Dear Juan,
Sampung taon na akong nagtatrabaho bilang construction worker sa Saudi. Sapat naman ang kinikita ko para sa pamilya ko. Isa lang naman ang anak namin ni Jane pero ipinilit ko pa ring magtatrabaho ako sa abroad para mabigyan ko sila ng mas magandang kinabukasan. Maayos naman ang naging buhay ng mag-ina ko. Di rin namin nalilimutang magbigay ng kaunti sa mga kamag-anak para walang masabi. Baka kasi sabihing mapagmataas na ako, e ano ba naman kasi ang aasahan nila sa isang construction worker?
Siya nga pala, Juan, madalas ikinukuwento ni Jane na masipag mag-aral ang anak namin. Madalas kaming magsulatan ni Jane tutal e pen pals naman kami noon pa man. Sa katunayan nga, Juan, ay magtatapos na sa kolehiyo ang anak namin ngayong taon. Susubukan kong umuwi para sa espesyal na araw na iyon. Ang tagal ko na silang hindi nakikita e! Nababawasan naman ang lungkot ko kasi nagpapadala ng picture si Jane. Wala nga siyang ipinagbago. Ganoon siguro talaga kapag hindi nakukunsumi. Mabait na bata raw kasi ang anak naming si May. Gusto ko ring makita si May kaso sabi ni Jane ayaw niyang magpakuha ng picture kasi hindi siya confident sa hitsura niya. Nagtaka naman ako kung bakit ganoon si May. Mukha naman siyang maganda.
Arnel
February 20, 2010
Dear Juan,
Nakatanggap ako ng sulat galing kay May. Kinukumusta niya ako. Maganda, malinis at maayos ang sulat-kamay ni May. Marunong siyang magsulat ng dikit-dikit o yung... cursive ba yun? Hindi ako marunong magsulat ng dikit-dikit. Madalas kasi akong absent noong grade five kaya hindi ako natuto pero kaya ko namang umintindi ng ganun.
Eto pa ang maganda diyan, Juan, nagpadala ng picture si May! Graduation picture! Ang ganda ganda pala niya. Makinis ang mukha ng anak ko, ni walang bakas ng pimples at maputi siya. Mapula ang pisngi niya rito sa picture. Meron siyang mapupulang labi pero lipstick yata ito. Mapungay ang kanyang mga mata at maputi ang pantay-pantay na ngipin. Maganda rin ang ayos ng buhok niya. Ang ganda niyang tingnan sa toga niya. Ito na pala siya ngayon. Sabi ni Jane kamukha ko siya pero parang hindi naman.
Malapit na pala akong umuwi sa amin. Pinayagan ako ng contractor. Excited na ako!
Arnel
March 5, 2010
Dear Juan,
Kauuwi ko lang kanina. Dalawang linggo na lang pala e graduation na ni May. Masaya ako para sa kanya. Masaya rin ako dahil matapos ang sampung taon e nayakap ko na ang mag-ina ko.
Ang dami ngang handa nang dumating ako kanina. Dagsa ang kamag-anak na nanghihingi ng pasalubong pero wala naman akong naibigay. Puro damit ko lang kasi ang dinala ko. Sinundo ako ni Jane sa airport. Sinalubong naman ako ni May sa pintuan. Sa totoo lang hindi ko siya nakilala. Ibang-iba kasi ang hitsura niya sa malapitan kaysa sa picture. Tiningnan ko pa nang paulit-ulit ang picture na nilagay ko sa pitakang kakaunti lang ang laman. Sabi ko sa sarili ko na parang hindi si May ito. Tama nga siguro si Jane sa sinabi niyang kamukha ako ni May.
Naglakas-loob akong tanungin si May kung bakit iba ang mukha niya sa picture. Nahiyang sumagot si May pero ipinaliwanag niyang kagagawan iyon ng studio. Nasobrahan sa paggamit ng photoshop kaya nawala na ang natural niyang hitsura. Hindi ko maintindihan kung ano ang photoshop. Sabi ni May inaayos nito ang lahat sa mukha, napagaganda ang hindi maganda pero sa picture lang. Pwedeng tanggalin ang di kanais-nais sa mukha o katawan. Hindi nagustuhan ni May ang picture pero pinilit ni Jane na isama niya yun sa sulat kasi magandang tingnan si May doon.
Naging interesado ako sa photoshop. Ibinigay ko kay May ang picture ko. Nagtaka siya. Sinabi kong gusto ko ring maging gwapo kahit sa picture lang. Kahit man lang sana maging kamukha ako ni Enchong Dee na nakita ko sa poster sa kwarto ni Jane e solb na ako.
P.S.
After 10 years, makakapag labing-labing na kami ni Jane. Mas exciting pa yata ito kaysa sa graduation ni May! :p
Arnel
hahaha ayos a.
ReplyDeletenatawa ako sobra.
adavance ang date?
advanced nga po ^^
ReplyDelete