No to Plagiarism!

ANYD's NOTE:

It would be very disappointing if I would learn that my works were plagiarized. The truth is I have seen my work in this certain website without even acknowledging ME as the author. Well, I guess it's okay if you would copy some of my works here, and let me know it. I included my e-mail address (ellasdm@yahoo.com) in my profile, so I'm pretty much sure that it won't hurt. Please, just please, don't own my works as if they were yours. Thanks a bunch.

Monday, August 27, 2012

A Tristancafe Story: True Love Waits (6)

 CHAPTER 6
Nightmare


"Akala ko hihintayin mo ako kasi sinabi mo noon na maghihintay ka... Akala ko lang naman pala yun..."

-Dee


OOO


Nagpasalamat si Sid dahil sa tulong na ginawa ni Dee sa kanilang mag-aama, "Salamat ha. Alam mo, Dina, hindi ka pa rin talaga nagbabago. Mabait ka pa rin at maalalahanin."

Nginitian ni Dee si Sid. "Wala yun."

"Biro mo nga naman, di ba, patitirahin mo na nga kami dito, pakakainin mo pa kami. Ang bait mo talaga, Dina," patutsada pa ni Sid.

Hindi makapaniwala si Dee sa narinig, "Teka, teka, Sid. Parang nabibingi yata ako. Anong sinasabi mong patitirahin at pakakainin?!"

"Sinabi mo kaya yun kanina!" giit ni Sid.
"Wala akong matandaan. Alam mo, pag wala akong matandaan, ibig sabihin nun wala akong sinabi kaya wag kang mag-ilusyon diyan!"

Nagsimula nang mag-drama si Sid, "O Dina... O Dina... Maawa ka naman sa amin!" at nakuha pa niyang lumuhod at kumapit sa mga binti ni Dee.

"Ano bang kalokohan ito, Sid?" tanong ni Dee na sa loob-loob e nag-eenjoy din naman sa paghawak ni Sid sa binti niya.

Pagkatapos nun ay nagkaroon sila ng masinsinang usapan. Tumila na ang malakas na ulan at tulog na rin ang mga bata. Ang lakas pa nga ng hilik ni Jackie.

Ipinagtimpla ni Dee ng kape ang kaibigan at dinagdagan pa iyon ng cinnamon. "Para mas masarap ang I love you!" isip niya, at kinikilig-kilig pa, pero sa isip lang din. Ibinigay na niya ang itinimplang kape kay Sid tapos ay kinumbinsi niya itong magkwento tungkol sa buhay niya. Ilang minuto ring hinalo ni Sid ang kape bago siya nagsimulang nagkwento tungkol sa naging buhay niya.

"Sinusubukan kong maging mabuting tao," pasimula niya, tapos ay humigop ng kape, "pero sadyang," higop muli ng kape, "nagiging," higop ng kape, "mapait," higop ng kape...
"Leche naman, Sid o! Nabibitin ako sa kwento mo e!" angal ni Dee.
"Pasensya ka na, ang sarap kasi ng kape mo e. Anong kape ba ito?"
"Nescafe 3-in-1, dinagdagan ko ng cinnamon," nang-aakit na pagkakasabi ni Dee, animo'y iniindorso ang kape. "Sige na, tuloy mo na yung kwento mo!"
"3-in-1 pala ito. Kaya pala..." Biglang humikab si Sid. "Inaantok na ako Dina, bukas na lang." Umakyat na siya at tinabihan ang mga anak sa pagtulog.
"Pambihira! Tinulugan ako?! Feel niya naman bahay niya ito," reklamo ni Dee.

Habang tulog ang mag-aama, pinagmasdan sila ni Dee. Mahimbing silang natutulog; mukhang di alintana ang pagod gawa ng mga pangyayari.

Habang mahimbing na natutulog ay nagkaroon ng kakatwang panaginip si Sid. Napanaginipan niya ang mga babaeng nagdaan sa buhay niya: sina Kate, Rei at Zhannel. Galit na galit daw ang mga iyon at sinisisi siya sa lahat ng kamalasang nangyayari sa buhay nila. Lubos na humingi ng tawad si Sid pero di siya pinakinggan ng mga iyon.

"Wala kang kwenta!" sigaw sa kanya ni Kate.
"I h8 u!" naman ang sentimyento ni Rei.
"Huwag na kayong babalik sa bahay ko, tey! Inuubos ninyo lang ang stock ko sa ref, tey! Lalo ka na, ang lakas-lakas mong lumafang, tey Sid!" paghihinanakit naman ni Zhannel. Umalingawngaw pa sa diwa niya ang huling salita ni Zhannel, "Tey! Tey! Tey!" Paulit-ulit. Nakakaloka!

Nang magising si Sid ay lumuluha na pala siya. Bumangon siya at pinunas ang kanyang mga luha. Suminga na rin siya sa suot na t-shirt. Labis na ikinagulat niya nang makitang wala na ang kanyang mga anak sa kanyang tabi. Bumangon siya at bumaba upang tingnan kung naroroon ang mga iyon. Tama nga siya. Nilapitan niya ang mga iyon.

"Bye po. Mag-iingat po kayo," paalam ni Jackie sabay kaway kay Dee.
"Bye!" eksena naman ni Intoy, hindi papakabog.
"Sino'ng binababye-an ninyo mga anak?" tanong ni Sid.
"Si Ms. Dee, daddy," sagot ni Intoy. "Umalis na siya e."
"Umalis?" pagtataka ni Sid.
"Papasok daw po sa work. Iniwanan niya na tayo ng almusal. Meron na rin daw para sa tanghalian at sa hapunan. Sakaling mahuli siya ng uwi mamaya, tayo na lang daw po ang magluto," patuloy ni Intoy. "Ang bait-bait ni Ms. Dee, ano daddy?"
"Oo. Tama ka," tugon ni Sid sa anak.

Napakasarap ng umaga ngayon. Habang tinatahak ang daan papasok sa trabaho, hindi mawala sa isip ni Dee ang mga narinig niya kay Sid noong nananaginip ito, "Kate... Rei... Zhannel..."

Napaisip tuloy siya bigla, "Sino sila?"

Nang magkaroon ng libreng oras, tila nakatulala sa kawalan si Dee habang iniisip kung sino nga kaya ang mga yun. Di niya namalayang dumating na pala sa faculty room ang co-teacher na matagal na ring sumusuyo sa kanya.

"Mukhang malalim ang iniisip mo ha," puna ni Shann na kung matatandaan ay kaibigan ni Sid at kanilang school mate noong high school.
"Medyo," sagot ni Dee at kunwari'y nagpaka busy sa ginagawa.

Gaya ng sinuman e malaki na rin ang ipinagbago ni Shann. Mas naging mature at lalaking-lalaki ang kanyang hitsura, hindi kamukha noon na patpatin at totoy ang dating. Malinis at maayos siyang tingnan. Pormal na pormal pa siyang manamit at wholesome na wholesome. Di rin maikakaila ang kanyang kagwapuhan at sa hitsura pa lang ay mukhang mabentang-mabenta na sa mga matrona.

"Gusto sana kitang yayain na mag-dinner mamaya, ok lang ba sa iyo?" tanong ni Shann kay Dee.
"Mukhang magpapass muna ako, Sir Shann. Marami kasi akong gagawin ngayon e," sabi ni Dee.
"Hindi ba pwedeng ipagpaliban mo muna ang mga gagawin mo para sa akin?" tanong muli ni Shann.
"Hindi!" sagot ni Dee.
"Ang sweet sweet mo talaga, Ms. Dee," nakangiting sabi ni Shann, pero sa loob-loob ay tila nawalan siya ng pasensya sa kausap.

Para makatakas kay Shann e gumawa ng excuse si Dee, "A sige, Sir Shann. Maiwan na kita. May aasikasuhin lang." Lumabas na siya ng faculty room. Siya namang pasok ng isa pang co-teacher na si Ms. Charmaine, o Ms. Charm kung tawagin ng karamihan. Siya ang bestfriend ni Shann. Napuna niyang masama na naman ang loob ni Shann kaya't tinanong niya ang kaibigan.

"Rejected na naman ang offer mo?"
"Ano pa nga ba?" tugon ni Shann, tapos ay napabuntong-hininga.
"Ay naku, Shann! Kailan pa ba kayo magkakatuluyan ni Dee? Siguro may apo na ako at lahat-lahat, wala pa rin."
"Wag mo na ngang dagdagan ang frustration ko, Charm! It's been 15 years. Ganun katagal ko na siyang sinusuyo! Kaso parang wala namang talab."

Natatawa lang si Charm sa kamartiran ni Shann. "Alam mo ba kung bakit di ka sinasagot ni Dee?"

Napakunot-noo si Shann, "Bakit?"

"Kasi hinihintay niya si... True Love! Wala kang laban dun, Shann. Kaya kung ako sa iyo, maghanap ka na lang ng iba."

Samantala, sa bahay ni Dee, abalang-abala ang mag-aama na gumagawa ng kung anumang putaheng pwedeng ulamin.

"Alam mo, Daddy, namimiss ko na yung luto ni Tita Zhannel," pagtatapat ni Jackie.
"Ano bang namimiss mo dun e ang hilig lang namang lutuin ng Tita Zhannel mo e hotdog at eggs. Palibhasa kasi mahilig siya dun," tugon ni Sid.
"Minsan kaya nagluluto rin siya ng footlong," sabi naman ni Intoy.
"Mahilig kasi sa mahahabang pagkain yun," paliwanag ni Sid. "Kung gaano naman siya nahilig sa mahahaba e ganun naman kaiksi ang pasensya niya."
"Sana makabalik na tayo sa bahay ni Tita Zhannel," panalangin ni Jackie na tila na hohome sick na.
"Hindi na tayo pababalikin ng Tita Zhannel ninyo. Galit yun sakin," sabi ni Sid. Inapura na niya ang mga bata, "Hay bilisan na nga nating magluto. Ipagluto natin si Tita Dee ninyo para naman pa-stay-in niya pa tayo rito."

Bandang alas kwatro ng hapon nang makauwi si Dee sa bahay niya. Sinurpresa siya ng mag-aama na labis niyang ikinatuwa at ikinagulat. Hinandaan siya ng mga ito ng masarap na putahe para pawiin ang gutom niya. Pagkatapos nun ay natuloy na rin ang masinsinang usapan nila ni Sid. Nagkakape na naman uli sila.

"Sinusubukan kong maging mabuting tao," pasimula ni Sid, "pero sadyang nagiging mapait ang kapalaran para sa akin. Maayos naman sana dapat ang buhay ko kundi nga lang nabulag ako ng pag-ibig."

Nakikinig lang si Dee sa pahayag ni Sid. Nagpatuloy si Sid.

"Dalawang taon ang lumipas mula ng grumaduate tayo, nagkaroon kami uli ng ugnayan ni Kate. Tinawagan niya ako tapos ay nagkita kami. Umiiyak siya. Paano kasi'y nagkakalabuan na sila ni JM. Nangibang-bansa si JM para raw mag-aral tapos ay nalaman niyang may ibang babae pala ito.
"Noong nagkita kami, may di inaasahang nangyari sa amin ni Kate. Di ko akalaing magbubunga ang aming kapusukan. Di tumutol ang mga magulang ni Kate dahil akala nila kay JM yun. Pero di ginusto ni Kate ang bata. Gusto nga niyang ipalaglag yun pero di ako pumayag. Ipinaglaban ko ang baby namin. Hanggang sa nagdesisyon siyang ipagpatuloy ang pagbubuntis niya.
"Alam kong marami siyang hirap na pinagdaanan dahil nililibak siya ng mga matang nasa paligid dahil sa maaga niyang pagbubuntis. Ipinagtanggol ko siya laban sa mga matang yun. Hanggang sa isinilang niya na ang sanggol. Pinangalanan niyang 'Jogie' ang baby namin na ang ibig sabihin ay 'Sumpa'.
"Lumipad si Kate papunta sa ibang bansa para roon ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Hinabilin niya ang bata sa akin na labis ipinagtaka ng kanyang mga magulang. Kalauna'y sinabi rin niya ang katotohanan sa kanila.
"Umalis din patungong ibang bansa ang kanyang mga magulang para takasan ang kahihiyan. Kahit na matagal nang magkakaibigan ang aming pamilya ay kinahihiya nila ang nangyari. Doon ay sinimulan kong harapin ang aking buhay bilang si Sideros, ang batang ama.
"Bilang isang ama ay kailangan kong kumayod. Pero nahihirapan ako kasi nag-aaral din ako. Hanggang sa isang araw ay isinuko ko ang pag-aaral ko at nagdesisyon na magtrabaho na lang."

Labis na ikinalungkot ni Dee ang narinig mula kay Sid.

"Marami pa akong gustong ikwento pero saka na lang muna. Nahihirapan lang ako pag naaalala ko ang nakaraan," pagtatapos ni Sid sa kwento niya.
"Kung may magagawa lang sana ako para maibsan ang sama ng loob mo. Gagawin ko ang lahat, Sid. Sumaya ka lang uli," isip ni Dee.

Kinagabihan, hindi nakatulog si Dee. Marami pa siyang gustong malaman tungkol kay Sid kagaya na lamang ng tungkol dun sa mga pangalang Rei at Zhannel na binanggit nito. Gusto niya ring malaman kung si Jackie ay anak niya rin ba kay Kate. Dismayadong-dismayado siya sa mga nalaman. Pakiramdam niya e baliwala lang ang ilang taon niyang paghihintay.

"Akala ko hihintayin mo ako kasi sinabi mo noon na maghihintay ka... Akala ko lang naman pala yun..." sabi niya sa sarili. Di niya namalayang nilukuban na siya ng antok at siya ay nakatulog.

...Itutuloy...

OOO


Mga Tanong:

1. Sino sina Rei at Zhannel sa buhay ni Sid?

2. Kaninong anak kaya si Jackie?

Abangan.

Sunday, August 19, 2012

Sapi


Naniniwala ka ba sa himala?


Nag-uumapaw sa dami ng tao ang bahay-dalanginan ni Apo Manlo sa paanan ng Bundok Trololol. Lahat ay kating-kati na masaksihan ang himalang ginagawa ng dati niyang kasambahay na si Luca, ngunit kung tawagin na ngayon ay "Mahal na Luca". Mula sa maliit na kumpol ng tao noong mga nakaraang buwan ay nadagdagan ito at umabot ng daan-daan ang dumarayo para makita at mahawakan ang Mahal na Luca. Umaasa silang mapapagaling sila nito nang hindi magbabayad ng ganun kamahal. Mula sa baryang natatanggap ni Apo Manlo ay nadagdagan na ang donasyon ng mga tao kaya't ang dating barung-barong na gawa sa kahoy ay naipasemento niya na at nakapagpatayo na rin siya ng bahay dalanginan na magsisilbing kanlungan ng Mahal na Luca sa tuwing gagawa ito ng himala.

Espesyal si Luca para sa karamihan. Paano kasi ay sumasapi sa kanya ang Sto. Niño na dinadasalan ng maraming Katoliko. Marami nang napagaling ang Mahal na Luca sa simpleng pagdura niya sa kanyang palad at pagpahid na animo'y lotion sa parteng apektado ng kahit anong karamdaman. Sunod nun ay hahagurin ng Mahal na Luca ang parteng masakit at babatak-batakin o di kaya'y mamasa-masahihin ang parteng ito. May ilang nakapagsabing mainit-init ang likidong ipinapahid sa kanila at masarap iyon sa pakiramdam. May nakapagsabing sa pamamagitan ng likidong iyon na tatawagin nating "banal na malapot na laway ng Mahal na Luca na may halong malunggay" ay gumiginhawa ang pakiramdam ng sinumang madampian ng espesyal na likido at kahit masakit ang gamutan ay sulit naman.

"Nagpapasalamat ako sa Mahal na Luca," sabi ng isang matandang lalaking pasyente. "Dahil sa kanya ay nagawa kong makalakad. Dati ni hindi ako makatayo pero mula nang pahiran niya ako ng banal na malapot na laway na may halong malunggay (at karate-hin) ang paa ko ay gumaling ako. Nakakapagpagaling pala talaga (ang malunggay! Ay hindi...) ang laway niya (pala)."

May isa ring patotoo na nakapagpamangha sa mga tao. Iyon ay ang pahayag ng isang dalagitang kabilang din sa mga taong nasa dalanginan. "Madalas akong duguin pero mula nang magpagamot ako sa Mahal na Luca ay bumuti ang lagay ko. Itinapat niya sa tiyan ko yung kanang kamay niya at nagsabi ng dasal. Pinahiran niya ako ng banal na malapot na laway na may halong malunggay. Matapos niyang gawin yun ay binulungan niya ako. (Bumili raw ako ng Modess with wings.) Tapos sinabunutan niya ako. (Wag daw akong tanga. Nasa puberty stage na raw kasi ako.) Nawala ang masamang espiritu (ng katangahan) sa katawan ko."

Isang binata naman na may malaking problema sa mukha ang lumapit noon at humingi ng tulong sa Mahal na Luca. "Dati punung-puno ng tighiyawat itong mukha ko pero mula nang magpunta ako rito at humingi ako ng tulong sa Mahal na Luca ay nawala ang mga tighiyawat ko. Dinuraan ako ng Mahal na Luca sa mukha at hinagod niya ang banal na malapot na laway na may halong malunggay sa mukha ko. Matapos umusal ng dasal (na hindi ko naman maintindihan) ay binulungan niya ako. (See me after this, sabi niya.) Matapos ang seremonya ay (inabutan niya ako ng papaya soap. Use three times a week daw.) guminhawa ang pakiramdam ko. Isang buwan makalipas ay nawala ang tighiyawat sa mukha ko."

Ang mga simpleng pahayag na yun ang nakapagpasikat sa Mahal na Luca kaya daan-daan na ang dumarayo para magamot niya. Kabilang sa mga dinadaing ng mga tao ay ang pagsakit ng ngipin, pagkakaroon ng higanteng tutuli sa tainga, pagkabingot, rayuma, pagsakit ng likod, panlalabo ng mata, mataas na lagnat, pagkakaroon ng putok, pamamaho ng paa dahil sa alipunga, at kung anu-ano pang mga sakit na kung tutuusin ay common sense na lang ang paraan ng gamutan. Nariyan din ang bigating sakit gaya ng cancer at yung malalaking bukol na tumutubo sa katawan. Lahat ay naniniwalang kaya silang pagalingin ng Mahal na Luca.

Bandang alas sais ng hapon ay dumating na ang Mahal na Luca sa dalanginan. Isa siyang babaeng may kalakihan ang katawan, mabilbil, hanggang baba ang itim na buhok, pawisan, nakasuot ng shorts at t-shirt at may kapang pinaghalong pula at puti ang kulay. May kabuntot siyang dalawang alalay, isang lalaki at isang babae.

"Magandang hapon po, Mahal na Luca," bati ng mga tao.

Nilibot ng Mahal na Luca ng tingin ang bawat taong nasa paligid niya. Hindi siya umimik. Ilang saglit pa'y tumirik ang kanyang mga mata, nangisay at nahimatay. Bumagsak ang mahal na Luca sa isang malambot na kutson. Binili iyon ni Apo Manlo para sakaling hihimatayin ang Mahal na Luca ay hindi siya gaanong masasaktan. Kinabahan at napasigaw ang mga tao. Sinubukan siyang tulungan ng lalaking alalay pero binalaan iyon ng babaeng alalay.

"Huwag mo siyang galawin! Sumasapi sa kanya ang banal na kaluluwa ng mahal na Sto. Niño!" Nanatiling nakatanga ang lalaki at di alam ang gagawin kahit na paulit-ulit naman nilang ginagawa iyon. Yun ang papel niya, ang magtanga-tangahan sa tuwing sinasapian si Luca. Kapansin-pansin din ang isang bag na dala niya. Naglalaman iyon ng ilang bimpo, alcohol at baby powder para sa Mahal na Luca sakaling manlagkit ito at pagpawisan.

Nagpatuloy ang alalay na babae, "Lahat kayo! Itaas ninyo ang mga kamay ninyo sa langit at sabay-sabay na sabihing AMEN! AMEN! Purihin ang kabanal-banalang Sto. Niño. Purihin ang Mahal na Luca!"

Parang parrot na sumunod ang mga tao.

Nang nagkamalay ay hindi dumilat ang Mahal na Luca. Bumangon lang siya, ngumiti at nagsalita sa maliit na boses. Patunay ito na nakakulong na sa kanya ang espiritu ni Sto. Niño.

"Magandang araw sa inyo," bati niya sa mga tao nang nakapikit at nakangiti na parang isang hibang. Pagalaw-galaw ang leeg niya, nagpapa-cute at todo effort sa pag-ipit ng boses. Ito kasi ang bilin ni Apo Manlo sa kanya noong nagsisimula pa lang sila sa (panloloko) panggagamot sa mga tao, "Pag sinasapian ka ng Sto. Niño, dapat palaging maliit ang boses mo. Kahit sinong napapanood sa TV e ganun ang feature and characteristics! That is a requirement!" Yun ang palaging tinatandaan ni Luca. Nagpapractice rin siya gabi-gabi.

"Sino sa inyo ang gustong gumaling?" Nagtaasan ng kamay ang mga tao. "Simulan na natin," pang-eengganyo niya. Nauna sa gamutan ang unang taong dumating sa dalanginan. Nakapaskil kasi sa labas ng dalanginan ang isang notice, "First Come, First Serve."

Habang naghihintay ang iba na sila'y magamot, may isang dalagita na kilala bilang apo ni Apo Manlo ang lumibot sa paligid at nag-abot ng isang sisidlang may nakadikit na, "Kaunting donasyon para sa Mahal na Luca. Kahit singkwenta lang." At hindi siya aalis sa harap mo hangga't di ka nagbibigay.

Natatapos ang gamutan nang tatlong oras dahil nakapaglalagi ang espiritu ni Sto. Niño sa loob ng katawan ni Luca nang ganun katagal. Parang nagiging isang bukas na tindahan ang katawan ni Luca dahil bumabalik si Sto. Niño araw-araw. Kung makapagsasalita lang ang katawan ni Luca e sasabihin nitong, "Thank you! Come again!" Pero tila masyado na itong abala at pagod sa kadudura nang kadudura sa mga tao.

Hindi pa natatapos ang eksena sa panggagamot sa isang taong may malaking bukol sa mukha ay bigla na lamang nangisay ang Mahal na Luca. Mukhang time's up na at kailangan nang umalis ni Sto. Nino sa katawang ito. Di bale, marami namang naduraan, nasabunutan, nabulungan ng pekeng dasal na sa paniniwala ng iba ay mula sa Diyos pero di naman maintindihan, at nasaktan ng kalamnan. Mukhang umabot na rin ang grupo nina Apo Manlo sa quota kaya stop na muna. Bukas uli. Nanghinayang ang mga tao sa pangingisay na yun, lalo na yung mga di nakaabot. Nangangahulugan kasi na kailangan pa nilang bumalik bukas at maghulog na naman ng panibagong singkwenta pesos.

"Magpapahinga na ang Mahal na Luca!" sabi ng babaeng alalay. Bumuntot ang lalaking alalay. Pumasok sila sa isang pinto na nasa altar ng bahay dalanginan. Naiwan si Apo Manlo at ang apo niya at kinukumbinsi ang mga tao na umuwi na para makapagpahinga (at para makapagbilang na rin sila ng pera at mapaghati-hatian na nila yun).

Nang wala nang tao sa paligid, nagtipon-tipon sila sa salas ng tahanan ni Apo Manlo. Isinalansan ng dalagita sa mesa ang nalikom na pera. Binilang iyon ni Apo Manlo. Ipinasa iyon sa Mahal na Luca. Matapos ay pinaghahati-hati niya iyon, pinanalangin, inabot sa mga alipores at sinabi, "Tanggapin ninyong lahat ito. Ito ay katas ng aking katawan na ibibigay ko sa inyo at sa ating lahat." Inabot niya ang halaga kay Apo Manlo, sa dalagitang apo ni Apo Manlo, sa babaeng alalay, tapos ay sa lalaking alalay.

Lingid sa kanilang kaalaman na may hidden camera sa bag na dala ng lalaking alalay. "Alalayan mo na papunta sa kuwarto si Luca. Pagpahingahin mo muna tapos maghanda ka ng pampaligo," utos ng babaeng alalay. Agad na sumunod ang lalaki.

Nang maihatid na sa kuwarto si Luca, naghanda na ang lalaki ng pampaligo. "Mga walang hiyang manloloko! Mayayari na kayo kay Mike Marquez!" isip ng asset ng programang "Imbestigahan Mo".

Thursday, August 9, 2012

Di na nakatutuwa

Oo, minsan gusto kong walang pasok.


Para makapag-pahinga.

Pero jusme naman, wag naman yung aabutin ng three to four days suspension.

Last week four days suspended yung klase.

This week naman three days nang suspended.

Though hindi kami nabahaan (at may mga nagsabi rin na hindi nila dama yung baha rito sa lugar namin), still worried pa rin dahil some parts of Bacoor ang lubog sa baha. (And some areas of Luzon.)

May nabasa akong comment ng isang taga-Bacoor saying na hindi naman daw dapat isuspend ang classes kasi wala naman daw baha sa Molino II. Sayang naman daw ang mga araw. Move on na raw. Kalahati sa utak ko e nag-a-agree sa sinabi niya.

Pero isipin na lang din ang safety ng ibang ka-lugar namin. Hindi naman daw masasayang ang araw dahil may make-up classes namin, sabi ng isang nag-comment. Tama siya. Though mahalaga ang edukasyon, mas mahalaga pa rin ang safety ng bawat isa. Pasalamat nga kami dahil hindi binabaha itong place namin. Sa ngayon. Pero wag naman sana.

Hindi naman bagyo yung nanalasa pero parang mas matindi pa kay Ondoy ito. Nakakatakot yung tunog ng hangin at ulan. Kahit nasa bahay lang ako, natatakot ako.

Maigi nga lang at wala nang ulan dito ngayon. Maganda-ganda na ang araw. Sana humupa na yung baha sa ibang lugar. :pray:

Sunday, August 5, 2012

Countdown

Eksena: Sa Manila, sakay ng jeep papunta ng Rizal Park. Inabot sakin ni Ar-Ey yung phone niya, may ipinababasang story na gawa niya.

 ME: *Nagsimula nang basahin yung story* Sabihin mo sakin pag malapit na tayo.

 HIM: Ok. *Silip sa labas ng bintana* Nasa'n na ba tayo?!

 _Haha! Um-OK pero di niya pala alam yung place. Ang tawa ko talaga. So ang ending nun, sa kasarapan ng pagbasa ko... Ayun, pag silip ko sa bintana, lagpas na pala kami. :))

 Tapos sorry siya ng sorry. Di daw niya kasi alam yung place. :))

Tagal pa bago magkita uli. Magka-countdown na naman kami... 21 days...

Thursday, August 2, 2012

Decode

Share ko lang...


July 23, 2012

Pagkatapos naming magpaalam sa isa't isa na matutulog na e hindi naman ako nakatulog kaya gumawa na lang ako ng poem entitled Reminiscing At Dawn. Hindi naman talaga ako mahilig gumawa ng poem... pero para sa pag-appreciate sa mga nagawa niya para sa akin e nagsulat ako.

Kaya naman ganun ang title nun e dahil ibinagay ko sa initials ng pangalan niya. "R.A.D." Sumakto naman yung title kasi madaling araw na nun.

At nung morning pagkagising ko e nakatanggap ako ng message galing sa kanya.


You have a secret message! Try to decode it! :p

 J MPWF ZPV TFSFOFMMB

 Zpv bmxbzt tvsqsjtf nf.. Uibol zpv EZOB gps fwfszuijoh.. Gps uif mpwf, gps zpvs ujnf tqfou po nf, gps zpvs ubmfou uibu bmxbzr bnbaf nf. Zpv epou lopx ipx mvdlz J bn nffujoh zpv.. J ipqf up cf uifsf gps zpv, xifuifs zpv offe nf ps opu. J xbou up cf uif pof xip bmxbzt csjoh tnjmf vqpo zpvs gbdf. J xbou up cf zpvs sfbtpo gps cfjoh jotqjsfe. J xbou zpv up sfbmjaf uibu zpv epou offe up mppl gps puifs mpwf. J xjmm ep nz cftu up cf fopvhi gps zpv, ps up nblf zpv gffm Jn upp nvdi, uibu zpv epou offe up uijol pg gjoejoh puifs nbo. Zpv epou offe up sfnfncfs zpvs qbtu fyqfsjfodft cfdbvtf J xjmm qvu ofx, xf xjmm dsfbuf ofx nfnpsjft uphfuifs.. J mpwf zps NBSJF..

I asked him kung paano i-decode yun and he said na umatras daw ako ng isang letter para ma-unlock ko yung message niya. And that's what I did. Sooooobrang na-touch ako dun sa message na bigay niya... Kaso ang hirap i-decode. Nyahaha!

At dahil doon e nagbigay na naman ako ng poem para sa kanya... Sakit ng ulo ko sa poem.



LOVE, INDEED

It started with a simple friend request and
Landed into something deeper.
Our simple Hi's evolved into
Visions of wonderful love:
Enchanting, breath-taking,
Your memories now everlasting.
On your presence, my world becomes a
Utopian scenario:
Remarkable, rhapsodic, romantic,
Anticipating a bright future.
Love, care and trust:
Fruits of refined friendship.
A new page of our story
Now starts to unfold
Deal with it, embrace it,
Run with it, enjoy it.
Every second, every minute, every hour,
Wish for it, long for it,
Desire for it, hope for it.
Our paths now cross each other,
May we have the same footsteps forever.
It is the beginning; the beginning of
New wonders, of new captivating experiences.
Go with the flow,
Sing with the song,
Indulge this feeling, this great feeling...
LOVE, indeed.



May secret message diyan sa poem ko. Kung sino makahula, lilibre ko sa bday ko. Hohoho!
Flying Dark Blue Butterfly
Got My Cursor @ 123Cursors.com
Cute Blue Flying Butterfly