Rendezvous
"Dee, hindi raw makakarating si Sid. Hinabilin niyang ako na lang ang magsayaw sa iyo. May I have this dance?"
-Shann
Dumating na ang nakatakdang araw ng JS Prom. Magandang-maganda ang bihis ni Dee. Bumagay sa kanya ang suot na kulay asul na gown na pinalalamutian ng makikinang na beads na animo'y dyamante. Nakaayos ang kanyang buhok na gaya ng kay Cinderella. Taray! Imagine-in ninyo na lang. Dumating siya sa okasyon na may magandang ngiti dahil alam niyang espesyal na tao ang kanyang makakasayaw.
Umupo siya kasama ng kanyang mga kaibigan na puring-puri siya noong gabing iyon. Di rin siya nakatakas sa mga mata ni Shann, kaibigan ni Sid mula sa ibang section, na yayayain sana siyang makapareha noon pero puno na pala ng pirma ni Sid ang kanyang imbitasyon. Mariin iyong nakatingin sa kanya at tila nabighani sa mala-Diyosa niyang ayos.
Hinanap ni Dee si Sid sa paligid pero hindi niya iyon nakita; hanggang sa nagsimula na ang palatuntunan, at nang ipatugtog na ang musika para sa sayawan, mataimtim na nag-abang si Dee sa kinauupuan. Tinanggihan niya ang paanyaya ng ilang kalalakihan para isayaw siya sa pag-asang dadating si Sid, baka nahuli lang. At nilapitan siya ng isang lalaki.
"Dee," tawag nito sa kanya. Napatingin siya sa binatang si Shann. "Hindi raw makakarating si Sid," ang hatid na balita nito.
Tila may kirot na naramdaman si Dee nang marinig iyon. Nagtapos ang maganda niyang pangarap.
"Hinabilin niyang ako na lang ang magsayaw sa iyo," patuloy ni Shann. Inalok niya ang kanyang kamay, "May I have this dance?" tanong niya, at dahil isang estranghero si Shann para kay Dee, ay di tinanggap ni Dee ang pagpapaunlak ng binata.
"Sorry ha," paumanhin niya. "Bigla kasing sumakit yung paa ko. Uupo na lang muna ako rito," kanyang idinahilan.
"A ganun ba. Sige. Pasensya ka na sa kapusukan ko. Napag-utusan lang naman ako," tugon ng binata. Umalis na ito.
Natapos ang sayawan. Natapos ang palatuntunan. Umuwing malungkot si Dee nang dahil sa nangyari. Inisip niyang sana pala ay hindi na siya pumayag sa alok ni Sid na maging Prom Date niya.
Nang sumapit ang isang panibagong araw, tinanong ni Sid si Shann tungkol sa nangyari noong JS Prom.
"Pre, hindi siya pumayag na makipagsayaw e!" balita ni Shann.
"Ano? Hindi pumayag si Kate?" hindi makapaniwala si Sid.
"Hindi pre e! Hindi naman daw kasi ako si Sid so bakit ako raw ang magsasayaw sa kanya? Ay naku nagmukha lang akong tanga dun. Muntik pa akong mabugbog ni JM."
"Talaga? Hmm… E si Dina?"
"Hindi rin pumayag, pre."
"Ha? E paano yun, magdamag wala siyang kasayaw?"
"Wala. Nakaupo lang nga siya magdamag. Sabi niya masakit daw ang paa e."
Nadismaya si Sid sa narinig mula kay Shann. Hindi pala umepekto yung pag proxy sana ni Shann para sa kanya.
"Ayan kasi. Ikaw kasi pag nakapangako ka na sa isang tao, tuparin mo," pangangaral ni Shann.
"Hindi ko naman kasi alam na maaalala pa akong yayain ni Kate dun sa sayaw-sayaw na yun," depensa ni Sid. Bumalik ang gunita niya sa nakaraan.
"Sid!" pagtawag sa kanya ni Kate na masayang-masayang inabot ang invitation. "Dance number two kita ha?"
Nagulat siya, "Ha? Dance number two?"
"Oo. Sorry ha. Nagtatampo ka ba kasi last year ikaw ang first dance ko, tapos this year si JM na?"
"Naku hindi! Alam ko namang si JM ang boyfriend mo, di ba? Pero kasi, Kate... Puno na yung invitation ko e."
"Puno na?"
"Oo. Si Dee kasi yung kasayaw ko." Napasimangot si Kate. Hindi kinaya ni Sid na makitang malungkot si Kate kaya’t binawi niya ang sinabi,"Hindi sige. Pwede namang gawan ng paraan. Sige, ako na yung number two dance mo."
At inilista na ni Sid ang pangalan niya sa imbitasyon ni Kate. Tuwang-tuwa naman ang bruhang si Kate. Pagkatapos ng gunita na yun ay bumalik na muli ang isip niya sa kasalukuyan.
“Syempre gusto ko rin yun! Kaso nakapangako na pala ako kay Dina na ako ang kasayaw niya magdamag. Ako pa ang nag prisinta, pre. E hindi rin naman ako makatanggi kay Kate, pre. Kaya para mas maganda, huwag ko na lang sila isayaw, di ba? Nahihiya tuloy ako sa kanila," paliwanag ni Sid.
"Pero pre, mali rin e! Alam mo kung sinipot mo lang si Dee, siguradong tuluyan mo nang makakalimutan si Kate. Ang ganda-ganda kaya niya noong JS."
Umiling si Sid. "Hindi, pre. Si Kate lang nandito," sabi niya sabay turo sa dibdib niya.
"So, ano na ang idadahilan mo sa kanila? Siguro sabihin mo na lang nagkasakit ka," tanong ni Shann.
Nag-isip si Sid. "Siguro kung mas may dapat akong paliwanagan, si Kate yun," sagot niya.
"Huh? E paano naman si Dee?"
"Mabait naman yun. Alam kong maiintindihan niya yun. Hindi ko na siguro kailangang magpaliwanag sa kanya kasi siya na mismo ang mag-iisip kung bakit wala ako sa JS."
Napailing na lang si Shann sa sinabi ng kasama.
Noong gabing yun, gumawa si Sid ng sulat para kay Kate. Ipinaliwanag niya kung bakit hindi siya nakarating sa JS. Sinabi niya rin kung gaano niya kamahal si Kate. Hindi na niya nilagyan ng pangalan dahil sabi niya sa sarili'y alam niyang mababasa ni Kate nang direkta iyon.
Nang magkaroon na ng pasok, nasurpresa si Kate nang makakita siya ng sulat sa locker niya. Mukhang naipasok iyon doon sa pamamagitan ng pagsiksik sa mga siwang sa gilid. Binasa niya ang nilalaman ng sulat.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang sulat na ito. Siguro sisimulan ko ito sa paghingi ng tawad. Pasensya ka na kung hindi ako nakarating sa JS at hindi kita naisayaw…
Itinigil ni Kate ang pagbabasa nang mahulaang kay Sid galing ang sulat na iyon. "Wala naman akong pakialam. Hmp!" sabi niya sa sarili. Gusto sana niyang itapon yun pero dahil wala namang basurahan sa paligid e isiniksik na lang niya yun sa katabing locker sa kanan na gawain naman talaga niya. Minsan nga balat pa ng candy ang isinisiksik niya.
Nang makuha na ang mga kailangang gamit ay umalis na siya sa lugar. Nasalubong niya pa si Dee at binati niya ang schoolmate, "Hi Dee!" Tumugon naman ito ng, "Hi Kate."
Naalala bigla ni Kate na locker pala ni Dee ang katabi ng locker niya. Sa puntong iyon ay may isang malikot na planong naglaro sa kanyang isip.
“Umaayon nga naman talaga ang pagkakataon,” isip ni Kate. Para makaganti, binulungan niya si Dee, "Alam mo nakita ko si Sid. May nilalagay siya sa locker mo. Huwag ka na lang maingay ha? Hindi naman kasi niya alam na may nakakita sa kanya e."
"A, o sige," tugon ni Dee. Umalis na si Kate suot ang isang nakakalokong ngiti.
Pagbukas nga ni Dee ng locker ay nakita niya ang tinutukoy ni Kate. Nakakita siya ng papel at nang buksan niya iyon ay binasa niya ang nakasulat.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang sulat na ito. Siguro sisimulan ko ito sa paghingi ng tawad. Pasensya ka na kung hindi ako nakarating sa JS at hindi kita naisayaw. Hindi ko kasi alam kung anong gagawin ko dahil sa inaraw-araw na ginawa ng Diyos na nakikita kita ay lalong tumitindi ang pagmamahal ko sa iyo. Sa mga panahong pinagsaluhan natin... Sigurado na talaga akong mahal kita.
Natakot ako noong JS Prom natin. Natakot akong isayaw ka at mahawakan ang mga kamay mo. Natakot akong habang magkasayaw tayo at tinitingnan kita ay masabi ko sa iyo bigla na mahal kita kasi alam ko namang hindi talaga ako ang priority mo. Natakot akong mabaliwala at mapagtawanan. Pasensya ka na kung naging duwag ako at hindi kita hinarap.
Siguro sa araw ng JS natin ay nagtataka ka kung bakit hindi kita sinipot. Alam kong magagalit ka sa akin at baka hindi mo na ako pansinin. Pero sana pag nabasa mo ang sulat na ito ay maintindihan mong may pansarili akong dahilan kung bakit ko nagawa yun. Sana man lang ay maibsan ng sulat na ito ang galit at inis na nararamdaman mo para sa akin.
Malapit na tayong grumaduate. Hindi natin alam kung sino nga ba ang taong makakatuluyan natin balang araw, pero ito ang sinisiguro ko sa iyo, magsisikap akong mag-aral kasi alam kong ganun din ang gagawin mo. Magtatapos ako para hindi naman nakakahiya sa iyo. Kung kinakailangan na magpa gwapo ako at magpayaman ako ay gagawin ko.
Sana pagkabasa mo ng sulat na ito at makita mo ako e ipagpalagay mo na lang na hindi mo nabasa ito. Matapos ang labinlimang taon ay babalikan kita at ipinapangako kong handa na akong harapin ka. Sana mahintay mo ako dahil maghihintay rin ako sa iyo.
Lubos na nagmamahal,
True Love <3
Naging emosyonal si Dee nang mabasa ang sulat na iyon, ang sulat na hindi naman talaga para sa kanya. Hindi niya sukat akalain na mahal pala siya ng lalaking sa tingin niya ay gusto niya na. Ibinulsa niya ang sulat at nilagay sa locker ang dala-dalang mga gamit. Nang makabalik na sa classroom, bitbit niya ang mga umiiyak na mga mata.
Nakita siya ni Sid at kahit na nahihiya sa ginawang di pagsipot sa kanya noong JS, ay nilapitan siya nito at naglakas-loob na itanong kung anong nangyari.
"Bakit ka umiiyak, Dina?"
"Ikaw kasi e!" sagot ni Dee sabay hampas sa braso ni Sid.
"Ako? Dina, kung yung sa JS yun--"
Pinahid ni Dee ang kanyang mga luha. "Huwag na nating pag-usapan yun, Sid. Tapos na yun e. Huwag mo na akong alalahanin. Magiging ok din ako mamaya."
"Sigurado ka?"
Tinugunan ni Dee si Sid ng isang ngiti kasabay ang pagsabi ng, "Oo."
Lumuwag naman ang pakiramdam ni Sid dahil sa tingin niya’y tuluyan na nga siyang napatawad ni Dee.
Lumipas pa ang ilang araw. Habang tumatagal ay palapit na nang palapit ang paghihiwalay nina Sid at Dee. Ang bawat oras ay tila buhanging bumabagsak at nauubos sa loob ng isang hour glass. Hanggang sa sumapit na nga ang araw ng pagtatapos.
Noong araw na iyon, itinanghal na Valedictorian si Dee. Lubos ang galak ng mga magulang niya at mga kaibigan. Nakita ni Dee na lubos siyang pinapalakpakan ni Sid dahil sa kanyang tagumpay. Bago tuluyang maghiwalay, nakiusap si Sid kay Dee na paunlakan ng kahit man lang isang litrato.
Nang matapos na ang shot, nagulat na lang si Dee nang biglang siyang yakapin ni Sid at sinabi nitong...
"Di kita malilimutan...
"...dahil ikaw ang...
"pinakamahahal kong..."
At ang huling salitang binanggit ni Sid ang nagpakirot sa puso ng dalaga.
Tanong:
1. Ano ang huling salitang binanggit ni Sid?
Abangan.
No comments:
Post a Comment