***
Hahalikan ko na si Jilliane nang may biglang kumalabit sa akin, "Kuya, palimos po." Nasira tuloy ang moment namin. Napadilat si Jilliane. Dumukot ako sa bulsa ko at ibinigay iyon sa batang lalaki. Tumakbo na ang bata palayo nang mabigyan ko siya ng limang piso. Para makaiwas sa kung anong puwedeng mangyari, nagsabi ako kay Jilliane na iuuwi ko na siya. Sumunod naman siya sa gusto ko. Inihatid ko siya hanggang gate ng bahay nila.
"Bukas ha," paalala niya.
"Anong oras ba?" tanong ko.
"Mga 12 p.m.," sagot niya.
Nagkaroon kami ng usapan kung saang lugar kami magkikita. Pumasok na si Jilliane sa bahay nila. Ako naman ay umuwi na rin dahil may trabaho pa ako kina Gerald.
Kinabukasan, maaga akong nagising kahit puyat sa pagbabantay ng shop. Ngayon pa lang din ako bibili ng regalo para kay Jilliane. Nagpasama ako kay Gerald para mamili.
"Ibang klaseng ka-date ito, last minute na bumibili!" hirit ni Gerald.
"Pre, wala kasi akong time kahapon. Hanggang gabi kasi kami magkasama," dahilan ko.
"Okay, okay! Sige na, bilisan na natin." Nagmadali kami ni Gerald na maghanap ng kung anong puwedeng bilhin para kay Jilliane.
Bumili ako ng isang bouquet ng red rose at Ferrero Rocher na chocolate para kay Jilliane. Bumili rin ako ng kwintas na may heart pendant. Settled na lahat. Dahil wala namang ka-date si Gerald, sinamahan niya na lang ako papunta sa tagpuan namin ni Jilliane.
Saktong alas-dose, walang bakas ni Jilliane sa tagpuan namin. Naghintay kami ni Gerald ng ilang pang minuto. Kalahating oras ang lumipas pero wala pa rin. Pinayungan na ako ni Gerald dahil matindi ang sikat ng araw. Pinagpapawisan na rin ako. Nawala na tuloy yung poise ko.
"Indian pana kakana-kana. Indian pana kakana-kana," pang-asar na pagkanta ni Gerald.
"Tumigil ka nga! Sisipot yun!" inis kong pagkakasabi.
Alas dos na ng hapon. Wala pa rin si Jilliane sa tagpuan.
"Pre, hindi na yata dadating yun," palagay ni Gerald. "Two hours na tayong naghihintay rito. Buti na lang pala sinamahan kita. Siguro kung mag-isa ka lang, kanina ka pa nagmukhang tanga."
Iyan na rin ang naisip ko, na baka hindi na siya pumunta. Baka nagkaproblema na naman siya kay Prince. Nawalan na rin ako ng pag-asa. "Uwi na tayo, pre," yakag ko kay Gerald. Umuwi na lang nga kami.
Kahit na wala akong mabigat na ginawa, pakiramdam ko e pagod na pagod ako. Pagod ang kalooban ko, pagod ang isip ko. Hinubad ko ang pang-itaas na suot ko at sando na lang ang itinira. Binuksan ko ang electric fan. Inilapag ko sa isang tabi ang mga regalo para kay Jilliane at humiga ako sa kama. Pagkatapos nun, nakatulog na ako.
Gabi na nang magising ako. Tiningnan ko ang oras sa cell phone ko, alas otso na. May nagsalita, "Tulog mantika a." Muntik na akong mahulog sa kinahihigaan nang makita kung sino ang nagsalita.
"Jilliane!" gulat na gulat ako. Nakaupo siya sa monoblock chair. Maganda ang bihis niya. Umalis siya sa kinauupuan at sinamahan ako sa higaan.
"Sorry," paumanhin niya. "Katakut-takot na persuasion ang ginawa ko kay Prince. Kinulong niya ako sa kuwarto buti na lang at pinalabas din niya ako. Settled na ang lahat sa amin, break na kami," sabi niya.
"Break na?" tanong ko, hindi makapaniwala.
"I told him to be happy with Megan instead, and finally he decided to let go of me."
"Yun lang yun?" parang nabitin ako sa kuwento niya, pero masaya na rin akong marinig na wala na nga sila ni Prince. At least wala nang mananakit sa kanya. "Paano ka nga pala nakapunta rito?" laking pagtataka ko.
"Nagpasa ka sa akin ng resumé, 'di ba?" pagpapaalala niya. Oo nga pala, lahat ng info tungkol sa akin nakalagay roon. "Pinapasok naman ako ng mama mo rito e. Ano, tuloy na ba tayo?" tanong niya.
Ngumiti ako. "Sige, magbibihis lang ako para naman magmukha akong tao."
Natuloy rin ang date namin ni Jilliane. Hindi na kami nag-dinner sa labas, dito na lang sa bahay. Pinagtiyagaan na lang namin yung lutong bahay ni mama. Ibinigay ko kay Jilliane yung bouquet na binili ko na medyo nalanta na. Pinagsaluhan namin ang chocolate at pagkatapos, lumabas kami ng bahay. Isinuot ko sa kanya ang kwintas habang binabati siya ng, "Happy Valentine's Day!"
Napangiti si Jilliane nang hawakan niya ang pendant. "Thanks, Marc, for making my everyday so special," pagpapasalamat niya.
Niyakap ako ni Jilliane, at ganoon din ang ginawa ko sa kanya. Noong gabing yun, inamin ko sa kanyang espesyal ang nararamdaman ko para sa kanya. Unexpected, pero ganoon talaga. Hindi naman ako naghahangad na mahalin din niya ako. Alam kong hindi maganda ang mga pinagdaanan niya. Ang gusto ko lang ay mahalin siya. Gusto kong hayaan niya lang akong mahalin siya...
Natapos ang araw ng Valentine's. Naging maayos naman ang lahat sa amin ni Jilliane. Isang beses na magkasama kami, may binulong siya sa akin.
"I love you," sabi niya. Pumalakpak ang tainga ko doon.
"I love you, too," tugon ko. "So ano, tayo na?" pagbibiro ko. Tumawa si Jilliane. "Tinatawanan mo na naman ako," pagtatampo ko.
"Hayaan mo munang gumaling ang mga sugat ng nakaraan. Ok naman tayo kahit ganito pa lang tayo, 'di ba?" sabi ni Jilliane.
"Oo. Masaya rin naman ako kahit ganito pa lang tayo," tugon ko. "Hihintayin kita," pangako ko.
Lumipas ang isang taon. Suot ang maayos na damit, naglalakad ako sa daan dala ang bouquet ng bulaklak, chocolate na Ferrero Rocher at isang blue plastic folder. Narating ko ang bahay nina Jilliane. Hinihintay niya pala ako sa labas. Nakita ko ang masaya niyang mukha, maganda, walang bakas ng sugat o pasa. Nakatakas na siya sa pangit niyang karanasan.
Nilapitan ko si Jilliane. Ibinigay ko sa kanya ang bulaklak, ang chocolate at ang blue folder.
"Resumé na naman?" natatawang tanong niya nang mapasakamay ang blue folder.
Nagbaka-sakali ako, "Puwede bang mag-apply na boyfriend mo?"
Binuklat niya ang resumé ko. "Hindi ko na pala kailangang i-display yun?" sabay nguso sa karatolang nakasabit sa gate na may nakalagay,
Happy Valentine's Day!
Wanted: Boyfriend
"You are hired!" deklara niya. Corny man tingnan ay naglululundag ako sa tuwa. Hinalikan niya pa ako sa labi. May bonus!
Sa pagkakataong ito, may napansin ako. Tama na ang spell ng "Happy Valentine's Day!" sa karatolang ginawa niya.
napapangiti ako sa ending ate... ang ganda talaga! thanks for sharing po ^^
ReplyDeletewag magsawang maging in love. hehehe. kahit madalas bigo
ReplyDelete