Sabi nila lahat tayo ay pantay-pantay. Kaya naman pala may maganda, may pangit. May matalino, mayroong mahina ang ulo. May mayaman, may mahirap. May artista, may extra. Pantay-pantay nga! Ironic, hindi ba?
May lugar akong alam kung saan ko nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Gusto mong malaman kung saan? Sasabihin ko sa iyo kung saan. Sa bus.
Nagtataka ka ba? Napagtanto ko kasing dito ko nakikita ang pagkakapantay-pantay ng tao. Babae, lalaki, bata o matanda. Walang sinasanto... Dahil sa isang katotohanang extinct na ang gentlemen sa mundo. Nagtataka ka na naman? O basahin mo na muna kasi nang buo. Kung ayaw mo namang basahin kasi nang iniscroll mo e nahabaan ka, edi wag mo nang basahin kasi di naman kita pinipilit. At kung magcocomment ka namang “ang haba” nito e wag mo nang tangkain kasi sasabihan lang kita ng “Leche ka!”
Heto ang kuwento. Madalas sa bus ako sumasakay sa tuwing papasok sa eskwelahan. Madalang lang kasi ang FX pag... siguro mga alas otso na ako umalis ng bahay. Ang hindi pa maganda, dahil sa dami ng tao sa Pilipinas, pag sumasakay ako ng bus, kahit maaga pa e puno na. May mga pagkakataong nag-uumapaw na ang mga tao, siksikan! Sa magkabilang gilid, nariyan ang tatluhan at dalawahang upuan, at ang gitnang espasyong nagsisilbing daanan ng tao, ang kadalasang nagiging papel ay lugar ng mga taong nakatayo dahil puno na nga. Sa magkabilang gilid mo makikita ang sari-saring mukha ng tao. Babae, lalaki, bata at matanda. At sa gitna, doon mo rin makikita ang pare-parehong mukha. Babae, lalaki, bata at matanda. Pantay-pantay!
Ayos lang naman sa akin na tumayo sa bus. Ayos lang kahit na mabigat ang dala ko. Ayos lang kahit nagbayad ako ng pamasahe (estudyante po!). Ayos lang kahit sa bawat paghinto ng bus e napapahawak ako nang mahigpit para hindi matumba o masubsob sa katabi ko. (Buti ba sana kung gwapo.) Grabe! Ayos na ayos talaga! Hindi ka na rin naman kasi dapat umasa na may magpapaupo sa iyo kasi nga extinct na nga ang gentlemen ngayon.
Sa tuwing sasakay ako ng bus (at sa kasamaang palad ay nakatayo na ako) masasabi kong kahit siguro tumambling ako e hindi ako papansinin ng mga lalaking iyan. Madalas ko silang nakikitang natutulog, mga nakanganga at naglalaway pa, o di kaya naman ay nanonood ng TV. Ganda yata ng palabas. Wala silang paki kahit na nakatayo ka na sa gilid nila at kahit siguro sayawan mo pa sila nang nakahubad basta makaupo lang sila. Kasi nga pantay-pantay tayo. At huwag ninyong idadahilang nagbayad kayo ng pamasahe kasi nagbayad din ako! At kung itatanong ninyo naman kung bakit kayong mga lalaking pasaherong patay-malisya ang tinitira ko dahil hindi ninyo kasalanang may mga nakatayo at kasalanan naman ng mga konduktok at driver kung bakit KAMI nakatayo dahil nagpapasakay pa sila ng mga pasahero kahit puno na e wala kayong pakialam dahil artikulo ko ito at ang tinutukoy ko rito ay ang mga “gentlemen” at hindi ang konduktor o driver ng bus. Edi sana hindi ganyan yung title.
Maiba na tayo. Naalala ko nga noong may sumakay na magandang babae, ayun tumayo lang din siya. Taray di ba? Dinedma ang lola mo kahit na pretty. Mayroon namang matandang babae na sumakay. Aba e talagang kapwa babae pa ang nag-alok ng upuan.
ALE: Bababa ka na ba?
BABAE: Hindi pa po.
ALE: Umupo ka na lang muna.
BABAE: Ay hindi na po! Dito na lang po kayo.
ALE: Naku, salamat ha.
Bilib din naman ako kay ate. Siya pa talaga ang nagpaupo sa matanda. E yung mga lalaki. Ayun! Natutulog, nakanganga, naglalaway, nagbubulag-bulagan... Nakakaasar.
Nakakatawa nga e kasi isang pagkakataon, may tumayong lalaki at dahil doon ay nakaupo ako. Malaman laman ko, kaya naman pala siya tumayo kasi bababa na siya. Akala ko naman ay pauupuin niya ako kasi naaawa siya sa akin. Edi kung di pa pala siya bababa, di rin siya tatayo.
Nang mayroon namang matandang babaeng tumayo kasi bababa na siya, tinanong niya ako, “Ikaw hija, di ka pa ba uupo? Mukhang malayo ka pa.” Nginitian ko siya. Naasar naman ako dahil sa isang iglap lang, may umupong lalaki doon sa puwesto ng matanda. Ayos a!
Minsan e napag-usapan namin ng nanay ko yan, yung “gentlemen” sa bus. Sabi niya, ibang-iba na ang panahon ngayon. Noong araw raw kasi e inaalok talaga ng mga lalaki ang mga upuan nila sa mga babae at matatanda pero ngayon, wala na. Tila nakalimot na sa magandang kaugalian ang ating mga kalalakihan.
Bilang na bilang lang sa daliri ang mga tagpong naranasan kong pinaupo ako ng lalaki sa bus, at sobrang thankful ako doon dahil feeling ko e tumama ako sa lotto kahit hindi ako tumataya.
Gusto ko lang din sanang ibahagi ang isa pang naging karanasan ko. Noon kasing February 13, 2007, may nakatabi ako sa bus. Oo, nakaupo na ako. Swerte. Dahil malamig, inayos ko ang aircon at inilayo ito sa akin nang biglang-bigla e itong katabi ko ay nagmagandang loob at tumulong na ayusin ang aircon. Ang tigas kasi, hindi magalaw. Mukhang nanigas na dahil sa nakalap na alikabok. Nagulat nga ako dahil pag tingin ko sa mukha niya e naku! Fafalicious talaga. Ang gwapo!
KATABI: O ano, ok na ba? Hindi ka na nilalamig?
Umiling ako. Ibig sabihin e ok na ako, hindi na ako nilalamig. Tumingin na ako sa bintana. Ganda kasi ng tanawin, nagrereflect yung hitsura niya sa salamin. Wahaha! (Ayt ano raw?) Nang maningil na yung konduktor, sinabi ko kung saan ako bababa.
ANYD: Moonwalk, estudyante.
Maya-maya... Nagulat na lang ako kasi kinausap ako ng katabi ko.
KATABI: Sa Moonwalk ka bababa?
ANYD: Opo, bakit? Ikaw po, saan?
KATABI: Sa Casimiro.
Malapit na lang din iyon sa bababaan ko.
KATABI: (Nagpatuloy) Pero sa Moonwalk na lang ako bababa. May ka-date ka na ba bukas?
Ka-date?
ANYD: Ako? (Natawa) Wala.
KATABI: Puwede ba kitang yayain?
Kilig ang lola mo! Dahil wala rin naman akong ka-date at friendly naman ako (sa mga lalaki lang. haha! joke!) E pumayag na rin ako.
ANYD: Ha? A, o sige.
KATABI: Yes! Ayan, may ka-date na rin ako. Ano nga palang pangalan mo?
Sinabi ko ang pangalan ko
ANYD: E ikaw?
KATABI: Aaron Paul. Paul na lang.
Tiningnan ko ang ID niya. Taga Adamson University pala, Engineering. Bigatin!
ANYD: Anong year mo na?
PAUL: Fifth year. (Tiningnan niya yung ID ko) Educ ka pala.
ANYD: Oo.
Inayos ko yung buhok ko at napansin niya yun.
PAUL: Ang haba pala ng buhok mo! Alam mo, gusto ko sa babae yung mahaba ang buhok.
ANYD: A talaga? (Napangiti lang ako)
Nag-usap kami habang umaandar ang bus. Nang makababa na, kinuha niya yung number ko at hinatid ako hanggang sa amin. Akala ko nga e magkakalove life na ako. Wahaha! Asa pa! Gwapo kaya nun! Nag-date kami noong Valentine’s Day. Masaya ang araw ko dahil naranasan kong malibre sa Greenwich at token ng videoke sa Tom’s World, pero pagkatapos noon, hindi ko na siya tinext, hindi ko na kinausap kasi naturn-off ako. Alam ninyo ba kung bakit? Aba ang loko e! Yayain daw ba ako ng sex?
ANYD: Kung akala mo makukuha mo lahat ng babaeng gugustuhin mo, pwes ibahin mo ako!
Panalo ang linya kong pang FAMAS at MMFF. At ayun, nagalit siya sa akin kasi tumanggi ako sa gusto niya. Kala niya siguro purkit gwapo siya magagalaw niya na ang lahat ng babaeng gusto niya. Ahaha! Hahay! Gentlemen nga naman o... Extinct na talaga!