Pangarap kong magkaroon ng kotse pero dahil wala pa akong nararating sa buhay, mula nang magkaisip ako ay jeep na ang nakalakhan kong sakyan. Ewan ko lang kung makakarelate yung mga may sariling sasakyan na sumusubo ng gintong kutsara.
1. The Treasurer. Syota, asawa, anak, kumpare o kamag-anak ng driver. Sila yung mga taga-kuha ng bayad at taga-bigay ng sukli. Pag beginner, madalas at lost sila at tinatanong ang driver kung magkano ang bayad kung bababa sa particular place.
2. The Cashier. Sila yung mga sinuklian ng sangkatutak na barya at mamaya-maya ay iistorbohin ng driver para magpapalit.
3. The Shoppers. Sila yung mga akala mo nabili ang SM, Makro, Shopwise, Rustan's, Uniwide, Masagana o Puregold. Marami silang pinamiling groceries. Kadalasan umuupo sila dun sa dulo, malapit sa driver at tinatambak nila ang plastic bags, kahon o pinamiling linoleum. Kung sa harap man sila sasakay, dodoblehin nila ang pamasahe para sakop na nila ang upuan.
4. The PDA-ers. Mag-syotang ginawang extension ng parke o "bahay na walang kusina" ang jeep. Sobra ang kanilang ka-sweetan at kung saan-saan nakahawak. Pag natutulog naman, pwedeng sa balikat humiga o kaya e sa lap in case na maluwag-luwag na. Minsan panakaw ang halik sa partner, shy ba. Minsan din ay pabulong ang kanilang LQ.
5. The Students. Mga pasaherong discounted ang pamasahe at madalas makalimutang balik sa minimum fare pag Sabado. Madalas masigawan ng driver na, "Kulang ng piso!" o di kaya naman e "Kanino tong sais?! #**#&!" Madalas ding deadmatology kapag ganoon na ang linya ng driver.
6. The Seniors. Discounted from Sunday-Saturday. Sila yung tipong mabagal sumakay ng jeep at dahan-dahan sa pagbaba.
7. The Chikadoras. Magkaibigang mula pagsakay at pagbaba ay panay ang kwentuhan. Malaman-laman mo, magkapit-bahay lang pala.
8. The Heart-to-Heart Talkers. Mag-ama o mag-ina na panay ang kwentuhan sa jeep na akala mo e hindi nakatira sa iisang bahay.
9. The Nerds. Mga estudyanteng nagbabasa at nagrereview sa jeep, lalo na pag exam week. Ewan lang kung pumapasa talaga. Basta ako, alam ko pumapasa ako! Lol!
10. The Compadres/Comadres. Magkakilala, magkumpare o magkumadre na pag nagkasabay sa jeep ay maglilibrehan ng pamasahe. Kunwari pang nahihiya ang isa pag siya ang nalibre at kunwari pang bukal sa loob ng isa ang panlilibre.
11. The Mother Superior. Kadalasan ay nanay, o minsan kasama ang tiyahin o lola, na pag sumakay ng jeep ay may kasamang MARAMING BATA. Marami silang sasakay tapos isa o dalawa lang ang babayaran.
12. The Kalongs. Kadalasan ay magkapatid na nasa elementary grade. Kapag dalawa silang sumakay, isa lang ang ibabayad. Kakalungin ng nakatatanda ang nakababatang kapatid pag dumami na ang pasahero at ibababa iyon kapag lumuwag na ang jeep.
13. The Saleslady. From the word itself, saleslady, sila yung makikita mong may outfit na stockings at slippers. Madalas makapal ang make-up. Kailangan isang kilo ng blush-on sa isang pisngi at isang kilo rin sa kabila.
14. The Manager. Formal attire ang suot, kaiga-igaya tingnan. Mabango sila at malinis pero sumasakay ng jeep kasi coding.
15. The Kuyakoy-ers. Karamihan ay mga lalaki. Sila yung pinakakinaiinisan ko. Madalas sila ang may kagagawan ng pagyugyog ng jeep kahit hindi pa nag-i-start ang engine, kasi hindi nila mapigilan ang paa nila. Kadalasan isang paa lang ang sandata. May pagkakataong dalawa at pag nanguyakoy ay bukas-sara. Mayroon ding mga naka-headset, sarap ng patugtog ng MP3/MP4 at pagkanta na sinasabayan ng pangunguyakoy. FYI, unconscious masturbation ang pangunguyakoy.
16. The NBs. Short for NO BOYFRIEND. Sila yung mga babaeng marami laging dala, karamihan ay estudyante, na nakakaawa tingnan kasi ang bigat ng dala nila tapos wala man lang katulong magbitbit kasi (1) LDR at (2) wala talagang boyfriend. EHEMM!
17. The Call/Text Center Agent. Mga pasaherong pagsakay pa lang hanggang sa pagbaba ay may kausap na sa phone. Kadalasang bumubulong, may iba namang malakas ang boses. Pag may katext naman, madalas mong makikitang nakangiti. Madalas ding nakatingin yung katabi niya sa kung anumang tinetext niya.
18. The Techies. Sasakay sa jeep, uupo, may kukunin sa bag, maglalabas ng PSP at maglalaro. Pag action ang genre ng nilalaro, pwedeng gumagalaw ang katawan niya o di kaya naman ay nagmumura pag na GAME OVER.
19. The Duet. Madalas sumasabay sa pagkanta pag alam niya ang kantang pinatutugtog sa radyo. Madalas ding may action pag "Nobody" ng Wonder Girls ang tugtog.
20. The Exempted. Sila yung mga nagbabayad at madalas ibalik ang bayad kasi kakilala sila ng driver. In the end, makikita mo silang nakangiti kasi nalibre sila.
21. The School Service. Mga estudyanteng magkakaklase na magkakasabay at sa sobrang dami ng sumakay ay puno na ang jeep. Dalawa lang ang posibleng destinasyon nila, (1) Bahay, dahil uwian na at (2) SM, gagala pa! Nakararamdam ang driver ng pagkalugi at nagsisisi na sana hindi na siya nagsakay ng estudyante.
22. The Mourning Girl. Ang eksena naman ay umiiyak dahil (1) May problema sa bahay at buhay at (2) May LQ o nag-break ng bf. After the crying moment e titingin sa labas ng bintana na nakatakip ang bibig ng panyo.
23. The Coolman. Mga lalaking magsisimula na lang ng conversation sa katabi, lalo na pag magandang babae. Makikipagkilala, makikipag-shake hands, magtatanong tungkol sa love life mo, madidismaya pag may bf ka na tapos magkukuwento siya ng kung anu-ano tungkol naman sa ex niya. Di rin niya malilimutang kunin ang cell phone number mo. Kakaibang diskarte!
24. The Sweet Dreamer. Mga taong natutulog sa jeep. Madalas ay bumabagsak ang ulo sa balikat ng katabi (na tulog din). Magugulat kapag sobra na ang pagkakahiga niya. May times din na nakakapit siya sa hawakan ng jeep at pag napabitaw ay biglang magigising, magkakamot ng ulo at matutulog uli.
25. The Soft Spoken. Mga taong kung mag-"para" e pabulong lang tapos ay magagalit pag lumagpas. Kasalanan ba ng driver kung hindi sila marinig?
26. The Knockers. Mga taong kung mag-"para" e kumakatok sa bubungan ng jeep o di kaya naman e gumagawa ng tunog na animo'y nanghahalik.
27. The OPs. Mga taong kulang ang sukli at pag sinabi sa driver e bingi-bingihan si manong. Pag deadma rin ang mga pasahero, hahayaan na lang niyang hindi siya mabigyan ng sukli.
28. The At Losts. Mga taong bago lang sa lugar at tinatanong sa driver kung magkano ang bayad sa particular place. Madalas ding nagpapababa sa lugar na binanggit niya.
29. The Eaters. Mga taong kumakain sa jeep. Madalas silang pinagtitinginan lalo na kung ang kinakain nila ay Choco Twist ng Mister Donut o Siopao Asado ng Goldilocks with matching drinks. Ay, ako yata yun. Lol!
30. The Sabits. Pinakakinatatakutan ni anyD. Sila yung mga nakasabit sa jeep. Pwedeng (1) Malapit lang ang bababaan, (2) Nagtitipid sa pamasahe, (3) Kakilala ng driver o kapwa driver, (4) Puno na ang jeep at gusto agad makauwi. Madalas din ay hold-upper. Mag-ingat sa mga sabit. Deadly ang iba sa kanila. Uuwi ka na lang na may gripo sa tagiliran.
No comments:
Post a Comment