No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Wednesday, February 10, 2010

Hapi Balentayms Dei (3)





Hapi Balentayms Dei (1)
Hapi Balentayms Dei (2)


***

Ginising ako kinaumagahan ng tunog ng cell phone ko, may tumatawag.

"Hello?" sagot ko sa taong nasa kabilang linya.
"Hi Marc! Jilliane ito!" Si Jilliane pala. Bumangon ako sa pagkakahiga at inayos bahagya ang sarili ko.
"Jilliane, anong himala at napatawag ka?" tanong ko.

Nag-isip siya sandali, "Hmm. 'Di ba sabi ko tatawagan kita pag natanggap ka na?"

Napangiti ako, "Tanggap na ba ako?"

"Tanggap na," sabi niya. 'Di ko maintindihan kung bakit biglang lumundag ang puso ko. "Tanggap na pero..." lumungkot bigla ang tinig niya.
"Pero ano?" tanong ko naman sa kanya.
"Are you ready to take the risks?"

Tumahimik sandali. Anong risks ba ang tinutukoy niya? Bubugbugin ba ako ni Amboy? E tinakbuhan nga lang ako nun e!

"Yung bagyong Ondoy nga sinuong ko yung hanggang leeg na baha, 'yan pa kayang si Prince e isang suntok ko nga lang kahapon tumakbo na e!" pagmamayabang ko.
"Hehe... Sige, sa 14 ha! Malapit na yun. Thanks," ibinaba na ni Jilliane ang tawag.

Apat na araw na lang pala Valentine's Day na! Teka, may nakalimutan pala ako. Kinuha ko sa bulsa ng pantalon ko ang wallet ko. Binuksan ko iyon at nakita ang kakarampot kong pera. Shit! Sabi ko na nga ba e! Short na ako sa pera. Lagi kasi kaming tinatadtad ni Sir Macaraeg ng kaka-project nang kaka-project na wala namang katuturan.

Nakiusap ako sa barkada kong si Gerald na pa-extrahin naman niya ako sa computer shop nila, for three days lang naman.

"Porma ka nang porma, poor ka naman!" pang-aalaska ni Gerald.
"Uy, hindi ko pinopormahan si Jilliane. Gusto ko lang siyang ilayo sa boyfriend niyang manyak," paliwanag ko.
"Pre, hindi mo alam ang gulong kinasasangkutan mo," sabi ni Gerald.
"Alam ko, kaya nga ako pumasok sa ganitong sitwasyon. Nakakatamad kasi kung puro si Sir Macaraeg ang kalaban ko," sabi ko sabay tawa.

Matapos ang ilang pakiusapan, pumayag si Gerald na pa-extrahin ako sa computer shop para man lang may pera ako pang-date namin ni Jilliane. Arawan ang sweldo ko. Malaki naman magbigay ang mokong kaya solb na solb ako.

Nang matapos ko ang trabaho ko at nang makuha ko ang sweldo ko noong araw ring iyon, nagpasama ako kay Gerald kasi gusto kong bigyan si Jilliane ng regalo. Pre-Valentine's gift ba. Todo naman ang pang-iinis sa akin ni Gerald.

"Alam mo, ikaw pre, 'di kita maintindihan. Sabi mo 'di mo pinopormahan si Jilliane e bakit bibigyan mo siya ng regalo?"
"Bakit ba? E pag binigyan ba kita ng regalo, pinopormahan na ba kita nun?" tanong ko.
"Tado!" Minura pa ako ng mokong.

Nang magpasukan, nagkita kami ni Jilliane sa cafeteria. Nauna akong dumating sa kanya. Nasa bulsa ko ang regalong ibibigay ko. Pagkadating pa lang niya, niyaya niya na akong lumabas. Gusto ko pa naman sanang kumain kami nang sabay. Sinabi niyang pumunta kami sa puno kung saan ko siya pinatahan.

"Hulaan ko, si Prince na naman ano?" sabi ko. Hindi siya sumagot, pero sa paghagulgol na ginawa niya, alam kong may problema na naman siya.

Hindi ko alam kung paano ko siya ico-comfort. Kung yayakapin ko siya, parang nakakahiya at ang bastos ko naman nun. Hinagod ko na lang uli yung likod niya. "Jilliane, tama na."

"Ang unfair niya, Marc. Ang unfair niya," sabi niyang humahagulgol.
"Bakit? Anong ginawa niya?" nag-aalalang tanong ko.
"Sa totoo lang, mula nang matanggap ko itong mga pasa ko, hindi na ako umuwi ng bahay. Nakikitulog ako kina Vina," pagtatapat niya. Kaya pala roon siya nagpahatid. "Umuwi ako kagabi kasi tinawagan ako ng parents ko. Nung umuwi ako sa bahay, nakita nila ang mga pasa ko. Nahihiya akong magsabing kagagawan ito ni Prince pero sinabi ko na rin sa kanilang ganoon nga, na sinasaktan niya ako."
"Tapos anong nangyari?" pag-usisa ko.
"Alam mo ba, sinermonan nila ako. Kinausap daw pala sila ni Prince. Ang sabi'y kung kani-kaninong lalaki raw ako sumasama kaya niya ako sinaktan," sumbong ni Jilliane sa akin.

Naasar na naman ako sa narinig ko. "Ha? Kita mo yang boyfriend mo, sira-ulo talaga yan!"

Nagpatuloy si Jilliane, "Hindi ko ma-defend ang sarili ko. Lahat sila ang tingin kay Prince mabuting tao."

Nanggigigil ako sa galit. "Gusto talagang makatikim na naman ng suntok ng Prince na iyan e!"

Nagbuntong-hininga si Jilliane, "I thought he is a dream come true, but sad to say that Prince is not really a prince."

Ayoko siyang makitang ganito. Dinukot ko sa bulsa ko at ipinakita sa kanya ang regalo ko para naman maiba ang mood niya. 'Di ko na binalot ang regalo.

"'Wag mo na siyang isipin. Ito na lang ang tingnan mo," sabi ko. Nang makita ni Jilliane ang regalo ko, napangiti siya. Simpleng rabbit na cell phone chain lang naman ang ibinigay ko pero mukhang sapat na iyon para pangitiin siya.
"Alam mo talaga kung ano ang paborito ko," sabi niya.
"Syempre! 'Di ba nung high school tayo puro Robby Rabbit ang mga gamit mo? Mula bag, notebook, lapis, ball pen, pambura. Kulang na lang pati mukha mo maging rabbit na."

Mariin siyang nakatingin sa ibinigay ko. "Marc," pagtawag niya. "Puwede bang ikaw na lang ang maging prince ko?"

Lumundag bigla ang puso ko. "Ano?" tanong ko kay Jilliane.

"Gusto ko yung totoong prince," sabi niya.
"Malabo yatang mangyari yan," sabi ko. "Gwapo ang mga prinsipe, fresh lang ako. Wala akong espada, korona at kapa. Wala rin akong kabayong puwedeng sakyan. Lampa ako at madalas late. Nakakasuntok lang ako pag gumagana ang adrenaline rush ko at nagkataon lang talagang duwag ang boyfriend mo kaya hindi niya ako pinatulan."

Nakatingin lang si Jilliane sa akin pero napapangiti siya.

Nahiya naman ako bigla sa kanya at dinagdagan ko ang sinabi ko, "Pero kung may training ang pagiging prinsipe, willing naman akong umattend, Jilliane. Hehehe! Kahit gaano pa kahirap ang training. Kahit sabihin pang 'wag akong ma-late at pumasok nang maaga."

Lumapit si Jilliane sa akin at hinalikan ako sa pisngi. Natulala ako nang ilang segundo. Matapos, hinila niya ako at sinabing, "Tara, Marc. Kain tayo. Nagutom ako sa mga sinabi mo."

1 comment:

  1. whaaaa... love ko na talaga to... ang ganda talaga :D thanks ng marami ate ^^

    ReplyDelete

Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly