OOO
CHAPTER 5
First Aid
"Maghihintay ako, Sid. Hihintayin ko ang true love!"
"Ako rin."
-Usapan nina Dee at Sid bago tuluyang maghiwalay ng landas.
"Di kita malilimutan...
"...dahil ikaw ang...
"pinakamahahal kong..."
"...kaibigan."
Halos di makahinga si Dee sa mahigpit na pagkakayakap ni Sid, at dahil na rin siguro sa huling sinabi nito sa kanya. Inaasahan niya kasing mas higit pa dun ang sasabihin ng binata, pero hindi nga pala pupwede dahil mas marami pa siyang kailangang unahin.
Pagkatapos humiling ng isa pa uling shot ni Dee gamit naman ang kanyang camera para naman may remembrance siya kay Sid ay pinabaunan niya ng habilin ang kaibigan, "Mag-aaral kang mabuti ha?"
"Oo! Magpapayaman pa nga ako e!" pagmamayabang ni Sid.
Bago pa tuluyang maghiwalay ang landas ng dalawa ay binitiwan ni Dee si Sid ng isang pangako, "Maghihintay ako, Sid. Hihintayin ko ang true love!"
Ikinagulat ni Sid ang sinabi ni Dee sapagkat ganoon din ang pananaw niya kaya't gumanti siya ng ngiti.
"Ako rin," itinugon pa niya.
At nang tuluyan nang maghiwalay ang dalawa, naiwan kay Dee ang isang pag-asang balang araw ay handa na nilang harapin ni Sid ang isa't isa. Ang nakalulungkot nga lang, nang tumungtong na sila sa kolehiyo ay wala nang balita sina Sid at Dee sa isa't isa.
Hanggang sa muling pinagtagpo ang kanilang landas. Sa kabila ng ulan at pag-aalala, hindi mapaniwalaan ni Sid na nasa harap niya ngayon ang dating kaibigan.
Taong kasalukuyan...
Mariing nakatitig si Sid sa babaeng nakatayo sa pintuan. Sigurado siyang pamilyar ang babaeng yun. Pero bago banggitin ang pangalan niyon ay gusto niya munang makasiguro.
"Anong kailangan nila?" tanong ng babae kina Sid at Jackie na nabigla nang sila'y makita sa labas ng bahay.
"Dina?" pangingilala na Sid.
Napakunot-noo iyon, nagtaka kung bakit kilala siya ng estrangherong nakatayo sa labas ng bahay niya.
"Ako ito! Si Sid!" pagpapakilala ni Sid.
Hindi nakilala ni Dee si Sid. Paano kasi'y ibang-iba na ang hitsura nito kaysa noon. Lumaki ang katawan nito at... yun lang pala!
"Sid?" balik na tanong ni Dee. "Sid Gabriel?"
"Oo! Ako nga!"
Napatakip ng bibig si Dee, napapikit siya at umusal ng panalangin, "Ay Diyos ko. Salamat. Salamat po," pakiwari’y dininig na ng Diyos ang matagal niyang panalangin. Pagkatapos nun ay bumaling siya sa kausap, "Bakit ka naparito? Sino iyang kasama mo?"
"Mahabang kwento. Basta, naliligaw kasi kami e! Naabutan na kami ng malakas na ulan. Itong kasama ko, a, anak ko." Tinawag ni Sid si Jackie, "Halika, anak." At lumapit naman ito. Ipinakilala niya ito kay Dee. "Siya si Jackie."
Nabigla si Dee sa narinig. "A-a-ano? Anak?!"
"Yung isa ko pang anak, nawawala," nag-aalalang sabi ni Sid.
Ginulat muli si Dee ng pahayag na iyon, "May isa ka pang anak?!"
"Oo. Kanina'y magkakasama kami. Pero ewan ko ba kung saan na napunta."
Kahit na masakit, hindi na muna inisip ni Dee ang sariling kapakanan. "Mas mabuting hanapin natin siya. Maaaring nandiyan lang siya sa paligid. Iwan mo na muna rito ang anak mo. Mas magiging ligtas siya rito," mungkahi niya.
Hinawakan ni Sid ang mga balikat ni Jackie at kinausap ito nang face to face, "Jackie, anak, maiwan ka na muna sa loob. Hahanapin lang namin ang kuya mo."
"K," mabilis na tugon ni Jackie.
"Tara na," yakag ni Dee. Umalis na sila ni Sid at nag-share sa iisang payong. How sweet!
Naglakad ang dalawa sa basang kalsada. Walang tigil sa pagbuhos ang ulan. Habang palakas ito nang palakas ay paliit nang paliit ang pag-asa ni Sid na mahahanap niya pa anak.
"Saan ba kayo dumaan kanina?" tanong ni Dee kay Sid.
"Hindi ko na rin matandaan. Hindi ko na kasi kabisado ang lugar na ito," sagot ni Sid na puno ng pag-aalala. Umalis siya sa payong at nagsisisigaw sa paligid.
"Sid, ano ba? Mababasa ka!" puna ni Dee, pero naging matigas ang ulo ni Sid.
"Intoy! Intoy! Intoy, nasaan ka na? Buhay ka pa ba, anak? Intoy kung patay ka na, magparamdam ka!"
At isang himala ang nangyari. Nabunutan ng tinik si Sid nang marinig ang boses ng anak.
"Daddy!" sigaw ni Intoy.
"Intoy?" tila uhaw na uhaw si Sid sa paghahanap kung saan nanggagaling ang boses ng anak.
"Daddy! Tulong!"
Ramdam ni Sid na nasa malapit lang ang anak. Pinakinggan niyang mabuti kung saan nagmumula ang boses nito at natagpuan niya ito. Nandoon lang pala sa paanan niya.
"Intoy! O Diyos ko!" bulalas ni Sid nang makita ang anak. Ang kawawang si Intoy... Hayun nahulog pala sa isang man hole, at kung di napansin ni Sid yun e baka pati siya nahulog na rin. Samantala'y nakalapit na si Dee sa pwesto ni Sid.
"Daddy!" sambit ni Intoy at biglang napaiyak nang makita ang ama.
Hiningi ni Sid ang tulong ni Dee sa pagkakataong iyon. Ilang sandali pa'y naiahon na nila si Intoy sa man hole. Dinala na nila si Intoy sa bahay ni Dee para gamutin sapagka’t punung-puno iyon ng gasgas.
Si Jackie naman, habang hinihintay ang pagdating ng ama, ay nagmasid-masid sa loob ng bahay. Namangha siya sa mga naka display na di mabilang na medalya at kung anu-anong parangal. Isa pang ikinagulat niya ay nang makita ang isang picture frame. Naroon ang larawan ng kanyang ama kasama ang babae kanina; isa iyong graduation picture.
"Teka, si Daddy ito a," sabi niya sa sarili.
Nagulat na lang siya nang biglang bumukas ang pinto at pumasok ang amang si Sid, kuyang si Intoy at si Dee. Basa na ang mga iyon ng ulan.
Tuwang-tuwa si Jackie nang makitang muli ang kapatid. Akala mo naman ang tagal nitong nawala. "Kuya Intoy!" galak niyang pagkakasabi, at niyakap niya ito. Napa-aray naman si Intoy dahil natamaan ni Jackie ang mga sugat niya.
"Kukuha lang ako ng tuwalya at first aid," sabi ni Dee kay Sid.
"Sige, salamat," tugon naman ng isa.
Ibinigay na ni Dee kay Sid ang nakuhang tuwalya. Binigyan din niya ng tuwalya ang dalawang bata. Kumuha rin siya ng ilang damit para sa mag-aama. Nang makapag-ayos na ng sarili at nang makapagbihis na ng tuyong damit ang mag-aama, ginamot na ni Dee ang sugat ni Intoy.
"Araaayyyyy! Araaayyyy!" Napapahiyaw si Intoy sa bawat pagdampi ng bulak na may alcohol sa kanyang balat. Masyadong marami ang natamo niyang sugat. Pakiramdam niya'y tinuli siya for the second time.
Awang-awa si Sid sa sinapit ng anak. Hindi niya matanggap na pati ang mga anak niya e nadadamay sa kamalasan niya. Nasasaktan siya sa tuwing naririnig ang bawat pag-aray ni Intoy. Naiinis siya kasi wala siyang magawa! Hanggang sa nakatanaw siya ng isang bagay na nakapatong sa drawer sa malapit. Nag-abala siyang kunin iyon at ibinigay kay Intoy.
"Ano po ito, daddy?" tanong ni Intoy.
Walang anu-ano'y biglang gumawa ng dance step si Sid. "Pau Liniment! Walang aw sa Pau!"
"A thank you po," pagpapasalamat ni Intoy.
Matapos gamutin ay nakatulog na ang kawawang bata. Doon pinatulog ni Dee si Intoy sa silid na ginagamit dati ng kanyang mga magulang. Nakahinga na nang maluwag si Sid. Pero may isa pa pala siyang alalahanin. Saan na sila kakain at titira ngayon? Bago pa maipit sa sitwasyon e nakaisip na siya ng paraan.
Tanong:
1. Anong paraan kaya ang naiisip ni Sid?
Abangan.
No comments:
Post a Comment