Ang laki naman ng smile ko nang mapadaan ako sa tristancafe
forum kani-kanina lang.
Nagbukas ako ng isang post doon sa Poetry and Short Stories,
and to my surprise, nakita ko yung sinulat ng isang “budding writer”.
“Nainspire po kasi ako ni anyd yung author ng Papatayin
Kita!* kaya I've tried doing my own story...
Basahin niyo po ahh... This would be my first time tulungan
niyo po akong i-improve yung story by suggesting what would happen next...
THANKS....”
*(Papatayin Kita… Mamaya! yung complete title.)
2006 nang sumali ako sa tambayan na yun. 2007 nang magsimula
akong mag-post ng story ko na hindi ko alam kung papatok ba o lalangawin lang.
Sa kabutihang palad, pumatok naman kaya ginanahan ako. Maraming tumulong sa
akin para mag-improve (kahit papaano). Hindi ko makalilimutan si Kuya Jet
(jetstream) na isa sa mga pumuna at nagturo sa akin kung paano ayusin ang
paraan ng pagsusulat ko. Masaya at makulay ang Poetry and Short Stories ng
tristancafe (Poetry and Fiction pa noon) pero sa paglipas ng panahon ay nawala
isa-isa ang mga manunulat na nagbibigay-buhay sa website na iyon. Yung iba
nauna sa akin. Yung iba kasabayan ko. Yung iba, ibang henerasyon na at di ko na
gaanong kilala. Nag-po-post pa rin ako doon pag may oras ako. Nag-po-post ako
kahit na yung libong views noon ay naging daan na lang ngayon. Yung daang comments
noon ay swerte na lang kung aabot pa ng sampu ngayon.
Nagsusulat ako ng mga tula noong nasa Elementary ako.
Nagsimula akong gumawa ng kuwento noong nasa High School ako. Gumawa ako ng mas
mahabang kuwento noong tumungtong ako ng College. Estudyante pa lang ako noon.
Marami akong nasa isip. Halos nadadagdagan araw-araw. Sa dami ng naiisip ko,
dumami na rin yung kuwentong inumpisahan ko pero di ko natapos.
Gumawa ako ng blog nang pansamantalang mawala ang
tristancafe. Existing pa rin yun hanggang ngayon, pero hindi ko na nalalagyan
ng laman. Mahirap din kasi. Nagtatrabaho na ako, nag-aaral uli, at nagsusulat
din. Nag-register ako sa wattpad, pero tamad akong bumisita. Napadpad ako sa
Stories of Your Life dahil may nangyari in the past. Isang taon na rin pala
akong tambay sa FB page na yun. Sobrang laking tulong talaga ng mga sites na
nabanggit ko.
Ano ba ang napapala ko rito? Hindi naman ako kumikita. Kahit
na maraming beses ninais ko na sana napagkakakitaan ko itong pagsusulat na ito
para makatulong man lang ako sa pag-aaral ng mga kapatid ko, pambayad ng
tuition ko, o sa pangangailangan ng pamilya ko.
Hindi ako sumubok na magpasa sa publisher o gawing
pangkabuhayan ito, ni hindi ako sumasali sa school paper kasi wala namang akong
kumpyansa o walang pagkakataon o wala naman talaga sa isip ko. Hindi naman kasi
ako professional writer. Nangangarap lang ako. At yun siguro yun yung napapala
ko. Yung natutupad ko yung pangarap ko. Ang gusto ko lang naman ay makapagsulat
nang walang limitasyon, walang hinahabol na deadline, walang pressure, at yung
may magbasa nung gawa ko. Yun lang! Yung pangarap na may mapulot man lang yung
mga nagbabasa sa sinulat ko na minsan hindi ko rin mapaniwalaang naisulat ko
pag sinusubukan kong basahin uli yung mga sinulat ko. Yung maalala man lang
nila yung pamagat, o yung pangalan ng tauhan at ilang bahagi ng kuwento. Yun
lang naman.
At ito nga siguro yung dahilan kung bakit nagsusulat pa ako,
kahit na yung iba ay pinanghinaan na ng loob. Kahit na sinasabi nilang wala
naman daw kinikita sa pagsusulat, gaya ng pagsabi nilang hindi ko ikayayaman
ang pagiging isang guro. Ito lang naman siguro yung dahilan… Yung maka-inspire
ka ng tao para magsulat din sila, makapagpasaya sa pamamagitan ng pagbabasa,
madala mo sila pansamantala sa mundong malayung-malayo sa mundong ginagalawan
nila ngayon.
Maaari isa ka sa mga nakapagbasa ng (mga) sinulat ko. Isa ka
sa mga natuwa, umiyak, nagalit, nainis, nabitin, at kung anu-ano pa. Kung isa
ka man dun, maraming-maraming salamat dahil patuloy kang naniniwala sa
kakayahan ko.
Maaaring nagbabasa ka lang ngayon. Maaring isa ka lang sa
mga humahanga sa mga gawa nung paborito mong writer. Pero malay mo di ba, sa
hinaharap, isa ka na sa mga sikat na manunulat sa Pilipinas. Kaya ikaw, huwag
kang magsawang mangarap. Sulat lang nang sulat! ^_^
~anyD
04.03.13
12:57 a.m.
No comments:
Post a Comment