Rain Drops
"Sa di inaasahang pagkakataon... Sino nga bang mag-aakalang magtatagpo ang landas nating dalawa?"
-Sid
Tinatahak ng mag-aamang Sid, Jogie at Jackielyn, ang landas patungo sa kawalan. Hindi na alintana ni Sid ang pagod, pero mukhang kabaligtaran naman ang nararamdaman ng kanyang mga anak.
"Daddy, gutom na kami," angal ng nakatatandang si Jogie, o Intoy kung tawagin ng mga kaibigan.
Maalikabok ang daan at naiinis naman ang nakababatang si Jackielyn o Jackie, dahil nadudumihan ang puti niyang rubber shoes. "Dad, saan ba kasi tayo pupunta?" tanong niya sa ama.
Walang ideya si Sid kung saan na sila pupulutin ng kanyang mga anak dahil pinalayas na sila sa tinitirhan ng kinakasama at mama-sang niyang si Zhannel. Sariwa pa sa isip niya ang mga nangyari thirty minutes ago.
"Walang hiya ka, tey! Matapos ko kayong bihisan ng mga anak mo at ibili ng kung anu-anong luho, ito ang igaganti mo sa akin, tey?" sigaw ni Zhannel, ang kinakasama ni Sid.
Nakaranas ng malagim na aksidente si Zhannel noon at nagkaroon ng damage ang kanyang utak. Dahil dito ay naapektuhan ang kanyang pagsasalita at dinadagdagan niya ng “tey” ang bawat pangungusap na sinasambit.
"Let me explain," pagmamakaawa ni Sid pero hindi niya na yun nagawa dahil binulag na si Zhannel ng galit at selos.
“No quiero oír tu explicación, tey! Salir de esta casa, tey!” galit na galit na sabi ni Zhannel.
Walang nagawa ang mag-aama kundi lisanin ang bahay ni Zhannel. Wala silang nadalang gamit, bagay na ipinangangamba ni Sid, dahil hindi pa niya naranasan na gamitin ang Side B ng kanyang underwear. Nang dukutin niya naman ang kanyang pitaka at tingnan iyon e balot lang ng Frenzy ang laman nun. Itinago niya na yun at baka makita pa ng mga anak.
At kung mamalasin ka nga rin naman, inabutan pa ng pagbuhos ng ulan ang mag-aama.
“Umuulan!” bulalas ni Intoy.
“I know right?” sabi naman ni Jackie.
"Takbo, Jackie, Intoy! Silong!" utos ni Sid sa mga anak.
Tumakbo ang mga bata hanggang sa narating ni Jackie ang isang bahay na masisilungan. "Daddy, dito!" tawag niya sa ama. Nasundan ni Sid si Jackie pero lubos na ipinangamba ni Sid nang hindi makita si Intoy sa paligid.
"Nasaan ang kuya mo?" alalang tanong niya sa anak.
"Hindi ko alam! Magkasunod lang naman kami kanina," sagot ng nalilitong si Jackie.
Tumingin si Sid sa kalangitan at nag-moment. "Diyos ko! Ano bang kamalasan itoooooo????!" kanyang isinigaw. Biglang bumukas ang pinto ng bahay na sinilungan nila. Nagulat siya nang makita ang isang pamilyar na mukha. Doon niya napagtantong ang bahay na iyon ay may mahalagang parte pala ng kanyang kabataan.
Nanatili siyang nakatayo habang tinitingnan ang babaeng naroroon sa pintuan at may dala-dalang payong.
"Sa di inaasahang pagkakataon... Sino nga bang mag-aakalang magtatagpo ang landas nating dalawa?" isip niya. Bumalik ang gunita niya sa nakaraan.
Pebrero, taong kopong-kopong.
Masayang nakangiti si Sideros sa labas ng kanilang eskwelahan. Sid ang madalas na itawag sa kanya ng karamihan, pero iginigiit niyang Eros na lang para sosyal. Humahalimuyak ang mabangong amoy ng kanyang pabango na kahit na langaw sa katabing basurahan ay hindi na nakuha pang umaligid sa kanya. Nakatayo siya sa labas, malapit sa gate ng kanilang paaralan, habang naghihintay sa paglabas ni Karla Therese, kilala sa tawag na Kate, ang binibining kanyang sinisinta. Ilang sandali pa'y lumabas na nga si Kate. Bumilis ang tibok ng puso ni Sid nang makita ang dalaga, animo'y kinakabahan, kahit na araw-araw niya naman itong nakikita kasi magkapit-bahay lang sila.
Kinder pa lamang sila e crush na crush na ni Sid si Kate. Nagsimula ang lahat noong magtama ang kanilang mga kamay dahil ginabayan ni Kate si Sid sa pagsusulat ng malaking titik O na siyang nakasulat sa pisara para gayahin. Kasabay ng ganitong eksena ay narinig niya ang pagtugtog ng Huling El Bimbo mula sa canteen na katabi lang ng classroom nila kaya't lalong naging masidhi ang damdamin niya para kay Kate.
Ok, ipagpatuloy na natin ang huling tagpo. Sinalubong ni Sid ng mas malaking ngiti si Kate nang makita niya ito.
"Happy Valentine's Day, Kate!" bati ni Sid sa binibini, sabay abot ng mga rosas na binili niya nang tatlo-sampu.
Nagulat si Kate sa ibinigay ni Sid at nag-alangan pang tanggapin ito, pero pansamantala'y hinawakan niya na muna dahil mukhang may mahalagang sasabihin si Sid sa kanya.
"O ano, ready ka na ba sa date natin?" nakangiting tanong ni Sid na di magkamayaw sa nararamdamang saya nang makita ang dalaga.
Umiwas ng tingin si Kate. "A... ano kasi e..." pasimula niyang tila may malaking pag-aalinlangan at napakagat pa sa labi, mukhang may hatid na di magandang balita kay Sid, "Sorry, Sid, ha? Kasi naman... Niyaya ako ni JM e."
Nagulat si Sid nang marinig ang sinabi ni Kate. "Ni JM?" paglilinaw niya. Tumango si Kate. "Kailan?" tanong pa niya.
Nagtapat si Kate, "Kahapon."
"Kahapon? E nung November pa kita niyaya a! Hindi ba't pumayag ka pa nga? Doon pa tayo nagsumpaan sa puntod ng lolo ko!" paghihinanakit ni Sid.
Nagpaliwanag si Kate, "Oo nga. E... Hindi naman kasi ako makatanggi. Alam mo naman kasi na--"
Pilit na ngiti ang ipinakita ni Sid kasabay ng pagsingit niya sa sinasabi ni Kate. "Oo. Alam ko naman ang sasabihin mo. Sasabihin mong mas gusto mo siya kaysa sa akin. Sige ok lang," sabi niya. Pero sa loob-loob niya ay gusto niyang murahin nang bonggang-bongga ang kaklase niyang si JM dahil sa pag-epal sa kanila ni Kate.
"Sorry ha." Ibinalik ni Kate ang ibinigay na bulaklak ni Sid, pero sinabi ni Sid ang, "Huwag mo namang ipagkait ang pagkakataon na bigyan kita ng bulaklak, Kate."
"Marami na kasing ibinigay si JM na ganito," sabi ni Kate, at pagkasabi niyon ay lumabas ang ilang alalay ni JM dala ang batya-batyang red roses para kay Kate. Kabuntot din ng mga ito ang gwapong-gwapong si JM na tinalbugan ang porma ni Sid at mas mabango pa. Nanliit tuloy si Sid sa karibal.
"Shall we go, Kate, my dear?" tanong ni JM sa dalaga na hindi na inintindi kung naroon ba si Sid at kanya nang nasasaktan.
Tumango ang dalaga at lumakad kasama si JM. Binitawan niya ang mga bulaklak na ibinigay ni Sid sa kanya. Sumakay sila sa humintong itim at magarang kotseng pag-aari ng pamilya ni JM.
Kasabay ng pag-andar ng kotse na lulan ang iniibig ni Sid ay naglaho ang mga pangarap niya na isang araw, sila ni Kate, ay bubuo ng isang masayang pamilya. Mayaman si JM, matalino at gwapo, samantalang siya ay... ah! Nevermind!
Bigo ang puso ni Sid nang pulutin niya ang mga rosas na inalay niya kay Kate. Napailing na lang siya nang hawakan at tingnan ang mga iyon. Ilang saglit pa, sa kanyang kinatatayuan, ay may tumabing isang babae. Pag tingin niya'y si Dee pala, ang top one ng kanilang klase. Napansin nito ang malungkot na mukha ni Sid at tinanong ito,
"Tapos na ang undas, bakit ganyan ang mukha mo?"
"Wala!" sagot ni Sid na napataas ang boses.
Nairita nang kaunti si Dee sa inasal ni Sid at bumulong, "Sungit talaga nito." Inalis niya na ang mga mata kay Sid at naging abala na lang sa pag-aabang ng masasakyan pauwi.
Nakaramdam naman ng pagka-guilty si Sid kaya't sinubukan niyang kausapin si Dee habang hindi pa ito nakasasakay, at mukhang may naisip din siyang plano para di magmukhang tanga.
"Valentine's Day ngayon," sabi niya ritong tila nagpapahaging.
Napakunot-noo si Dee. "Alam ko," tugon niya at dahil likas na palabasa ay nagbigay pa siya ng trivia. "May trivia ako," sabi niya kay Sid, "Alam mo bang ang Valentine's Day ay dinaraos para alalahanin si Saint Valentine? Noong nabubuhay pa kasi siya..." blah blah blah. Ang haba ng sinabi ni Dee.
"Alam ko na iyan e! E ito, ako naman ang may trivia," bida naman ni Sid. "Alam mo bang wala akong ka-date ngayon?" Nagtaka si Dee sa sinabi ni Sid. "At alam mo bang sayang naman itong binili kong bulaklak kung wala namang akong pagbibigyan?"
Napataas tuloy ng kilay si Dee sabay tanong kay Sid, "So?!"
"So... Dee," sabi ni Sid. Nagulat na lang si Dee nang bigla na lang lumuhod ang kausap, inalay sa kanya ang bulaklak, at tinanong siya ng, "Would you be my Valentine Date?" May sinunod pang pagbabanta, "Yayakapin kita pag tumanggi ka!"
Konserbatibong babae si Dee at NBSB din. Sa takot na totohanin ni Sid iyon e pumayag na lang siya. Sadya nga namang sinuswerte dahil kahit na inindyan ng ka-date e nagkaroon ng Valentine Date si Sid noong araw na iyon sa katauhan ni Dee.
Naiilang man sa kasama e inisip na lang ni Dee na friendly date lang naman iyon. Sa huli ay naging matiwasay ang pagdaraos nila ng Valentine's Day. Mas magtatagal pa sana ang dalawa sa pag-uusap sa parke kundi lang nga tinawagan si Dee ng mama niya sa cell phone, na kinainggitan ni Sid dahil wala siya nito.
"Pauwi na po ako, ma. Sorry hindi na ako nakapagpaalam. Rush kasi yung paggawa ng project namin sa Physics. Bukas na ipapasa yun e!" dahilan ng dalaga. Ibinaba na niya ang tawag.
"Anong project sa Physics?" tanong ni Sid na natatawa pa.
"Shut up! Pagagalitan ako nun pag nalamang nakipag-date ako."
"Anong masama? That's part of growing up," katwiran ni Sid.
"Studies first. Bawal ang manliligaw," sagot ni Dee.
"E hindi naman kita nililigawan," sabi ni Sid.
"Sinabi ko bang nililigawan mo ako?!"
"E papaano sa akin ka nakatingin."
"Excuse me! Hindi ako magpapaligaw sa iyo no!" pagtataray ni Dee.
Nagbigay ng nakakalokong ngiti si Sid, "A talaga?"
"Talaga! Sige na, uuwi na ako," paalam ni Dee.
Akmang aalis na si Dee nang pigilan siya ni Sid, "Teka lang, Dina." Napatingin si Dee sa kanya. "Ihahatid na kita." Tila may mahika ang mga salitang iyon na binitiwan ni Sid dahil kahit na anong pagkubli ay hindi napigilan ni Dee ang kanyang mga ngiti.
"O bakit ka ngumingiti riyan?" tanong ni Sid sa kanya. "Kinikilig siya o!"
Agad naman itong dinepensahan ni Dee, "Kapal! Masaya lang ako kasi malilibre ako sa pamasahe."
At ganoon na nga ang nangyari. Umalis na ang dalawa sa pwesto. Inihatid na ni Sid si Dee sa bahay nito.
Mga tanong:
1. Saan na kaya napunta si Intoy?
2. Sino ang babaeng nakita ni Sid sa pintuan na naging dahilan para gunitain niya ang nakaraan?
3. Lumambot pa kaya ang puso ni Zhannel para sa mag-aamang Sid, Jackie at Intoy?
4. Mapansin pa kaya ni Kate si Sid?
5. Ano ang dadatnan ni Dee pag-uwi niya sa bahay nila?Subaybayan ang mga iyan sa pagpapatuloy ng kwentong ito.
May nagbasa kaya?
Ang ganda naman po ng story nyo....
ReplyDelete