No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, May 10, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (2)


LAILA

 ooo
JANINE


Nagulat ang lahat sa pagkamatay ni Laila at hindi nila inakalang magkakatotoo ang sinabi ni Jude. Madaling araw, masyado pang maaga. Papasok na si Laila sa University. Coding ang kotse nila kaya napilitan siyang mag-commute. Wala siyang kasama. Out of the country ang parents niya at kataka-takang sabay-sabay na nag day-off ang mga katulong nila.

Kinapanayam ko si Jude at sinabi niyang, "Nakita ko sa pangitain... Naglalakad siya at mag-aabang sana ng masasakyan nang may biglang sumaksak sa kanyang lasing mula sa likuran. May dalang bote iyon, pinalo muna siya sa ulo bago pagsasasaksakin. Nasa likuran niya ang lasing kaya hindi niya napansin."

"Ganoong sitwasyon ba ang sinabi mo kay Laila?" tanong ko.

Umiling siya, "Sinabi ko lang kung kailan siya mamamatay at katiting na detalye kung paano. Yun lang naman ang hiniling niya. Natatakot daw siyang malaman lahat."

Ang masama pa nun walang nakasaksi sa pangyayari. Nakita na lang na ganoon si Laila, patay na. Hindi mahuhuli o makukulong ang salarin dahil ayon na rin sa nakita ni Jude wala iyong mukha, pero hindi ako kumbinsido. Pakiramdam ko alam ni Jude kung sino. Tinatago lang niya.

Si Janine naman ang natakot dahil sa nangyari. "Eve... what if... what if mamatay rin ako? Sabi ni Jude, di ba, in the end of this week? Three days na lang weekend na!" nag-aalalang sabi niya. Pinakikinggan ko lang sila.

Pinakalma siya ni Eve, "Calm down, Janine! Hindi totoo yun! Malay mo, di ba, set-up lang ni Jude yun?"

Umapila si Jomari, "Sobrang paratang iyan, Eve. Hindi naman gagawa ng ganyan ang pinsan ko, saka magkasama kami the whole night."

Kababata ko rin si Jomari. Nagsasama ang pamilya niya at ni Jude sa isang malaking bahay na pamana ng lolo at lola nila. Alam niya ang lahat tungkol kay Jude pati ang kakayahan nito.

"Well, let's see if Janine will be dead this weekened," nakangising sabi ni Eve.
"That's enough, Eve!" sayaw ni Alden na boyfriend ni Eve... na ayon kay Laila ay siyang papatay sa kanya.

Hindi alam ni Alden ang tungkol sa pagpapahula nina Eve at Janine, pero dahil sa pag-uusap na naganap, nalaman na rin niya. Hindi niya na inalam kung ano ang ginawang hula ni Jude sa girlfriend niya.

Noong hapong iyon, nakita ko si Jude sa library. Nasa sulok siya, sa tagong parte ng library at mukhang nakatulog na. Nilapitan ko si Jude at nakita ko sa mesa ang isang bond paper na may drawing. Dahan-dahan kong inangat ang kamay niyang nakadagan sa papel at tiningnan ko kung ano ang iginuhit niya.

"Si Eve ito a," sabi ko sa sarili. Nagising bigla si Jude at nakitang hawak ko ang papel. Tila nagulat siya at mabilis na binawi ang papel.
"Bakit ba nakikialam ka ng gamit ng may gamit?" tanong niya.
"Bakit mo drinawing si Eve?" tanong ko naman.

Hindi siya sumagot, bagkus ay tumayo siya at nagbabalak umalis.

"Sige, ok lang kahit hindi mo sagutin," sabi ko. Natigilan si Jude. "Gusto ko lang sanang malaman kung ano ang hula mo kay Janine," pakiusap ko. Tiningnan ako ni Jude. Nagpatuloy ako, "Sabi ni Laila madudulas daw si Janine sa banyo. Yun daw ang nakita mo."
"Alam mo naman pala, bakit mo pa ako tinatanong?" tanong ni Jude.

Tinanggap ko na lang ang nalaman ko. "Totoo nga. Mamamatay na nga si Janine. Sige," iniwan ko na si Jude.

Hindi na muling napag-usapan sa barkada ang hula kay Janine at nang sumapit ang araw ng Biyernes, kinagabihan, habang nagbabantay kami sa burol ni Laila, biglang humagulgol si Janine.

"Bianca, I'm scared. Weekend na tomorrow. Alam mo na kung anong mangyayari," sabi niyang umiiyak.

Pinatahan ko siya dahil ayon na rin kay Eve ay nakaka-distract sa ibang bisita. Alam kong pagod na rin si Janine kaya kung anu-ano na lang ang naiisip. Ilang araw na rin kasi kaming napupuyat sa pagbabantay sa burol ni Laila. "Shhhh... Tahan na, Janine," sabi ko.

"I'm gonna die. I'm gonna die..." paulit-ulit niyang sinabi.

Nang magkaroon ng pagkakataon na maiwan kaming dalawa ni Janine, may ibinigay siya sa aking scapular.

"Wear it, panlaban sa bad spirits," sabi niya. Isinuot ko ang bigay niya. "Bianca, thanks for being a good friend. Alam mo, ikaw kasi yung taga-comfort sa amin. When I'm with you, I always have this feeling na there's someone that understands me well. Thank you, Bianca."

Niyakap ko si Janine dahil nagsimula na naman siyang umiyak.

"Mamamatay na ako bukas," sabi niyang umiiyak.

Yun na ang huling pakikipag-usap ko kay Janine kasi kinabukasan namatay na siya. Oo, nadulas sa banyo gaya ng sinabi ni Jude.

ooo

EVE

Sunday, May 9, 2010

Sa Araw ni Inay

Happy mother's day to your mom. Be good ok? Love her, nag-iisa lang yan kahit ganyan iyan.

--text message that I received from a schoolmate. (Taray! Nag-English ako!)

Love her, nag-iisa lang yan kahit ganyan iyan...

Kaninang umaga binulabog ang pagtulog ko ng malakas na ingay. Hindi pa sana ako magigising pero dahil sa pagkanta ng nanay ko e napabangon ako.

"Ano yun?" tanong ko sa kapatid kong babae na katabi ko sa higaan. Ang tinutukoy ko ay yung ingay. Nakahiga pa ako nun. Mula nang mag-summer e sa kuwarto na nila mama ako natutulog kasama ng mga kapatid kong mas bata sa akin, may aircon kasi.
"Si mama kumakanta, nagulat nga ako e. Kanina pa iyan," sagot ng kapatid ko. Kasunod nun ay ang panggagaya sa linya ni Bendita, "Weirdo!"
"Baliw-baliw!" komento ko naman. Bumangon ako sa higaan at bumaba.
"Tell me where did I go wrong!" narinig kong pagkanta ng nanay ko pagbaba ko ng hagdanan. Di naman ako magaling kumanta pero alam ko naman kung ang tao e nasa tono o wala, at kung ako ang tatanungin mo, siya yung pangalawa.
"Ang ingay, natutulog ako," sabi ko pagbaba ko.

Nasa harap ng computer ang nanay ko, naka-headset at patuloy sa pagkanta. Hindi siguro siya aware na ang lakas ng boses niya kasi naka-headset. Nang silipin ko, nanonood pala siya sa YouTube ng kanta ni Joey Albert.

Ganyan siya kapag umaga. Lagi kaming nauunahan niyan na mag-computer. Ganun kasi ang policy rito, kapag nauna ka magising, ikaw unang gagamit, at susundan na yun ng mga susunod pang magigising.

Dati apat lang kaming magkakapatid na nag-aaway-away kung sino ang mauuna sa paggamit ng computer. Gumawa pa nga yung nanay ko ng pakulo na bunutan daw, swerte naman ako kasi number 1 ang nabunot ko, tapos sinulat niya pa sa bond paper sabay dikit sa pader kung ano ang schedule namin. Pero mula nang gumawa si mama ng facebook account kakumpetensya na namin siya. Buti na lang nga at tuwing June to August lang namin nakakasama yung tatay ko kasi kapag umuuwi yun dito, sa kanya lang ang computer magdamag.

Dumiretso ako sa banyo matapos kong sitahin ang nanay ko sa pag-iingay niya at doon ay naghilamos ako. Ginamit ko yung Olay na facial wash ni mama, wala naman kasi akong sariling facial wash. Nagnanakaw lang ako, pati nga facial wash ng kuya ko ninanakaw ko. Tumigil lang ako nang basahin ko minsan, Nivea for Men ang nakalagay. Kadalasan naman kasi sabon talaga ang gamit ko.

Pag labas ko ng banyo e dumiretso ako sa kusina at tiningnan kung may almusal kahit malakas ang kutob kong wala naman. Pag tingin ko wala nga. Kabisado ko na si mama. Maaabutan mo siyang nagcocomputer kapag umaga. Click siya nang click sa farmville o kung anong farm ang meron sa facebook, samahan mo pa ng fishville, lahat ng fish, cafe world pati na scrabble. Pagkatapos dun pa lang siya magluluto ng almusal. Napagsabihan ko na siyang napapabayaan niya na yung mga gawain dito sa bahay. Aminado naman siya.

Bigla kong naalala na Mother's Day nga pala ngayong araw kaya binalikan ko si mama para batiin siya. "Happy mother's day!" sabi ko in a sing-song manner. Di siya tumugon, nakatingin pa rin siya sa computer. Inulit ko, "Happy mother's day!" Deadma pa rin, naka-headset e! Tapos bigla siyang kumanta,

"Ikaw lang ang mamahalin!"
"Bad trip to a! Makaakyat na nga lang," isip ko.

Ikaw? Anong kuwento mo tungkol sa nanay mo?

Friday, May 7, 2010

Mamamatay Na Ako... Bukas! (1)


LAILA


Pito kami sa barkada: si Laila, Janine, Eve, Alden, Dan, Jomari at ako —si Bianca. Sa maniwala kayo't sa hindi, apat na ang nalalagas sa amin matapos nilang magpunta sa isang bulung-bulungang manghuhula raw sa University. Hindi nito hinuhulaan ang love life mo o kung ano ang magiging career mo in the future, kundi ang petsa ng kamatayan mo at paano ka mamamatay.

Si Laila. Paranoid siya nang magpunta siya sa tambayan namin.

"Mamamatay na ako bukas!" sabi niyang takot na takot.
"Huh?" pagtataka ni Dan.
"Isang mad man! Sasaksakin ako!" bulalas ni Laila.
"Ano bang pinagsasasabi mo?" naguguluhang tanong ni Jomari.
"Sabi ni Jude mamamatay na ako bukas. Sabi niya... Sabi niya nakita niya kung paano ako patayin," sabi ni Laila habang tulala.
"Bakit ba kasi nagpapapaniwala ka sa sinasabi ni Jude?" singit naman ni Eve na nakakiling kay Alden.
"Don't believe him. He's a freak," si Janine.

Bumaling ng tingin si Laila sa akin na noong mga sandaling iyon ay katabi ko, "Bianca, natatakot ako." Wala akong nagawa noong oras na iyon kundi titigan siya at humiling na sana hindi totoong mamamatay na siya bukas.

Ang manghuhula... si Jude. Kilala ko siya. Kababata ko siya. Maliliit pa kami nakakakita na siya ng mga hindi pangkaraniwang bagay. May mga panaginip din siyang nagsisilbing babala. Para sa akin isa siyang psychic, pero ngayon hindi ko na gustong pati kamatayan ng tao e pinakikialaman niya.

"Bakit mo sinabi kay Laila yun?" tanong ko nang kausapin ko si Jude. Tahimik at malalim ang personalidad ni Jude, wirdo para sa karamihan. Hindi siya basta-basta nakikipag-usap sa mga tao maliban na lang kung ang pag-uusapan ninyo ay paranormal.
"Sinabi ko lang kung ano ang hiniling niya at kung ano ang nakita ko, pero hindi ko naman sinabi lahat," sagot sa akin ni Jude.
"Jude, hindi mo ba alam na takot na takot si Laila? Ayaw niya na ngang pumasok. Sabi niya magkukulong na lang siya sa bahay," sabi ko kay Jude.
"Papasok siya bukas at mamamatay na siya bukas," tila may kasiguraduhan kay Jude. Tumingin siya sa pinakamalapit na bulletin board. Naalala kong si Laila pala ang ipadadala ng University para maging exchange student sa Japan... bukas!

Malungkot na nagpunta sa akin si Laila matapos niyang makipag-usap sa Dean.

"Ayaw nilang pumayag na ibang student na lang ang ipadala bukas," pagbalita niya.
"Ano ba kasing pumasok sa isip mo at nagpahula ka kay Jude?" tanong ko.
"Ni-refer kasi nina Janine at Eve e," sagot ni Laila.
"Nina Janine at Eve?" pagtataka ko.

Tumango si Laila.

"Sabi nina Janine at Eve nagpahula raw sila kay Jude. Ang sabi ni Eve sabi ni Jude sa kanya mamamatay na raw siya next month, which is one week from now. Si Janine naman in the end of the week," kuwento ni Laila.
"O tapos?" tanong ko. Gusto kong malaman ang sunod na kuwento.
"Sabi nila I should try daw na magpahula kay Jude and see how stupid he was. Tinawanan lang kasi nila yung sinabi ni Jude about their death," sabi ni Laila.
"Paano raw ba mamamatay sina Janine at Eve?" usisa ko.
"Papatayin daw si Eve ng boyfriend niya."

Nagulat ako. "Ni Alden? At si Janine?" tanong ko.

"Madudulas sa banyo," sagot ni Laila. "Tinawanan lang nila. How could that be possible daw? Siguro baliw raw itong si Jude at nag-iimbento lang, at sana raw kung nag-iimbento lang si Jude, yung mas magandang version naman ng death para realistic."

Nabagabag ako sa nalaman ko. Si Laila mamamatay bukas, si Janine sa weekend at si Eve next month.

Yun na ang huling pakikipag-usap ko kay Laila kasi kinabukasan namatay na siya. Oo, inatake ng mad man gaya ng sabi sa kanya ni Jude.

ooo
JANINE

Wednesday, May 5, 2010

Bagay Tayong Dalawa

Ako na yata ang pinakamalas na tao sa mundo. Ikaw ba naman ang ligawan ng pinaka pangit dito sa classroom ewan ko na lang kung ano ang maramdaman mo. Gusto ko na ngang mag-drop. Araw-araw ang bigat ng pakiramdam ko lalo na pag tinitingnan niya ako tapos ngingitian pa, kita yung ngipin niya sa harap na may itim. Ilang beses ko na siyang binasted pero patuloy niya pa rin akong kinukulit.

"Santa por yu, Debe," sabi niya isang tanghaling mag-isa ako sa bench, sabay dukdok sa mukha ko ng bulaklak ng santan, yung kulay pula at nilalanggam pa. Muntik ko na ngang makain. Ngumiti na lang ako kasi I don't want to be rude to animals.
"Debbie. D-E-B-B-I-E. De-bi. Debbie!" pagtatama ko sa pagbigkas ng pangalan ko.
"Hirap naman. Sabi ko naman sa iyo BEBE na lang ang itatawag ko sa iyo para madaling bigkasin," hirit ni Renren.
"My God! Renren, mula nung high school tayo hanggang ngayon kinukulit mo ako. Ayaw mo ba talaga akong tantanan?" pagtataray ko.
"Ayaw!" sabi ni Renren na may diin. "Titigil lang ako kapag..." may dinukot siyang papel sa bulsa niya at binasa iyon, "...flat liner na ako." Mukhang hindi pa nga siya sigurado sa sinasabi niya at may kodigo pa ang mokong.
"Anong meaning nun?" tanong ko na may sarkastikong tingin.
"Flat liner... kapag... ano..." hindi niya na alam ang sunod na sasabihin.
"Kapag ano?" tanong ko.
"Hehe! Pinaliwanag na ito ni Ser Ramerez. Na-mental block lang ako. Ganito kasi ako kapag kausap ka," palusot niya.

Naasar ako kay Renren kaya tumayo ako sa kinauupuan, umalis at sinabing wag na wag niya akong susundan.

"Teka Bebe! Hindi mo ba tatanggapin itong santan ko? Matamis ito! Parang ikaw!" narinig ko pang sinabi niya.
"Iyo na iyang santan mo!" sigaw ko.

Nagpunta ako sa library pagkatapos para mag-aral. Habang nagbabasa, may narinig na lang akong nagsabi na,

"Hay... bagay talaga tayong dalawa."

Pag tingin ko, ang asungot na si Renren katapat ko na pala sa table. Nanlaki ang mga mata ko. "Di ba sabi ko wag mo akong susundan?"

"Labyu Bebe," sabi niya sabay nguso. Nandiri ako.

Nang mag-uwian, umeksena na naman si Renren. Palabas na ako ng classroom nang harangin niya ako.

"What?!" iritang tanong ko. Biglang naglabas si Renren ng pulang tela sa bag niya at inilatag iyon.
"Sige na, daan na sa red carpet, prinsisa ko," sabi niya. Nangantyaw ang mga kaklase namin.
"PRINSISA ka pala ni Renren e!" natatawang sabi ng isa.
"Magtatayo na ba kami ng Ren-Deb Fan's Club?" gatong naman ng isa pa.
"Shut up!" pagalit kong sinabi sabay alis. Ngiting-ngiti naman si Renren.

Hindi ko na ma-take ang nangyayaring ito. Araw-araw nakakatanggap din ako ng sulat kay Renren na iniipit niya sa locker ko. Aatakihin ako sa nerbyos kasi sumasagi sa isip kong death threat ang mga yun. May ilang beses ko nang iniwasan si Renren. Kulang na lang mag-disguise ako para di niya na ako masundan.

Isang gabing umuwi ako, habang naglalakad sa madilim na kalsada papunta sa bahay namin, nakaramdam ako na parang may sumusunod sa akin. Huminto ako saglit at nakiramdam sa paligid, pero sa ginawa kong paghinto, mas nakakuha pa pala ng tiyempo ang masamang loob at pinagtangkaan ako. Mula sa kung saan, sumulpot siya at tinutukan ako ng kutsilyo sa leeg.

"Akin na ang pera at cell phone mo!" sabi ng holdaper. Brusko ang pangangatawan nito at balbas-sarado. Ilalabas ko na sana ang wallet ko nang bigla na lang bumulagta ang holdaper at nang lumingon ako, nakita ko si Renren na may hawak na malaking bato.
"Renren?!" gulat na tanong ko. Sinundan niya na naman ako.
"Ligtas ka na, Bebe ko," sabi ni Renren sabay yakap sa akin.
"CUT!" sigaw ni Direk Mark Reyes. "Good take!" papuri niya.

Nagpalakpakan ang lahat ng nasa set. Nakahinga kami nang maluwag. Natapos ang taping noong araw na yun at tinanggalan na ng prosthetics si Arnie (na gumanap bilang Renren).

"Gwapo talaga ng boyfriend ko," isip ko. Nilapitan ako ni Arnie pagkatapos at pinunasan ang pawis ko.

Tuesday, May 4, 2010

My Happiness Left Me

Pagdamutan ninyo na itong munting akda ko.
Nagiging scattered brain na yata ako ngayon.



Hindi ako naniniwala sa fairy tales. Lalo na sa happy ending. Wala ang salitang happiness sa bokabularyo ko, o alinmang salitang may kasingkahulugan nito. Hindi ako naniniwala sa prince charming o lumilipad na superhero. Hindi ako naniniwalang sasagipin ka nila pag nangangailangan ka ng tulong, pag may bruhang madrastang nang-aapi sa iyo o di kaya naman ay bibigyan ka ng halik para magising ka mula sa mahabang panaginip.

Sa kabila noon ay may mga bagay din akong pinaniniwalaan. Naniniwala akong ang buhay ko ay isang kuwentong naumpisahan pero hindi natapos dahil tinamad na ang writer na magsulat. Na kagaya ako ni Psyche, hinahangaan pero hindi minamahal o kung mahalin man, may Aphrodite na kokontra sa love story. Naniniwala akong hindi na ako makakatagpo ng taong maglalagay sa talasalitaan ko ng salitang happiness. Nagkaganito lang naman ako nang mawala si Jayson... ang lalaking minahal ko.

Nakilala ko si Jayson sa isang website, naging chatmates kami. Hindi kami close noong una kasi mukhang suplado siya pero di kalaunan, nagkuhaan kami ng number at naging textmates kami. Madalas na kaming mag-usap, madalas magtawagan. Sa araw-araw na magkausap kami, dumating sa puntong sinabihan ko siya ng "I love you" at nagulat ako dahil ganoon din ang itinugon niya sa akin. Samakatuwid, inibig namin ni Jayson ang isa't isa.

Matapos ang dalawang buwan nagkita kami at yun ang unang beses na nagdampi ang aming mga labi. May ilang beses din kaming lumabas. Pinanghawakan ko ang sinabi niyang mahal niya ako at higit naman dun ang pagmamahal ko sa kanya. Ang saya-saya ko dahil nandiyan si Jayson... pero may isang problema, may girlfriend na siya.

Noon pa man alam ko na yun pero naging matigas ang ulo ko at minahal ko pa rin siya. Sabi sa akin ni Jayson habang tumatagal pabawas nang pabawas ang nararamdaman niya sa girlfriend niya dahil sa akin. Sabi niya mas mahal niya ako kaysa sa girlfriend niya, na mas masaya siya sa akin.

Nangako siyang kahit anong mangyari nandiyan siya para sa akin, na hindi niya ako iiwan. Masaya ako kasi mahal ako ni Jayson, pero ayokong makasira ng relasyon. Kaso anong magagawa ko? Gusto ko akin si Jayson kasi mahal ko siya. Masama bang maghangad ako paminsan-minsan?

Isang Biyernes may nag-text sa akin gamit ang number ni Jayson.

"Hi Anne! Gf ni Jayson ito, si Belle. Matagal na kitang kilala at alam ko kung anong meron sa inyo. Puwede bang wag ka nang mag-text kay Jayson? Nagkakasira kasi kami dahil sa iyo. Please lang," sabi sa message.

Nagulat ako sa sinabing iyon ng girlfriend ni Jayson, higit sa lahat nasaktan ako. Itinabi ko muna ang cell phone ko, at ilang oras makalipas tiningnan kong muli iyon. Ang daming messages at missed calls, lahat galing kay Jayson.

"Anne, sorry. Hiniram kasi ni Belle yung phone ko. Nalaman kong nag-text siya sa iyo kasi nakita ko sa sent items yung message," pagbasa ko sa isang message, at may ilan rin siyang paliwanag, may ilang mensaheng nagsasabing mahal niya ako. Ayoko nang sabihin kung ano yung iba pa, masakit lang.

Habang kinakalikot ko ang cell phone ko, bigla itong nag-ring at nasagot ko ang tawag. Inilagay ko sa kaliwang tainga ko ang cell phone.

"Bakit hindi mo sinasagot ang tawag ko?" tanong ni Jayson.
"Sorry, tulog kasi ako," pagsisinungaling ko.
"Nabasa mo ba yung mga text ko?" tanong ni Jayson. Oo ang isinagot ko. "Anne, sorry sa kung anumang sinabi ni Belle sa iyo," paumanhin niya.
"Ok lang, Jay. Ganito na lang, hindi na ako magte-text o tatawag sa iyo. Nasisira ko na kayo ni Belle," sabi ko.
"Anne naman..." may panghihinayang kay Jayson.
"Mas mabuting umiwas na tayo sa gulo," sabi ko at iniwanan ko siya ng salitang "BYE."

Alam kong kasalanan ko ang lahat kasi minahal ko siya kahit alam kong may girlfriend na siya. Ngayon, sa paglayo ko, ako rin yung nahihirapan. Walang araw na hindi pumapasok si Jayson sa isip ko. Gabi-gabi kapag mag-isa ako sa kuwarto at hawak ko ang cell phone ko, naaalala ko siya. Naaalala ko yung mga panahong magka-text kami buong magdamag, nagtatawagan, kinakantahan niya ako, tumatawa kami, nagsasabihan ng problema, nagsasabihan ng matatamis na salita. Nami-miss ko si Jayson... sobra. Kaso wala na siya. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil kailangan. Wala na rin yung kaunting pag-asa kong balang araw, gaya ng sa fairy tale, we will live happily ever after.

Sa totoo lang, sa nangyaring yun, hindi na ako naniniwala sa fairy tales. Lalo na sa happy ending. Hindi ako naniniwalang may tao pang maglalagay ng happiness sa bokabularyo ko, kasi ang happiness ko ay nakasulat sa ibang diksyunaryo... hawak-hawak ng ibang tao.
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly