige na nga, pero kung anumang ire-reply ko... hindi ko na sasabihin sa inyo kung ano. :p

...WAKAS...

Sunday, May 16, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (6)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN
DAN

ooo
JOMARI


Sabay-sabay kaming lumaki nina Jude at Jomari. Kababata ko sila. Laging kinatatakutan si Jude dahil sa mga hula at pangitain niya. Hindi siya kinakaibigan ng iba kasi nagdadala raw siya ng sumpa. Si Jomari ang tagapagtanggol ni Jude sa mga hindi naniniwala sa kanya. Ngayon, ibang Jomari na ang nakikita ko. Iba ang Jomari na kasama ko sa malamig na silid na ito sa Jomari na kilala ko noon.

Nagbigay siya ng nakakalokong ngiti. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa akin. "Wag mong sabihing kagaya ka rin ng pinsan ko na nakakakita ng mga pangitain?"

Ipinagtapat niya sa akin ang lahat. Sapat na ang mga sinabi niya para kasuklaman ko siya.

Si Laila. Noon ay kaibigan lang ang turing niya rito pero dahil matalino si Laila, hinangaan niya ito nang lubos. Isang araw e nagpaturo siya sa isang subject na hirap siya. Pumunta siya sa bahay nina Laila at dahil walang iba tao, may nangyari sa kanilang dalawa.

Sinubukang suyuin ni Jomari si Laila sa pag-aakalang gusto siya ng kaibigan namin pero ang isinagot ni Laila?

"Gusto ko lang namang malaman kung ano ang pakiramdam kaya sinubukan ko pero di ibig sabihin nun e gusto na kita. Sorry, Jomari pero hindi ikaw ang priority ko."

Matagal na raw na nangyari yun pero dinamdam iyon masyado ni Jomari dahil masyadong naapakan ang pagkatao niya. Sa kabila noon, hindi niya ipinakita sa lahat na masama ang loob niya kay Laila.

Si Janine. Play girl siya kung ituring ni Jomari. Nakipag-inuman siya noon kina Janine at Eve sa isang bar. Naunang umuwi si Eve kasi sinundo siya ni Alden, at naiwan sina Janine at Jomari na magkasama. Imbis na sa kani-kaniyang bahay tumuloy, sa ibang lugar pumunta ang dalawa. Nang mag-umaga, pag gising ni Jomari ay wala na si Janine sa tabi niya. Nang magkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang dalawa, ang sinabi ni Janine,

"A ikaw ba yung kasama ko kagabi? I thought it was some other guy. Oh well, Jomari, kung anumang nangyari sa atin kagabi kalimutan mo na. Lasing lang ako nun. It happens all the time. Wag kang mag-alala, wala namang ibang makaaalam nito. Ayokong mapahiya sa mga kaibigan natin."

Si Eve. Sa kanya patay na patay si Jomari. Ipinadrawing pa nga niya kamakailan lang ang mukha ni Eve kay Jude. Sabi niya nagkaroon noon ng matinding away sina Eve at Alden, at si Jomari ang nilapitan ni Eve. Siya ang nag-comfort sa rito. Lingid sa kaalaman ng lahat na nagkaroon ng relasyon sina Eve at Jomari. Ipinadama ni Jomari kay Eve ang tunay na pagmamahal. Ibinigay din niya ang "kaligayahan" na hindi naranasan ni Eve kay Alden. Sabi raw ni Eve ay makikipag-break na siya kay Alden pero hindi iyon ang nangyari.

"Oo, pinaligaya mo ako pero hindi ko puwedeng isuko si Alden nang ganun na lang. Puwede bang dalawa muna kayo sa buhay ko?" sinabi ni Eve sa kanya noon.

Ganoon pala ang kuwento. Sabi ni Jomari masyado siyang nasaktan, na masyadong natapakan ang pagkalalaki niya. Tatlong babae, mga kaibigan pa man din namin, ay ginawa siyang basura.

"Ngayon, sabihin mo sa akin, Bianca, ako ba ang may kinuha sa kanila? Hindi ba't sila ang may atraso sa akin? Sobra na akong sumabog. Gusto ko silang patayin lahat dahil sa mga ginawa nila sa akin pero kumukuha lang ako ng tiyempo," sabi ni Jomari.
"Hindi pa rin sapat na dahilan yun para gawin mo sa kanila yun!" diin ko.

Inamin ni Jomari sa akin na ang hula ni Jude tungkol sa pagkamatay nina Laila, Janine, Eve, maski ang pumalpak na hula kay Alden ay hindi totoo. Kinuntsaba niya ang pinsan niya at ang sinasabi ni Jude mula noong pagkabata namin na nakakakita siya ng mga multo, maski ang pagkakatotoo ng panaginip niya, ay kasinungalingan at gawa-gawa lamang. Sinabi niya kay Jude ang plano niya kung paano niya didispatsahin ang mga kaibigan namin. Nag-iwan din siya ng note kina Laila, Janine at Eve na nakasulat sa isang pulang papel at nagsasabing, "Gusto mo bang malaman kung paano at kailan ka mamamatay? Kaya kong hulaan iyan." At sa huli ay nakalagay ang pangalan ni Jude na siyang nagpahatid daw ng mensahe at ang taong dapat lapitan sakaling interesado ka. Masuwerte namang kinagat nina Janine at Eve iyon, samantalang si Laila ay nagdalawang-isip pa pero pumunta rin kay Jude dahil sa pambubuyo nina Janine at Eve.

"Paano mo sila pinatay?" tanong ko.

Si Laila. Pinalabas ni Jude na inatake ng mad man, ng isang lasing, pero ang totoo? Si Jomari ang pumatay sa kanya. Inabangan niya si Laila magdamag at nang magkaroon ng pagkakataon, hinampas niya yun ng bote sa ulo at pinagsasaksak.

Si Janine. Siya raw ang pinaka matagal nang gustong gantihan ni Jomari. Alam niyang hindi mahigpit sa dorm nina Janine at Eve, nakakapasok ang sinumang gustong pumasok basta kilala at kaibigan ng may-ari. Nagkataong family friend nina Jomari ang may-ari ng dorm.

Nang pumasok si Janine sa banyo, siya namang dating ni Jomari. Pumasok siya sa bukas na pinto ng unit nina Eve noong kauuwi lang ng mga ito galing sa burol ni Laila.

Sinita siya ni Eve, "Jomari, bakit nandito ka? Mamaya makita ka ni Janine!"

Isinara ni Jomari ang pinto. "Ako'ng bahala," tugon niya tapos ay hinalikan si Eve.

Hindi nila pareho inaasahan na lalabas kaagad si Janine sa banyo.

"Eve... Jomari..." nakita ni Janine ang dalawa. Para hindi na makapagsalita at baka magsumbong pa kay Alden, inunahan na siya si Jomari. Tinakpan niya ang bibig ni Janine para hindi makapag-ingay, hinila niya ito papasok muli sa banyo at iniuntog ito.
"Jomari! Anong ginawa mo?" biglang-bigla si Eve.
"Ginantihan ko lang. Matagal nang may atraso sa akin iyang babaeng iyan," sabi niya.

Pinaalis siya ni Eve, "Lumabas ka na! Dali na! Alis! Ako nang bahala rito."

Si Eve. Ayon kay Jomari e pinaasa siya nito. Binigyan siya ng taning ni Jomari para makipag-break kay Alden.

"Kapag hindi ka nakipag-break kay Alden, mapipilitan akong gumawa ng hakbang," pananakot ni Jomari. Ang araw ng kamatayan ni Eve ang siyang petsa ng taning.

"Nadismaya ako, sabi niya makikipag-break na siya kay Alden. Hindi naman puwedeng dalawa kaming boyfriend niya pero anong ginawa niya? Nagpunta pa siya rito sa Tagaytay kasama ang mokong na yun! Pinatunayan niya lang na mas mahal niya si Alden," hinanakit ni Jomari.

Sinabi ni Jomari na noong magsabi si Eve na pupunta siya sa Tagaytay, sinundan niya na ang dalawa. Nag-check in din siya sa hotel kung saan sila nag-check in. Sinabihan niya si Eve sa pamamagitan ng isang text message na NAKIKITA NIYA SILA. Nang magmadaling araw, tinawagan ni Jomari si Eve.

"Lumabas ka ng room, nandito ako," sabi niya.

Lumabas si Eve na may dalang baril. Noong una'y natakot si Jomari pero alam niyang kaya niyang paikutin si Eve sa mga palad niya.

"Bakit may hawak ka niyan? Ibaba mo iyan, Eve," sabi niya.
"Tigilan mo na ako, Jomari. Pabayaan mo na kami ni Alden. Mahal ko siya, di ko siya kayang iwan!" sabi ni Eve at nakatutok kay Jomari ang baril.
"Wala akong masamang intensyon. Nasaan si Alden?"
"Tulog na,"
sagot ni Eve.
"Puwede bang pumasok muna tayo?"

Patalikod na pumasok si Eve sa loob ng silid habang nakatutok kay Jomari ang baril.

"Narito ako para magpaalam. Hindi na kita guguluhin. Alam ko at tanggap kong talo ako kay Alden," sabi ni Jomari.

Sa puntong iyon ay ibinaba ni Eve ang baril, sapat para maagaw ni Jomari at iputok ito sa kanya. Bumagsak si Eve.

Si Alden. Siya naman talaga ang puntirya ni Jomari at sabi niya tatanga-tanga si Dan kasi kinain niya ang pagkaing di para sa kanya. Siya tuloy ang nalason.

"Pero bakit... bakit hindi man lang nakita ang finger prints mo sa kahit na anong ebidensya o walang bakas mo sa eksena ng krimen?" tanong ko.
"Pag ikaw ba gagawa ng krimen, papayag kang mahuli kaagad? Mag-iiwan ka ba ng ebidensya para ikaw ang paghinalaan at makulong? Gumamit ako ng gwantes para walang bakas ng finger prints. Malinis akong mag-trabaho, Bianca," nagmamalaki pa niyang sinabi.

Hindi ako makapaniwala sa nalaman ko. Sana nga isang masamang bangungot lang ang lahat ng ito. Sana magising ako at makita ko pa ang mga kaibigan ko... lahat sila buhay at humihinga pa. Sana...

Tinabihan ako ni Jomari sa kama. Hinimas-himas niya ang buhok ko. "Ikaw Bianca, alam mo ba kung kailan at paano ka mamamatay?" tanong niya sa akin.

"Hindi! Pero sige, kung gusto mo akong patayin... Kung mamamatay man ako, huwag BUKAS! Sige na, ngayon na!" paghamon ko sa kanya.

Akala ko hindi tototohanin ni Jomari. Akala ko hindi niya papatulan ang hamon ko. Akala ko maaawa siya sa akin... pero hindi. Sinakal niya ako at nakita kong dumilim ang paligid ko.

ooo

BIANCA

Saturday, May 15, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (5)


LAILA
JANINE
EVE
ALDEN

ooo
DAN


Labinlimang minuto makalipas ang hatinggabi, eksaktong pagdating ko sa presinto ay nagkakagulo ang mga tao.

"Ano pong nangyayari?" tanong ko sa isang pulis na naabutan kong papalabas.
"May lalaki dun sa loob bumula ang bibig. May nakain na hindi maganda. Tumawag na kami ng ambulansya," sagot ng pulis.
"Si Alden!" isip ko. Dali-dali akong pumasok pero nasurpresa ako nang makita kung sino ang inilalabas nila sa presinto. "Dan!" nataranta ako. Nilapitan ko si Jomari na noo'y akay-akay si Dan.
"Bianca, bakit nandito ka?" itinanong niya sa akin.

Hindi ko pinansin ang tanong ni Jomari. "Anong nangyari kay Dan?"

"Hindi ko alam. Magkausap lang kami kanina. Bigla na siyang nagkagayan," sagot ni Jomari.

Ipinasok na si Dan sa dumating na aumbulansya at dinala sa ospital.

Sa ospital, tila napakatagal ng paghihintay namin hanggang sa nagpakita na sa amin ang doktor.

"Doc, kumusta na po ang pasyente?" tanong ni Jomari sa doktor na nag-asikaso kay Dan.
"He's dead," sagot ng doktor.

Halos gumuho ang mundo ko nang marinig ko yun. Umiyak ako at napayakap kay Jomari.

"Our findings say that he was poisoned," sabi ng doktor.
"Poisoned?" tanong ko. Tumingin ako kay Jomari at naalala ko ang mga napag-usapan namin.

"Mayroon pa bang susunod na mamamatay?" tanong ko kay Jomari.
"Si Alden," sagot niya.

Bumalik sa isip ko ang hula ni Jude.

"Malalason sa kakainin niyang pagkain... bukas."

Di ko rin nakaligtaan ang sinabi ni Dan,

Hinihintay ko pa si Jomari, magte-take out daw ng pagkain para kay Alden."

Nagpaalam sa akin si Jomari, "Bianca, tatawagan ko lang ang kapatid ni Dan. Ibabalita ko kung anong nangyari sa kuya niya."

Habang nakikipag-usap si Jomari, pinagtagpi-tagpi ko ang lahat at naisip kong... hindi kaya ang lahat ng ito... ang pagkamatay nina Laila, Janine, Eve at Dan ay sinadya? Pero... ano ang motibo?

Naistorbo ako sa pag-iisip nang tawagin ako ni Jomari, "Bianca, halika na."

"Saan tayo pupunta? Natawagan mo na ba?" tanong ko.
"Unattended e! Magpahinga na muna tayo. Masyado nang maraming nangyari ngayong araw." sabi niya.
"Paano si Dan?" tanong ko.
"Balikan na lang natin siya pag nag-umaga na." Nilisan na namin ang ospital.

Habang nasa byahe ng ganitong oras at naghahanap ng lugar na matutuluyan, nakiusap ako kay Jomari na bumalik sa presinto at puntahan si Alden.

"Bakit?" tanong ni Jomari.
"May sasabihin lang ako sa kanya," sabi ko.
"Bianca, kailangan na natin ng pahinga," pilit ni Jomari.

Pinakiusapan ko siya, "Please, Jomari. Ngayon lang ako makikiusap sa iyo." Pumayag na rin si Jomari at pumunta kami sa presinto kung saan nakakulong si Alden habang iniimbestigahan ang kaso niya. Sinabi ko kay Jomari na hintayin niya na lang ako sa labas at mabilis lang ito.

"Bianca!" nasurpresa si Alden nang puntahan ko siya.
"Pinuntahan ka ba nina Jomari at Dan dito? May ibinigay ba sa iyong pagkain?" tanong ko.
"Yeah, kanina. Inabutan ako ni Dan ng burger and fries pero 'di ko tinanggap kasi wala akong gana kumain. Sabi ni Dan siya na lang daw ang kakain," sabi ni Alden.

Huminga muna ako nang malalim bago magsalita, "Dan is dead."

Nabigla si Alden, "What? How?"

"Poisoned," sabi ko.
"Oh my God! Ibig sabihin siya yung sinasabi nilang bumula raw ang bibig?" Tumango ako. "Nasaan na si Jomari?" tanong niya.
"Naiwan sa labas. Sabi ko sandali lang at may sasabihin ako sa iyo. Hindi maganda ito, Alden. Sa tingin ko si Jomari gusto ka niyang lasunin," sabi ko.

Nagulat si Alden, "Ano?! Why?"

"Hindi ko pa alam ang motibo niya. Sabi niya sa akin ikaw na raw ang sunod na mamamatay. Umuwi ako, pinuntahan ko si Jude. Tinanong ko kung paano ka mamamatay and Jude said that malalason ka raw but it turned out na si Dan ang nalason kasi siya ang kumain ng pagkain mo. Si Jomari ang nagpa-take out ng food," sagot ko.

Napailing si Alden, "I can't believe this."

Nagpaalam na ako sa kanya, "Sige na. Babalikan ko na si Jomari baka maghinala. Sabi ko kasi sandali lang ako."

Pinigilan ako ni Alden, "Bianca, are you out of your mind? Paniguradong may gagawin siyang masama sa iyo!"

Pinangakuan ko siya, "Babalikan kita pero pag hindi na ako nakadalaw sakaling may masamang mangyari sa akin, alam mo na kung sino ang dapat sisihin."

"Take care, Bianca," sabi ni Alden sa akin. Iniwan ko na siya.

Binalikan ko na nga si Jomari at humingi ng paumanhin sa kanya. "Sorry natagalan. Nag-CR pa kasi ako sa loob. Kung saan-saan ako tinuro ng mga pulis," pagsisinungaling ko.

"Ok lang. Tara na," yakag ni Jomari. Naghanap na kami ng matutuluyan.

Nag-check in kami ni Jomari sa isang hotel. Agad akong dumiretso sa kama dahil sa pagod. Sumunod si Jomari at tinabihan ako.

"Dito ka matutulog?" tanong ko.
"Saan mo ba ako gustong matulog? Malamig ang sahig," sabi niya.

Kahit na sabihin mong matagal na kaming magkaibigan, dahil sa mga nangyari, hindi ko maiwasang mawalan ng tiwala kay Jomari ngayon pa't alam kong tinangka niyang lasunin si Alden.

Umusog ako para makahiga siya nang maayos. Nagulat ako nang tanggalin ni Jomari ang pang-itaas niyang damit. Napabangon ako.

"Teka, bakit naghubad ka ng damit?" tanong ko.
"Pag natutulog kasi ako naghuhubad talaga ako ng pang-itaas saka basa na kasi ng pawis itong damit ko," sabi ni Jomari.

Hindi ko gusto ito! Naiilang ako. "Sa sahig na lang ako matutulog," paalam ko. Aalis na ako sa kama nang bigla akong pigilan ni Jomari. Hinila niya ako at inihiga sa kama. "Jomari, anong ginagawa mo?"

Nag-iba ang awra niya. "Dito ka lang, Bianca," sabi niyang mapanukso. Diniinan niya ang mga kamay ko, sa bandang pulso, at umibabaw siya sa akin.

Ayoko ng ganito! "Jomari, ano ba?" nagpupumiglas ako pero dumadagan siya lalo.

"Dito ka lang, Bianca. Sa akin ka lang." Sa puntong iyon sinimulan niya nang halikan ang leeg ko.
"Jomari! Jomari, ano ba!" sigaw ko. Kahit anong pagpupumiglas ko, hindi ko kaya ang lakas niya. Pakiramdam ko ay lalo lang akong nanghihina kapag sinusubukan kong kumawala.
"Mahal kita, Bianca," sabi ni Jomari sa akin. Hinalikan niya ako sa labi. Ano ba ito? Mapagsasamantalahan na lang ba ako ng ganun-ganun na lang?

Hindi ako makagalaw. Hindi ako makahinga. Hindi ako makasigaw! Umiyak ako at inalala ang mga kaibigan ko. Sa isip ko ay tinatawag ko sila para tulungan ako. "Laila... Janine... Eve... Dan... Tulong!" Pagkatapos noon ay nagkaroon ako ng pangitain. Habang hinahalikan ako ni Jomari, nakakita ako ng mga imahe nina Laila, Janine at Eve. Lumabas na lang sa bibig ko ang,

"Ako na ba ang isusunod mo? Gagawin mo rin ba sa akin ang ginawa mo sa kanila?" Natigilan si Jomari. "Papatayin mo ba ako gaya ng pagpatay mo sa kanila matapos mong makuha ang gusto mo?" patuloy ko.

Dahil sa sinabi kong iyon, umalis si Jomari sa ibabaw ko at tumayo siya. Nagbigay siya ng nakakalokong ngiti. "Paano mo nalaman ang tungkol doon?" tanong niya sa akin.

Natakot ako nang tingnan ko si Jomari. Ibang-iba siya ngayon kaysa sa nakilala ko rati.

ooo


JOMARI

Friday, May 14, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (4)


LAILA
JANINE
EVE

ooo
ALDEN


Nang mapabalitang patay na si Eve, pinuntahan namin nina Dan at Jomari si Alden sa presinto sa Tagaytay kung saan siya dinala. Tanghali na kami nang makarating. Kasama ko si Dan, samantalang si Jomari ay sumunod sa amin.

"Bianca, hindi ako ang pumatay kay Eve, maniwala ka," sabi ni Alden sa akin. Kita ko sa mga mata niya ang sinseridad pero hindi ko puwedeng iisantabi ang sinabi ni Laila noong buhay pa siya,

"Papatayin daw si Eve ng boyfriend niya."

Patuloy akong kinumbinsi ni Alden, "Alam mong hindi ko magagawa iyan. Mahal na mahal ko si Eve. Wala akong alam sa nangyari, tulog ako nun."

Alam kong sobra ang pagmamahal niya kay Eve. Kita ko naman kung paano siya mag-effort para rito. Siya rin ang taga-awat kay Eve kapag hindi na nito ma-control ang temper niya.

Hindi ko alam kung ano ba ang tunay na nangyari kaya ipinakuwento ko kay Alden ang mga huling sandali na kasama niya ang girlfriend niya.

"Gabi na kami nang makarating dito. Naalala ko pa bago kami mag-check in sa hotel, hinawakan ni Eve nang mahigpit ang kamay ko. I asked her what's wrong. Then she said, 'I'm sorry. I'm sorry, Alden.' Paulit-ulit niyang sinabi. I hugged her and said, 'Wala yun.' Hindi ko kasi maintindihan kung bakit siya nagso-sorry sa akin.
"Nung nasa loob na kami ng room, noong nagbaba ako ng mga gamit, niyakap niya ako and she said, 'Mamamatay na ako bukas!' Sabi ko sa kanya, 'Stop it!' Wag mong sabihin iyan!' And she started crying. Sinubukan kong patahanin siya. Luckily, she stopped crying.
"Bago ako makatulog, uminom kami ng ilang bote ng beer. You know that I was never a good drinker kaya I know within myself na nakatulog na ako after a few bottles of beer. Nagising ako mga 5 a.m. kasi naalimpungatan ako, sumakit kasi ang ulo ko. I was surprised to see Eve lying on the floor, dead."

Sa dibdib ang tama ni Eve, straight to the heart. Ang sabi ng mga pulis may nakitang finger prints nina Eve at Alden sa baril, at ang baril ay kay Alden mismo. Wala namang nakitang kahina-hinala sa hotel, saka lahat ng rooms nakasara ang pinto. May silencer din ang baril kaya walang narinig na ingay. Ang tanging tinuturo nilang salarin ay si Alden. Kahit na ganoon, sinasabi ng puso kong hindi si Alden ang pumatay. Ayokong isiping siya yun. Malamang na mali ang hula ni Jude.

Napasuntok si Jomari sa pader nang sabihin ko sa kanila ang ikinuwento sa akin ni Alden, "Damn! Dapat kasi sa mga hotel na iyan nag-iinspect ng mga gamit ng mga nagche-check in! Dapat hindi pinapapasok ang may dalang baril o anumang alcoholic drinks! At dapat hindi natin hinayaan si Eve na maiwang kasama ni Alden at pumunta sa lugar na malayo sa atin!"

Nakuha ni Jomari ang atensyon ko sa huli niyang sinabi. "Bakit Jomari? Bakit hindi dapat hayaan sina Eve at Alden na magkasama?"

"Dahil sa sinabi ng pinsan kong papatayin si Eve ng boyfriend niya," sagot ni Jomari. Tama, ang hula... ang pangitain.
"Si Laila, si Janine, si Eve. Mayroon pa bang susunod na mamamatay?" tanong ko kay Jomari. Pakiramdam ko sobrang sasabog na ang dibdib ko. Unti-unti na ba kaming mauubos?
"Mayroon," sagot ni Jomari.

Nagulat ako. Hindi ba ito titigil hangga't di kami nawawala lahat?

"Mayroon? Sino?" sunod na tanong ko.
"Si Alden," sabi niya.

Kinilabutan ako sa sinabi ni Jomari. Napatakip ako ng bibig, "Si Alden! Diyos ko po! Paano?"

Umiling si Jomari, "Si Jude lang ang nakakaalam basta sabi niya si Alden na ang sunod."

Bandang hapon, nagpaalam ako sa dalawang kasama ko na babalik muna ako sa bahay kasi may emergency, pero ang totoo pupuntahan ko si Jude para tanungin siya kung paano at kailan mamamatay si Alden. Wala akong alam na paraan para kontakin si Jude kasi sabi ni Jomari wala siyang cell phone. Sinabi nina Jomari at Dan maiiwan sila at babantayan nila si Alden. Hindi makakasunod ang parents ni Alden dahil parehong nasa business trip, hindi puwedeng maabala at sa makalawa pa ang uwi. Ayaw din niyang malaman ng mga ito ang nangyari sa kanya. Aayusin daw niya ang gusot niya dahil alam niya namang wala siyang kasalanan.

Gabi na nang makauwi ako at kaagad kong pinuntahan si Jude na nakatira sa tapat lang namin. Kinumusta muna ni Jude ang lagay ni Alden bago niya sagutin ang tanong ko kung paano mamamatay si Alden at kung kailan.

"Malalason sa kakainin niyang pagkain... bukas."

Nang malaman ko kung paano mamamatay si Alden, mula Manila, agad akong bumalik sa Tagaytay pero nagkaroon ng aberya. Nasira ang sinasakyan kong bus. Hinintay pang maayos iyon bago nakabyahe uli.

Maghahating-gabi na nang tinawagan ko si Dan. "Dan, kumusta na? Nasaan kayo?" tanong ko.

"A eto, nandito kami ni Jomari sa fast food," sagot niya. Kinabahan ako nang marinig yun.
"Kumain na ba kayo?" tanong kong muli.
"Tapos na. Pabalik na kami sa presinto pero hinihintay ko pa si Jomari, magte-take out daw ng pagkain para kay Alden."

Napailing ako. Kahit na malapit na ako, malamang hindi ko na maabutang buhay si Alden.

"Hindi! Hindi. Dan, makinig ka. Huwag ninyong pakakainin si Alden. Please," sumamo ko.
"Bakit naman?" pagtataka ni Dan.
"Sino iyang kausap mo?" narinig ko ang boses ni Jomari.
"Ay nandito na si Jomari," sabi ni Dan. "Si Bianca," sagot niya kay Jomari.
"Tanong mo nga kung kailan siya babalik dito," sabi ni Jomari.
"Bianca, kailan ka raw babalik dito?" tanong ni Dan.
"Bukas," ang isinagot ko.

Napaluha na lang ako. Mamamatay na si Alden. Maaabutan ko na siyang patay pagdating ko sa presinto... bukas.

ooo
DAN

Wednesday, May 12, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (3)


LAILA

JANINE


ooo

EVE


Weekend. Madaling araw nang makatanggap ako ng phone call mula kay Alden na nagsasabing pumunta ako sa ospital dahil may emergency. Isa lang ang nasa isip ko, si Janine. Pagdating ko sa ospital naroon din sina Dan at Jomari. Sinalubong nila ako. Nakita ko rin ang ilang dorm mates nina Eve at Janine.

Umiiling si Eve nang lapitan siya ng doktor. “Hindi! It’s a lie!” sigaw niya. Kita ko sa mukha niya ang matinding pagkagulat, takot at galit. “What kind of doctors does this hospital have?” sigaw niyang muli.

Nasa likod niya si Alden. Sinusubukan nitong awatin siya at pigilin ang naglalagablab niyang emosyon, samantalang sina Dan at Jomari ay walang magawa kundi ang magmasid. Alam namin kung anong klaseng tao si Eve. Siya yung tipong madaling magalit at hindi nagpapatalo.

Nasa gitna ako nina Dan at Jomari, umiiyak habang hawak ang scapular na bigay ni Janine.

Patuloy na sumigaw si Eve, “Sinugod na nga namin siya rito tapos sasabihin ninyo sa aming hindi ninyo na magagawan ng paraan?”

“Ma’am the patient is already dead when you arrive,” paliwanag ng doktor.
“No! She’s still breathing. I know she is! She has a chance to survive. She must be alive! She must be!” paghuhuramintado ni Eve.
“Ma’am I know what you are feeling,” pampagaang-loob ng doktor, “but we cannot revive anymore the dead.”
“You will never know what I’m feeling! You are not me and you are not our friend!” huling salita ni Eve. Umalis siya at sinundan ni Alden.

Nilapitan namin ang katawan ni Janine na nakalagak sa isang silid sa ospital.

“Sa tingin ko matindi talaga ang pagkakabagok ni Janine. Sobrang daming dugo ang nawala sa kanya,” sabi ni Dan.
“I can’t believe it. Di pa nga naililibing si Laila, si Janine naman ngayon,” si Jomari naman ang nagsalita.

Kahit na may babala, sobrang bilis talaga ng mga pangyayari. Bago mamatay si Laila, nakausap ko pa siya. Bago mamatay si Janine nayakap ko pa siya.

“Lalabas muna ako,” paalam ni Dan. Kita kong balisa na siya dahil dalawa na sa amin ang pumanaw.

Naiwan kami ni Jomari sa silid. Pinagmasdan ko ang katawan ni Janine at naalala ko yung huling sandaling kasama ko siya. Kagabi lang nandito pa siya at buhay pa siya. Bumalik na naman ako sa pag-iyak ko. Nagulat na lang ako nang yakapin ako ni Jomari mula sa likuran.

“Wag ka nang umiyak, Bianca,” sabi niya sa tainga ko. Di ko nagustuhan nang maramdaman kong bumaba ang bibig niya sa leeg ko.

Nagdahilan ako, “Jomari, magpapahangin muna ako. Hindi ko na kaya.” Tumakbo ako palabas ng silid.

Nang mailibing si Laila, si Janine naman ang binantayan namin. Balisang-balisa si Eve habang tinitingnan niya si Janine. Tinabihan ko siya. Nasa isang funeral home kami.

“I know it’s my fault,” sabi niya sa akin. Naguluhan ako.
“What do you mean?” tanong ko.
“Dapat hindi ko siya hinayaang pumunta sa banyo. Sabi niya kasi gusto niyang maligo. I know she’s tired, afraid and so confused. Pero alam mo yun, ayaw kong isiping tama si Jude at mamawala na si Janine. She’s my best friend, alam mo iyan, Bianca. Then not so long nang pumasok siya sa banyo I heard a loud bang. Nagsisisigaw ako when I saw Janine. She’s still breathing but blood is all over her. I was so furious,” kuwento ni Eve.

Nalungkot ako nang marinig iyon. Dahil dito nilapitan ko na naman si Jude at hiningi ang paliwanag niya kung ano ba talaga ang nakita niya. Pero wala siyang ibang sinabi kundi nadulas si Janine sa banyo.

Tinawagan ako ni Eve sa numero ng telepono namin isang linggo matapos ang pangyayari. Nailibing na noon si Janine. Wala ako sa bahay at voice message lang ang natanggap ko.

“Bianca, nalulungkot ako sa nangyari kina Laila at Janine. Hindi malayong anytime ako naman ang sumunod. Malay mo bukas mamatay na ako,” natawa pa siya. “For the mean time magbabakasyon muna kami ni Alden sa Tagaytay para sa peace of mind. Please, wag ninyo muna kaming istorbohin. Gusto ko lang ng katahimikan. Take care, Bianca. I love you.”

Yun na ang huling mensahe na natanggap ko kay Eve kasi kinabukasan namatay na siya. Nagulat ako nang mapanood sa TV ang balitang patay na si Eve, at ang suspek? Ang kasa-kasama niyang magbakasyon, ang kaibigan namin at boyfriend niyang si Alden. Namatay si Eve dahil sa gun shot.

ooo
ALDEN

Monday, May 10, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (2)


LAILA

 ooo
JANINE


Nagulat ang lahat sa pagkamatay ni Laila at hindi nila inakalang magkakatotoo ang sinabi ni Jude. Madaling araw, masyado pang maaga. Papasok na si Laila sa University. Coding ang kotse nila kaya napilitan siyang mag-commute. Wala siyang kasama. Out of the country ang parents niya at kataka-takang sabay-sabay na nag day-off ang mga katulong nila.

Kinapanayam ko si Jude at sinabi niyang, "Nakita ko sa pangitain... Naglalakad siya at mag-aabang sana ng masasakyan nang may biglang sumaksak sa kanyang lasing mula sa likuran. May dalang bote iyon, pinalo muna siya sa ulo bago pagsasasaksakin. Nasa likuran niya ang lasing kaya hindi niya napansin."

"Ganoong sitwasyon ba ang sinabi mo kay Laila?" tanong ko.

Umiling siya, "Sinabi ko lang kung kailan siya mamamatay at katiting na detalye kung paano. Yun lang naman ang hiniling niya. Natatakot daw siyang malaman lahat."

Ang masama pa nun walang nakasaksi sa pangyayari. Nakita na lang na ganoon si Laila, patay na. Hindi mahuhuli o makukulong ang salarin dahil ayon na rin sa nakita ni Jude wala iyong mukha, pero hindi ako kumbinsido. Pakiramdam ko alam ni Jude kung sino. Tinatago lang niya.

Si Janine naman ang natakot dahil sa nangyari. "Eve... what if... what if mamatay rin ako? Sabi ni Jude, di ba, in the end of this week? Three days na lang weekend na!" nag-aalalang sabi niya. Pinakikinggan ko lang sila.

Pinakalma siya ni Eve, "Calm down, Janine! Hindi totoo yun! Malay mo, di ba, set-up lang ni Jude yun?"

Umapila si Jomari, "Sobrang paratang iyan, Eve. Hindi naman gagawa ng ganyan ang pinsan ko, saka magkasama kami the whole night."

Kababata ko rin si Jomari. Nagsasama ang pamilya niya at ni Jude sa isang malaking bahay na pamana ng lolo at lola nila. Alam niya ang lahat tungkol kay Jude pati ang kakayahan nito.

"Well, let's see if Janine will be dead this weekened," nakangising sabi ni Eve.
"That's enough, Eve!" sayaw ni Alden na boyfriend ni Eve... na ayon kay Laila ay siyang papatay sa kanya.

Hindi alam ni Alden ang tungkol sa pagpapahula nina Eve at Janine, pero dahil sa pag-uusap na naganap, nalaman na rin niya. Hindi niya na inalam kung ano ang ginawang hula ni Jude sa girlfriend niya.

Noong hapong iyon, nakita ko si Jude sa library. Nasa sulok siya, sa tagong parte ng library at mukhang nakatulog na. Nilapitan ko si Jude at nakita ko sa mesa ang isang bond paper na may drawing. Dahan-dahan kong inangat ang kamay niyang nakadagan sa papel at tiningnan ko kung ano ang iginuhit niya.

"Si Eve ito a," sabi ko sa sarili. Nagising bigla si Jude at nakitang hawak ko ang papel. Tila nagulat siya at mabilis na binawi ang papel.
"Bakit ba nakikialam ka ng gamit ng may gamit?" tanong niya.
"Bakit mo drinawing si Eve?" tanong ko naman.

Hindi siya sumagot, bagkus ay tumayo siya at nagbabalak umalis.

"Sige, ok lang kahit hindi mo sagutin," sabi ko. Natigilan si Jude. "Gusto ko lang sanang malaman kung ano ang hula mo kay Janine," pakiusap ko. Tiningnan ako ni Jude. Nagpatuloy ako, "Sabi ni Laila madudulas daw si Janine sa banyo. Yun daw ang nakita mo."
"Alam mo naman pala, bakit mo pa ako tinatanong?" tanong ni Jude.

Tinanggap ko na lang ang nalaman ko. "Totoo nga. Mamamatay na nga si Janine. Sige," iniwan ko na si Jude.

Hindi na muling napag-usapan sa barkada ang hula kay Janine at nang sumapit ang araw ng Biyernes, kinagabihan, habang nagbabantay kami sa burol ni Laila, biglang humagulgol si Janine.

"Bianca, I'm scared. Weekend na tomorrow. Alam mo na kung anong mangyayari," sabi niyang umiiyak.

Pinatahan ko siya dahil ayon na rin kay Eve ay nakaka-distract sa ibang bisita. Alam kong pagod na rin si Janine kaya kung anu-ano na lang ang naiisip. Ilang araw na rin kasi kaming napupuyat sa pagbabantay sa burol ni Laila. "Shhhh... Tahan na, Janine," sabi ko.

"I'm gonna die. I'm gonna die..." paulit-ulit niyang sinabi.

Nang magkaroon ng pagkakataon na maiwan kaming dalawa ni Janine, may ibinigay siya sa aking scapular.

"Wear it, panlaban sa bad spirits," sabi niya. Isinuot ko ang bigay niya. "Bianca, thanks for being a good friend. Alam mo, ikaw kasi yung taga-comfort sa amin. When I'm with you, I always have this feeling na there's someone that understands me well. Thank you, Bianca."

Niyakap ko si Janine dahil nagsimula na naman siyang umiyak.

"Mamamatay na ako bukas," sabi niyang umiiyak.

Yun na ang huling pakikipag-usap ko kay Janine kasi kinabukasan namatay na siya. Oo, nadulas sa banyo gaya ng sinabi ni Jude.

ooo

EVE

Sunday, May 9, 2010

Sa Araw ni Inay

Happy mother's day to your mom. Be good ok? Love her, nag-iisa lang yan kahit ganyan iyan.

--text message that I received from a schoolmate. (Taray! Nag-English ako!)

Love her, nag-iisa lang yan kahit ganyan iyan...

Kaninang umaga binulabog ang pagtulog ko ng malakas na ingay. Hindi pa sana ako magigising pero dahil sa pagkanta ng nanay ko e napabangon ako.

"Ano yun?" tanong ko sa kapatid kong babae na katabi ko sa higaan. Ang tinutukoy ko ay yung ingay. Nakahiga pa ako nun. Mula nang mag-summer e sa kuwarto na nila mama ako natutulog kasama ng mga kapatid kong mas bata sa akin, may aircon kasi.
"Si mama kumakanta, nagulat nga ako e. Kanina pa iyan," sagot ng kapatid ko. Kasunod nun ay ang panggagaya sa linya ni Bendita, "Weirdo!"
"Baliw-baliw!" komento ko naman. Bumangon ako sa higaan at bumaba.
"Tell me where did I go wrong!" narinig kong pagkanta ng nanay ko pagbaba ko ng hagdanan. Di naman ako magaling kumanta pero alam ko naman kung ang tao e nasa tono o wala, at kung ako ang tatanungin mo, siya yung pangalawa.
"Ang ingay, natutulog ako," sabi ko pagbaba ko.

Nasa harap ng computer ang nanay ko, naka-headset at patuloy sa pagkanta. Hindi siguro siya aware na ang lakas ng boses niya kasi naka-headset. Nang silipin ko, nanonood pala siya sa YouTube ng kanta ni Joey Albert.

Ganyan siya kapag umaga. Lagi kaming nauunahan niyan na mag-computer. Ganun kasi ang policy rito, kapag nauna ka magising, ikaw unang gagamit, at susundan na yun ng mga susunod pang magigising.

Dati apat lang kaming magkakapatid na nag-aaway-away kung sino ang mauuna sa paggamit ng computer. Gumawa pa nga yung nanay ko ng pakulo na bunutan daw, swerte naman ako kasi number 1 ang nabunot ko, tapos sinulat niya pa sa bond paper sabay dikit sa pader kung ano ang schedule namin. Pero mula nang gumawa si mama ng facebook account kakumpetensya na namin siya. Buti na lang nga at tuwing June to August lang namin nakakasama yung tatay ko kasi kapag umuuwi yun dito, sa kanya lang ang computer magdamag.

Dumiretso ako sa banyo matapos kong sitahin ang nanay ko sa pag-iingay niya at doon ay naghilamos ako. Ginamit ko yung Olay na facial wash ni mama, wala naman kasi akong sariling facial wash. Nagnanakaw lang ako, pati nga facial wash ng kuya ko ninanakaw ko. Tumigil lang ako nang basahin ko minsan, Nivea for Men ang nakalagay. Kadalasan naman kasi sabon talaga ang gamit ko.

Pag labas ko ng banyo e dumiretso ako sa kusina at tiningnan kung may almusal kahit malakas ang kutob kong wala naman. Pag tingin ko wala nga. Kabisado ko na si mama. Maaabutan mo siyang nagcocomputer kapag umaga. Click siya nang click sa farmville o kung anong farm ang meron sa facebook, samahan mo pa ng fishville, lahat ng fish, cafe world pati na scrabble. Pagkatapos dun pa lang siya magluluto ng almusal. Napagsabihan ko na siyang napapabayaan niya na yung mga gawain dito sa bahay. Aminado naman siya.

Bigla kong naalala na Mother's Day nga pala ngayong araw kaya binalikan ko si mama para batiin siya. "Happy mother's day!" sabi ko in a sing-song manner. Di siya tumugon, nakatingin pa rin siya sa computer. Inulit ko, "Happy mother's day!" Deadma pa rin, naka-headset e! Tapos bigla siyang kumanta,

"Ikaw lang ang mamahalin!"
"Bad trip to a! Makaakyat na nga lang," isip ko.

Ikaw? Anong kuwento mo tungkol sa nanay mo?

Friday, May 7, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (1)


LAILA


Pito kami sa barkada: si Laila, Janine, Eve, Alden, Dan, Jomari at ako —si Bianca. Sa maniwala kayo't sa hindi, apat na ang nalalagas sa amin matapos nilang magpunta sa isang bulung-bulungang manghuhula raw sa University. Hindi nito hinuhulaan ang love life mo o kung ano ang magiging career mo in the future, kundi ang petsa ng kamatayan mo at paano ka mamamatay.

Si Laila. Paranoid siya nang magpunta siya sa tambayan namin.

"Mamamatay na ako bukas!" sabi niyang takot na takot.
"Huh?" pagtataka ni Dan.
"Isang mad man! Sasaksakin ako!" bulalas ni Laila.
"Ano bang pinagsasasabi mo?" naguguluhang tanong ni Jomari.
"Sabi ni Jude mamamatay na ako bukas. Sabi niya... Sabi niya nakita niya kung paano ako patayin," sabi ni Laila habang tulala.
"Bakit ba kasi nagpapapaniwala ka sa sinasabi ni Jude?" singit naman ni Eve na nakakiling kay Alden.
"Don't believe him. He's a freak," si Janine.

Bumaling ng tingin si Laila sa akin na noong mga sandaling iyon ay katabi ko, "Bianca, natatakot ako." Wala akong nagawa noong oras na iyon kundi titigan siya at humiling na sana hindi totoong mamamatay na siya bukas.

Ang manghuhula... si Jude. Kilala ko siya. Kababata ko siya. Maliliit pa kami nakakakita na siya ng mga hindi pangkaraniwang bagay. May mga panaginip din siyang nagsisilbing babala. Para sa akin isa siyang psychic, pero ngayon hindi ko na gustong pati kamatayan ng tao e pinakikialaman niya.

"Bakit mo sinabi kay Laila yun?" tanong ko nang kausapin ko si Jude. Tahimik at malalim ang personalidad ni Jude, wirdo para sa karamihan. Hindi siya basta-basta nakikipag-usap sa mga tao maliban na lang kung ang pag-uusapan ninyo ay paranormal.
"Sinabi ko lang kung ano ang hiniling niya at kung ano ang nakita ko, pero hindi ko naman sinabi lahat," sagot sa akin ni Jude.
"Jude, hindi mo ba alam na takot na takot si Laila? Ayaw niya na ngang pumasok. Sabi niya magkukulong na lang siya sa bahay," sabi ko kay Jude.
"Papasok siya bukas at mamamatay na siya bukas," tila may kasiguraduhan kay Jude. Tumingin siya sa pinakamalapit na bulletin board. Naalala kong si Laila pala ang ipadadala ng University para maging exchange student sa Japan... bukas!

Malungkot na nagpunta sa akin si Laila matapos niyang makipag-usap sa Dean.

"Ayaw nilang pumayag na ibang student na lang ang ipadala bukas," pagbalita niya.
"Ano ba kasing pumasok sa isip mo at nagpahula ka kay Jude?" tanong ko.
"Ni-refer kasi nina Janine at Eve e," sagot ni Laila.
"Nina Janine at Eve?" pagtataka ko.

Tumango si Laila.

"Sabi nina Janine at Eve nagpahula raw sila kay Jude. Ang sabi ni Eve sabi ni Jude sa kanya mamamatay na raw siya next month, which is one week from now. Si Janine naman in the end of the week," kuwento ni Laila.
"O tapos?" tanong ko. Gusto kong malaman ang sunod na kuwento.
"Sabi nila I should try daw na magpahula kay Jude and see how stupid he was. Tinawanan lang kasi nila yung sinabi ni Jude about their death," sabi ni Laila.
"Paano raw ba mamamatay sina Janine at Eve?" usisa ko.
"Papatayin daw si Eve ng boyfriend niya."

Nagulat ako. "Ni Alden? At si Janine?" tanong ko.

"Madudulas sa banyo," sagot ni Laila. "Tinawanan lang nila. How could that be possible daw? Siguro baliw raw itong si Jude at nag-iimbento lang, at sana raw kung nag-iimbento lang si Jude, yung mas magandang version naman ng death para realistic."

Nabagabag ako sa nalaman ko. Si Laila mamamatay bukas, si Janine sa weekend at si Eve next month.

Yun na ang huling pakikipag-usap ko kay Laila kasi kinabukasan namatay na siya. Oo, inatake ng mad man gaya ng sabi sa kanya ni Jude.

ooo
JANINE

Wednesday, May 5, 2010

Bagay Tayong Dalawa

Ako na yata ang pinakamalas na tao sa mundo. Ikaw ba naman ang ligawan ng pinaka pangit dito sa classroom ewan ko na lang kung ano ang maramdaman mo. Gusto ko na ngang mag-drop. Araw-araw ang bigat ng pakiramdam ko lalo na pag tinitingnan niya ako tapos ngingitian pa, kita yung ngipin niya sa harap na may itim. Ilang beses ko na siyang binasted pero patuloy niya pa rin akong kinukulit.

"Santa por yu, Debe," sabi niya isang tanghaling mag-isa ako sa bench, sabay dukdok sa mukha ko ng bulaklak ng santan, yung kulay pula at nilalanggam pa. Muntik ko na ngang makain. Ngumiti na lang ako kasi I don't want to be rude to animals.
"Debbie. D-E-B-B-I-E. De-bi. Debbie!" pagtatama ko sa pagbigkas ng pangalan ko.
"Hirap naman. Sabi ko naman sa iyo BEBE na lang ang itatawag ko sa iyo para madaling bigkasin," hirit ni Renren.
"My God! Renren, mula nung high school tayo hanggang ngayon kinukulit mo ako. Ayaw mo ba talaga akong tantanan?" pagtataray ko.
"Ayaw!" sabi ni Renren na may diin. "Titigil lang ako kapag..." may dinukot siyang papel sa bulsa niya at binasa iyon, "...flat liner na ako." Mukhang hindi pa nga siya sigurado sa sinasabi niya at may kodigo pa ang mokong.
"Anong meaning nun?" tanong ko na may sarkastikong tingin.
"Flat liner... kapag... ano..." hindi niya na alam ang sunod na sasabihin.
"Kapag ano?" tanong ko.
"Hehe! Pinaliwanag na ito ni Ser Ramerez. Na-mental block lang ako. Ganito kasi ako kapag kausap ka," palusot niya.

Naasar ako kay Renren kaya tumayo ako sa kinauupuan, umalis at sinabing wag na wag niya akong susundan.

"Teka Bebe! Hindi mo ba tatanggapin itong santan ko? Matamis ito! Parang ikaw!" narinig ko pang sinabi niya.
"Iyo na iyang santan mo!" sigaw ko.

Nagpunta ako sa library pagkatapos para mag-aral. Habang nagbabasa, may narinig na lang akong nagsabi na,

"Hay... bagay talaga tayong dalawa."

Pag tingin ko, ang asungot na si Renren katapat ko na pala sa table. Nanlaki ang mga mata ko. "Di ba sabi ko wag mo akong susundan?"

"Labyu Bebe," sabi niya sabay nguso. Nandiri ako.

Nang mag-uwian, umeksena na naman si Renren. Palabas na ako ng classroom nang harangin niya ako.

"What?!" iritang tanong ko. Biglang naglabas si Renren ng pulang tela sa bag niya at inilatag iyon.
"Sige na, daan na sa red carpet, prinsisa ko," sabi niya. Nangantyaw ang mga kaklase namin.
"PRINSISA ka pala ni Renren e!" natatawang sabi ng isa.
"Magtatayo na ba kami ng Ren-Deb Fan's Club?" gatong naman ng isa pa.
"Shut up!" pagalit kong sinabi sabay alis. Ngiting-ngiti naman si Renren.

Hindi ko na ma-take ang nangyayaring ito. Araw-araw nakakatanggap din ako ng sulat kay Renren na iniipit niya sa locker ko. Aatakihin ako sa nerbyos kasi sumasagi sa isip kong death threat ang mga yun. May ilang beses ko nang iniwasan si Renren. Kulang na lang mag-disguise ako para di niya na ako masundan.

Isang gabing umuwi ako, habang naglalakad sa madilim na kalsada papunta sa bahay namin, nakaramdam ako na parang may sumusunod sa akin. Huminto ako saglit at nakiramdam sa paligid, pero sa ginawa kong paghinto, mas nakakuha pa pala ng tiyempo ang masamang loob at pinagtangkaan ako. Mula sa kung saan, sumulpot siya at tinutukan ako ng kutsilyo sa leeg.

"Akin na ang pera at cell phone mo!" sabi ng holdaper. Brusko ang pangangatawan nito at balbas-sarado. Ilalabas ko na sana ang wallet ko nang bigla na lang bumulagta ang holdaper at nang lumingon ako, nakita ko si Renren na may hawak na malaking bato.
"Renren?!" gulat na tanong ko. Sinundan niya na naman ako.
"Ligtas ka na, Bebe ko," sabi ni Renren sabay yakap sa akin.
"CUT!" sigaw ni Direk Mark Reyes. "Good take!" papuri niya.

Nagpalakpakan ang lahat ng nasa set. Nakahinga kami nang maluwag. Natapos ang taping noong araw na yun at tinanggalan na ng prosthetics si Arnie (na gumanap bilang Renren).

"Gwapo talaga ng boyfriend ko," isip ko. Nilapitan ako ni Arnie pagkatapos at pinunasan ang pawis ko.

Tuesday, May 4, 2010

My Happiness Left Me

Pagdamutan ninyo na itong munting akda ko.
Nagiging scattered brain na yata ako ngayon.



Hindi ako naniniwala sa fairy tales. Lalo na sa happy ending. Wala ang salitang happiness sa bokabularyo ko, o alinmang salitang may kasingkahulugan nito. Hindi ako naniniwala sa prince charming o lumilipad na superhero. Hindi ako naniniwalang sasagipin ka nila pag nangangailangan ka ng tulong, pag may bruhang madrastang nang-aapi sa iyo o di kaya naman ay bibigyan ka ng halik para magising ka mula sa mahabang panaginip.

Sa kabila noon ay may mga bagay din akong pinaniniwalaan. Naniniwala akong ang buhay ko ay isang kuwentong naumpisahan pero hindi natapos dahil tinamad na ang writer na magsulat. Na kagaya ako ni Psyche, hinahangaan pero hindi minamahal o kung mahalin man, may Aphrodite na kokontra sa love story. Naniniwala akong hindi na ako makakatagpo ng taong maglalagay sa talasalitaan ko ng salitang happiness. Nagkaganito lang naman ako nang mawala si Jayson... ang lalaking minahal ko.

Nakilala ko si Jayson sa isang website, naging chatmates kami. Hindi kami close noong una kasi mukhang suplado siya pero di kalaunan, nagkuhaan kami ng number at naging textmates kami. Madalas na kaming mag-usap, madalas magtawagan. Sa araw-araw na magkausap kami, dumating sa puntong sinabihan ko siya ng "I love you" at nagulat ako dahil ganoon din ang itinugon niya sa akin. Samakatuwid, inibig namin ni Jayson ang isa't isa.

Matapos ang dalawang buwan nagkita kami at yun ang unang beses na nagdampi ang aming mga labi. May ilang beses din kaming lumabas. Pinanghawakan ko ang sinabi niyang mahal niya ako at higit naman dun ang pagmamahal ko sa kanya. Ang saya-saya ko dahil nandiyan si Jayson... pero may isang problema, may girlfriend na siya.

Noon pa man alam ko na yun pero naging matigas ang ulo ko at minahal ko pa rin siya. Sabi sa akin ni Jayson habang tumatagal pabawas nang pabawas ang nararamdaman niya sa girlfriend niya dahil sa akin. Sabi niya mas mahal niya ako kaysa sa girlfriend niya, na mas masaya siya sa akin.

Nangako siyang kahit anong mangyari nandiyan siya para sa akin, na hindi niya ako iiwan. Masaya ako kasi mahal ako ni Jayson, pero ayokong makasira ng relasyon. Kaso anong magagawa ko? Gusto ko akin si Jayson kasi mahal ko siya. Masama bang maghangad ako paminsan-minsan?

Isang Biyernes may nag-text sa akin gamit ang number ni Jayson.

"Hi Anne! Gf ni Jayson ito, si Belle. Matagal na kitang kilala at alam ko kung anong meron sa inyo. Puwede bang wag ka nang mag-text kay Jayson? Nagkakasira kasi kami dahil sa iyo. Please lang," sabi sa message.

Nagulat ako sa sinabing iyon ng girlfriend ni Jayson, higit sa lahat nasaktan ako. Itinabi ko muna ang cell phone ko, at ilang oras makalipas tiningnan kong muli iyon. Ang daming messages at missed calls, lahat galing kay Jayson.

"Anne, sorry. Hiniram kasi ni Belle yung phone ko. Nalaman kong nag-text siya sa iyo kasi nakita ko sa sent items yung message," pagbasa ko sa isang message, at may ilan rin siyang paliwanag, may ilang mensaheng nagsasabing mahal niya ako. Ayoko nang sabihin kung ano yung iba pa, masakit lang.

Habang kinakalikot ko ang cell phone ko, bigla itong nag-ring at nasagot ko ang tawag. Inilagay ko sa kaliwang tainga ko ang cell phone.

"Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko?" tanong ni Jayson.
"Sorry, tulog kasi ako," pagsisinungaling ko.
"Nabasa mo ba yung mga text ko?" tanong ni Jayson. Oo ang isinagot ko. "Anne, sorry sa kung anumang sinabi ni Belle sa iyo," paumanhin niya.
"Ok lang, Jay. Ganito na lang, hindi na ako magte-text o tatawag sa iyo. Nasisira ko na kayo ni Belle," sabi ko.
"Anne naman..." may panghihinayang kay Jayson.
"Mas mabuting umiwas na tayo sa gulo," sabi ko at iniwanan ko siya ng salitang "BYE."

Alam kong kasalanan ko ang lahat kasi minahal ko siya kahit alam kong may girlfriend na siya. Ngayon, sa paglayo ko, ako rin yung nahihirapan. Walang araw na hindi pumapasok si Jayson sa isip ko. Gabi-gabi kapag mag-isa ako sa kuwarto at hawak ko ang cell phone ko, naaalala ko siya. Naaalala ko yung mga panahong magka-text kami buong magdamag, nagtatawagan, kinakantahan niya ako, tumatawa kami, nagsasabihan ng problema, nagsasabihan ng matatamis na salita. Nami-miss ko si Jayson... sobra. Kaso wala na siya. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil kailangan. Wala na rin yung kaunting pag-asa kong balang araw, gaya ng sa fairy tale, we will live happily ever after.

Sa totoo lang, sa nangyaring yun, hindi na ako naniniwala sa fairy tales. Lalo na sa happy ending. Hindi ako naniniwalang may tao pang maglalagay ng happiness sa bokabularyo ko, kasi ang happiness ko ay nakasulat sa ibang diksyunaryo... hawak-hawak ng ibang tao.
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly