No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, February 15, 2010

Hapi Balentayms Dei (5)



Hapi Balentayms Dei (1)
Hapi Balentayms Dei (2)
Hapi Balentayms Dei (3)
Hapi Balentayms Dei (4)


***

"Ehemm," sinadyang pag-ubo ni Gerald. Nakatingin ako sa kanya. Sasagutin ko ba ang tawag? Aasarin na naman ako nito e!

Napansin siguro niyang iba ang tingin ko kaya nahiya na rin sa akin, "Sige na, sige na. Sagutin mo na. Alam ko namang si Jilliane iyan."

Lumabas ako sa computer shop. Medyo maingay kasi gawa ng mga lalaking murahan nang murahan habang naglalaro ng DOTA.

"Hello?" sabi ko nang sagutin ko ang tawag.
"Busy ka?" tanong niya pagkasagot ko.
"Hindi naman gaano, bakit?"
"Ang tagal mo kasing sagutin yung call." Humingi ako ng paumanhin. "Nasaan ka?" tanong niya.
"Nandito pa rin, kausap ka," masigla kong pagkakasabi.
"Hehe! Three days na lang pala," paalala niya.
"Anong meron, birthday mo?" biro ko.
"Weh!" pambabara niya.
"Biro lang," sabi ko.

Tinanong niya ako, "Saan mo nga pala gustong kumain sa Valentine's? Aristocrat ba o..." pinutol ko ang sinasabi niya.

"Wait! 'Di ba ako ang dapat na magtanong niyan?" tanong ko sa kanya.
"Bakit? Ililibre mo ako? Ako ang naghahanap ng ka-date, 'di ba? Hindi naman ikaw."
"Oo nga, pero 'di ba, ako ang lalaki. Ako ang dapat manlibre," paliwanag ko.
"Hindi ba puwedeng manlibre ang babae ngayon?" Ay ang kulit talaga ni Jilliane.
"Ako na," sabi ko.
"Ayan ka na naman e! Inilibre mo na nga ako sa cafeteria, tapos ikaw pa rin."
"A basta, ako na," paninindigan ko.

Ipinasya ni Jilliane na itigil na muna namin ang pag-uusap nang sabihin niyang, "Marc, sandali lang ha, may kumakatok e! Tawag ako mamaya." Agad niyang ibinaba ang tawag. Bumalik na ako sa loob ng computer shop at nakinig sa murahan ng mga naglalaro ng DOTA.

Hinintay ko ang tawag ni Jilliane. Hinintay ko ang tawag niya hanggang sa pagsara ng shop. Hanggang madaling araw hinihintay ko ang tawag niya. Hanggang sa makatulog ako. Nang magising ako, wala pa rin, kahit na isang missed call.

Mabagal ang lakad ko nang pumasok ako. Maaga pa rin naman kasi, hindi pa ako late sa klase ni Sir Macaraeg. Malayong-malayo pa ang oras. Habang dumadaan ako sa pasilyo, tinitingnan ko ang mga palamuting nakasabit. Sa malayo, may nakita akong babaeng nakasandal sa pader pero sa pagkakataong ito, hindi siya nakasalampak. Nakatayo siya, nakayuko, tahimik, hindi gumagalaw. Nakalugay ang buhok niya at nakatabon na naman sa mukha niya. Naglakad ako papunta sa kanya at nilapitan siya. Hinawi ko ang buhok niya pero mas mabilis pa ang naging paghawi niya sa kamay ko.

"Huwag. Huwag mo na akong tingnan," sabi niya. Umiwas siya.
"Ano na namang problema?" tanong ko. Nakayuko lang siya, ayaw ipakita ang mukha at nagsimula na siyang humikbi. Napabuntong-hininga ako, "Jilliane, tumingin ka nga sa akin."

Umiling siya, "Ayaw."

Naging mahinahon ako, "Tingin na." Umiling siya. "Sige na, dali na." Inangat ko ang mukha niya. Sinasabi ko na nga ba! Pinagbuhatan na naman siya ng kamay ni Prince. May sugat siya sa labi at mayroong mga kalmot sa mukha.

Nagsumbong si Jilliane sa akin, "Sabi niya sisirain niya na lang daw yung mukha ko para 'di na matuloy yung date natin, para raw ma-turn-off ka. Sorry kagabi 'di na ako nakatawag. Binasag niya kasi yung cell phone ko. Natatandaan mo pa yung sinabi kong may kumakatok? Siya yun."

"E bakit wala man lang ginagawa yung parents mo?!" laking pagtataka ko.
"Ang totoo niyan, may malaking utang ang pamilya ko sa pamilya ni Prince. Ako ang ginawang pambayad." Nadismaya ako sa narinig ko. Nagpatuloy siya, "Noong umpisa nagalit ako pero wala na akong nagawa kundi ang sumunod. Sinubukan kong mahalin si Prince. Sinubukan kong maging masaya. Sa loob ng tatlong taon, inisip kong masaya ako sa kanya. Iniisip ko lang naman ang lahat ng iyon, pinipilit na maging masaya dahil inaalala ko ang pagkakautang ng mga magulang ko."
"Bakit ganoon? Bakit hinayaan mong maging kasangkapan ka nila?" tanong ko.
"Inuunti na naman nila ang pagbabayad. Nilubos ko lang ang pagkakataon dahil alam kong gustong-gusto ako ni Prince. Naging masunurin naman ako sa kanya pero dumating sa puntong umabuso siya. Hindi ako gaya ng ibang babae. May pangako ako sa sarili kong ibibigay ko LANG ang sarili ko sa lalaking pakakasalan ko. Iyon ang hindi niya maintindihan."

Kinuha ko ang kamay ni Jilliane. Gusto ko siyang dalhin sa clinic para magamot ang mga sugat niya. Sinabi niyang huwag na.

"Gusto kong pumunta tayo sa isang tahimik na lugar. Yung lugar kung saan walang makikialam sa mga kilos ko. Gusto ko tayong dalawa lang." Pinagbigyan ko ang hiling ni Jilliane.

Dinala ko siya sa Luneta. Siguro iisipin ng iba na baduy ako pero ito lang kasi yung lugar na alam ko kung saan makararamdam kang malaya ka. Isinakripisyo ko ang buong araw ko para samahan si Jilliane. Sinapinan namin ang damuhan at umupo kami. Mainit ang sikat ng araw, pero mahangin. Paalis-alis kami sa lugar para kumain tapos ay babalik uli. Nang sumapit ang gabi, mas dumami ang mga taong nagka-kanya-kanyang latag ng sapin. Ang ganda rin ng pinatutugtog na musika.

Tahimik lang si Jilliane na nagmamasid. "Nakakainggit sila," sabi niya nang may mapadaan sa puwesto naming magkahawak ang mga kamay.

"Bakit ka maiinggit diyan e kasama mo naman ako. Gusto mo maglakad din tayong naka-holding hands," pagbibiro ko pero mukhang sineryoso niya ang sinabi ko.
"Sige nga," sabi niya. Tumawa ako. Inabot niya ang kamay niya, "O ito, hawakan mo."
"Sigurado ka?" tanong ko. Tumango siya tapos ay nagtanong,
"Bakit, hindi mo ba kayang gawin?"

Kinakabahan ako. Sa totoo lang kasi never pa akong nagka-girlfriend o nakipag-holding hands sa kahit na sinong babae. 'Di naman sa torpe ako. Siguro kasi hindi pa talaga ako naiin-love. Nakatingin lang ako sa kamay niya.

"Hindi mo kaya?" tanong ni Jilliane.
"Hindi ko ba kaya?" tanong ko sa kanya. Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay niya. Alam ko, ngayon ko lang mahahawakan ito. Umusog si Jilliane at dumikit sa akin. Sunod, isinandal niya ang ulo niya sa balikat ko.
"Marc," pagtawag niya sa akin. "Pangit na ba ako?" Natawa ako sa tanong niya. "Tinatawanan mo ako a," pagtatampo niya.
"Maganda ka naman e! Pero mas maganda ka kung wala yang mga pasa at sugat mo," sabi ko.
"Happy Valentine's Day..." malungkot niyang pagbati.
"Happy raw pero bakit ang sad mo?" tanong ko sa kanya.
"It's because nobody loves me," sagot niya.
"I am nobody," sabi ko sa kanya. Umalis siya sa pagkakahiga sa balikat ko at tiningnan ang mukha ko. Na-conscious naman ako sa ginagawa niya kaya tinanong ko siya, "Bakit mo ako tinitingnan ng ganyan?"
"May I kiss you?" mahina niyang pagkakasabi.
"Ha? Kiss?" gulat na tanong ko.

Tumango siya, "Hmm-mmm." Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Tumingin ako paligid. Busy naman ang lahat at mukhang wala man lang silang pakialam. "Kahit isa lang," hiling niya.

"Sige, pikit ka muna," sabi ko. Pumikit si Jilliane. Nilapit ko na ang mukha ko. Hahalikan ko na siya nang may biglang kumalabit sa akin.

***


Hapi Balentayms Dei (6)

2 comments:

  1. ahhhh... nabitin ako dun! naman! hahaha...
    ang ganda talaga ate... the best >o< thanks thanks

    ReplyDelete
  2. thanks din sa iyo nadine sa pagsubaybay. ^^

    ReplyDelete

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly